Jennylyn Mercado on her workload: “Wala naman akong karapatang magreklamo... artista lang ako.”

Nang tanungin si Jennylyn Mercado tungkol kay Patrick Garcia at ang responsibilidad nito bilang ama ng anak nilang si Alex Jazz, mabilis ang reaksiyon ng actress-TV host: “Hindi ko alam sa kanya... bahala na. Kasi ako naman, hindi maganda yung namimilit. Pangit yun.”


Sa pagpasok ng malaking serye sa GMA-7 na Indio, na pinagbibidahan ni Senator Bong Revilla Jr., tiyak nang magiging maganda ang daloy ng career ni Jennylyn Mercado na isa sa lead actresses dito.

Pero umaasa si Jennylyn na mas dumami pa ang projects na gagawin niya sa taong ito.

“Sana tuluy-tuloy na ang projects saka endorsements.

"Kasi, kumbaga, yun ang parang basehan ng artista ngayon, e—paramihan sila ng endorsement.

"Sana may pumasok pa,” asam ni Jennylyn.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jennylyn sa dressing room niya sa H.O.T. TV noong Linggo, January 13, bago siya sumalang bilang isa sa mga host ng naturang programa.

EXPOSURE FOR ALEX JAZZ. Kasama ni Jennylyn sa isa niyang endorsement ang kanyang anak na si Alex Jazz.

Sa mga nakaraang interview namin kay Jennylyn, sinabi nitong ayaw niyang ma-expose sa endorsements ang anak dahil bata pa raw ito.

Bakit pumayag siyang mag-endorso ang anak nila ni Patrick Garcia sa pagkakataong ito?

Paliwanag niya, "Pictorial lang... mga pictorial at saka second year na namin ito sa kanila kaya parang family na namin sila... yung San-Yang."

Bukas na ba siya sa posibilidad na mag-endorse pa ng ibang product si Jazz?

"Hindi ko pa alam... kung pictorial siguro, puwede. Pero tignan natin.

"Gusto ko kasing ma-enjoy niya yung pagiging bata niya."

MORE DIVERSE ROLES. Pagdating naman sa kanyang acting career, umaasa si Jennylyn na makagawa siya ng iba namang klaseng project ngayong taon.

“Kasi ano, e... parating drama. Para lang maiba.

“Siguro medyo light ng konti... parang light-comedy-romantic.

"Kasi parang sa loob ng walang taon, wala akong ibang ginawa kundi ang umiyak.

“Pero okey lang naman kasi nadadala ko naman yung mga tao… para lang maiba.”

SARAH LAHBATI. Kasama ni Jennylyn sa cast ng epicseryeng Indio si Sarah Lahbati.

Tinanong namin siya kung hindi ba siya natatakot na baka dahil sa controversy ng young actress, maapektuhan ang appeal sa televiewers ng latest TV project nila?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Huwag naman sana,” sambit niya.

“Kasi iba naman yung Indio, iba naman si Sarah Lahbati. Iba rin naman yung character na pinu-portray niya doon…

“Magaling siya doon, so sana mapanood din ng mga tao.”

Sa first episode lang ng Indio napanood si Sarah dahil namatay agad ang kanyang character bilang isang diwata at ina ni Indio.

Isa sa pinag-usapan sa isyu ni Sarah ay ang pagwu-walk nito sa set ng Indio.

Tumangging mag-comment si Jennylyn dito kahit kasama niya sa serye ang kapwa niya StarStruck winner.

“Hindi ko alam yun, e... saka hindi ko gusto yung mga ganung intriga.

"As long as hindi ko nakakausap yung tao, ayokong nagdya-judge.”

GRIEVANCES. Kabilang din sa reklamo ni Sarah ay ang hindi na niya umano kayang pagtatrabaho nang sobra sa GMA-7.

Dahil isa si Jennylyn sa pinakamatagal nang talent ng Kapuso network, tinanong namin siya kung dumating din ba siya sa puntong umalma siya sa kaliwa’t kanang trabahong ibinibigay sa kanya ng istasyon.

“Siguro dumarating sa point sa sarili mo na... ’Uhm, ano ba ’yan?’

"Pero sa environment at sa pinagtatrabahuhan mo, hindi ko po ginagawa yan!” natatawa niyang sabi.

Aminado naman si Jennylyn na minsan ay meron siyang hindi naiibigan o hindi nagugustuhan sa trabaho niya, pero idinadaan niya ito sa kanyang manager para ito na ang makipag-usap at mag-ayos.

“Yung manager ko na ang gumagawa ng paraan.

“Kasi sa sarili ko, ayokong ako ang gumagawa ng move, kaya ipinauubaya ko na lang sa manager ko—at siya na lang ang gagawa ng paraan.”

Pag napapagod at buwisit na siya sa kawalan ng pahinga at tulog, ano ang ginagawa niya?

“Kakausapin ko lang si Jazz, yung Mama ko [Lydia Mercado]... ganun lang.

“Yun lang parang pampa-uplift lang ng spirit or pampawala ng pagod.

"Saka sasamahan mo ng pagdadasal na kayanin mo sana yung araw na ito,” saad niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bakit hindi siya nagrereklamo kapag hindi na niya kaya?

Sagot ni Jennylyn, “Wala naman akong right magreklamo.

“Kasi ano lang naman…ano lang naman ako, artista lang ako.” amin niya.

Sumusunod lang ako sa kung anong sabihin ng direktor, ng mga producers.

“Wala naman akong karapatang mag-reklamo.”

Ano ang masasabi niya sa mga artistang naglalabas ng kanilang hinampo o reklamo na napapagod na sila sa trabaho?

“Depende na yun sa pagha-handle mo sa sarili mo, e. Kasi nasa sa tao lang naman yun,” sabi ng actress-TV host.

Bakit mahal na mahal niya ang kanyang trabaho?

“Siyempre, alam naman ng tao na single mother ako.

“Pag hindi ko minahal ang trabaho ko, hindi ka rin mamahalin ng trabaho. Ano na lang ’yan... balikan lang ’yan.

“Pag ginalingan mo ang ginagawa mo, minahal mo yung trabaho mo, maganda yung kalalabasan.

“Magkakaroon ka pa uli ng bagong project.”

Nabakante rin ba siya o nawalan ng TV projects?

“Oo naman... para na rin yun sa kapakanan nang sarili ko at ng anak ko.

"Kasi, baka mabinat ako, CS [caesarean] naman ako, hindi naman ako normal. So, kailangan mo ring….

“Pero meron talagang span na kinakailangan mong magpahinga for four to six months na hindi ka dapat tumanggap ng trabaho.

"E, ako naman, sinunod ko talaga yun kasi siyempre, mahal ko naman ang sarili ko,” sabi niya.

WRONG IMPRESSION. Natawa si Jennylyn nang maalalang ang isa sa mga unang impression sa kanya sa showbiz ay mataray daw siya.

“Oo nga, e. Nami-misinterpret nila kasi minsan tahimik lang ako.

"Pero hindi naman. Yung mga nakakakilala sa akin, alam nilang tahimik lang talaga ako,” sabi niya.

Ano ba ang natutunan niya sa pagsabak niya sa ganitong trabaho?

“Patience.

"Unang-una, kailangan mo ng mahabang pasensiya at lakas ng loob.

“Kasi, kung wala ka nun, hindi ka magtatagal.

"Kasi yung lakas ng loob na ’yan, hindi mo kakayanin yung mga intrigang darating sa iyo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At hindi mo kakayanin yung mga tsismis at panghuhusga sa iyo.

“Kung mahina ka, wala... walang mangyayari,” aniya.

Paano naman niya hina-handle ang lovelife o pakikitungo sa lalake, partikular na sa boyfriend?

“Wala, pinagpapasa-Diyos ko na lang ’yan.

"Kasi, okey naman kami ni Luis [Manzano, Jennylyn’s boyfriend]. Ipinagdadasal ko na lang sana tuluy-tuloy lang.”

ALAGA QUEEN. Isa sa mga naibigan daw ni Luis kay Jennylyn ang pagiging sweet ng kasintahan.

Nabanggit ng TV host-actor ang madalas na pagkukusa ni Jennylyn na tawagan ang ina niyang si Batangas Governor Vilma Santos para kumustahin ito.

Bakit ito ginagawa ni Jennylyn? Para mas maging malapit siya sa pamilya ni Luis?

Tugon niya, “Siyempre naman, malaking parte ’yan ng buhay ni Luis.

"So, para sa akin, parang mas okey na merong communication, kumustahan.

"Kasi maganda yung pakiramdam yung… para sa akin, maganda rin sa pakiramdam na kinukumusta niya yung magulang ko, yung anak ko... yung mga importante sa buhay ko.”

Sinabi rin ni Luis sa interview namin sa kanya na ngayon lang daw siya naka-encounter ng isang babae o girlfriend na sobrang maalaga.

Sumang-ayon naman dito si Jennylyn, “Ganun ako. Ganun ako pinalaki ng magulang ko, ng nanay ko.

“Kaya lahat... kahit sa mga kaibigan ko... kahit na yung mga kasama ko sa bahay, grabe ko kung alagaan.

“Makikita mo naman yung mga katawan nila... ang tataba!” sabay tawa niya.

Banggit din ni Luis, pati sa pagkain ay maalaga raw si Jennylyn.

Sabi naman ng Kapuso star, “Ganun ako, e. Hindi lang sa boyfriend, pati sa mga friends ko, sa buong pamilya ko, sa taong malapit sa akin.”

ALEX JAZZ. Ano naman ang wish niya o hiling niya para sa kanyang anak na si Alex Jazz?

“Yung lumaki siyang malusog, kasi ayokong nagkakasakit siya kasi napa-praning ako.

"Saka lumaki siyang magalang, saka matalino.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Exicted na nga si Jennylyn sa nalalapit na pagpasok ni Jazz sa isang school.

“Ngayong pasukan, magre-regular school na siya—Nursery, ha?” masayang balita ni Jennylyn.

“Kasi, itong mga past years, ipinasok ko lang siya sa toddler school. Pero ngayon, Nursery class na siya.

“Excited ako na kinakabahan kasi hindi ko alam kung paano niya ia-approach? Makikinig ba siya sa teacher niya? Hindi ko alam.

“Eto nga, sana maasikaso siya, masundo at hatid kung may oras. Gagawan natin ng paraan.”

Nung matanong namin kay Jennylyn kung ini-exercise pa ba ni Patrick Garcia ang responsibilidad nito bilang ama ni Jazz, mabilis ang reaksyon ng drama actress-host.

“Hindi ko alam sa kanya... bahala na. Kasi ako naman, hindi maganda yung namimilit. Pangit yun.”

Hindi ba regular na nabibisita ni Patrick ang kanilang anak?

“Ayoko nang mag-comment, siya na lang ang tanungin ninyo.” makahulugang sabi ni Jennylyn.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN