Glaiza de Castro on posing for FHM after Marian Rivera: “Parang hindi ko pa ma-envision ang sarili ko na mag-pose sa ganoon o gumawa ng ganoon.”

Sinabi ni Glaiza de Castro na wala siyang karelasyon ngayon. Ang dahilan niya: “Naranasan ko rin naman ang magmahal, masaktan… Alam ko rin naman kung paano yung experience ng nasa isang relationship, so makakapaghantay rin ‘yan.”


Noong debut pa ng Kapuso actress na si Glaiza de Castro ang huling birthday party niya.

Kaya sa kanyang 25th birthday noong Lunes, January 21, nag-“silver birthday” party si Glaiza sa Cocoon Boutique Hotel sa Quezon City.

Bago nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Glaiza, ang nanay niyang si Cristy Galura muna ang aming nakapanayam.

Ayon kay Mommy Cristy, nagulat daw sila nang isang linggo bago ang birthday ni Glaiza ay nagdesisyon itong magpapa-party.

Si Glaiza pa raw mismo ang may gusto na imbitahan ang mga taong nakasama niya mula noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz.

Biro namin kay Glaiza nang amin na siyang makausap, kaya pala “balik-tanaw” ang theme ng birthday party niya.

Pagmamalaki niya, “Oo, inimbitahan ko lahat.”

Pati yung nakaraan niyang…?

“Oo, oo. Hindi ko lang alam kung makakarating.”

Nakuha agad ni Glaiza na ang tinutukoy naming “nakaraan” ay ang naging boyfriend niyang si Felix Roco.

“Ako naman, good vibes lang,” rason niya.



THANKSGIVING. Bakit nga ba niya naisipang magpa-party ngayon?

Paliwanag ng aktres, “Hindi talaga ako sanay na nagpapa-party. Medyo naninibago pa nga ako.

“Pero parang thanksgiving na rin sa mga nakasama ko through the years. Sa mga naging kaibigan ko.

“Tapos, siyempre, minsan-minsanan lang naman ito mangyayari—parang baon ko na lang ito!

“Ano ito, parang may mangyayari?!”

Ang birthday wish naman ni Glaiza ay ang makapag-travel pa raw siya sa ibang bansa.

“So far, Hong Kong pa lang ako, e.”

Marami pa raw siyang gustong mapuntahang bansa.

“Oo naman, siyempre, marami pa. Gusto ko nga lahat.

"Pero ultimate, di ba, Europe... siyempre sa Asia, Japan, Singapore, China.”

Hindi pa raw siya nakakasama kapag nagkakaroon ng shows abroad para sa GMA Pinoy TV.

“Hello, sama ninyo naman po ako—birthday gift!” natatawang panawagan niya.

“Siyempre, masaya yun lalo na kapag magri-reach tayo sa mga Filipino abroad.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siyempre, meron din akong sister na nasa Dubai, so gusto ko rin siyang mapuntahan.”



BLESSED. Ayon kay Glaiza, “blessed” naman siya noong nagdaang taon lalo na pagdating sa kanyang career.

“Siguro itong Temptation of Wife, sobrang blessed ako na naging successful yung show.

“Noong una, alam naman nating lahat na nag-i-struggle ako dahil hindi ako sanay sa ganoong klase ng role," pagtukoy niya sa kanyang role bilang si Heidi na mang-aagaw ng asawa.

Patuloy niya, “At siyempre, sa pamilya, always naman, sila talaga ang blessing.

"At kahit na ano’ng mangyari, sila at sila pa rin talaga ang kasama mo.

“At saka, sila rin ang makakaintindi sa iyo… nagmamahal at nakakaunawa.”



RECOGNITION. Bilang si Heidi, sa Tempatation of Wife, walang duda na napaka-epektibo niyang kontrabida talaga.

Saad ni Glaiza, “Sa lahat naman ng nang-aasar, parang ang daming natutuwa. Parang ang ironic.

"Natutuwa ako, nagpapasalamat ako dahil worth it naman lahat ng pagod, tension na in a way, naa-appreciate nila.

“So, yun, rewarding na yun sa akin.”

Kailan lang nga nanalo siya bilang ng Best Supporting Actress sa 4th FNTM Awards 2012 para sa pagganap niya sa primetime series na ito ng GMA-7.

Nalaman lang daw ni Glaiza ang tungkol sa natanggap na award base sa mga links daw na ipinapadala sa kanya.

“Nakakatuwa naman kasi yung mga fans, yung mga supporters, sila talaga yung nagbibigay ng time para suportahan talaga yung show, suportahan din ako… nakakatuwa.”



BASHERS. Sa isang banda, puwedeng sabihin na napaka-passionate ng mga manonood ng Temptation of Wife.

Mababasa ito sa online comments ng ilan at halos lahat ay galit talaga sa karakter ni Glaiza bilang si Heidi.

May natatanggap pa rin ba siyang mga pangba-bash?

“Wala, wala naman... usually, kay Heidi.”

Saan ba niya hinuhugot ang pagiging sobrang pagka-maldita niya bilang si Heidi?

Sagot niya, “Yung role talaga mismo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kapag binasa mo, madadala ka rin at nandoon na rin yung imagination mo as an artist to create.

“Na kung sinuman ang naobserbahan mong tao sa paligid mo, siyempre, totoo yan, e.

“Ia-apply mo lang sa karakter at tina-transpose mo lang sa audience at sinasabi mong, ‘Eto ang mga nangyayari sa mga taong masasama.’”

Masasabi ba niyang mas may challenge sa kanya ang gumanap na Heidi dahil si Marian Rivera, bilang si Chantal, ay nakikipaglaban na rin sa kanya?

“Oo. Kasi ngayon, parang batuhan talaga ng linya—walang papatalo.

“May mga cat fights din, yun ganoon. Pero yung mga napapanood ninyo, wala pa ‘yan.”



POSING SEXY. Speaking of Marian, isa ang aktres sa dumating sa birthday party ni Glaiza.

Tinanong ng PEP si Glaiza kung totoong kinukumbinsi siya ni Marian pagkatapos nitong mag-pose sa FHM na siya naman ang mag-cover girl?

“Oo nga,” pagkumpirma niya.

“Parang binibiro nila ako na next na raw ako. Si Bubbles [Paraiso], tapos ako na raw.”

Nakukumbinsi na nga ba siya?

“May part of me na nagsasabing, ’Bakit hindi, di ba? Why not?’

"Pero in a way, yung conviction ko, hindi pa rin.

“Kasi, marami namang paraan para maipakita na sexy ka.

“Pero, I don’t have anything against mga FHM o mga taong nagpu-pose. Parang ipaubaya na lang natin sa kanila yun, di ba?

“Ako, parang hindi ko pa ma-envision ang sarili ko na mag-pose sa ganoon o gumawa ng ganoon.”

Hindi raw ang relihiyon niya ang dahilan kung bakit ayaw niyang mag-pose para sa isang men’s magazine.

“Hindi, hindi ang religion. Parang sa akin, personal conviction ko lang.

“Lahat naman tayo may limitation, di ba?

“And sa akin kasi, although yung role ko sa Temptation sobrang sexy na, parang doon ko na lang siya muna ibinubuhos.

“Yung image ko kasi, parang hindi ko makita na ganoon.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



BALANCING ACT. At dahil nga birthday niya at 25 taong gulang na siya, puro yata siya trabaho at tila nakakalimutan na niya ang kanyang lovelife.

“Hindi naman. Siyempre, balance lang dapat,” nangingiting sabi ni Glaiza.

“E, ang lovelife naman, nakakapaghantay.

“At sabi nga nila, yung perfect timing, right time ang makakapagsabi na ito na talaga ang totoong love.”

Pihikan daw kasi siya pagdating sa magiging boyfriend?

“Hindi naman, hindi naman ako pihikan.

“Kumbaga, siyempre, mahirap pilitin ang sarili mo na i-commit agad sa isang relationship.

“Lalo na kapag hindi ka ready at meron kang mga bagay na iniintindi sa buhay.

“Yung mga ganoon… siyempre, gusto ko rin ayusin muna ang sarili ko.

“Gusto ko, kapag nag-commit na ako, buo na ako.

“At saka, buo rin yung tao, buo rin ang lalaki.

"Parang it takes time talaga.

“Naranasan ko rin naman ang magmahal, masaktan…

“Alam ko rin naman kung paano yung experience ng nasa isang relationship, so makakapaghantay rin ‘yan.”

May takot ba sa parte niya na mag-commit?

“Lahat naman tayo may takot,” sagot ni Glaiza.

“Siguro ako, nag-iingat lang din, yung ganoon. Ayokong magpadalus-dalos lalo na sa mga ganitong matter.

“Lumalabas din naman ako.”

Mga taga-showbiz ba?

“Hindi… halu-halo, halu-halo!” natawang sabi niya.

“Pero friends. Ayoko kasing i-label yun as date. Parang merong pressure kapag sinabing date.”



SITCOM. Parang pa-birthday na rin kay Glaiza na may lalabasan siyang sitcom sa GMA-7.

Pero nang kausap namin siya, medyo pigil pang magkuwento si Glaiza tungkol dito.

“Puwede na bang sabihin? Pero, parang good vibes lang, excited na nga ako.”

Mula sa pagiging kontrabida, magpapatawa siya?

“Oo, kaya excited ako. At saka, feeling ko, mas malapit sa akin yun kasi, sa totoong buhay, marunong din akong magpatawa… tumawa.

“At saka, excited ako kasi, alam ko na marami akong matututunan sa kanila—panibagong tao ito so looking-forward talaga.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Napag-alaman ng PEP na ang magiging sitcom ni Glaiza ay pagbibidahan ni Vic Sotto.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN