Jodi Sta. Maria still mum about relationship with Jolo Revilla

“Basta okay lang. Steady lang. ‘Yon lang ang masasabi ko,” Jodi Sta. Maria briefly describes her relationship with rumored boyfriend Jolo Revilla.


Nananatiling tahimik si Jodi Sta. Maria tungkol sa relasyon nila ni Jolo Revilla.

Sa ginanap na thanksgiving party para sa Be Careful With My Heart kagabi, February 25, matipid ang pagsagot ng aktres nang tanungin tungkol sa estado ng relasyon nila ng kumakandidatong vice governor ng Cavite.

“Basta okay lang. Steady lang. ‘Yon lang ang masasabi ko,” matipid na sagot ni Jodi.

Noong Valentine’s week kasi ay nag-post ang Star Magic talent ng isang larawan kasama si Jolo, na tila nasa isang dinner date, sa kanyang personal account sa Instagram (@jodistamaria).




Bahagyang natawa si Jodi sabay sabi niya sa mga nagtanong na entertainment press, “Kaisa-isang photo lang naman ‘yon. ‘Yon lang, wala namang masama sa dinner.

“It was actually a photo of him and me. But then, marami kaming kasama, na-crop lang sila.”

Nang hingin naman ang reaksiyon niya tungkol sa pahayag ng mga magulang ni Jolo na sina Cavite Representative Lani Mercado at Senador Bong Revilla, na boto ang mga ito sa kanya, napangiti lamang si Jodi.

Pero sabi rin niya, “Siyempre, nagpapasalamat ako doon.”



AIZA IS NOT RESIGNING. Samantala, pinabulaanan ni Jodi ang bali-balitang magre-resign diumano ang co-star niyang si Aiza Seguerra sa Be Careful With My Heart.

Ang usap-usapang ito ay nagsimula nang maging mas late na ang pag-uumpisa ng kanilang teleserye. Sa 11:45 a.m. slot nito, halos nakakasabay na nito ang longest-running noontime show na Eat Bulaga!, ang programa kung saan unang nakilala si Aiza.

Una na itong nilinaw ni Aiza sa kanyang personal account sa Twitter.

Nai-post ito ni Aiza (@aizaseguerra) noong February 19: “FYI resignation issue is not true. Thank you.”

Ganito rin ang naging sagot ni Jodi nang tanungin siya ng media kahapon.

Aniya, “Actually, nag-tweet si Aiza and pinabulaanan niya ang resignation issue na ‘yan.

“Hindi po aalis si Aiza Seguerra sa aming show.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siya pa rin po ang Kute ng Be Careful With My Heart.”

Dagdag pa niya, “Even before naman lumabas yung resignation issue na ‘yan about Aiza, never naman niya talaga plinano na umalis ng show.

“Siyempre, mahal din naman niya ang Be Careful With My Heart.

“Pero siyempre, may respeto rin siya doon sa katapat na show dahil ‘yon naman ang naging tahanan niya for the longest time, di ba? Doon siya lumaki.”

Hangga’t maaari, ayaw sana ni Jodi na maging issue ang pagtatapat ng Be Careful With My Heart at Eat Bulaga!

Sabi ng aktres, “Mataas at malaki po ang respeto namin sa Eat Bulaga! kasi institusyon naman na talaga sila, e.

“Kumbaga, napatunayan na rin nila na may mga show na dumating at nawala, pero sila nandoon pa rin.”

Kaya naman naging pakiusap ni Jodi sa huli, “Huwag po nating gawing kumpetisyon ito. Alam din po naman namin kung saan kami lulugar.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN