Vin Abrenica on making it in showbiz: “Kung dati, walong lalaki ang kalaban ko, ngayon, kalaban ko na lahat ng lalaki.”

Vin Abrenica on working with Superstar Nora Aunor: “Ninenerbiyos po talaga ako, nai-starstruck pa rin po ako. Pero so far ngayon, comfortable na po ako kasi, naging nanay-nanayan ko si Ate Guy.”


Naka-ilang taping na rin sa Baguio ang Never Say Goodbye, ang bagong primetime series ng TV5 na pinagbibidahan ng Artista Academy winners na sina Vin Abrenica at Sophie Albert.

Naging maagang Pamasko para sa dalawa nang ibalita sa kanila noong Disyembre na magbibida na sila sa kanilang kauna-unahang primetime series.

Nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Vin sa Camp John Hay, Baguio, noong Linggo ng gabi, January 13, sinabi namin sa kanya na napakasuwerte nila ni Sophie sa ibinigay na show sa kanila ng Kapatid network.

Saad ng newcomer, “Ako, feeling ko, lalo na kapag nakikita ko ang mga cast, para sa akin, masuwerte ako.

“Sobrang masuwerte para sa akin."

Puro dekalibreng artista ang kasama nila ni Sophie sa cast: Cesar Montano, Alice Dixson, Gardo Versoza, at ang Superstar na si Nora Aunor.

“Kasi, simula ng buhay ko, nagre-reminisce ako, simula bata ako, nagdyi-jeep lang ako, nagta-tricycle.

“So, walang downfall ang buhay ko, lahat, paangat nang paangat.”

Si Vin na rin ang nagpatunay na wala siyang naranasang mga matitinding pagsubok o hardship sa buhay.

“Yung hardship ko sa buhay, yung akala ko dati sa family ko na masisira.

“Pero okay na rin siya ngayon kaya happy ako,” sabi niya.



UP OR DOWN. Hindi ba natatakot si Vin na posibleng hindi puro masasaya lang ang nangyayari sa buhay ng isang tao? Na baka isang araw, dumating yung sinasabi niyang “downfall” naman?

Tugon niya, “Para po sa akin, siyempre natatakot din po ako kung merong darating na ganoong downfall—huwag naman po sana.

“Pero kung may darating man... Actually, tama po kayo, baka may downfall na sobrang wala.

“Natatakot naman ako. Pero hindi ako nag-e-expect.

"Basta ako, ginagawa ko ang best ko, at yun ako—happy ako.

“At handa naman ako. Kung hindi man ako handa, maghahanda ako,” saad niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



ACTING AWARD. Kahit baguhan pa lang si Vin sa industriya, isa sa mga pinapangarap niya ang makatanggap ng award.

“Gusto ko pong magkaroon ng award pagdating sa acting…

"Kumakanta po ako, sumasayaw po ako. Actually, nagkaroon po ako ng award sa AA na ako ang Best Dancer.

"At ngayon, gusto ko pong magka-award sa acting.

“Gusto ko pong may mapatunayan din.”

Puro drama ang mga eksena ni Vin sa Never Say Goodbye, at bilang wala siyang masabing masasakit na karanasan sa buhay, ano ang mga pinaghugugutan niya ng emosyon?

“Yung pinaghuhugutan ko po talaga… what if this is a real situation talaga?

“Yun po ang pinaghuhugutan ko talaga. Lalo na kay Ate Guy [Nora], pareho sila ng mata ng nanay ko.

“Kapag nakikita kong namumula na ang mata ni Ate Guy, nakikita ko ang mata ng nanay ko na umiiyak. Yun po talaga.”

Dugtong pa niya, “Yung sa mata po niya, iba po talaga.

"Nagugulat po ako, nakakalimutan ko ang linya ko.

“Pero dati po yun, ngayon, okay na po. Naging comfortable na po ako.”



SUPERSTAR. Ang Superstar ang gumaganap na nanay ni Vin sa Never Say Goodbye.

Wala ba siyang kaba, pagka-ilang, o takot na kaeksena niya ito bilang isang baguhan?

“Ninenerbiyos po talaga ko, nai-starstruck pa rin po ako,” pag-amin ni Vin.

“Pero so far ngayon, comfortable na po ako kasi, naging nanay-nanayan ko si Ate Guy.”

May mga ipinapayo na ba si Nora kapag kausap niya?

“Ang ina-advise po sa akin ni Ate Guy… attitude po.

“Sinasabi niya na, ‘Kahit saan ka man makarating, ang importante, yung mga taong tumulong sa iyo noon. Dapat huwag mong kakalimutan iyong mga yun, kasi noong wala ka pa, sila na yung tumutulong sa ‘yo.’

“So, yun po ang importante—attitude talaga.”



MAKE OR BREAK. Unang show pa lang nina Vin at Sophie simula nang manalo sila sa Artista Academy, pero malaki na agad.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi ba nalula si Vin nang malaman niya kung sino ang mga artistang kinuha ng TV5 para sumuporta sa kanila?

“Nakakalula po, grabe!" bulalas niya.

"Noong malaman ko ang cast, nakakalula po talaga—Nora Aunor, Cesar Montano, Gardo Versoza, Alice Dixson—nakakalula po talaga!

“Pero happy po ako na kasama namin sila. Para sa amin din ito.

“Malaking help para sa amin—for experience and para sa show.”

Puwedeng ring maging “make or break” ang Never Say Goodbye para sa kanila ni Sophie.

Pag-amin naman ni Vin, “Natatakot din po ako.

“Siyempre po, hindi naman mawawala ang takot dahil may mga kasabayan kami sa kabilang istasyon na bigatin din po sa pagsalubong sa 2013, kasabay namin.

“So, iniisip ko, natatakot din po ako.

“Pero, ang paniniwala ko, ang taong desidido, may mararating po.

“At desidido naman po ako at ibibigay ko ang lahat para sa Never Say Goodbye.

“Kasi, parang magiging basehan po nila ito after ng Artista Academy kung karapat-dapat po ba kaming maging Best Actor at Best Actress.”



KUYA ALJUR. Noong ianunsiyo na si Vin ang nanalo sa Artista Academy, nakita raw nitong mas nauna pang naiyak sa kanya ang kuya niyang si Aljur Abrenica habang nakaupo sa audience ng Smart-Araneta Coliseum.

Hanggang ngayon, patuloy pa rin daw siyang gina-guide ng kapatid.

Saad ni Vin, “So far, yung mga advise niya sa akin, yun pa rin.

"Tina-track niya ’ko. Tinitingnan niya schedules ko, mga nangyayari sa career ko.

"So far, so good daw.

“Sinasabi niya lang sa akin, ‘May kailangan ka pa ba? Kailangan mo ng gamit? Ano kailangan mo sa taping?’

“Actually ngayon, hinahanap niya ako ng P.A. [personal assistant] at saka driver. Ganoon po siya ka-supportive.”

Natawa naman si Vin nang tanungin namin kung mula ba nang mag-Artista Academy siya, mas dumami ang mga babaeng lumalapit sa kanya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sa tingin ko naman po, mas napapansin na nila ako ngayon,” tugon niya.

Sino sa palagay niya ang mas playboy sa kanila ng kuya niya?

“Ay, ako po, mabait po akong bata!” natatawang tila pagbibiro niya.

Sino ang mas matinik sa kanila sa babae?

“Yung kuya ko, na-advise-an ng daddy ko. E, ang daddy ko, matinik talaga.

“Naku, uupakan ako ng Kuya ko rito,” natatawang sabi pa niya.

“E, guwapings siya, simula bata kami, ganoon na siya.

“So, saludo ako sa kanya pagdating sa mga ganoong bagay.”



NEW HOUSE. Kinumusta namin kay Vin kung nakalipat na sila sa bagong bahay na sinabi ni Aljur noon.

Ayon kay Vin, “Hindi pa rin po kami nakakalipat kasi hindi kami natuloy. Hindi sila nagkasundo noong nagbebenta.

“Parang noong malaman na siya ang kukuha, parang tinaasan po yata.

“Kaya ako po, sa iPad ko, nandoon po ang mga links, tumitingin ako ng mga bahay.”

Share na ba sila ng Kuya niya sa pagbabayad ng bahay nila?

“Actually, sabi niya po sa akin, kaya siya kukuha ng bahay, kasi malakas ang loob niya na nandito raw po ako.

“Ako raw po ang nagiging drive niya.

"Ako naman, na-inspire naman ako na sinasabi niya sa akin. Yun.

“Sobrang bait na kuya po at masuwerte po ako na nakababatang kapatid.

“Sinasabi pa niya sa akin na noong bibili ng bahay, kung kaya ko ba siyang bigyan ng ganitong amount every month.

“Sabi ko, ‘Sige, Kuya.’ Talagang inaalalayan pa niya ko.

“Pero sabi niya, ‘Huwag ka munang magbayad, ako muna. Mag-ipon ka muna.’”



GETTING CLOSE. Noong ongoing pa lang ang Artista Academy, nakita at naramdaman na ng karamihan ang closeness nina Vin at Sophie.

Ngayon, kumusta na silang dalawa?

“We’re happy,” mabilis at nakangiti na sagot ni Vin.

Natawa naman ang baguhang aktor nang sabihin namin na mukhang masaya nga sila dahil maging mata niya ay tila nakangiti sa pagbanggit pa lang sa pangalan ng ka-loveteam.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sila na ba ni Sophie?

“Hindi, hindi po talaga. Swear,” nakangiti niyang sabi.

Pero noong Artista Academy pa lang, hindi ba’t nililigawan na niya ito?

“Hindi po, crush po.

"Pero, wala pa akong nililigawan simula nang pumasok ako sa Artista Academy, wala pa akong planong manligaw.”

Yung sweetness na nakikita sa kanila ni Sophie, ano lang yun?

“Natural na po namin, sweet na talaga kami and we’re best friends, Artista Academy pa lang.

“So close talaga kami at hindi plastic na ginagawa lang namin for the loveteam.”

Ayaw ba niyang ligawan na nga si Sophie?

“Ayoko muna,” sabi ni Vin.

“Kakasimula ko pa lang at ayoko munang magkaroon ng relationship na magkakaroon ng ibang oras para sa ganoong bagay.

“Gusto ko munang mag-concentrate para sa sarili ko at sa career.”

Kung sakali, palagay ba ni Vin ay makakasagabal sa career niya kung maging sila?

“Magiging inspirasyon po, pero may time na kung magkakaaway kayo, magiging conflict din.”

Nag-away na ba sila?

Natatawang kuwento ni Vin, “Minsan po, kapag bagong gising ako, pinagti-tripan niya ’ko.

“Alam niya kasi, kapag bagong gising ako, medyo slow pa ’ko… yung wala pa ko sa sarili ko.

“Tinatanong niya ako nang tinatanong—pinag-iisip niya ako.

“E, ayoko ng ganoon. Mananahimik na lang ako at mapi-feel na niya na napipikon na ’ko.”



KISSING SCENE. Sa Never Say Goodbye, may kissing scene na raw sila ni Sophie.

Sabi ni Vin, “Actually, gulat kami. Kasi, first scene namin sa Benguet, yun agad ang kinunan.”

Kumusta naman?

“Nagkaka-ilangan kami. At nahalata ni Direk [Mac Alejandre] na uneasy kami.

“Lalo na si Sophie, babae siya—parang hindi siya comfortable, parang naninigas siya.”

Naranasan na ba nilang makagalitan ni Direk Mac Alejandre dahil nagkamali sila o ng ibang co-stars nila?

“Wala naman po, so far so good,” sabi ni Vin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“From director pababa, lahat po, maayos po ang pagtrato sa amin at ganoon din po kami sa kanila.

“At kung may mga eksena po na hindi nagugustuhan ni Direk, sinasabi po niya na ito ang ginagawa namin.

“Pero tinuturuan niya po kami in proper ways.”



LOOKING AHEAD. Sa huli, tinanong namin kay Vin kung paano niya tinitingnan ngayon ang kanyang 2013.

“Ang ganda, ang ganda ng 2013. Sana mas maganda pa siya ngayon.

"Kasi po, ang 2012 ang pinakamagandang year ng buhay ko—nanalo ako, naka-graduate ako, nagkaroon ako ng teleserye.

“So, ngayong 2013, ine-expect ko, sana mas maganda siya. Ngayon, mas desidido ako ngayon.

“Kung dati, walong lalaki ang kalaban ko, ngayon, kalaban ko na lahat ng lalaki.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN