Mark Herras admits girlfriend Ynna Asistio threatened to break up with him

Dahil sa tindi ng schedules ni Mark Herras, inamin niyang hinamon na siya ng girlfriend na si Ynna Asitio ng breakup. Kuwento niya: “Siyempre, noong naghamon siya ng hiwalayan, hindi ko sineryoso. Alam kong nagtatampo lang siya. Kulang lang sa lambing iyon!”


Puspusan ang pagtrabaho ng Kapuso leading man na si Mark Herras sa kanyang pinagbibidahang afternoon drama series sa GMA-7, ang Unforgettable.

Aminado rin si Mark na hindi na siya yung dating Mark Herras na nagsisimula at kailangan turuan parati.

Kailangan daw ay parati siyang handa sa anumang ipagawa sa kanya sa series.

“Hindi na tayo bata para laging papaalahanan. Kailangan kung ano ang hingin, maibibigay mo kaagad.

“Noon kasi ay excused pa ako. Baguhan pa lang ako noon kaya napagbibigyan.

“I was only 16 years old noong magsimula ako, ngayon 26 years old na ako.

“Ten years na tayo sa industriyang ito… sapat na yung mga natutunan ko simula pa noon.

“Ayokong isipin nila na wala akong natutunan sa itinagal ko sa trabahong ito,” sabi ni Mark sa panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa GMA Annex Building.



GOING SERIOUS. Nabanggit na noon ni Mark na gusto niyang maging seryoso sa kanyang trabaho bilang artista, kaya tutok na siya sa kanyang drama series at sinisiguro niya na tama ang performance na ibinibigay niya parati.

Sinasabi kaya ni Mark ito dahil nakikita niyang maraming bagong bini-buildup na leading men sa Kapuso network?

Tugon niya, “Hindi naman sa insecure tayo, dahil alam ko naman na marami pang plano ang GMA-7 para sa atin.

“Ramdam ko pa rin ang suporta nila sa akin—hindi nila ako binabalewala.

“Heto nga’t nabigyan tayo ng bagong show, di ba?

“Tsaka nandiyan naman parati ang manager kong si Nay Lolit [Solis] para pagsabihan ako na magseryoso, or else, marami ang puwedeng pumalit sa akin.

“May panakot siya talaga sa akin, kaya ako naman, pinag-iingatan din natin ang nasimulan natin sa showbiz.

“Kung may mga baguhan man, okay lang iyon.

“Siyempre, kailangan parati ng mga bagong mukha na mapapanood sa TV. Hindi naman parating kami-kami na lang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Actually, natutuwa nga ako na may mga bagong dumarating… naise-share namin sa kanila yung mga natutunan namin.

“Hindi tayo dapat ma-insecure sa mga baguhan—kailangan i-welcome pa natin sila.”



PROFESSIONAL. Ang hindi nga raw nawala kay Mark ay ang kanyang pagiging professional dahil ito ang una niyang natutunan noong nasa StarStruck pa lang siya.

Aniya, “I try my very best na maging professional parati.

“Kahit na pagod tayo, puyat or maysakit, tinatapos ko pa rin ang masimulan kong trabaho.

“Ayokong may masabi silang hindi maganda sa akin kasi nakakahiya naman.

“Ayokong maging cause ng problema—ayokong maging sakit ako ng ulo ng production,” diin pa ni Mark.



LEAD STAR. Bilang leading man sa Unforgettable, malaking hamon kay Mark ang role bilang isang multo dahil maraming emotions ang kailangan niyang ilabas.

Takot daw siya sa kanilang direktor na si Gina Alajar dahil alam niyang metikulosa ito pagdating sa acting ng mga hawak niyang artista.

“I feel lucky na muli kong nakatrabaho si Direk Gina. Huli kaming nagkasama sa Hiram Na Puso.

“Ayokong mapagalitan ni Direk Gina kaya ginagalingan ko parati.

“Alam ko na kasi ang kalibre niya bilang artista at director.

“Kaya ayokong pumalpak. Gusto kong masabihan ng ‘Good take!’ kesa sa ‘Take two tayo.’”



SET ASIDE. Inamin din ni Mark na dahil sa pagiging abala niya sa Unforgettable ay halos mawalan siya ng panahon para sa kasintahan niyang si Ynna Asistio.

Sa isang interview kay Ynna, nasabi ng aktres na hinamon niya si Mark nang hiwalayan dahil nawawalan na sila ng panahon para sa isa’t isa.

Nasabi ni Mark na sa limang taon na may relasyon sila ni Ynna ay marami na silang pinagdaanang mga pagsubok.

May mga naging pagkukulang din siya kay Ynna kaya hangga’t maaari ay gusto niyang ayusin ang anumang problema nila, tulad ngayon na may kinalaman ang trabaho niya sa kanilang hindi pagkakaunawaan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Talagang nawalan ako ng time for Ynna,” pag-amin ni Mark.

“May kinalaman talaga yung series namin ni Kylie [Padilla]. Since nagsimula kami, parati kaming naghahabol sa taping.

“Kaya halos every day may taping kami. Lalo na ngayon, nagbabangko kami dahil Holy Week.

“May schedule pa nga yata ako ng taping hanggang Wednesday, kaya sagad-sagaran kami bago magbakasyon,” paliwanag ni Mark.

Kapag may libreng araw si Mark ay tinutulog na lang daw niya ito dahil kinabukasan ay alam niyang may taping siya.

“Pinapaintindi ko naman kay Ynna iyon.

“Siyempre, nami-miss kasi niya yung mga times na magkasama kami… lalabas kami para kumain. Marami pa kasi kaming time noon.

“Ngayon kasi, talagang sagad ang schedules ko.

“Naintindihan naman na iyon ni Ynna—okay na kami.

“Siyempre, noong naghamon siya ng hiwalayan, hindi ko sineryoso. Alam kong nagtatampo lang siya.

“Kulang lang sa lambing iyon!” sabay tawa ni Mark.



MAKING UP. Ngayong Holy Week break, babawi raw si Mark sa mga panahon na nawala sa kanila ni Ynna.

Wala pa silang plano kunsaan sila magbakasyon ni Ynna, pero sigurado ay kasama rin sa bakasyon nila ang kanilang pamilya.

“Kapag ganito namang bakasyon, gusto ni Ynna kasama parati mga kapatid niya. Okey lang kasi pamilya na nga kami.

“Gusto ko rin naman na kasama rin ang family ko.

“Ito lang kasi ang pagkakataon na nagkakakuwentuhan kami dahil parati tayong nasa trabaho.

“Kunsaan man kami ngayong Holy Week, siguradong magkakasama kaming lahat.

“Family bonding ang importante sa lahat.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN