Louise delos Reyes stars in indie film with French-Chinese actor; graduates from college

Louise on her big dream to be the first lawyer in their family: “Promise ko ito na magkakaroon ng isang lawyer sa pamilya namin. Dasal ko po na makaya ko at talaga namang pagsisikapan kong tapusin.”


May dahilan kung bakit biglang naging dark ang dating maputing kutis ng Kapuso leading lady na si Louise delos Reyes.

Nabababad daw sa arawan si Louise dahil sa tinatapos niyang indie film na may titulong Island Dreams na isang romantic-comedy kunsaan katrabaho niya ang isang French-Chinese actor-model na nagngangalang Alexis Petitprez.

Ayon kay Louise, gaganap siya bilang si Julie, isang probinsyana na may pangarap na maging singer at gusto nitong sumali sa isang singing reality show. Pero kailangan niya ng malaking halaga para makarating sa audition at matulungan niya ang kanyang inang bulag.

Kaya nagtatrabaho siya bilang isang tour guide sa ilang foreigners sa isang island resort.

INDIE FILM. Sa kanyang pagiging tour guide ay nakilala niya si Walter (Alex Petitprez) na isang American na hinahanap ang isang lugar na kung tawagin ay True Love’s Peak.

Isang mahiwagang lugar raw iyon at gusto niyang makarating doon para malaman niya kung sino ang babaeng nakalaan sa buhay niya.

“Yung character ko po, hindi naniniwala sa kuwentong iyon tungkol sa True Love’s Peak. Pero dahil kailangan niya ng mapagkakakitaan, sinamahan pa rin niya si Walter sa naturang lugar.”

“Ang role kasi ni Walter, nawalan siya ng taong minamahal. Kaya gusto niyang malaman kung meron pa bang nakalaan na tao para mahalin niya.

“Dun nila malalaman kung totoo ba o hindi ang sinasabi nilang mahahanap ang true love,” kuwento ni Louise sa press launch ng primetime series na Mundo Mo’y Akin sa Annabel’s Restaurant in Quezon City.

Sa Calatagan, Batangas raw ang shooting nila ng Island Dreams at ilang linggo na raw siyang nabababad sa arawan.

Si Aloy Adlawan at Gino Santos ang directors ng Island Dreams at kasama rin sa cast ay si Irma Adlawan bilang ina ni Louise.

“Mabuti na lang po na ang role ko sa Mundo Mo’y Akin ay hindi physically maganda kaya bumagay naman po ang pagiging dark ng balat ko ngayon,” dagdag niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“May prosthetics ako sa mukha at may fake na ngipin na nilagay sa akin. Kaya ibang-iba ang hitsura ko from my past shows tulad ng Alakdana, My Beloved at One True Love.

HECTIC SKED. Isang dahilan din ang hectic schedule ni Louise kung bakit malaki ang pinayat niya. Gusto na nga raw niyang magpataba ng konti dahil pakiramdam niya ay sobra na siyang pumayat.

“Nagsabay po kasi ang shooting ng movie tapos nag-taping na kami agad. Kaya ang biyahe ko, from north to south!” tawa pa ni Louise.

“Kaya wala na akong time na makakain ng tama dahil gusto na lang itulog sa biyahe.

“Alam kong mahirap pero ginagawa ko naman ito para sa ikabubuti ng career natin.

“Hindi naman ako nagrereklamo. Gusto ko nga po ang busy.

“Kasi po, after One True Love, matagal akong nabakante.

“Pero okey naman din ang gano’n kasi nakapag-concentrate ako sa studies ko.

“Heto nga po at ga-graduate na ako this April. Sobrang tuwa ko po lalo na ang family ko.”

GRADUATING. Ga-graduate si Louise sa kursong Tourism mula sa Lyceum University sa Dasmariñas, Cavite. Sa April 17 daw ang graduation niya.

Malaki raw ang naging sakripisyo ni Louise para lang hindi siya matigil sa pag-aaral niya. May goal kasi siya na matapos siya agad ng kolehiyo para masunod ang pangarap ng parents niya na mag-take up siya ng Law.

“May mga pagkakataon po na hindi ako tumatanggap ng ibang raket dahil priority ko po ang pag-aaral,” saad niya.

“Marami akong mga lakad na hindi sinisipot dahil sumasabay siya sa pag-aaral ko.

“Tapos kapag inuumaga kami sa set, diretso ako sa school dahil may exams kami. Ayoko rin kasing mag-absent.

“Kaya kahit na inaantok po ako, kailangan nating pumasok para wala po akong ma-miss.

“No regrets naman po dahil napunta naman sa studies ko ang mga panahon na iyon at ngayon maganda ang kapalit dahil natapos din po ako sa tamang panahon.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

ATTY. LOUISE? After graduation ay hindi raw muna agad-agad sasabak si Louise sa kanyang kurso sa Law. Magta-time out daw muna siya ng isang taon bago siya mag-aral ulit.

“Ngayon na tapos na ako sa kurso ko, puwede na akong mag-fulltime sa showbiz,” masaya niyang banggit.

“Makakaraket na rin ako sa kunsaan-saan. Makakasama ko na rin ang ilang mga Kapuso stars sa mga regional shows.

“One year lang ako magpahinga and sa 2014, tuloy po ang pag-take ko ng law studies.

“Promise ko ito na magkakaroon ng isang lawyer sa pamilya namin. Dasal ko po na makaya ko at talaga namang pagsisikapan kong tapusin.”

Kahit na nga isakripisyo pa ni Louise ang magandang takbo ng kanyang career, una sa listahan niya ang kanyang pag-aaral.

“Kung nagawa ko pong mag-give up ng ilang mga bagay, kaya ko pa ring gawin iyon.

“Tuloy pa rin naman po ang career ko, yun nga lang mas bibigyan ko ng maraming panahon ang pag-aaral ko ulit.

“Naiintindihan naman ako ng GMA-7 at laking pasasalamat ko na muli kaming pinagkatiwalaan ni Alden [Richards] sa Mundo Mo’y Akin.

“Makakaasa naman po sila na magtutulungan ulit kami ni Alden para makabigay kami ng magandang kuwento tulad sa nakita nila noon sa One True Love,” pangako ni Louise sa kanilang fans.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN