Isabel Oli on John Prats’ wish for their relationship to be "for keeps": “Actually, siyempre, kinilig ako at na-excite.”

Asked about the possibility of tying the knot with John Prats in the future, Isabel confides: “Hindi pa nga kami, kasal na ang topic? ‘Wag muna nating isipin yun. ‘Wag muna sigurong yun ang pag-usapan. Pero siyempre, bilang babae, gusto ko rin na ikasal ako. So, noong sinabi niya yun, siyempre, di mo maiiwasang hindi kiligin.”


Kasalukuyang nagla-lunch ang Kapuso actress na si Isabel Oli sa isang restaurant sa Tomas Morato Ave., Quezon City, nang hindi sinasadyang mamataan ito ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Napag-alaman namin na malapit lang daw pala ang location ng taping nila ng Forever kung kaya’t naka-on-call lang daw siya.

Hindi naman nagdalawang-salita si Isabel nang hingan namin ito ng ilang minuto para makapanayam.

Siyempre pa, matagal nang lumalabas sa mga balita at naging bukas sa publiko ang Kapamilya actor na si John Prats sa totoong saloobin o intensiyon niya kay Isabel.

Naging tapat nga ito sa pagsasabing malaki ang paghanga niya dito at kasalukuyang nanliligaw siya kay Isabel.

Pero sa kabila nito, wala pa halos naririnig na pahayag mula naman kay Isabel.

Natatawang sabi naman ni Isabel, “Ang reaksiyon ko sa mga sinasabi niya o nararamdaman ko noong sinabi niya sa isang talk show yata yun... siyempre, kinilig ako.

“I’m really happy and at the same time, babaeng-babae ang feeling ko.”

ARE THEY OR AREN’T THEY? Ang impresyon ng iba at lalo na ang mga nakakakita sa kanila na magkasama at gayundin ang mga followers nila sa kanilang Instagram account ay sila na raw.

Ayon naman kay Isabel, “Alam kong gasgas na ang sasabihin ko lalo na sa showbiz, pero, we’re just really in the getting-to-know-each-other stage. Yun talaga.”

Madalas na raw kasi ang sightings sa kanila na magkasama sa iba’t-ibang publikong lugar at pagkakataon.

Hindi naman ito itinanggi ni Isabel.

“Oo, lumalabas talaga kami kapag may time. Pero right now, sobrang busy,” paliwanag niya.

“Si John, halos araw-araw may work siya. Ako rin naman, sobrang busy.

“Pero kapag may time o nagkaroon ng time, yun...

“Minsan, pumupunta siya sa bahay o kaya naman kung malapit lang ang location namin, minsan dumadalaw siya sa taping.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kapag Sunday naman, nagtsi-church kami sa Victory, kasama namin ang family ko.”

Nilinaw namin kay Isabel kung miyembro na rin ba ng Victory Christian Fellowship si John. Pero ayon kay Isabel, hindi pa raw. Pero, sumasama raw ito sa kanya at sa pamilya niya kapag nagsa-Sunday service sila.

ACCEPTED BY FAMILY. Kahit nga sinasabi ni Isabel na hindi pa sila ni John at hindi pa niya sinasagot ang panunuyo nito, masasabing hindi na sila parehong “strangers” sa pamilya ng bawat isa.

Kumusta naman si John sa pamilya niya?

“Okay naman, natutuwa naman sila sa kanya. Mabait naman kasi si John,” amin ni Isabel.

Nakilala na rin daw niya ang pamilya Prats.

“Na-meet ko na sila noon ding birthday ni John [February 14]. Doon kasi siya nag-birthday sa bahay nila.

“Sobrang bait din nila. Yung parents niya, yung mommy niya, sobrang maasikaso. Sobrang bait din ng mga kapatid ni John.

“Siyempre si Camille naman, friends ko naman siya dati pa.”

Dugtong pa ni Isabel, “Pero siguro rin, isa sa nakita ko kay John, nakita ko kung paano siya sa pamilya niya. Sobrang close niya sa kanila, e... Di ba, ako rin, sa family ko, ganoon din.”

Nang makapanayam ng PEP noon si John, nabanggit nito na nasa estado na ito ng buhay niya na ayaw na niyang makipag-relasyon na hindi rin mauuwi sa kasalan.

Kaya tahasan nitong sinasabi na kung sasagutin siya ni Isabel, talagang nasa isipan niya, gusto na niya itong mauwi sa kasalan.

FOR KEEPS? Hiningan naman namin si Isabel ng reaksiyon tungkol dito. Mas umiral ba ang kaba, takot o excitement niya dahil sa binitiwang statement ng aktor?

Ayon kay Isabel na natatawa, “Actually, siyempre, kinilig ako at na-excite. Pero, teka muna, dahan-dahan lang naman siguro.

“Hindi pa nga kami, kasal na ang topic? ‘Wag muna nating isipin yun. ‘Wag muna sigurong yun ang pag-usapan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero siyempre, bilang babae, gusto ko rin na ikasal ako. So, noong sinabi niya yun, siyempre, di mo maiiwasang hindi kiligin.”

Isang diretsahang tanong naman ang ibinato namin sa kanya kung may pag-asa naman si John sa kanya.

At sabi naman ni Isabel, “Paano ko ba sasagutin yan? Well, meron naman. Pero sa ngayon, we’re taking each day at a time. Enjoy lang muna.”

KONTRABIDA TO THE MAX. Kinumusta na rin namin si Isabel sa kanyang afternoon prime teleserye na Forever kunsaan siya talaga ang kontrabida sa naturang drama series ng GMA-7.

Natatawang sabi nga ni Isabel, “Actually, okay naman. Pasama ng pasama ang karakter ko sa Forever.

“Pero, patapos na rin kasi ang taping namin. Hanggang April pa naman ang taping kasi, na-extend pa rin kami.

“Pero, dapat nilang abangan kung ano ang gagawin ko kay Heart. Sobrang grabe!” natatawa pa rin niyang kuwento.

Ito na nga raw ang pinakamasama niyang karakter na ginampanan.

“Pinakamasama talaga,” saad niya.

“Dati kasing ginagawa ko, more on gray lang. Pero dito, masama talaga na simpleng nang-aapi talaga siya. At nakakapagod din pala siya na palagi ka na lang galit.

“Mabuti na lang din si Heart, kaibigan ko. Nari-release ko sa kanya yung galit ko.

“Sampal dito, sampal doon... sobrang kawawa talaga si Heart. Kasi kahit ako, may dialogue nga ako roon na hindi ko alam [kung]bakit sobra kong inis o galit sa kanya.”

Kung noong una raw, talagang hindi siya kumportable at naiilang siyang api-apihin si Ms. Gloria Romero, ngayon daw ay hindi na.

“Ay, oo naman, noong first time talagang nakakabaliw. Pero ngayon, okay na.

“Nag-uusap din kami at talagang nawala na yung hiya ko sa kanya. Mabait at napaka-supportive naman talaga ni Ms. Gloria Romero.”

HOLY WEEK PLANS. Sa isang banda, wala naman daw planong umalis ng Manila si Isabel ngayong Holy Week. Darating daw kasi ang mga kapatid niya mula sa Singapore at dito lang daw sila sa Manila ngayong Holy Week.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Dito lang, sa bahay lang kami. Wala kaming planong umuwi ng Cebu o mag-out-of-town.

“Kumbaga, hayaan na lang namin na umalis yung mga tao sa Manila para kami naman ang mag-e-enjoy ng Holy Week dito,” pangwakas niyang pahayag.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN