Cristine Reyes plans to spend quality time with her "families" this Christmas; still trying to reach out to sister Ara Mina

“E, siguro ganun akong tao, mapagmahal ako. Hindi ko kinakalimutan yung pinanggalingan ko,” says Cristine Reyes about the many families and relatives she plans to spend quality time with this Christmas season.


Magiging abala ang Pasko ni Cristine Reyes dahil marami raw siyang kailangang bisitahing pamilya.

“Siyempre, kasama ko yung family ko, at saka yung family ko na nagpalaki sa akin at, siyempre yung family ko…

"Marami kasi akong pamilya e,” nangingiting sabi ni Cristine nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Disyembre 17, sa Manila Intercon Hotel, kaugnay ng launching niya bilang pinakabagong endorser ng Calayan Surgi Center.

Tumangging magbigay-linaw ni Cristine sa sinasabi niyang maraming pamilya, maliban nga sa alam ng lahat na kapatid siya ng aktres ding si Ara Mina.

“It’s a long story. I don’t wanna elaborate on it,” mabilis niyang iwas.

Ibig sabihin dalawa ang pamilya mo?

“Marami,” tugon niya.

Matatandaang isa sa mga hinampo ni Ara kay Cristine ay ang pakikinig ng huli sa mga taong nakapaligid sa kanya, na siya umanong dahilan kung bakit naging kumplikado ang samahan nila, na humantong sa matinding away.

Hindi namin nagawang itanong ito kay Cristine dahil baka hindi hindi niya gustong pag-usapan ang tungkol sa sinasabi niyang iba’t ibang pamilya.

Kaya ang tanong na lang namin sa kanya ay bakit kinakailangang magkaroon siya ng maraming pamilya?

“E, siguro ganon akong tao, mapagmahal ako. Hindi ko kinakalimutan yung pinanggalingan ko,” esplika niya.

Tumango naman siya sa tanong namin kung kasama ba sa tinutukoy niyang pamilya ang pamilya ng kasintahan niyang si Rayver Cruz.

Paano niya hahatiin ang panahon niya at oras para puntahan ang sinasabi niyang mga pamilya?

“Sanay na ako e. Lagi ko naman yun ginagawa ever since, kahit noong bata pa ako,” dagdag niya.

Ilan bang pamilya ito?

“Kailangan ba talagang sabihin kung sinu-sino sila? Hindi na kailangang sabihin pa. Basta’t pamilya, pribado para sa akin.”



RECONCILIATION BLUES. Ayon pa kay Cristine, tuluy-tuloy ang pag-reach out niya para makapag-reconcile na sila ng Ate Ara niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Isa raw sa mga ninanais niyang Pasko ay ang magkaayos na silang dalawa.

Gaano ba niya kamahal ang kanyang Ate Ara at hindi siya tumitigil na abutin ito?

“Hindi na tinatanong ’yan. Alam naman… basta, hindi na kailangang sabihin pa,” tanggi niyang magsalita.

Posible kayang magsama sila ni Ara sa Pasko?

“I hope, hindi naman napuputol yung hope ko.”

Puwede bang ikaw ang gumawa ng move para magkabati kayo ngayong Pasko?

“Hindi ako tumitigil. Hindi po ako tumitigil talaga sa pagri-reach out na sana ay maayos na.

“My sister Heidi is communicating with her and still she [Ara] doesn’t want to talk to me.

“Well, I think, hindi puwedeng pilitin. So, huwag nating madaliin,” saad ng sexy actress.



MOM’S HEALTH CONDITION. Kumusta naman ang kanyang ina?

“Ayun, okey naman si Mommy. Madalas siya ngayong masugod sa hospital dahil sa high blood,” sagot ni Cristine.

Palagi ba silang okey ng mommy niya?

“Okay naman kami ng mommy ko.

"Hindi ko alam kung saan nanggaling yung issue na pinagmumura ko siya. And never kong minura ang mommy ko.”

Siyempre, nasasaktan ang mommy mo sa ganitong mga akusasyon sa inyong dalawa?

“Yes. Siyempre, bilang nanay, nasasaktan siya.”

Paano mo siya kinakausap? Hindi kasi showbiz ang mommy mo, at noon pa sa Ate Ara mo, hindi niya gustong malagay sa limelight.

“Hindi nga siya showbiz kaya ayaw ko sanang nadadamay siya sa mga write-ups,” sabi ni Cristine.

Siyempre, isa sa mga wish ng mommy mo ay magkaayos kayo ni Ara. Kinausap ka ba niya tungkol dito?

“Oo naman. Saka hindi lang naman siya ang may gusto. Pati rin naman ako.

"Madali lang naman akong kausap, e. Pag ready [siya], ready na ako any time.”



LEARNING FROM HER MISTAKES. Bakit magaan na sa kanyang pag-usapan ang tungkol sa tampuhan nila ng Ate Ara niya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“E, ganun talaga siguro, na kapag wala nang angst, parang we all learn our mistakes,” sabi niya.

Ano yung masasabing pinagsisihan sa mga pagkakamali mo sa banggaan ninyong dalawa ng ate mo?

“Actually, hindi pinagsisihan. It’s more on kung saan ka matuto…

“Ano ba ako? Di ba, impulsive, di ba?

"Kung ano yung emotion, ganun lang talaga lalabas.

"Kapag naiinis ako dahil may nakikita akong mali, talagang sasabihin kong mali yun.

"Ganun yun, e. Dun ako sa tama palagi. Palaban talaga ako.

“Hindi ko natu-tolerate yung maling gawain. So, alam mo yun?

"So, dun kailangan medyo prumeno ako sa bibig ko.”

Malaki ba ang tulong ni Rayver para makontrol mo yung pagiging impulsive mo?

“Shock absorber ko kasi siya, e!” natawang sabi ni Cristine.

“Hindi,” bawi niya, “okay, two years na kami. Kung... all in all, three years yung pagkakilala naming dalawa.

“In a span of three years, sobrang kilalang-kilala na niya ako, as in.

"So, siya talaga yung nakakaintindi sa akin kung saan ako nanggagling.”

Ikaw rin ba, iniintindi mo rin ba yung mga imperfections ni Rayver?

“Oo naman. Sobrang... hindi lang alam ng tao... ako yung out palagi, e.

"Pero sobrang lagi kong iniintindi rin si Rayver. Alam niya yun.”



LOVE MATTERS. Kumusta naman ang puso niyang dumaan sa mga personal na problema sa buhay?

“I mean, pagdating sa heart, lahat naman ng tao vulnerable, e.”

Sa hitsura ni Cristine, parang hindi napingasan kahit konti ang ganda at aura niya.

Napangiti si Cristine sa narinig, sabay sagot ng, “Ewan ko.”

Para kasing kaya na niyang hawakan at harapin ang mga intriga sa showbiz.

“Siguro, with the help of my friends at ng mga taong nagmamahal sa akin, nakakaya ko naman,” sabi niya.

Ano ba talaga ang status nila ni Rayver? Sila pa rin ba? May mga haka-haka kasing nag-break na raw sila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Haka-haka lang yun,” mabilis niyang paglilinaw.

“Kami pa rin. Kasama ko lang siya kanina,” dagdag niyang saad.

Bakit may mga ganung balita samantalang maayos naman ang kanilang relasyon ng aktor?

Nakangiting paliwanag ni Cristine, “Okey lang yun. At least may napag-uusapan.

"Pero ang masasabi ko lang, okey naman kami ni Rayver.

"To be honest, kasama ko siya kanina, nasa house siya kanina, so, ayun!”

Bakit away-bati ang relasyon ninyo ni Rayver?

“Siguro ganun lang ka-intresado yung mga tao sa mga konting bagay na tampuhan namin. Big deal sa kanila.

"So, which is para sa akin, okey yun. Kasi intresado sila sa amin.”

May isang tweet siyang lumabas na dahilan para paghinalaang bumigay na relasyon nila ni Rayver.

Sabi ni Cristine tungkol dito, “Ahmm, lahat ng mga galaw ko, napapansin. Iniisip ko na lang in a good way na, at least, napapansin ako. Kaysa naman deadma yung mga tao sa akin.”

Selosa ka bang girlfriend?

“Pag may dapat pagselosan, selosa ako.

"Pero kay Rayver naman, sobrang good boy ni Rayver, e. So, alam mo yun?

"Very blessed ako to have him kasi bihira ang gano’ng klaseng lalake... hindi lang sa showbiz, but in general! Bihira ang gano’n.”

Ano lang ang pinag-aawayan nila?

“Pa-cute-cute lang na away na pinalalaki lang ng tao. Kasi ano naman kami, e... Hindi naman tayo, di ba?

“Nakikita nila na minsan nagkaka-iritahan... ako ganyan. Lumalaki lang.

“Wala siguro silang masulat. So, kami lang.”

Hindi pa ba napag-uusapan ang kasal?

Napangiti si Cristine at saka sinabing, “Grabe naman, twenty-three years old pa lang ako.”

ISSUES. Nakarating na rin kay Cristine ang pagkakaroon ng crush sa kanya ni Senator Koko Pimentel.

At ang nakangiti niyang comment tungkol dito: “Well, I’m flattered. Aminado siya na humahanga siya sa akin. Pero…”

Ano naman ang reaction niya sa balitang hiwalay na ang ex-boyfriend niyang si Dennis Trillo at Bianca King?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Grabe naman ’yan!” sambit niya.

“Wala ako sa posisyon para magsalita sa relasyon ng ibang tao, di ba?” magalang niyang iwas.

Isa sa mga isyu na dinaanan ni Cristine ngayong 2012 ay ang pagkaka-link nito kay Derek Ramsay, na dahilan para mabalitang naghiwalay raw sila ni Rayver.

May nakakita pa raw sa kanila ng aktor sa Pico de Loro, isang resort sa Nasugbu, Batangas.

Napangiti si Cristine at saka kinumpirma na nagkita nga sila ni Derek sa nasabing beach resort.

“Kasi that time, nandun ako with my sister and friends. Tapos si Derek, nandun din with his family.

“So, nagkita kami doon... and sa amin naman, okey lang makita kami together kasi wala namang something, e.

“And we still go out with friends naman.”

Hindi ba nagseselos si Rayver?

Mabilis niyang sagot, “Hindi, kasi minsan kasama namin si Rayver. Minsan pumupunta kami sa bahay ni Derek.”

Madalas ba kayong magkita nina Derek?

“Ever since nag-start yung No Other Woman, minsan nagha-hangout na kami nung sila pa ni Angel [Angelica Panganiban]. Nagpupunta kami sa bahay nila.”

Close ba siya kay Angelica Panganiban? Matagal na kasing hiwalay sina Derek at Angelica.

“Oo, pero parang mas naging close na ako kay Derek kasi luku-luko ’yon, e.

"Pero si Angelica naman, kapag nagkikita kami, tsikahan din kami.”

Hindi naman naapektuhan yung closeness mo kay Angelica kahit close ka pa rin kay Derek?

“Hindi,” agad niyang sagot.

“I’m sure wala naman kebs [pakialam] si Angelica doon,” sabi pa ni Cristine.

Sinu-sino ba sa mga tiga-showbiz ang masasabing close talaga sa kaniya?

“Subok na si Jade Lopez na ka-batch ko sa StarStruck. Si Christian Esteban ka-batch ko sa StarStruck...

"Si Katrina [Halili], nakakapag-communicate na lang kami sa Twitter… Sino pa ba?

"Si Nadine [Samonte] thru Instagram, si Shena [Halili].

"Tapos, si Bea Saw Tan, yung sa PBB [Pinoy Big Brother]. Si Janus del Prado...

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Actually, lahat ng mga nakakatrabaho ko... marami!”

NEW YEAR’S PLANS. Ngayong New Year, may nakahanda na ba siyang plano? Kung saan niya ito gustong ipagdiwang?

“Hindi ko alam, e. Baka may reunion pa kami sa Santolan,” pagbanggit niya sa bayan sa Pasig kung saan sila tumira noon, maliban sa Marikina.

Ano naman ang plano niya sa susunod na taon?

“Ahmm... yun, teleserye [Bukas Na Lang Kita Mamahalin], pagbubutihin ko.

"New movie again, may bagong endorsement uli next year. May mga plans pa pero hindi ko pa muna gustong sabihin ngayon.”

Ang sinasabi ba niyang gagawing pelikula ay follow-up movie matapos ang No Other Woman, na diumano’y pagsasamahan nila ni Claudine Barretto?

“Hindi pa final, so hindi ko pa masabi,” sagot niya.

Paano ba niya ia-assess ang 2012 in terms of her career?

“Para sa akin, ahmm, yung 2011-2012, eto yung pinakamasaya kong year dahil ang dami kong na-achieve—Box Office Queen na hindi ko ini-expect.

"Sa lifetime ko, sa career ko, parang ang dream ko, best actress, pero ang ibinigay sa akin Box-Office Queen.

“Wow! Thank you Lord. So, para sa akin, blessing siya.

"And endorsements, tuluy-tuloy. Hanggang next year, meron na.

"Ngayon may Calayan na, parang pahabol pa sa Christmas. So, I’m very happy.”

Maliban sa intensyon niyang makapag-usap sila ng kanyang Ate Ara, wala na raw ibang kahilingan pa si Cristine.

“Wala na. Sobrang bonus na itong Calayan and wala na akong mahihiling pa.”

Sa dami ng mga magagandang kaganapan sa career ni Cristine, mukhang hindi naapektuhan ang imahe nito sa showbiz at sa mga advertisers.

“As long as alam mo naman kung nasaan ka. Kung tama ka, hindi ka maapektuhan sa mga paninira sa iyo.”

Tapos na ba ang panahon ng pag-iyak dahil sa mga issues at pambabatikos na ibinabato sa iyo?

“Lahat naman ng tao dumadaan doon, and I’m sure hindi matatapos ang panahon ng pag-iyak hanggang buhay ka,” seryoso niyang saad.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN