Ethel Booba on her comeback TV show: “Gusto kong pagbutihan ito para naman may katuturan ang pagsabi ko na, ‘I’m back!’

Nakasabayan ni Ethel Booba noon si Vice Ganda sa mga comedy bars. Patunay ni Ethel sa pagkakaibigan nila: “Noong mga panahon na down na down ako… maraming mga kaibigan ko ang nawala at nilayuan ako. Pero si Vice, siya ang nandiyan para damayan at tulungan ako.”


Malaki ang pasasalamat ni Ethel Booba kay Willie Revillame na isinama siya bilang isa sa mga co-host ng bagong noontime show ng TV5 na Wowowillie.

Hindi malilimutan ni Ethel ang mga sinabi sa kanya ni Willie kaya muli siyang nabuhayan ng loob.

Saad ng komedyana, “Diretsahang sinabi sa akin ni Kuya Willie na, ‘May talent ka, gamitin mo nang tama. I am giving you the chance uli. Sana, huwag mo na sayangin!’

“Doon ako parang nagising talaga.

“Dahil may taong nagparamdam sa akin na puwede pa pala ako—na kaya ko pang makabangon sa pagkabagsak ko.

“Nangako naman ako kay Kuya Willie na serious na ako sa trabaho ko.

“Hindi ko pababayaan na mapahiya ako sa kanya dahil malaki ang utang na loob ko sa kanya at sa show.

“Makakaasa sila na ibang Ethel Booba na ang mapapanood nila araw-araw.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ethel sa press launch ng Wowowillie sa Wil’s Events Place, Sgt. Esguerra, Quezon City, last January 23.



LOST OPPORTUNITIES. Dahil sa pagiging pasaway noon ni Ethel kaya marami raw ang nawala sa kanya.

Kasama na doon ang career niya sa showbiz na matagal niyang pinangarap na magkaroon.

Aminado si Ethel na dahil sa kanyang hindi kagandahang attitude at kapabayaan noon sa trabaho kaya maraming nawalang oportunidad.

Kumpirma niya, “Oo naman, marami talaga tayong pinanghihinayangan noon.

“Marami talaga—mga TV shows, mga raket sa kung saan-saan. Halos lahat.

“Noong mawala isa-isa, pati na ang mga ipinundar ko, doon ako nagsisi talaga.

“Kung naging matino lang ako, di ba? E, di sana bongga pa rin ang career natin.

“Pero ganoon talaga siguro. Pagsubok lahat iyon sa akin mula kay Lord.

“Kailangan may pagdaanan tayong mga pagsubok para magising tayo sa katotohanan.

“But this time, aayusin ko na ang lahat.

"Lahat ng nega tatanggalin ko na. Lahat ng mga hindi magandang nakaraan, iwan na natin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya sobra ang pasasalamat ko kay Kuya Willie sa pagkakataong ito,” ngiti pa ni Ethel.



REFORM. Nangako nga si Ethel na good girl na siya at iiwasan na niya ang matawag na "pasaway."

Sabi niya, “Hindi naman ako salbaheng tao, e. Kapag trabaho, trabaho tayo.

“Kapag meron lang ako nakatrabaho na maldita, nagiging maldita rin ako—nahahawa lang ako.

“Ang ending, ako ang nasisisisi. Kasi nga, mas nagiging maldita at pasaway ako.

“Pero hindi naman ako masamang tao,” diin niya.



BEGINNINGS. Hindi mapagkakaila ang biglang pagsikat noon ni Ethel nang gawin siyang isa sa mga host ng reality-competition show na Extra Challenge ng GMA-7 noong 2003.

Sa naturang show rin unang nakatrabaho ni Ethel si Willie Revillame.

Kuwento ng komedyana, “Episode namin iyon sa Bali, Indonesia.

“Nag-pinch hit si Kuya Willie para kay Paolo [Bediones] that time kasi mawawala siya for one day.

“So, doon ko unang nakatrabaho si Kuya Willie. Wala pang Wowowee noon, e.

“Pinag-bungee jump niya ako. At kasama ko si Francine Prieto na ayaw tumalun-talon, kaya sinamahan ko pa siyang tumalon.

“Pero yun ang isa sa pinakamataas naming rating sa Extra Challenge.

“Matagal na hindi natalo ang rating ng episode na iyon,” pag-alaala pa ni Ethel.

Mula sa pagiging sing-along master ng comedy bars na Punchline at Laffline ay naging undefeated champion si Ethel sa singing contest ng TV5 na Sing-Galing.

Gamit pa niya noon ang tunay niyang pangalan niyang Ethel Gabison.

Pagkatapos ay kinuha siya bilang segment host ng GMA-7 showbiz talk show na S-Files, hanggang sa mabigyan siya ng sunud-sunod na shows: Extra Challenge, Show Ko... Pasiklaban Ng Bayan, All Together Now, at Jologs.

Na-feature pa ang kanyang life story sa Magpakailanman sa GMA-7 at isa ito sa nakakuha ng mataas na ratings.



FRIEND VICE GANDA. Mas naunang sumikat si Ethel sa showbiz bago sa kasabayan niya sa comedy bars na si Vice Ganda.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngayon ay namamayagpag na si Vice Ganda bilang isang box-office star at TV host na rin.

Kuwento ni Ethel, “Masaya ako para kay Vice.

"Noon pa man, noong magkakasama pa kami, mabait ‘yan at matulungin.

“Naaalala ko nga, noong mga panahon na down na down ako—as in halos mawalan na ako ng pag-asa—maraming mga kaibigan ko ang nawala at nilayuan ako.

“Pero si Vice, siya ang nandiyan para damayan at tulungan ako. Kaya mahal ko ang taong ‘yan.

"At ang tinatamasa niyang success ngayon, he deserves ito dahil nakita ko kung gaano siya kasipag magtrabaho at yung family niya ang priority niyang tulungan talaga.”



PINOY BIG BROTHER. Sinubukan din ni Ethel na ma-penetrate ang rival network ng GMA-7 na ABS-CBN nang pumasok siya bilang isa sa mga housemates ng Pinoy Big Brother Celebrity Edition Season 2.

Pero nag-volunteer exit siya after six weeks sa loob ng Bahay ni Kuya.

Nagawa naman niyang TV show sa Dos ay ang Ysabella at Komiks: Da Adventure of Pedro Penduko.

“Kung trabaho’t trabaho rin lang noon, talagang sobra-sobra.

“Minsan napagsasabay-sabay ko ang mga raket.

“Muntik pa nga akong mademanda dahil tanggap ako nang tanggap ng trabaho, pero hindi ko mapuntahan dahil tuliro na ako.

“Ngayon ay nagsisimula tayo ulit. Gusto kong maganda ang maging simula ko.

“Sana ay matanggap ulit ako ng maraming tao na noo’y naaliw at natuwa sa akin.”



CONTROVERSIAL. Wala raw lovelife si Ethel ngayon dahil ayaw niyang masira ang magandang vibes na dumating sa kanya.

Nagiging sentro kasi ng kontrobersiya ang buhay-pag-ibig ni Ethel mula noong maging karelasyon niya ang basketball player na si Alex Crisano.

Doon nga biglang lumabas ang kung anu-anong intriga, lalo na ang kumalat pang sex video nilang dalawa.

Bukod kay Alex, nakarelasyon din ni Ethel ang sexy actor na si Janvier Daily, ang models na sina Rich Herrera at Andrew Wolff, at ang foreigner na si Marius Em.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi naging maganda ang pakikipaghiwalay ni Ethel sa kanyang mga nakakarelasyon.

Sabi niya, “Selosa kasi talaga ako. Kaya pag-umiral ang pagiging selosa ko, gulo na ‘yan.

“Stick to one lang talaga ako kapag may boyfriend ako.

“Kapag nalaman kong may iba pa bukod sa akin, doon ako nagpapraning… nang-aaway na ako.

“Kaya this time, ayokong masira ulit ang magandang vibes ko, kaya wala munang lovelife.

"Ayokong may makagulo sa akin… Ayoko na ng nega sa buhay ko.

“Gusto kong pagbutihan ito para naman may katuturan ang pagsabi ko na, ‘I’m back!’ Di ba?”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN