Renz Fernandez on girlfriend Maxene Magalona: “Mabait siya, e. Meron siyang mabuting puso.”

Renz on describing his relationship with girlfriend Maxene Magalona: “Maraming ways para i-describe ang relationship namin. Una, kaibigan. Karibal— sa mga laro-laro, sa boardgames. Tapos, guro... estudyante... pareho kaming guro at estudyante. Minsan, kalaban... minsan, bestfriend. Matalik na kaibigan. Minsan parang kapatid na rin, kapamilya.”


Magkahalong sabik at kaba raw ang naramdaman ni Renz Fernandez bago pa man ipalabas ang Little Champ.

Ito kasi ang kauna-unahan niyang pagsabak sa teleserye simula nang magdesisyon siyang pumalaot na rin sa showbiz.

Nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Renz sa presscon ng Little Champ last week sa 14th Floor ng ELJ Building, sinabi niyang, “Malaking blessing at pagkatapos, salamat sa ABS para sa oportunidad.

“Salamat sa inyong lahat—artista, director, staff, lahat ng taong nanonood.”

Noong malaman niya na ipapalabas na nga sila bago mag-TV Patrol, ano ang naramdaman niya?

“Halo ng excitement at saka ng kaba.

"Kasi, first time ko ‘to, tapos hindi ko naman napapanood lahat.

"Sana, hindi ako sumablay sa acting. Yun…”

Sino nga ba siya sa Little Champ?

“Ang pinu-portray kong character, si Jayson. Ampon siya ni Amang Leon, e.

“Magiging kaibigan ko si Caloy, parang si JB [San Agustin]. Si Coleen [Garcia] naman na pinu-portray si Alice, siya ang love interest ni JB.

“So, kumbaga, si Jayson, isa siyang truck driver na lover.”



WORTH THE LONG WAIT. Marami nga ang natutuwa sa ideya na ang dating kakontemporaryo lang ng namayapang ama ni Renz na si Rudy Fernandez, si Senator Lito Lapid, ay siyang kasama naman niya ngayon sa Little Champ.

Kumusta naman ang samahan nilang dalawa?

“Ayos, ayos.

“Sana yung maging dating sa mga eksena namin, gusto ko na lumabas yung respeto ng isang anak.”

Noong panahong hindi pa ipinapalabas ang Little Champ, nagkaroon ba ng pagkakataon na naiinip din siya?

“Hindi naman, kasi, habang walang trabaho, nag-aaral ako, nagbabasa, nag-e-exercise. Umiibig.

“Ayun, naging kapatid, naging anak. So, okay naman.

"Inisip ko lang, balang-araw, darating din naman.

"At saka, gusto ko nang magpagupit, yun ang inisip ko.

“Ang haba na rin ng buhok ko,” sabi ni Renz.

Hindi raw niya mapagupitan ang buhok dahil sa continuity ng mga eksena niya rin sa naturang serye.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi siya nainip?

“Minsan nagtataka ako bakit ang tagal, pero okay lang yun kasi ganoon naman daw talaga sa trabahong ito.

"Pasensiya lang daw talaga ang kailangan,” sabi niya.

THE FAMILY THAT ACTS TOGETHER... Kung tutuusin, siya lang ngayon ang Kapamilya sa Fernandez family.

Ang mommy niya na si Lorna Tolentino ay nasa GMA-7 na, gayundin ang kuya niyang si Rap Fernandez na nag-aartista na rin.

Okay lang ba sa kanya yun?

“Okay lang sa akin yun basta may trabaho kami at may kinakain... okay yun.”

Paano naman siya sinusuportahan ng mommy niya sa bagong serye?

“Ayun, kapag may problema ako sa acting, sinasabi ko sa kanya. Binibigyan niya ako ng mga advice.

“Binibigyan din niya ako ng mga tricks kung paano mag-memorize nang mabilis.

"Tapos, yung pinakamagandang mensahe niya sa akin, yung delivery. Kailangang ma-deliver ng isang actor.”

Noong nakaraang Lunes pa lang naman daw lumabas ang karakter niya sa Little Champ at tiyempo naman na nakauwi na mula sa Hong Kong ang mommy niya.

Natatawang sabi niya, “Kinakabahan na nga ako.”



LOVE LIFE. Si Renz ang napapabalitang boyfriend ni Maxene Magalona.

Kaya tinanong namin siya kung kumusta naman ang buhay pag-ibig niya.

“Ayos naman,” nakangiti niyang sabi.

“Sana patuloy na umibig.”

Gaano na ba sila katagal ni Maxene?

“Siya na lang siguro ang tanungin niyo tungkol diyan dahil ano niya ’yan, e... business niya ’yan. At saka, siya ang babae.”

Pero ayon kay Renz, wala pa naman daw silang isang taon.

Paano niya ilalarawan ang relasyon nila ni Maxene?

“Maraming ways para i-describe ang relationship namin.

"Una, kaibigan. Karibal—sa mga laru-laro, sa boardgames.

“Tapos, guro... estudyante... pareho kaming guro at estudyante.

“Minsan, kalaban... minsan, best friend. Matalik na kaibigan.

"Minsan parang kapatid na rin, kapamilya.”

Ano ang mga nagustuhan niya kay Maxene?

“Mabait siya, e. Meron siyang mabuting puso.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Okay naman siya sa pamilya ni Maxene?

“Oo,” sagot ni Renz.

“Tingin ko sa pamilya niya, parang pamilya ko na rin.”

Papunta na ba sa mas seryosohang pagsasama ang relasyon nila?

“Hindi ko alam. Depende ’yan sa araw-araw na lalabas sa buhay natin.

"Pero, ayokong isipin ang mga ganyang bagay.

“Ang gusto kong isipin yung ngayon lang. Kung ano ang meron ngayon at ngayon, masaya ko,” pagklaro niya.

Wala raw problema kay Renz kung minsan ay nagiging daring na rin si Maxene sa mga roles niya.

Katuwiran nga ni Renz, “Okay lang sa akin yun kasi, kahit noong bata pa ako, nakikita ko ang Mama ko at ang Papa ko, ginagawa nila yun, alam kong trabaho lang.”

Kung siya naman ang magpapaka-daring, ano kaya ang magiging reaksiyon ni Maxene?

“A, siya ang tanungin ninyo tungkol diyan!” natatawang pagtatapos niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN