Ejay Falcon on talk about having a gay benefactor: “Tanggapin na lang natin ‘yan na kaakibat ng trabaho yung mga ganoon.”

Bukod sa pag-arte, mayroong ibang katangian ang nakita ng ABS-CBN kay Ejay Falcon para i-launch siya sa Dugong Buhay. Ayon kay EJ, “Gusto nila kasi matangkad na lalaki, yung moreno na parang ganoon. Siguro nakikita nila yun sa akin, sabi nga nila, yung tikas.”


Itinuturing ni Ejay Falcon na launching series niya ang ABS-CBN television adaptation ng movie original na Dugong Buhay.

Proud niyang ipinagmalaki sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang paghahanda niya para sa pagganap niya sa action drama series.

“Grabe! Ito ang teleserye ko na grabe ang paghahanda.

“Sumabak ako sa kung anu-anong workshop, sa kung anu-anong training, like sa martial arts… marami-marami.

“Halos every day na kaming mga magkakasama—yung kaming mga artista.

“Nag-workshop ako kay Tito Nonie Buencamino… ididirek ito ni Direk Toto Natividad.”

Gaano siya ka-excited sa Dugong Buhay?

“Excited! Sobra, lalo na kay Tito Toto. Kasi gumawa kami ng indie na iprinudyus ng ABS-CBN din—action naman.

“So, di ba, yung mga ginawa niya dati, like kay Cesar Montano, parang ganoon yung mga action scene.

“Gusto ko naman, kaya masarap!”



ORIGINAL MOVIE. Unang ginawa sa pelikula ng mag-amang Senator Ramon Revilla Sr. at Senator Bong Revilla Jr. ang Dugong Buhay noong 1983. Naging blockbuster ang pelikulang ito.

Plinano itong i-remake ni Senator Bong sa pelikula na pagsasamahan sana nila ng anak na si Jolo Revilla, pero nakuha ng Kapamilya network ang rights nito para isalin sa isang television action series.

Ngayong ibinigay na ito kay EJ, hindi imposibleng malaki ang expectations sa kanya ng manonood.

Reaksiyon niya, dito “Nagpapasalamat na lang ako at sana magustuhan ng mga tao kasi pinaghirapan ito.

“Pero sa totoo lang, kinakabahan ako. Iba yung tiwalang ibinigay sa akin, e.

“Ako yung parang starring dito, teleserye ko nga—yun ang sinasabi nila.

“Pagbubutihan ko na lang at sana magustuhan ng tao.”



NETWORK TRUST. Ano sa palagay niya ang dahilan at pinagkatiwalaan siyang bigyan ng Kapamilya network ng malaking TV project?

Tugon ni Ejay, “Ewan ko. Pero nakikita naman nila na simula noong nagsimula ako, nag-improve ako.

“At alam nila na pag binigyan pa nila ako, mas mag-i-improve pa ako. Naniniwala siguro sila doon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Alam nila na seryoso ako sa trabaho ko at mas mamahalin ko pa ang trabaho ko.

“Siguro rin sa physical? Gusto nila kasi matangkad na lalaki, yung moreno na parang ganoon. Siguro nakikita nila yun sa akin.

"Sabi nga nila, yung tikas—yun ang sinabi nila sa akin noong prinisent nila sa akin yung project.

"Gusto raw nila sa akin yung tikas.”



GAY BACKER. Kakabit ng napipintong pagbibida ni Ejay ay ang hindi mamatay-matay na isyung malakas daw ang backer nitong isang maimpluwensyang bading sa showbiz.

“Ay, naku!” gulat niyang reaksyon.

“Sa totoo lang po, yung mga boss ko rito, mga babae.

“Unit nila Ms. Genie Ocampo, dating grupo nina Tita Malu [Sevilla], so wala pong ganoon dito sa unit nito.

“Kung sa bading man na sinasabi nila, wala po sa unit na ito—maliban lang sa make-up artist namin.

“Kahit directors namin, dalawa, lalaki. So, wala po talaga.

“Mula sa pinakamataas namin, babae.

"Kung may bading man sa amin, make-up artist or P.A. [production assistant].”

Kahit deserve niyang magkaroon ng chance para sumikat, bakit hindi pa rin nawawala ang dudang merong bading na gumagawa ng paraan para maabot niya ang pagiging big star?

Sabi ni Ejay, “Lahat naman yata kami sa ABS, lalo na yung mga young actors, kahit sa lahat ng kasabayan ko, ganoon ang isyu.

“Wala, e. Hindi na mawawala yung mga ganoong intriga sa mga young actors.

“Tanggapin na lang natin ‘yan na kaakibat ng trabaho yung mga ganoon,” saad niya.

Naiilang na ba siyang dumikit sa mga bading lalo’t may mga isyung ganito?

“Hindi… anong dumikit?” paglilinaw niyang tanong.

Tulad ng makihalubilo, makipagtsikahan, at makipagbiruan?

“Hindi, hindi ako naiilang. Siguro dati...

"Sa trabaho kasi namin, di ba, mas napapaligiran kami? Paanong hindi ko kakausapin yung isang tao? Paano yun?

“So, paano nila… sila yung mga katrabaho ko, e. So, dapat talaga sila yung nakakasama ko.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Masasabi bang deserving niya ang TV project na ito nang wala siyang kinakapitang bading?

“Ay, wala. Basta, makikita ninyo na mula sa pinakamataas namin ay puro babae.

“Baka naman itsismis nila ako sa matrona or sa… mga ganoon?” natatawang sambit ni Ejay.



NO LOVELIFE. Isa pa sa basehan ng hindi malusaw na pag-uugnay kay Ejay sa bading ay ang kawalan ng babaeng nali-link o nababalitang nililigawan ng young actor.

Paliwanag niya, “Ay, hindi naman talaga ako nanliligaw. Wala talaga akong nililigawan.

“Alam ko pag nanligaw ako, medyo papunta na doon yun, e—seryoso na ako.

“Huwag muna... huwag muna. Trabaho muna ako.”

May nagbabawal ba sa kanya na manligaw?

“Hindi, wala. Choice ko yun.

"Sarap magtrabaho… sarap ng wala kang ibang iniisip.

“Pag dumating na at pag kayang-kaya ko na kahit may girlfriend ako, kaya ko nang pagsabayin.”



COMPETITION. Ang gaganap na kontrabida ni Ejay sa Dugong Buhay ay ang anak ni Syvia Sanchez na si Arjo Atayde, na noong nakaraang taon ay nanalo bilang Most Promising Male TV Personality sa Star Awards for TV.

Pero bago ito, marami na ang humahanga sa potensiyal ni Arjo na maging isang mahusay na aktor.

Hindi ba nai-intimidate si Ejay kay Arjo?

Tugon niya, “Hindi, kaibigan ko yun.

"Sa ngayon, siya ang masasabi kong best friend kasi lagi kaming magkasama.

“Hindi, walang ganoon. Dapat nga magtulungan pa kami.

“Napakabait nun, wala akong masasabi."

Dagdag niya, “Pero kung sa acting at acting din lang naman, sino bang tao ang gustong magpatalo, di ba?

“Lalaki kami pareho. Siguro kung magaling siya, e, dapat akong magsikap, di ba? Dapat pantayan ko na lang.”

Ibig sabihin, handa siyang tapatan kung ano ang ibigay ni Arjo, lalo’t sinasabi pinag-aaralan niyang mabuti ang karakter niya sa serye?

“Ah, oo. Oo naman! Saka magtutulungan na lang kami,” sabi ni Ejay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



SLOW DOWN. Inalam din namin kay EJ kung ano ang masasabi niya sa nakaraang 2012 pagdating sa itinakbo ng kanyang career?

“Masaya, pero hindi ganoon ka-busy. Masasabi ko na hindi ganoon ka-busy.

“Ginawa ko yung Mundo Man ay Magunaw and then, after noon, puro trainings na ako.

“Noong July pa natapos yung Mundo Man… then after that wala na akong series.

“Kasi hinintay ko talaga ito [Dugong Buhay]. Hindi ako puwedeng tumanggap ng project kasi tali na ako na dito.

“Ibinigay ko na ang lahat-lahat ko dito.

“So, ayoko munang tumanggap, dito lang muna sa Dugong Buhay."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN