New child star JB Agustin on playing lead role in Little Champ: “Basta ang alam ko po, umarte po ako. Magaling po akong umarte.”

Sa murang isip ni JB Agustin, sinabi niyang iipunin niya ang kanyang kita mula sa pag-aartista. Aniya, “Nilalagay ko po sa bangko, si Mommy po ang naglalagay. Kapag kailangan ko lang po, yun po…. like kapag bibili ng damit at saka laruan.”


Sa napakaraming nag-audition na aspiring child stars para maging bida sa bagong fantaserye ng ABS-CBN, ang Little Champ, si JB Agustin ang napili para maging si Caloy.

Paano ba siya nakuha bilang si Caloy sa Little Champ?

Kuwento ni JB sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Una po, nag-workshop po ako. Tapos po, nag-audition po ako.

“Ang alam ko po, lagpas sa one hundred po kami nag-audition. Tapos po, ako po ang napili.”

Sa palagay niya, bakit siya ang napili sa lahat ng nag-audition?

“Hindi ko po alam. Basta ang alam ko po, umarte po ako. Magaling po akong umarte,” sagot ng baguhang child actor.

Yung ibang nag-audition, hindi magaling umarte?

“Magaling din po, kaya lang sabi po, bibo raw kasi ako.”


THRILLED. Anim na taon ngayon si JB. Pero noong tatlong taon pa lang daw siya ay naging extra na siya sa ilang teleserye ng ABS-CBN; tulad ng Minsan Lang Kitang Iibigin, 100 Days To Heaven, at Wansapanataym . Nakagawa na rin daw siya ng mga TV commercials.

Ano ba ang pakiramdam na napapanood na siya sa TV?

Tugon ni JB, “Masayang-masaya po ako kasi, kapag Little Champ na po, wala na pong mga bata sa kalye.

“Kasi po, puwede pong pambata ang Little Champ, lahat po puwede dito.”

Maraming eksena si JB sa Little Champ na kausap niya ang kabayo.

“Opo nga, masaya naman po. Minsan nga, meron akong eksena na nangangabayo.

“E, paborito ko rin po yun. Gusto ko nga pong mag-training ulit kay Ms. Violet, e.”

Naniniwala ba siyang nagsasalita ang kabayo?

“Hindi po. Kasi, istorya lang naman po yun ni Chalk.

"Ang kabayo naman, nagsasalita rin siya, pero po hindi lang natin maintindihan.

“Iba po kasi siya. Iba siya at iba tayo.”


DISBELIEF. Launching serye ni JB ang Little Champ, pero matagal siyang naghintay para maipalabas na ito. Noong isang taon pa kasi nabalitang ipalalabas ito sa ABS-CBN.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nalaman daw ni JB na ipapalabas na ito ilang araw bago ang pilot episode ng Little Champ.

Ano ang naging pakiramdam niya rito?

“Masaya po. Tapos, yung mommy ko, hindi raw po naniwala ang manager ko.

“Yung mommy at lola ko po, kami lang po ang gising noon. Ina Kapatid Anak po noon.

“Nagsigawan at umiyak ang lola at mommy ko, e, noong makita nila ang teaser!” natatawa pa niyang kuwento.

CO-STARS. Sa mga kasamahan niya sa ABS-CBN, sino pa ang gustong makasama at makatrabaho si JB?

Sabi niya, “Isa po si Kuya Zaijian [Jaranilla] kasi po, idol ko siya.

"Si Kuya Maliksi [Morales] po kasi, ang galing po niyang mag-voice-voice.

“At saka, si Kuya Coco [Martin] din po, gusto ko rin po siyang makatrabaho.”

Ang gumaganap na tatay ni JB sa Little Champ ay si Jhong Hilario at mentor naman niya si Senator Lito Lapid.

Kumusta namang katrabaho ang dalawa?

“Si Tatay Jhong po, masaya. Minsan nagdyo-joke siya. Minsan nagsasayaw kami.

“Si Nanay Lara [Quigaman] naman po, pinapasalubungan niya ako. Minsan chocolates, tinapay, chichirya.

“Si Senator Lito Lapid naman po, nakakatawa rin. Kasi po, nagdyo-joke rin siya.

"Minsan, kapag hindi kami, nagkukuwentuhan kami tungkol doon sa mga dati niyang pelikula.”


SAVINGS. Yung perang kinikita niya ngayon, ano ang ginagawa niya?

“Nilalagay ko po sa bangko, si Mommy po ang naglalagay.

"Kapag kailangan ko lang po, yun po…. like kapag bibili ng damit at saka laruan.”

Solong anak lang si JB at ang tatay naman daw niya ay isang liaison officer sa isang motor company.

Bilang bata, noon pa raw ay pangarap na niya ang maging isang artista.

Sabi ni JB, “Pangarap ko pong talaga. Hindi naman po ako pinilit ng mommy ko, ako po ang pumilit.”

Bakit niya pinangarap na maging artista?

“Kasi po… ayaw mo noon? Makikita ka sa TV ng mga kamag-aral mo, guro mo, mga kaibigan mo.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


CELEBRITY CRUSH. Tila kinilig naman si JB nang tanungin namin kung sino ang crush niya.

“Hanga lang naman po ako. Si Mutya [Orquia] po, kasi ang galing po niyang umarte at saka maganda rin po siya.”

Nakilala na niya si Mutya?

“Hindi pa po. Si Xyriel [Manabat] pa lang po.”

Si Xyriel, hindi niya crush?

“Wala lang, mas cute si Mutya, e,” sagot ni JB.

Sa palagay ba ni JB ay sikat na siya ngayon?

“Opo, parang dito mag-uumpisa sa Little Champ,” sagot niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN