Melai Cantiveros on being courted again by Jason Francisco: "Siyempre ako, kailangan ko munang mag-isip. Siyempre, ganoon naman talaga ang girl."

Kinumpirma ni Melai Cantiveros na nagpaparamdam sa kanya ulit ang ex-boyfriend niyang si Jason Francisco, pero itinanggi niyang nagkabalikan na silang muli. Sabi ni Melai, "Sasabihin ko naman kung nagkabalikan na kami. Bakit naman hindi ko sasabihin ang totoo?”


Nabalita noon na mawawala na raw sa ere ang Banana Split, pero ngayon ay muling ibinabalik ng network ang daily edition ng comedy-gag show na ito ng ABS-CBN.

Kung noon ay tinatawag itong Banana Split Extra Scoop Daily, ngayon naman ay mapapanood ito bilang Banana Nite sa primetime, pagkatapos ng Bandila, simula sa February 25.

Isa sa natuwa sa development na ito ay si Melai Cantiveros, na ngayon ay mapapanood na araw-araw mula umaga hanggang gabi.

Kasama rin kasi siya daily morning show ni Kris Aquino na Kris TV at ngayon ay may Banana Nite pa siya.

Bukod pa ang Banana Split na regular pa ring mapapanood tuwing Sabado ng gabi.

Nagpapasalamat nga si Melai sa lahat ng executives ng ABS-CBN “dahil binigyan nila kami ng chance ulit na mag-daily.”


TOGETHER AGAIN? Sa mga nangyayari ngayon kay Melai, mukhang hindi lang sa career niya may bumalik.

Ang lovelife daw niya ay blooming na naman dahil sa balitang nagkabalikan sila ni Jason Francisco, co-housemate niya noon sa Pinoy Big Brother.

“Wala naman, nagpaparamdam lang siya,” sabi ng komedyana.

Pero seryoso, marami ang nagsasabi na nagkabalikan na raw sila?

Sagot niya, “Kanina pa nga ako seryoso… oo naman, sasabihin ko naman kung nagkabalikan na kami.

“Bakit naman hindi ko sasabihin ang totoo?”

Hindi naman daw nawala si Jason kahit noong nag-break na sila. Nandiyan lang naman daw ito palagi.

Pero yung dating relasyon daw nila bilang magkasintahan ang nawala.

Sabi ni Melai, “Palagi naman siyang nagpaparamdam.

“Pabalik-balik yung isyu na nagkabalikan na, kasi okay naman kami as friends.

“Pero si Jason, nag-step na siya.

“Pero siyempre ako, kailangan ko munang mag-isip. Siyempre, ganoon naman talaga ang girl.”

Yung pagsasama nilang muli sa Kris TV, doon ba nagsimula na manligaw ulit sa kanya si Jason?

Sabi ni Melai, “Lately lang naman.

“Kasi, noong nag-Kris kami, palagi lang kaming nagkikita. Tapos, hindi siya nagte-text.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nagpaparamdam siya ngayong mga December, January, ganoon.”

Dahil ba sa pagkakasama nilang muli sa Kris TV at makitang nandoon pa rin talaga ang chemistry nila?

“Hindi naman, hindi naman siguro… grabe naman, masakit naman yun,” mabilis niyang sabi.

Dagdag ni Melai, “E, siguro, nari-realize niya.

“Hindi ko alam sa kanya kung ano ang nararamdaman niya kung bakit siya bumabalik. Hindi ko alam sa kanya.

“Siya na lang ang tanungin niyo.”

May nararamdaman ba siyang kilig na nililigawan siyang muli?

“Okay lang naman!” ang natatawa niyang sabi.

May pag-asa bang tanggapin niyang muli si Jason sa buhay niya.

“Oo naman… Lahat naman may pag-asa, habang-buhay, may pag-asa naman,” sagot ni Melai.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN