Coco Martin on pursuing Julia Montes: “Kapag naramdaman ko na mukhang puwede, uubra… bakit hindi?”

Inamin ni Coco Martin na nagka-crush siya dati kay Erich Gonzales pero sinisiguro niyang hanggang doon lamang iyon. Sabi niya, “Kahit sa mga eksenang sinusungitan niya ako, tinatarayan niya ako, kinikilig ako kasi nagagandahan ako sa kanya… Kung nagka-crush ako kay Erich before, hanggang doon lang yun.”


Si Coco Martin ay maituturing na isa sa pinakamainit na artista ng Kapamilya network ngayon.

Kasabay ng pagsisimula ng bago niyang teleserye, ang Juan dela Cruz, naging live guest si Coco sa The Buzz noong Linggo, February 3.

Tinanong agad siya ng host na si Boy Abunda kung sino ba si Juan dela Cruz.

Panimula ni Coco, “Si Juan dela Cruz, siya ang sumisimbulo sa bawat Filipino.

“Bawat Filipino, sabi ko nga, puwede ko siyang tawaging Juan dela Cruz.

“Kasi, siya ang nakikita ko sa pang-araw-araw… nagsusumikap, nagmamahal sa kapwa.

“Nagiging gabay niya ang kanyang pamilya, which is, ganoon ang karakter ko sa Juan dela Cruz at parang ako rin yun sa totoong buhay.”



IN PERSON. Paano niya nasabing parang siya rin sa totoong buhay?

“Kasi, sabi ko nga, bilang isang tao, lalung-lalo na sa trabaho ko, hindi naman sa lahat ng bagay, kailangan mong ipaalam sa mga tao kung paano ka tumutulong.

“Sabi ko nga, kapag tumutulong ka sa pamilya mo, sa kabigan mo, sa kapwa mo…

“Sabi ko nga, ako, gusto kong tumulong kung ano yung isip ko at nararamdaman ko.

“Sa kung anong pamamaraan ko, doon ako tumutulong.”



HUMBLE ROOTS. Sabi naman ni Boy, malayo na ang narating ni Coco.

Pero ang pagpapatayo niya ng bahay kung saan siya lumaki, parang ayaw niya talagang iwan ang pinanggalingan niya.

Saad ni Coco, “Sabi nga nila, bakit doon? Bakit sa Novaliches?

“Siyempre, inaano nila, malayo… ma-traffic… medyo yung crowd, maraming tao.

“Pero sabi ko, doon ako sanay, e.

“Ito yung mga taong maraming nagmamahal sa akin.

"Alam ko na kahit na hindi ganoon kaano ang mga nasa paligid ko, alam ko na ito ang mga taong poprotekta sa akin.

“Sabi ko nga, sa lugar namin, dahil sa sobrang sanay na sila sa akin…

“Lumalabas ako ng gate, tumatambay pa rin ako sa tindahan.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi siya pinagkakaguluhan?

“May iba siguro, yung mga bisita siguro, nagpapa-picture.

“Pero yung mga tagadoon, ang tawag pa nga sa akin Denden. Kasi, yun ang palayaw ko doon.

“Sanay sila sa akin. Yung mga tricycle, hindi nga ako hinihintuan para sabihin, ’Coco!’

“Normal—kung paano nila ako nakilala dati.”



DARK SIDE. Ang mga kaaway ni Coco sa Juan dela Cruz ay mga aswang, masasamang tao na tumutulong pa sa mga taong nang-aapi o nakikiayon sa mga kamalian.

Pero bawat bayani, may “dark side.” May dark side ba kay Coco Martin?

“Meron,” pag-amin niya.

“Tao ako, e. Madalas din nagkakamali.

“Pero sabi ko nga, ang kagandahan noon, ngayong nagma-mature ako, natutunan kong ikorek ang mga pagkakamali ko… pagkukulang ko.”



LOVE STRICKEN. Meron pa bang oras na umibig si Coco at kung totoo rin na nai-in love siya sa mga nagiging leading ladies niya?

“Patay tayo riyan!” ang natatawang sagot niya.

“Well, ngayon, honestly, sabi ko, kasi kapag umaarte ako o yung pamamaraan ko sa pag-arte, totoo.

“Kung may mga eksena man ako, humuhugot ako sa mga past experience ko o sa mga totoong pinagdaanan ko sa buhay.

“Yung sinasabi nilang, ’Nai-in love ka ba sa mga nagiging leading ladies mo?’ Honestly, oo.

"Kasi, ang hirap dayain ng isang bagay na kikiligin ka, pero hindi ka naman kinikilig.

“Siguro sa iba, kaya nila yun.

"Pero ako, minsan nga, nasasabi ko sa sarili ko, feeling ko, hindi naman ako ganoon karunong umarte.

“Kasi, yung binibitawan kong eksena sa pag-arte, totoong nararamdaman ko yun.”

Kung nai-in love siya sa mga nagiging leading ladies niya, may simula at may dulo?

“Kasi, Tito Boy, sinasarili ko.

“Halimbawa, nagkakagusto ko sa isang tao, sa akin na lang yun.

"Hindi ako lumalampas sa boundary ko. Alam ko ang limitasyon ko.

“Halimbawa, ang isang leading lady ko o katrabaho ko, niligawan ko, maaapektuhan ang trabaho namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Halimbawa, nagkaroon kami ng relasyon, nag-away kami… wala, masisira ang trabaho ko.”



ERICH GONZALES. Kay Erich Gonzales na leading lady niya ngayon sa Juan dela Cruz, kahit na may boyfriend na ang dalaga, may kilig pa rin ang kanilang love scenes.

Kinikilig ba siyang talaga?

“Oo!” pag-amin naman ni Coco.

“Sabi ko nga, kahit sa mga eksenang sinusungitan niya ako, tinatarayan niya ako, kinikilig ako kasi nagagandahan ako sa kanya.

“E, maganda, e. Sabi ko, lalaki ako, humahanga.

“Pero sabi ko, bukod doon, alam ko ang limitasyon ko.

“Siyempre, after, marami ang nagtatanong sa akin, ‘O, alam mo na may boyfriend si Erich, may plano ka bang ligawan?’

“Sabi ko, ‘Wala.’ Kasi, sobra ang respeto ko sa tao.

“At ako, kung sakaling magkakaroon ako ng karelasyon o boyfriend, alam ko ang pakiramdam.

“Lalo na sa trabaho na may sweet moments kami, siyempre, nakakaselos yun.

“Pero gusto ko rin i-assure sa boyfriend ni Erich na parang kung nagka-crush ako kay Erich before, hanggang doon lang yun.

“Kahit nga ngayon sa set, never kaming… hinaharot o nagpaparamdam ba ako kay Erich pagdating sa tent?

“Wala. Halos hindi kami nag-uusap.

“Pero kapag nandoon kami sa eksena, doon ko siya binibiro, kasi nagagamit ko yun.”



JULIA MONTES. Tila napalakas na “Hindi!” naman ang sagot ni Coco sa tanong kung siya ang dahilan ng paghihiwalay nina Julia Montes at Enchong Dee.

Ayon kay Coco, “Kasi actually, naririnig ko ang balitang yun.

“Hindi kasi ako mahilig manghimasok sa buhay ng ibang tao, lalo na yung magbigay ng opinyon.

“Yung that time na nakakarinig ka ng mga balita, hindi ko nga alam na naging sila.

“At siguro, para panghimasukan ko pa yun, hindi na po maganda para sa akin.”

Sa isang buwan, mag-e-eighteen na si Julia, excited ba si Coco?

“Oo!” natatawa niyang sabi.

May balak ba siyang ligawan si Julia?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siyempre, bago ako pumasok sa isang bagay, sinisigurado ko muna. Ayoko namang mapapahiya ang sarili ko.”

Ano ang sinisigurado niya? Na may laban?

“Na may laban,” ang nakangiting sagot ni Coco.

“Pinakikiramdaman ko pa. Kasi, kapag nagkikita kami ni Julia, hindi naman namin pinag-uusapan.

“Siyempre, nakakailang at ayoko siyang mailang sa akin.

“Sabi ko nga, siyempre, si Lola, yung lola ni Julia ang tatanungin, nakakakita na ako na may puntos na.

“Pero kay Julia, pinapakiramdaman ko pa.

"Siyempre, ayoko pang pumasok sa isang bagay na mapapahiya ako.

“Kapag naramdaman ko na mukhang puwede, uubra… bakit hindi?”



REALITIES. Kung kasiguraduhan daw ang pag-uusapan, sigurado, lalo na sa showbiz, siguradong walang kasiguraduhan. Lahat magla-last.

Natatakot ba si Coco na pagdating ng isang araw, mawala ang anuman na tinatamasa niya ngayon sa kanyang career?

“Yung sa akin, yung career na sinasabi o kung anuman ang meron ako ngayon, hindi ako natatakot…

“Kasi, siguro kung bakit ako nagsusumikap nang sobra-sobra ngayon o kahit halos hindi na ako natutulog, pinaghahandaan ko yun, e.

“Kasi alam ko, ang trabaho kong ito, hindi forever gusto ka ng mga tao, na tinatangkilik ka, pelikula o soap opera na ginagawa mo.

"Yun ang pinaghahandaan ko kaya ako nag-iipon nang sobra-sobra.

“Sabi ko nga, kung ako ang tatanungin, masaya na ako. Sobra-sobra na kung anuman ang meron ako ngayon.

“Maliit lang naman ang pangarap ko. Hindi naman ako ma-ambitious na tao na gusto ko merong ganyan.

“Ang pinagsusumikapan ko ngayon, para na ito sa pamilya ko, mga magulang ko, mga kapatid ko na.

“Kumbaga, kung sakaling mawala ito, basta magkaroon lang ako kahit konti doon at alam kong na-secure ko na ang family ko, okay na po ako doon.

“Pero siyempre po, hangga’t maaari, ayokong mawala ito nang ganun-gano’n lang, kasi alam ko kung paano ko pinaghirapan ito.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN