Carl Guevara on status of relationship with Kris Bernal: “Exclusively dating, happy... ganoon.”

Kailangan harapin ni Carl Guevara ang kanyang trabaho dito sa Pilipinas, kaya hindi siya nakasama sa rumored girlfriend niyang si Kris Bernal sa isang buwang bakasyon nito sa Europe.


Ang tungkol sa naging pag-alis at pagbabakasyon sa Europe ni Kris Bernal ang unang tinanong kay Carl Guevara ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media na bumista sa taping ng Bukod Kang Pinagpala noong Miyerkules, March 13, sa Tagaytay.

Biro ng press kay Carl, tila nalulungkot siya dahil wala ngayon ang rumored girlfriend niyang si Kris. Isang buwan kasing magbabakasyon sa Europe ang young actress kasama ang pamilya nito.

Aminado naman si Carl na nami-miss at naaalala niya si Kris.

Sabi niya, “Umalis na siya noong Sunday [March 10], siyempre naaaala ko siya.

“Siyempre, nakaka-text ko siya. Ang hirap din niyang kontakin dahil nasa Europe siya.

“Pero minsan nagkakausap kami, dinadaan sa wi-fi, sa Viber, Tango...”

Nabasa namin sa Instagram account ni Kris na nagpasalamat siya kay Carl dahil pinabaunan nito ng headgear ang pamilya ng young actress.

Pero ayon kay Carl, “Wala akong pabaon, pero hinatid ko siya.”

Bakit hindi siya sumama sa bakasyon na yun ni Kris?

“Meron akong show, e. Although, actually, sinabi na niya yun sa akin bago pa itong show na ‘to.

“Kaya lang, itong show, siyempre sinabi sa akin ni Perry [Lansigan, Carl’s manager] na trabaho ito.”

THE REAL SCORE. Confident naman ba si Carl na pag-uwi ni Kris galing Europe ay sila pa rin?

“Sana, di ba?” nakangiti niyang sagot.

Ibig sabihin, umaamin na siya na sila na nga, na may relasyon na nga sila?

“Kung anuman yung meron kami ngayon, yung sa amin lang,” sabi ni Carl.

Anong status yun?

“Parang M.U. [mutual understanding] lang!” natawa si Carl pagkatapos niyang samagot.

Dagdag niya, “Exclusively dating, happy... ganoon.”

Gaano na katagal ang “exclusively dating” level nila?

“Siguro mga eight months.”

ONSCREEN TANDEM. Nagkasama na noon sina Carl at Kris sa dating primetime series ng GMA-7 na The Last Prince. Hindi ba nila naiisip na sana ay sila na lang ang pagtambalin ng GMA-7?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi siya sanay… sa ngayon, naiilang siyang katrabaho ako,” sabi ni Carl.

Bakit naman?

“Hindi ko alam… sabi niya!” natatawang sagot niya.

Gusto ba niyang maging leading lady si Kris?

“Oo naman, madali naman siyang katrabaho.”

Nagseselos ba siya kapag nakikita niyang sweet sa isa’t isa si Kris at ang ka-loveteam nitong si Aljur Abrenica?

“Hindi naman, trabaho yun, e.”

Si Kris, hindi ba nagseselos kay Jennica Garcia na madalas makapareha ni Carl, tulad sa Bukod Kang Pinagpala?

“Hindi naman,” nakangiting sagot ni Carl.

May mga nang-aaway rin ba sa kanyang fans nina Kris at Aljur, gaya kay Kylie Padilla na girlfriend ni Aljur?

“Hindi, hindi nila ako inaaway.

“Wala naman akong nababalitaan. Wala rin sinasabi sa akin si Kris.

“Sa Instagram, hindi rin naman.

“Siguro, tahimik lang naman ako. Palagi lang akong nakangiti,” sabi ni Carl.

BACK TO ZERO. Pagdating naman daw sa trabaho ay hindi namimili si Carl.

Kung ano raw ang sabihin ng manager niya na gagawin niyang proyekto ay sumusunod lang siya. Prayoridad din daw kasi niya ang trabaho at may tiwala siya sa kanyang manager.

Pero may resentment o reklamo ba si Carl sa kanyang career?

Tugon niya, “Wala naman. Kasi, kahit papaano, meron akong trabaho. Sunud-sunod naman.

“After ng Bukod Kang Pinagpala, nabanggit nga sa akin ni Perry na magkakaroon daw ako ng show ng March.

“Hindi naman ako nawawalan.”

Bilang male winner ng Be Bench, naiisip ba ni Carl na dapat malayo na ang naabot ng career niya?

“Minsan, naiisip din.

“Pero, tama ang sabi sa akin ni Perry, galing ako ng ABS. Kapag pumunta ako ng GMA, back to zero ako.

“Kumbaga, produkto nila dito [GMA-7] na meron silang reality shows tulad ng StarStruck.

“Yun ang mas ano [priority] nila at yun din naman ang sinasabi sa akin ng manager ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Wala akong karapatang mag-demand, so back to zero talaga ako.”

Ano ang talagang prayoridad niya sa buhay ngayon—trabaho o lovelife?

“Trabaho siyempre, dito ako nabubuhay.

“Kung wala akong trabaho, ano’ng ipapakain ko sa magiging girlfriend ko, di ba?”

Girlfriend pa lang, kailangang pakainin na niya?

Natatawang sagot naman ni Carl, “Hindi, siyempre kapag magdi-date kami, ano’ng panggagastos ko?”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN