Coco Martin on why he stopped courting Erich Gonzales: “Nahiya ako e. Kumbaga… wala, natiyope.”

Coco Martin on striving hard for his family: “Lahat ng paghihirap na ito para sa kanila, e. Kung ako lang para sa akin, kung sarili ko lang ang iisipin ko, sobrang kuntento na ako. Pakiramdam ko nga, nasa akin na ang lahat. Pero sabi ko, kung anuman yung pinaghihirapan ko ngayon para ito sa pamilya ko.”


Naungkat ang naudlot na plano sanang panliligaw noon ng Juan dela Cruz star na si Coco Martin sa kanyang leading lady na si Erich Gonzales nang aminin ng aktor ang kanyang paghanga at naramdamang kilig sa young actress sa kanilang unang pagtatrabaho sa pelikulang Noy noong 2010.

Pero ano ang nangyari at hindi itinuloy ni Coco ang panliligaw kay Erich?

“Noong naramdamang kong medyo tagilid, ako na ang umiwas!” natatawang pag-amin ni Coco.

Sinabi ito ni Coco sa grand presscon ng Juan dela Cruz kagabi, Enero 28, sa Elements Centris sa Quezon Avenue, Quezon City.

Pagkatapos ng presscon ay muling inusisa ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Coco tungkol sa kanyang naudlot na panliligaw.

Paliwanag ni Coco, “Wala na naman yun. Sa amin, biruan na lang iyon.

“Ngayon naman, si Erich, alam naman natin na meron siyang iniibig.

“Siyempre, kumbaga, yung respeto sa kapwa.”

Magdadalawang taon na ang relasyon ni Erich sa kanyang non-showbiz boyfriend.

Kailan naman naganap ang pagpaparamdam na ito ni Coco?

“Matagal na yun. Sobrang tagal na. After Noy pa.”

Ang Noy ay ang pelikulang pinagsamahan nina Coco at Erich noong 2010.

Ano talaga ang dahilan bakit hindi niya itinuloy ang panliligaw?

“Nahiya ako e. Kumbaga… wala, natiyope,” sagot ni Coco.

Hindi ba siya nag-aalala ngayon na baka pagselosan siya ng boyfriend ni Erich?

“Hindi naman,” sagot ng Kapamilya actor.

“Kasi sabi ko nga, past na iyon and then ginagawa na lang naming biruan.

“Kumbaga, sa akin naman, sobrang taas ng respeto ko sa kapwa ko kaya walang dapat ipangamba kung sino man iyong iniibig niya.”

So, sino na lang si Erich sa buhay niya ngayon?

“Siyempre, unang-una, isang kaibigan at isang katrabaho. Inspirasyon siya para mas mapaganda yung partnership namin.”

Sa kabila ng pagiging magkaibigan na lang nila, marami pa rin ang nakakapansin sa magandang chemistry nila on screen. Ano ang masasabi ni Coco rito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sabi ko nga, yun ang maganda kasi ako, bilang artista, nakakatulong sa akin yun.

“Kasi, di ba, kailangan n’yo ng kilig, e.

“Kahit na wala kayong relasyon, kumbaga yun ang sikreto, e. Kumbaga, kailangan may pinaghuhugutan ka.

“And then, sabi ko, bilang lalaki, humahanga ako sa kanya dahil sa kagandahan niya, sa kabaitan niya.”



NEW TITLE. Kasabay ng pag-ere ng Juan dela Cruz sa ABS-CBN Primetime Bida simula sa Pebrero 4 ay ilulunsad na rin ang bagong titulo ni Coco bilang “Bagong Hero ng Buhay Mo,” bukod sa pagiging “Prinsipe ng Teleserye” ng Kapamilya network.

Paano niya hinaharap ang bagong titulong ito at paano niya ito isasabuhay?

Sagot ni Coco, “Sabi ko nga, bilang tao, bilang artista, alam ko naman yung responsibilidad ko sa mga manonood, sa mga taong umiidolo sa akin.

“Kumbaga, sabi ko nga, hindi lang bilang artista na umaarte ka, e, kailangan mong ayusin yung buhay mo, yung sarili mo.

“Kasi inspirasyon ka nila, e, inspirasyon ka ng mga manonood.”

Bukod sa bagong titulo, very challenging daw para kay Coco ang bago niyang serye.

“Kaya sobrang challenging sa akin ang Juan dela Cruz kasi may mga bagay ako, katangian ako bilang artista na hindi ko pa naipapakita sa ibang ginawa ko, na naipakita ko rito.”

Dahil sa malaking tagumpay ng Walang Hanggan, natatakot ba siya kung magiging hit din ang Juan dela Cruz?

“Siyempre every project naman nakakatakot, nakakanerbiyos.

“Pero sabi ko nga, minsan nasa team, e.

“Ako, sabi ko nga, kampante ako kasi magagaling yung bumubuo ng Juan dela Cruz kaya alam ko na magugustuhan ng mga tao ito.”

Sa totoong buhay, paano siya nagiging hero?

“Siyempre, unang-una sa pamilya ko. Lahat ng paghihirap na ito para sa kanila, e.

“Kung ako lang para sa akin, kung sarili ko lang ang iisipin ko, sobrang kuntento na ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pakiramdam ko nga, nasa akin na ang lahat.

“Pero sabi ko, kung anuman yung pinaghihirapan ko ngayon para ito sa pamilya ko.”


ON ENDORSING REP. SONNY ANGARA. Sa nakaraang panayam kay Coco, ibinahagi niya ang pangalan ng mga celebrities at personalidad na gusto niyang tulungan sa darating na 2013 elections.

Kabilang na nga rito sina Aga Muhlach, Richard Gomez, Grace Poe, at si Anton Lagdameo, na asawa ni Dawn Zulueta.

Sa hanay naman ng mga pulitiko, ang tanging pinangalanan ni Coco ay si Aurora Representative Sonny Angara, ang anak ni Senator Edgardo Angara. Tatakbong senador si Sonny sa eleksyon.

Bakit sa lahat ng mga pulitiko ay tanging ang batang Angara ang nais niyang tulungan?

“Kasi para sa akin, pareho kami ng pananaw sa buhay e pareho kami ng mga paniniwala.

“Unang-una, napalapit ako sa kanya kasi yung mga prinsipyo niya na gusto niyang tulungan yung mga matatanda.

“Pangalawa, gusto niyang tulungang makapag-aral ang mga kabataan at yung mga guro gusto niyang bigyan ng importansiya.

“Kumbaga, napakalaking tulong nun e para sa atin.

“Which is, ako, yun ang kauna-unahan kong prinsipyo sa buhay—gusto kong makatulong sa mga kabataan kasi alam natin na sila yung susunod na henerasyon.

“Sa mga matatanda, bilang pagpapahalaga sa mga tumulong sa amin kung nasaan man kami ngayon.”

Lumapit ba mismo si Congressman Angara sa kanya?

“Actually, wala namang lumapit sa akin. Sarili kong choice iyon.

“Sabi ko nga, nagugulat sila na parang bakit ko sila sinusuportahan, ano ang dahilan.

“Minsan hindi nila ako kilala o hindi kami totally magkakilala.

“Pero sabi ko, kasi this time e gusto kong ano e… kumbaga, bilang tao, may gusto akong itama, may gusto kang puntahan.

“Sabi ko, iniisip ko yung future ng family ko, iniisip ko yung future ko.

“Sabi ko, ito yung tamang paraan para makatulong man lang ako sa kapwa ko.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi ba siya naimpluwensiyahan ng ka-loveteam niyang si Julia Montes, na isa sa mga endorser ni Congressman Angara?

“Kasama ang lola ni Julia, ineendorso nila sa pamamagitan ng isang TV commercial ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, na si Cong. Angara ang author.

Sabi ni Coco, “Hindi, wala, wala. Kumbaga, sa akin sa pagkakataong ito walang pwedeng makaimpluwensiya sa akin kundi ako lang.”

Ano naman ang masasabi niya sa mga artistang kumikita ng malaki sa pag-endorso ng mga pulitiko?

“Siguro, iba-iba e, iba-ibang prinsipyo at paniniwala sa buhay, e.

“Ako, para sa akin kasi, ito yung pagkakataon para makatulong hindi lang para sa sarili ko kundi para sa kapwa ko.

“Hindi dahil tinutulungan ko yung ine-endorse ko ha, kundi para makatulong sa mga kapwa ko.

“Sabi ko nga, sobrang saya ko kasi yung huli kong tinulungan, si President Noynoy [Aquino], kumbaga nagkatotoo yung lahat ng sinabi niya.

“Kumbaga, hindi ako nagkamali.

“Napakasarap sa pakiramdam na alam mong may pinatunguhan yung pinaniwalaan mo.”

Hindi raw siya tumanggap ng kahit anong bayad sa mga ineendorso niya.

“Hindi, kumbaga ito na nga lang yung maiko-contribute ko sa kapwa ko, bakit kailangang pa [magpabayad].

“May paraan naman para kumita at saka sabi ko nga, sobra-sobra na ang blessings na dumarating sa akin.

“Ako naman, pag tumulong, all-out.

“Pag pinaniwalaan kita, hanggang dulo kasama mo ako diyan.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN