Dion Ignacio unfazed by new breed of teen stars; grateful that he and Starstruck batchmates are busy with projects

Mataas ang respeto at paghanga ni Dion kay Direk Gina Alajar, ang kanilang direktor sa Magdalena.


Thankful ang Kapuso hunk na si Dion Ignacio dahil naging maganda ang pagtatapos ng 2012 para sa kanyang showbiz career.

Nakadalawang top-rating afternoon shows siya last year, angThe Good Daughter at Magdalena.

Parehong maganda ang naging roles niya sa mga series na ito kaya lalo raw siyang nag-improve bilang isang dramatic actor sa telebisyon.

Sa role niya ngayon bilang Abel sa Magdalena, pinagbubutihan niya parati dahil nakatutok daw nang husto ang kanilang director na si Gina Alajar.

Aminado si Dion na marami siyang natutunan kay Direk Gina nang ito ang natokang director nila.

“Si Direk Gina kasi, first time ko siyang makatrabaho as director. Pero noong time namin sa Starstruck noon, isa siya sa mga nagbibigay ng acting workshop sa amin.

“Kung before may mga natutunan na kami, mas lalo ngayon dahil hinawakan na niya kami sa isang series,” paliwanag ni Dion nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa set ng Magdalena sa Quezon City.

"TEACHER" GINA. Natatawang sabi pa ni Dion na cool daw si direk Gina. Pero kapag take na, nagiging seryoso raw ito.

“Mabait naman si Direk Gina. Actually, palabiro nga siya,” bawi niya.

“Kapag breaktime namin sa taping, kasama namin siyang kumain at nagkukuwentuhan kami.

“Kapag biruan, kasama siyang nakikipagbiruan sa amin.

“Pero kapag time na magtrabaho, talagang serious na siya.

“Sinabi naman niya na kapag trabaho, trabaho tayo. May oras para sa biruan pero may oras din para sa trabaho.”

Kaya nga hangga’t maaari ay gusto nilang makuha na nila ang eksena sa one take lang.

“Nakakahiyang magkamali kapag nagdidirek na si Direk Gina.

“Magaling kasi siyang artista. Huli ko siyang nakatrabaho sa series na Amaya at ang galing-galing niya roon.

“Kaya kaming lahat sa set, kami nila Bela, Pancho [Magno], Pauleen [Luna], talagang nakikinig kami sa mga instructions niya.

“Ayaw naming mapapagalitan dahil pumalpak kami sa isang eksena. Kaya talagang pinaghuhusay namin para parating natutuwa si Direk Gina sa amin,” ngiti pa ni Dion.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Marami ngang mga eksenang pinapaiyak si Dion sa Magdalena. Inamin niyang nahihirapan siya noon kapag may iyakan na eksena.

Nakakuha raw siya ng magandang tip mula kay Direk Gina para magawa niya ang ganung klaseng eksena.

“Yun ang problema ko before, e. Hindi ako makaiyak ng tama,” pag-amin niya.

“E, marami sa mga scenes ko kailangan iiyak ako.

“Nahihirapan akong lumuha talaga.

“Pero dahil kay Direk Gina, naging madali na para sa akin.

“Isang payo lang ni Direk Gina sa akin ay huwag akong masyadong mag-isip ng kung anu-ano.

“Huwag kong isipin na kailangan ma-perfect ko ang scene. Ang ilagay ko lang sa isipan ko na magagawa ko ang eksena.”

Isa pa ring payo ni Direk Gina sa kanila ay ang basahin ang buong script at hindi lang ang mga linya nila.

Isang paraan daw iyon para makilala rin nila ang ibang characters ng series.

“Before kasi yung mga lines ko lang ang inaalam ko. Ngayon pati ang mga lines ng ibang kaeksena ko, alam ko na rin.

“Mas nagiging familiar ka sa takbo ng story kapag alam mo ang nangyayari sa ibang characters ng series.

“Naikokonek mo sila sa character mo kaya mas madali lang maka-build up ng emotions na kailangan.”

COMFORTABLE WITH BELA. Bilang paghahanda para sa kanilang roles sa Magdalena ay dumaan sa sensuality workshop sila Dion at Bela Padilla.

Paraan daw ito para mawala ang hiya nila sa bawa’t isa kapag may ipapagawa na maselang eksena sa series.

Malaking tulong nga raw ang naturang workshop na iyon dahil mas naging kumportable raw sila Dion at Bela sa isa’t isa.

“Mas relaxed na kami ni Bela lalo na kapag may ginagawa kaming mga kissing scenes or love scenes.

“Wala na yung naiilang kaming dalawa. Okey lang na naghahawakan kami, nagyayakapan, yung nagdidikit ang mga katawan namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kumbaga may tiwala kami sa isa’t isa at siyempre, yung tiwala namin kay Direk Gina ay nandoon din.

“Alam naming maganda lalabas yung eksena kahit sensual siya,” ang kuwneto pa ni Dion.

Hindi ba na-turn on si Dion kahit minsan kay Bela nang gawin nila ang mga sensual na mga eksena sa Magdalena?

“Uy, wala namang gano’n... may control na tayo ngayon!” sabay tawa niya.

“Yun, dun ang malaking tulong ng sensuality workshop. Natuturuan kang ma-control ang mga emotions mo sa mga ganung eksena.

“’Tsaka siyempre, professional naman tayo. Ayokong mababastos ang kaeksena ko.

“Nakakahiya naman kay Bela kung ma-turn on ako bigla, ‘di ba? Baka bigla akong sampalin!” patuloy na tawa pa ni Dion.

Imposible rin daw na magkagustuhan sila Dion at Bela dahil pareho silang may karelasyon sa totoong buhay.

Boyfriend ni Bela si Neil Arce (na dating boyfriend ni Maxene Magalona) at may non-showbiz girlfriend naman si Dion.

“Masaya pareho ang lovelife namin ni Bela kaya hindi kami puwedeng matsismis.

“Tama na yung maayos na nagagawa namin ang trabaho namin.

“Thankful nga kami sa GMA-7 na binigyan kami ng ganitong project ni Bela.

“Malaking tulong ito para sa aming pag-grow bilang mga artista.”

NOT INSECURE WITH YOUNGER STARS. Leading man status na nga si Dion ngayon pero marami na rin ang bini-build up na maging leading men ng Kapuso network tulad nila Alden Richards, Derrick Monasterio, Kristoffer Martin, Benjamin Alves, at iba pang baguhan.

Hindi ba siya nai-insecure na pabata nang pabata ang mga makakasabayan niya ngayon?

“Hindi naman mawawala yung mai-insecure ka. Siyempre kasi mga bago na ang mga ito. Saan na kami ilalagay next, ‘di ba?

“Kaya nagpapasalamat pa rin ako na heto may project tulad ng Magdalena na bumabagay sa edad namin.

“Nasa category na kami ng adult drama, e. Yung mga bago, teen drama na muna sila.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ikinatutuwa ni Dion na active pa rin ang ibang kasama niya sa unang batch ng Starstruck. May mga trabaho pa rin sila.

[“Nandiyan pa rin naman si Mark [Herras], si Jennylyn [Mercado], magaling na TV host na. Nandiyan pa rin si Sheena [Halili].

“Yung mga lumipat tulad ni Cristine [Reyes[ at Nadine [Samonte], may kanya-kanya silang mga projects.

“Si Yasmien [Kurdi], ayun may sarili ng pamilya. Pati na rin si Katrina [Halili]. Pero gusto pa rin nilang nasa showbiz sila.

“Kaya ngayong bagong taon, wish ko lang na magtuluy-tuloy lang ang trabaho.

“Kahit na may mga bago, huwag naman kaming makalimutan,” pagtatapos pa ni Dion Ignacio.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN