Gov. ER Ejercito on credibility of Star Awards and MMFF judges: “E, naniniwala ako na credible ang ating mga judges sa Star Awards. Kaya yung Metro Manila Filmfest kailangan kumuha sila ng mga credible judges.”

The Laguna governor is greatly excited about the forthcoming La Laguna Festival: The Festival of Life a week-long, star-studded entertainment extravaganza that aims to celebrate the biodiversity of Laguna Lake as well as the province’s rich natural resources


Hanggang ngayon ay tila dinaramdam pa rin ni Laguna Governor Jeorge “E.R.” Ejercito Estregan ang hindi raw magandang karanasan niya sa nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF) 2012 para sa kanyang pelikulang El Presidente: The Gen. Emilio Aguinaldo Story.

Matatandaang inireklamo ng gobernador ang hindi pantay na hatian ng bilang ng mga sinehang pinagpalabasan ng MMFF entries. Idagdag pa ang muli niyang pagkatalo kay Dingdong Dantes para sa Best Actor award.

Aniya nga, “Na-One More Try na naman tayo!” na nagkataong titulo ng entry ng Star Cinema kung saan kabilang sa cast si Dingdong.

Hindi rin nakuha ng El Presidente ang isa pang award na sa tingin ng gobernador ay pasok na pasok ang pelikula sa criteria.

Kaya naman natanong si Gov. ER ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung napapagod na ba siyang sumali sa filmfest.

“Hindi, natutuwa nga ako sa resulta nung awards night, e, dahil hindi nabigyan yung nararapat mabigyan,” biro niya.

“Gagawa pa rin ako, sabi ko kay [MMDA at MMFF] Chairman Francis Tolentino kahit disappointed ako sa awards night.

“Kahit yung FPJ Memorial Award, binasa nila yung FPJ Memorial Award, di ba?

“Unang criteria, historical film that inspires national patrimony. Hindi nakuha ng nag-iisang historical film, El Presidente, naibigay sa iba. Kaya nadale na naman ako. Na-one more try na naman ako!”

Nakausap ng PEP at iba pang media si Gov. ER sa presscon ng itinatag at inorganisa niyang La Laguna Festival sa kanilang probinsiya, na magaganap sa Marso 8-17. Isinagawa ang presscon kahapon, Marso 2, sa Zirkoh Tomas Morato sa Quezon City.

FPJ MEMORIAL AWARD. Ang Fernando Poe Jr. Memorial Award for Excellence ay nakuha ng One More Try, na itinanghal ding Best Picture. Ito man lang daw sana ay nakuha ng El Presidente bukod sa pagiging Second Best Picture.

“Medyo na-disappoint ako doon sa FPJ Memorial Award dahil ang linaw e, binasa pa [yung criteria], narinig pa ni Tita Susan Roces at ni Grace Poe.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang FPJ Memorial Award, ang sabi doon historical film that inspires national patrimony, tapos hindi naibigay sa El Presidente. Doon ako nasaktan.”

Nagkaroon ba ng pagkakataon na nakausap niya si Susan makaraan ang awards night?

“Ah, si Grace Poe, si Senador Grace Poe [tumatakbo pa lang bilang senador sa 2013 elections]. Sabi nga niya, ‘Gov, hindi nga kami nasama diyan sa mga judges. Kaya this year pakikialaman ko na iyan,’ sabi ni Grace Poe.

“Dahil dyumingle [umihi] lang daw sila ni Tita Susan, pagbalik nila may winner na. Na-one more try na.”

Ang mga ganitong pangyayari ba ay nakakaapekto sa kanya bilang isa ring filmmaker, producer at artista?

“Hindi, kasi naman ang paggawa ko ng pelikula taun-taon, kami ni Mayor Maita [Sanchez-Ejercito]… e kasi alam mo yung ibang mga governor... yung ibang congressman ang pastime nila golf course, casino, beach, mag-a-abroad.

“Ang pastime namin ni Mayor Maita gumawa ng one movie a year para makatulong sa napakaraming nangangailangan ng trabaho sa lalawigan ng Laguna at mga artista na naliligaw ng landas.

“Kaya gumagawa kami ng one quality film na graded A by the Cinema Evaluation Board. One picture a year para makatulong sa maraming nangangailangan.”

Si Mayor Maita ay dating aktres na naging butihing asawa ni Gov. ER at mayor ngayon ng Pagsanjan, Laguna.

VINDICATED IN OTHER AWARD-GIVING BODIES. Tila expected na rin daw ni Gov. ER na hindi raw ibibigay sa kanya ang matataas na awards sa MMFF.

“Alam ko naman na hindi ibibigay sa akin ng festival iyan. Kaya ako ay nabi-vindicate sa Star Awards, sa Luna, sa FAMAS, sa Gawad Pasado, sa Gawad Tanglaw.

“E, nakita n’yo naman naka-apat na Best Actor tayo sa Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story, sa FAMAS, sa Luna, sa Star, sa Gawad Pasado.

“E, yung apat na iyon… dapat lima, e, kaya lang nadale ako doon sa una [sa MMFF Awards], kaya apat. Pero masaya na ako doon sa apat.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa tingin niya ba may kinalaman din dito ang pagiging pulitiko niya?

“Malalim, malalim. Hindi ako kapartido, e,” biro niya.

Ano ang expectation niya sa darating na Star Awards for Movies sa March 10 lalo na’t nominado ulit siya para sa Best Actor at kalaban niya ulit si Dingdong?

“E, naniniwala ako na credible ang ating mga judges sa Star Awards. Kaya yung Metro Manila Filmfest kailangan kumuha sila ng mga credible judges.”

DINGDONG DANTES. Dalawang magkasunod na taon (2011 at 2012) nang ibinibigay ng MMFF Awards ang Best Actor kay Dingdong kaya hindi maiwasang maintriga sila ni Gov. ER.

Kaya tinanong ng PEP si Gov. ER na sa kabila ng mga intriga sa kanila ni Dingdong bukas pa rin ba siya sa pagkakataong magkatrabaho sila ng aktor?

“Oo naman, magaling na artista si Dingdong, magaling na artista. Nabiktima lang kami ng mga circumstances.”

LA LAGUNA FESTIVAL. Sa ngayon gusto munang pagtuunan ng pansin ni Gov. ER ang ikatlong La Laguna Festival ng kanilang probinsiya, bago niya asikasuhin ang pagsu-shooting ng pelikulang isasali niya sa MMFF 2013 at bago siya maging abala sa pangangampanya sa darating na May 2013 elections, kung saan muli siyang tatakbo bilang gobernador ng Laguna para sa kanyang ikalawang termino.

Ang La Laguna Festival, na tinaguriang Festival of Life, ay magaganap sa Marso 8-17. Ipinagmalaki nga ni Gov. ER na magiging mas malaki at star-studded ang pagdiriwang ngayong taon.

“Well, La Laguna is celebrated for ten long days with seventy two events.

“Kaya’t La Laguna the Festival of Life, ito’y pagbibigay pugay sa ating pinakamalaking lawa sa buong Pilipinas, ang Laguna Lake.

“Kaya itong La Laguna, ang ibig sabihin po niyan the lake or the lagoon and sa Tagalog naman ang ibig sabihin niyan ‘lalago na’ o ang pag-usbong ng bagong Laguna, una sa lahat ng bagay.

“Kaya star-studded po ito, marami tayong mga artista, singers, performers and entertainers na inanyayahan para i-grace ang ating ten-day occasion na celebration ng La Laguna Festival: The Festival of Life—pinakamalaki, pinakamakulay, pinaka-exciting, pinakamagastos na festival sa buong Pilipinas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pinarangalan ito ng Department of Tourism (DOT) at ng Association of Toursim Officers of the Philippines (ATOP) bilang Outstanding Festival at Best Tourism Event for the years 2011 and 2012.”

Kabilang sa mga activities na magaganap sa festival ay ang Fluvial and Land Float Parades, Street Dancing, Paralympics, Trade Fair, Dragon Boat Race, Talentadong Laguneno, Brass Band Competition, Ginoo and Binibining Laguna Beauty Pageants, Miss Gay Laguna, Cook Fests, Motor Bike Show, Modern Dance Showdown, Fireworks Competition, at marami pang iba.

Ginagamit ba ni Gov. ER ang pagiging celebrity niya para makapag-anyaya ng mga artista?

“May budget naman ang pamahalaang panlalawigan pero may mga performers at entertainers naman na for free dahil sa pagiging magkaibigan ay naghu-host, nag-e-entertain, kumakanta, sumasayaw at nagdya-judge na for free sa lalawigan ng Laguna.”

BEST MUSIC VIDEO FOR TOURISM PROMOTIONS. Ipinagmamalaki rin ni Gov. ER ang award bilang Best Music Video For Tourism Promotions na nakuha ng ginawa nilang music video para i-promote ang probinsiya ng Laguna kasama na ang tourist spots nito.

Tampok sa music video bilang singer ang asawa niya at Pagsanjan Mayor na si Maita Sanchez-Ejercito.

“Directed by Louie Ignacio. Salamat kay director Louie Ignacio na taga-Pagsanjan, Laguna din at award-winning director ng Channel 7. Nanalo ng award ang music video natin ng Laguna at ng Bangkero [for Pagsanjan] ng Best Music Video for Tourism Promotions galing sa Aliw Awards.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN