Gelli de Belen on hubby and sister playing onscreen married couple: “Kapag inisip mo, si Janice at saka si Ariel, mag-loving-loving. Ang weird, ‘no?”

Tanggap na ni Gelli de Belen ang mga kaganapang nangyayari sa kanyang studio. Reaksyon niya: “Hindi naman ako ang may-ari ng istasyon para magdesisyon at magreklamo. Lilipat ng studio… E, di doon tayo.”


Sa iba’t-ibang location muna mapapanood ang Game ‘N Go All Stars ng TV5 habang patuloy ang renovation ng dati nitong studio sa Delta Theater.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Gelli de Belen, ang isa sa mga host ng bagong reformatted game show na Game ‘N Go All Stars, sa taping nito sa Recom Gym noong Martes, January 22.

Tinanong namin si Gelli kung ano ang pinagbago o pinag-iba ng kanilang game show.

Ani Gelli, “Actually, masaya siya. Tapos, nakakatuwa rin kasi, yung mga naglalaban... mga artista, so, kilala namin.

ALL STARS. Nadagdagan ng “All Stars” ang title ng dating Game ‘N Go dahil sa pagsali ng mga artista at celebrities. Dati ay galing lang sa audience ang mga contestants.

“Nakakatuwa lang,” tukoy ni Gelli sa bagong format ng show.

Inabangan naman namin ang reaksiyon ni Gelli sa intriga sa kanila na parang “tinanggalan” daw sila ng bahay o studio.

Inaayos ngayon ang Delta Theater kung saan papalit ang bagong show naman ng TV5 na Wowowillie na hosted ni Willie Revillame.

Natatawang sagot naman ni Gelli, “Hindi kami tinanggalan… Umalis kami!

“Umalis kami nang kusa—gusto namin may challenge!” nangingiting sagot niya.

Pero seryoso, ano nga ang naging reaksiyon nila?

“E, ganoon talaga. Yun ang desisyon ng management, e. Ganoon talaga.

“Hindi naman ako ang may-ari ng istasyon para magdesisyon at magreklamo.

“Lilipat ng studio… E, di doon tayo.

“At saka, basta meron kaming pagsu-shootan nang maayos, walang problema.

“At saka, ikamamatay ko ba naman ang paglipat ng studio, e, makakarating pa rin naman ako, e. Di sige na, go!”

LEFT BEHIND. Magda-dalawang taon na raw si Gelli bilang isang Kapatid simula nang lumipat siya rito mula sa pagiging Kapuso.

Ang dating mga ka-Sis niya na sina Janice de Belen at Carmina Villarroel ay pawang mga Kapamilya na, gayundin ang kanyang mister na si Ariel Rivera.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya ang tanong sa kanya ngayon, kapag natapos na ang kontrata niya sa TV5, susunod ba siya sa mga ito o mananatiling Kapatid?

“Hindi ko alam… Depende!” ang natawa niyang sabi.

“Although, masaya naman ako rito.”

May offer na ba sa kanya sa kabila?

“Kayo nga nagulat, mag-two years na pala.

“Basta, basta… silent. Basta, nothing… I’m happy here,” giit niya.

ROLE SWAP. Ang mister ni Gelli na si Ariel at tunay na kapatid na si Janice ay gumaganap na mag-asawa sa teleseryeng Ina Kapatid Anak ng ABS-CBN.

Ano ang naging reaksiyon niya nang malaman niya ang mga kaganapang ito?

Natatawang sabi ni Gelli, “Noong malaman namin, ang mas na-weird-uhan, si Janice at saka si Ariel.

“Ako naman, ‘O, okay naman. E, ano naman, artista kayo.’

“‘No! My gosh!’ Sabi nila, ‘Ang weird!’

“Pero siyempre, siguro hindi ako worried kasi, hindi ako yung nandoon sa part nila.

“E, parang ako, dedma. Trabaho ninyo ‘yan.

“Pero, oo nga, kapag inisip mo, si Janice at saka si Ariel, mag-loving-loving. Ang weird, ‘no?

“Pero siguro sa umpisa... pero, ngayon, hindi na.”

INTIMATE SCENES. Wala naman daw kissing scene.

“Oo, wala na yun. Parang nakakatawa, makita mo si Ariel at saka si Janice maghalikan?,” natatawa niyang sabi.

So, parang may ruling pala na wala lang kissing scene?

“Sila, sila yun. Ako kasi, parang supportive ako sa kanilang dalawa na, ‘Kaya ninyo ‘yan!’”

Napapanood niya ba ang dalawa like kung minsan, hindi man bed scene, pero, pareho silang nakahiga sa kama?

“Ay, hindi ko napanood yun. Pero kung napanood ko man, siguro, matatawa ako.

“At saka, kapatid ko yun. Hello! Maapektuhan ako?”

Dugtong pa niya, “At saka ngayon, parang sila na ang nagte-textan na, ‘O, anong oras call time?’ Parang mas naging close pa sila.”

COMEBACK. Samantala, mukhang malapit na ngang mawala si Gelli sa kanyang programa na Face-to-Face dahil sa magiging pagbabalik ni Amy Perez na siyang orihinal na host ng show.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero hindi pa naman daw alam ni Gelli kung hanggang kailan pa nga ba siya rito.

“Hindi ko pa rin sigurado kung kailan kasi, na-Caesarean nga siya, di ba?

“Kaya medyo made-delay ang pagbabalik niya.”

Kung titingnan siya, tipong nag-enjoy na siyang mag-host ng Face-to-Face.

Kung sakali, hindi kaya siya malulungkot?

“Siyempre, malulungkot ako but it’s not my show. It’s Amy’s show.

“Pinch-hitter lang ako. At saka, siyempre, maapektuhan ka talaga.

“Kailangan... or else, hindi mo sila matutulungan sa problema nila.

“Kung hindi mo aalamin, kung hindi ka magpapa-apekto.

“At saka, talagang hindi mo maiiwasan. Kasi, kapag nagkukuwento sila, ’ginawa mo yun?’”

AFFECTED. Ano ang pinaka-naapektuhan siyang kuwento?

“Marami, e. Pero, ang pinaka-recent na naaalala ko, yung babae, iniwan niya ang asawa niya.

“Naaksidente, nalumpo. Ngayon, may tatlo siyang anak. Nakatira sila sa Montalban, namamalimos sila sa Marikina.

“Yung asawa niya, nakasakay sa wheelchair, pinu-push ng anak niya ng alas-tres ng madaling-araw.

“Makakarating sila ng Marikina ng alas-singko o alas-sais. Araw-araw.

“Tapos, iniwan niya yung mag-aama niya.

“Yung isa pa niyang anak, special child. So, yun... naglilimos ang mga bata.”

Biniro namin si Gelli kung pwede siyang mag-request sa management na ma-retain siya o dalawa na lang silang host ni Amy sa Face-to-Face.

Natatawang sabi naman ni Gelli, “Hindi ko gagawin yun na i-request yun!”

Kung management ang magdedesisyon?

“Ay, hindi ko alam talaga,” sabi na lang niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN