Coco Martin on having a lovelife: “Kung darating ang panahon na may darating na babae na magugustuhan ko, di ako nagsasarado.”

Bukod sa pagiging artista, may seryosong adhikain din si Coco Martin pagdating sa pulitika. Saad niya, “Sa akin, napakalaking responsiblidad bilang artista, siyempre pinapanood kami, hinahangaan kami. Bawat salita, bawat kilos na ginagawa namin, nagiging inspirasyon kami sa bawat tao.”


First choice ng ABS-CBN creative team si Coco Martin para gumanap na Juan dela Cruz, ang pinakabagong teleserye ng Kapamilya network.

Sa presscon ng Juan dela Cruz kagabi, January 22, sa Luxent Hotel, nagpahayag si Coco ng kasiyahan sa pagtitiwala sa kanya ng ABS- CBN.

Saad niya, “Siyempre, para sa akin, sobrang nakaka-overwhelm.

“Sabi ko nga, ang nire-represent ko dito ay kabuuan ng bawat Filipino.

“Para mapili ako, sabi ko nga, maraming magaling umarte, papansinin ninyo na di naman ako katangkaran… maraming kakulangan sa aking pagkatao

"Pero para piliin nila ako, siguro may mga katangian silang nakita sa akin na nakaka-relate sa mga Filipino.”



STRENUOUS. Isang horror/fantasy/action ang Juan dela Cruz, na ayon kay Coco, dito niya napatunayan ang hirap gumawa ng fight scenes na hindi raw niya gaanong napaghandaan.

Kuwento ng Kapamilya actor, “Unang-una, siyempre medyo action ito… kailangan well-prepared ka.

“Sabi ko nga, every day kasi ako nagwo-workout. Medyo di ako nakakapag-workout, wala akong training.

“Pag gumagawa kami ng mga fight scenes, ang hirap pala!

"Ang hirap pala maging action star—mahirap yung pisikal.

“May time, sabi ko nga, parang mas masarap na umiyak nang umiyak na lang kaysa makipag-fight scene ka nang makipag-fight scene.

“Kasi minsan, from 6 p.m. to 5 a.m., puro fight scenes ang ginagawa ko.

“Yung pisikal ko, minsan, dahil wala akong enough na preparasyon para doon, bumibigay ako.

“Siguro, sobrang pagod na rin, pero sabi ko nga, ginagawa ko yun na masaya.

“Kasi alam ko na tama ang ginagawa ko at maganda itong proyekto na ginagawa ko.”



CO-STARS. Kasama ni Coco sa Juan dela Cruz ang ilang beteranang artista, tulad nina Zsa Zsa Padilla, Albert Martinez, at Gina Pareño.

Sabi ng aktor, “Nakatrabaho ko na sila dati sa shows… pelikula.

“Natutuwa ako kasi talagang pamilya… parang anak at kapatid ang turingan namin sa set, kaya sabi ko nga, napakagaan."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dahil dito, hindi raw niya nararamdaman ang pagod sa kabila ng paglagare niya sa paggawa ng serye at ng pelikulang A Moment in Time, kapareha naman si Julia Montes.

“Kahit minsan, hindi na ako natutulog sa pelikula at soap…

“Pero kung dumarating ka sa set at yun ang mga katrabaho mo, napaka-profesional, nai-inspire ka lalo.

“Yung pagod, di ko na nararamdama kasi ganadong-ganado ako na pumunta sa set.”



COMPETITION. Ipapalabas na simula sa February 4 ang Juan dela Cruz, kung saan makakasabay nito sa ere ang Indio ng GMA-7 kunsaan si Senator Bong Revilla Jr. ang bida.

Para kay Coco, positibo niyang nakikita na ang ganitong mga kumpetisyon ay may bentahe para sa mga manonood.

Pero sabi ni Coco tungkol dito, “Hindi ko iniisip yung kumpetisyon, kasi para sa akin, artista ako.

“Pero sa totoo lang, kung pag-uusapan ng kabilang soap opera, sa totoo lang, isa ako sa humahanga sa kanila.

“Dati sa pelikula, isa ako sa fan niya, dati pa lang… bata pa lang ako nanonood na ako ng mga pelikula ni Ramon Revilla Sr.

“Artista lang ako, nagtatrabaho lang kami pare-pareho, maganda yung nakakagawa ng magagandang soap opera at para ito sa publiko.”



FAMILY VS. LOVELIFE. Sa sobrang hectic ng kanyang sked, consistent noon pa man si Coco na wala siyang oras sa ngayon para sa kanyang lovelife.

Hindi man nagsasarado ng pinto sa tawag ng pag-ibig pero para sa kanya ay hindi niya minamadali ang ganitong bagay.

“Sabi ko nga, hindi ko siya gaanong napagtutuunan pa ng panahon.

“Sabi ko nga, kung anumang proyekto na dumarating sa akin ngayon, sinasamantala ko kasi alam ko naman na di panghabang-buhay ito.

“Sabi ko, gusto kong samantalahin ang mga pagakakataon kung anuman ang nasa harapan ko ngayon.

“Alam ko, darating din ang panahon na mawawala din ito.

"At pag dumating na ang panahon na iyon, doon ko iisipin ang sarili ko… na punan ang mga dapat kong unahin… na okay ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Like, kunwari, yung family ko, gusto kong mapag-aral ang mga kapatid ko.

“Pag dumating na ang punto na di na ako ganito, na di na ako ganoon kagusto ng mga manonood, siguro, yun ang time na bigyan ko naman ng panahon ang sarili ko.

“Sa ngayon, ang inuuna ko ay ang pamilya ko muna.

“Darating din naman ang panahon na ang sarili ko ang pagtutuunan ko ng pansin at ang magiging pamilya ko balang-araw.

“Kung darating ang panahon na may darating na babae na magugustuhan ko, di ako nagsasarado.

“Ayoko lang madaliin, ayokong naiinggit ako—yung iba mayroon, ako wala.

“Kasi happy ako kung ano ang mayroon ako ngayon at sobra kong pinangangalagaan.”



POLITICAL COCO. Ilang buwan na lang ay eleksyon na naman.

Isa sa sumuporta at kumampanya noon para kay Presidente Noynoy Aquino si Coco.

Inisa-isa ng aktor ang mga kandidato na gusto niyang tulungan.

Dahil daw sa tinitingala sila ng publiko ang dahilan kung bakit ibig ni Coco na makahikayat ng mga responsableng botante at magkaroon ng maayos na eleksyon.

Sabi niya, “Sa akin, napakalaking responsiblidad bilang artista, siyempre pinapanood kami, hinahangaan kami.

“Bawat salita, bawat kilos na ginagawa namin, nagiging inspirasyon kami sa bawat tao.

“Siyempre, sa bawat taong sinusuportahan namin, may kaakibat na malaking responsiblidad.

“Pero para sa akin, noong panahon na tumatakbo si President Noy, sobra akong proud, kasi isa ako sa naghirap na tumulong.

“And ngayon, alam ko na di ako nagkamali sa taong sinuportahan ko, sa taong pinanigan ko, pinaniwalaan ko.

“Kasi, kung mapapansin natin, paganda nang paganda ang takbo ng ekonomiya natin.

“Masakit man sa mga kababayan natin sa abroad, ngayon lumalaban na ang peso sa dollar.

“Ibig sabihin, tumataas na ang industriya natin, marami nang investors ang pumapasok.

“Para sa akin, yun lang ang mako-contribute ko sa panahon natin.

“Sabi ko nga, bilang kabataan naghahanap ako ng pagbabago.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kung magkaroon ako ng pamilya or para sa future ko, gusto ko maayos.

“Hindi lang para sa sarili ko, kung hindi para sa pangkalahatan, kasi ang pinag-uusapan natin dito, kinabukasan."



SORTIES. Pagkatapos tumulong kay President Aquino, nag-umpisa na si Coco na suportahan ang mga inaakala niyang mga kandidato na makatutulong sa bayan.

Kuwento niya, “Last year, nagpunta ako ng CamSur.

"Di kami magkakilala ni Aga Muhlach o ni Kuya Aga... never pa kaming nag-meet.

“Nagulat siya isang araw, sinabi sa kanya ni Ate Charlene [Gonzalez] na gusto kong pumunta doon at gusto ko siyang tulungan.”

“Nagulat siya, ‘Bakit?’ Anong mayroon daw ako at bakit biglang nagrekomenda ako na tumulong at sumuporta?

“Sabi ko nga, gusto kong tumulong sa mga tao na hindi nila alam ang dahilan, ako ang nakakaalam sa sarili ko.

“Noong bata ako, napapanood ko siya.

"Sa totoo lang, sikat siya. Kahit ano ang gawin niya, sinusundan siya ng mga tao, pero tumutulong siya sa kapwa niya na di niya kailangang i-announce.

“Tumutulong siya dahil gusto lang niyang makatulong.

“Ganoon din ang pananaw ko sa buhay, na di ko kailangan na ipangalandakan na kailangan kong tumulong o tumutulong ako sa kapwa ko.

“Isa yun sa nakita kong katangian niya.

Sinabi rin ni Coco kung sinu-sino pa ang gusto niyang matulungan.

“Ngayon, sabi ko nga, pupunta ako ng Ormoc, kasi gusto kong tulungan si Kuya Goma [Richard Gomez].

“Pupunta ako ng Davao dahil gusto kong tulungan si Kuya Anton Lagdameo.

“Sabi ko nga, si Tita Susan [Roces], sabi ko, gusto kong tulungan si Ate Grace [Poe], kasi yun yung mga tao nakikita ko na alam ko na yun ang tama.”

Ang mga binanggit ni Coco ay may kinalaman sa huling primetime series na ginawa niya, ang Walang Hanggan.

Sina Richard at Susan ay kasama niya sa soap, habang si Anton naman ay mister ni Dazwn Zulueta na nakasa rin nila sa show.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Gusto rin daw tulungan ni Coco si Sonny Angara dahil sa pareho raw nilang adhikain sa buhay.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN