Edgar Allan Guzman on what he wants after previous relationship: “Siguro yung kayang tumayo sa sarili niya at saka gusto ko, non-showbiz.”

Marami pang ibang role ang gustong gampanan si Edgar Allan Guzman kahit napatunayan na ang kagalingan niya bilang aktor. Aniya, “Hindi lang po puro pa-cute. Kaya ko rin magseryoso. Kaya ko ring magpatawa. Kaya ko ring laruin kahit anong klase ng role—willing akong gawin.”


May pagka-bad boy ang karakter na ginagampanan ni Edgar Allan Guzman sa pinakabagong primetime series ng TV5 na Never Say Goodbye.

Kontrabida si Edgar Allan sa pagmamahalan nina William at Kate, na ginagampanan ng Artista Academy winners na sina Vin Abrenica at Sophie Albert.

Paglalarawan ni Edgar sa kanyang role, “Dito kasi, medyo brutal ako.

“Mayaman naman ako, pero yung mga salita ko, medyo mainitin ang ulo.

“Kapag may gustong kuhanin, nakukuha ko agad.

“So, iba rin naman ang pagka-kontrabida ko rito. Mayaman at ang tatay ko, may pagka-businessman.

“Ang pangalan ko rito, Troy, at love triangle kami nina Sophie at Vin."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Edgar sa taping ng Never Say Goodbye noong Linggo, January 13, sa Camp John Hay, Baguio.



BAD SIDE. Kadalasan, ang karakter na ginagampanan ni Edgar sa mga teleserye ay mabait o inaapi. Okay lang ba sa kanya na maging kontrabida na posibleng kainisan ng manonood?

Tugon niya, “Ito po talaga ang pinaka-bad ko na role at tinanggap po talaga namin siya—kakaiba.

“Kasi, ako naman, sabi ko naman kay Sir Noel [Ferrer, his manager], ’Lahat, tanggapin natin na role. Hindi lang mabait, hindi lang papogi.

“Ako po kasi, gusto ko lahat tina-try ko. So, yun ang love ko.

“So, dito ngayon, parang big break, kontrabida ako, at makikita naman nila ang ibang side ko, bad side naman.

“Sa Enchanted Garden, mabait ako, nangliligtas.

“Dito, ako naman ang nang-aapi,” sabi pa niya.



ACHIEVEMENTS. Kung tutuusin, hindi na rin matatawaran ang kakayahan ni Edgar bilang isang aktor.

Dalawang beses na siyang nanalo ng Best Actor para sa indie film niyang Ligo Na U, Lapit Na Me—sa Cinemalaya at Golden Screen Awards.

Nang pinasok niya ang teatro para sa Bona, nanalo rin siya sa Aliw Awards at sa Broadway World.com.

Ano ang pakiramdam na multi-awarded actor na siyang maituturing?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sagot ng Kapatid star, “Masaya, masaya. Kumbaga, mas nadadagdagan ang achievement ko sa buhay.

“Mas nadadagdagan pa yung drive ko para pagbutihin ko ang trabaho ko.

“At natutuwa rin ako dahil nagiging maganda ang resulta ng lahat ng pinaghihirapan kong trabaho.

“Nakakatulong sa akin at, kumbaga, nabibigyan ako ng rekognisyon sa good job na ginawa ko sa trabaho ko.

“Natutuwa ako at naa-appreciate ng mga tao ang talento ko sa pag-arte.”

Dugtong pa niya, “Noong mag-umpisa ako sa showbiz, after one year, sabi ko, gusto kong magka-award.

“Tapos ngayon, nadadagdagan siya—ang sarap sa pakiramdam!

“Kaya ngayon, yung mga awards ko sa kuwarto, kapag uuwi ako, pagbukas ko ng pinto, nandoon lang siya.

“Nawawala ang pagod... kahit yung award ko sa Mr. Pogi, lahat, nagiging inspirasyon ko.”

Bilang winner ng Mr. Pogi ng Eat Bulaga! noong 2006, napatunayan niya na hindi lang pala puro papogi ang kaya niyang gawin.

“Opo nga,” sabi niya.

“Hindi lang po puro pa-cute. Kaya ko rin magseryoso. Kaya ko ring magpatawa.

“Kaya ko ring laruin kahit anong klase ng role—willing akong gawin.”



ELDER BROTHER. Kumusta naman katrabaho ang mga baguhang sina Sophie Albert at Vin Abrenica, umaalalay rin ba siya sa mga ito?

“Oo naman,” nakangiti niyang sagot.

“Sinabi ko sa kanila na gusto kong maging kuya sa kanila kasi mas matanda naman talaga ako sa kanila.

“Ako, naiintindihan ko sila kasi dumaan din po ako sa ganyan.

“Noong nag-start ako, wala akong kaalam-alam na ganito pala sa showbiz.

“So ako, after eksena, before eksena, yun, tatanungin ko sila kung okay lang sila, kung ano ang tamang gawin.

“Biruan, pero kapag seryoso, seryoso na.

“Sa akin, hindi naman ako nahirapan sa kanila.

“Kasi, kung iisipin ko na mas nahirapan ako, hindi magwo-work yung pagsasama namin sa eksena.

“So, ako, ine-enjoy ko lang ang bawat eksena.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero pagdating sa mga seryosong bagay, seryosong eksena, seryoso kami.

“Basta ako, kuya nila ako. Maaasahan naman nila na tatayo akong kuya nila.”



WITH VETERAN ACTORS. Natuwa naman si Edgar na muling makatrabaho ang itinuturing niyang “nanay” sa industriya na si Nora Aunor.

Sabi niya, “Masaya ako na nakatrabaho siyang muli. Pero dito, hindi ako mabait sa kanya.

“Sa Sa Ngalan Ng Ina, iyak-iyakan ako sa kanya.

“Pero dito, kung anu-ano ang sinasabi ko sa kanya. May eksena na tinutukan niya ako ng itak.

“At ang sarap ng feeling,” tawa niya.

Paanong masarap?

“Ang intense, e, intense talaga! Tapos, nag-iisa lang siya… nakikita mo siya kung paano magalit.

“So, ikaw, maiinis ka rin, madadala ka rin.

“So ako, natuwa akong talaga. Sabi ko, ‘Magkalaban kami. Aawayin ko ang anak niya [Vin] at aawayin niya rin ako.”

Dugtong pa Edgar, “Tapos sina Cesar Montano, Gardo Versoza, first time ko silang makasama.

“So, looking forward ako, kasi magagaling silang actor. At alam ko na marami akong matututunan sa kanila at gusto ko yun.

“Alam ko kasi na makakatulong din sa akin in time.

“Si Ms. Alice Dixson naman, third time na naming magkasama at ibang bonding na rin ang nabuo sa amin.

“Para ko na rin siyang nanay, tita, yung ganoon.”



GOOD VIBES. Mabilis at nakangiting “maganda” ang tugon ni Edgar Allan nang kumustahin namin sa kanya ang pasok ng 2013.

Sabi niya, “Heto may bagong show. May award na nalaman ko lang… last week lang?

“Maganda. Good vibes ang pasok sa akin ng 2013, positive naman siya.

“At ako naman, gagawin kong mas light o mas magpo-focus pa ko sa mga opportunities na darating sa akin this coming year."

Ano ba ang naging New Year’s Resolution niya?

“Ang New Year’s Resolution ko, mas maging masipag pa, mag-focus pa. Mas ma-appreciate ang pagmamahal ng mga tao sa akin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yun kasi ang nawala, so this year, kailangan kong gawin—yun ang goal ko.”



LOVELIFE. Sinunod naman naming tinanong sa kanya ang kanyang lovelife—na kunwari ay wala.

“Wala talaga, hindi kunwari, totoo talaga!” natatawa niyang sabi.

“Oo naman, masaya ako. Masaya ako sa pamilya ko ngayon at sila ang inspirasyon ko.”

Wala talaga siyang lovelife?

“Wala po at saka kaka-break ko lang, pahinga muna ako, di ba?” natatawang sabi niya.

Ang tinutukoy ni Edgar na kaka-break lang niya ay ang naging four-year relationship nila ng SexBomb dancer na si Johlan Veluz.

“At saka, ngayon, nagagawa ko rin ang gusto kong gawin para sa sarili ko—basketball, boxing...

"Bumabalik ako sa dati. Iniintindi ko ang sarili ko… nakakabili ako ng sarili kong gamit and, at the same time, naggu-grow ako ngayon.”

Magulo ba ang naging relasyon nila ni Johlan?

“Magulo rin pero masaya rin naman.

“Pero yun nga, mapapansin mo rin naman sa sarili mo na parang hindi ka naggu-grow.

“So, mari-realize mo sa sarili mo na kailangan mong magkaroon ng sariling buhay.

“Yun. Okay naman ako—meron akong sariling buhay; siya, meron din.”

SHAIRA MAE. Napabalita naman na nagkagusto sa kanya ang Artista Academy finalist na si Shaira Mae. Ano ang naging reaksiyon niya dito?

“A, wala, wala naman yun. Hanggang doon lang yun noong birthday ko na nagpunta lang. Pero wala na.”

May isyu kasing sinusundan siya ng baguhang artista?

“Hindi naman, ang pogi ko naman noon!” natatawa niyang sabi.

Nagte-text o nagkakatawagan pa ba sila?

“Hindi rin. At saka, alam din naman niya sa sarili niya na parang mali.

“Parang wala ring kakapuntahan kasi, unang-una, kaka-break ko lang.

“So, focus na lang din muna siya sa career niya.”

Kung sakaling mai-in love siyang muli, anong tipo ng babae ang mamahalin niya?

“Siguro yung kayang tumayo sa sarili niya at saka gusto ko, non-showbiz.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Posible kayang ngayong 2013 ay magkakaroon na siyang muli ng panibagong relasyon?

Sagot niya, “Hindi muna siguro, next year na lang muna.

“Ngayon kasing 2013, feeling ko, mas marami pang magagandang project at achievement na darating at ako.

“Nagdarasal talaga ako kay God na sana, mangyari yun…

“At feeling ko naman, positive naman ang pasok ng taon at kailangan ko rin, ako rin, sumabay rin ako sa ganoon.

“Hindi lang kapalaran lang, ako rin, kailangan ko rin sumabay—at yun din ang focus ko talaga.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN