Little Champ star JB Agustin on being “sikat”: “Kapag sikat ka po, maraming nakakakilala sa iyo at saka mapapanood mo yung mukha mo sa TV.”

Inisa-isa ni JB Agustin ang kanyang mga paboritong artista: “Coco Martin, kasi dati ko na po siyang nakita, ang bait niya. John Lloyd Cruz, masyado pong pogi points. Piolo Pascual, parang si Coco lang din po. Sa mga babae, si Ate Sarah Geronimo po.”


Bago masungkit ng child actor na si JB Agustin ang papel na Caloy sa ABS-CBN early primetime series na Little Champ, halos mag-give up na ang mga magulang niya na makakakuha pa ng malaking role ang kanilang anak.

Bago kasi ito ay madalas na extra o nadadaanan lang ng kamera ang ulo ni JB sa mga palabas.

Pero nagpilit pa rin ang mga magulang ni JB na i-audition ang anak, at doon ay nakitaan siya ng malaking potensiyal na maging isa sa mga batang nagbibida ngayon.

Nakatutuwa at masaya ang naging panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay JB nang makausap namin siya sa ABS-CBN.

Hindi na kami magtataka kung sundan niya ang yapak ng child superstar na si Zaijian Jaranilla dahil aminado si JB na madalas niya itong gayahin.

“Gusto ko po si Zaijian kasi po ang galing-galing po niyang umarte.

“Si Maliksi Morales din po,” sabi niya.



TV STAR. Ano ang pakiramdam ni JB ngayong napapanood na niya ang sarili bilang bida sa Little Champ?

“Masaya po,” sagot niya.

Ano naman ang sinasabi sa kanya ng mga kalaro at kaklase niya?

“Yung iba po, nagpapa-picture. Tapos sabi ng teacher ko, noong ie-air na ang Little Champ, ipapalabas na raw po ako.

“Tuwang-tuwa ang mga teachers ko. Pagpasok ko po, pinagkukurot po nila ako.”

Sa darating na pasukan ay Grade 2 na si JB sa Divine Grace School, at nagpapaalam daw siya sa teacher niya kapag may taping siya.

Nararamdaman ba niyang sikat na siya?

“Opo,” ang tila nahihiyang sagot ng seven-year-old actor.

Mayaman na rin ba siya?

“Hindi pa po—masyado.”

Biro naman namin, magkano na ba ang pera niya?

“Hindi ko po alam, si Mommy po kasi ang nagtatago sa bangko.”

Dahil kumikita na siya ng sariling pera niya, ano naman ang mga pinapabili niya sa mommy niya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yung iba po, laruan; yung iba, damit.”

Ano ang mga laruan na pinapabili niya?

“Ano po, baril!” natawang sagot niya.

“Kasi po, gusto ko naman, pagkatapos ng iyakan, action naman.”

Pero ayon sa mommy ni JB, nasanay nila ang anak na hindi maging maluho.

Kuntento na raw ito sa mga mumurahing laruan at wala rin daw itong mga gadgets. Nagkakaroon lang daw ng mahal na laruan si JB kapag may nagreregalo.

ONLY CHILD. Nag-iisang anak lang si JB. At gusto raw nitong magkaroon ng kapatid na lalaki.

Bakit hindi babae ang gusto niyang maging kapatid?

“Ha? Magtatrabaho na naman ako?” sagot niya na ikinatawa ng lahat.

Napapagod na ba siyang magtrabaho?

“Hindi naman po, nag-e-enjoy naman.”

Feeling ba niya ay nagtatrabaho siya o naglalaro lang?

“Nagtatrabaho na po. E, kasi sinusuwelduhan po ako kaya parang work na.”



TALKING HORSE. Sa Little Champ ay sila ng kabayong si Chalk ang palaging magkausap. Tinanong namin si JB kung kumusta naman sila ng kabayo at kung nagkakausap ba talaga sila.

“Opo, kaya lang hindi ko maintindihan ang salita niya.”

Ano naman ang madalas niyang sabihin sa kabayo?

“Minsan po yung mga lines niya.”

Sa tingin ba niya, close na sila ni Chalk?

“Matagal na!” natatawa niyang sagot.

Nag-horse training din si JB bago sila magsimula ng taping ng Little Champ.

Na-inspire daw si JB na sumakay ng kabayo dahil sa isang batang kinuha nila mula sa probinsiya.

Noong una raw ay takot si JB na sumakay ng kabayo, pero ngayon ay hindi na siya nagpapa-double.

Pero sino sa kanila ng co-star niyang si Senator Lito Lapid ang mas magaling sa pagsakay sa kabayo?

“Siyempre po siya, idol ko po siya, e!” bulalas ni JB.

Tinuturuan ba siya ni Senator Lito?

“Opo, kung paano mag-handle ng renda.”



ROOTS. Sa Bukidnon ang “setting” ng Little Champ at hindi na bago kay JB ang lugar dahil dito nagsimula ang kabataan niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noong two years old pa lang si JB ay napilitang ang mga magulang niya na iwanan muna siya sa kanyang lola sa Bukidnon para makapagtrabaho sila sa Manila.

Dito nabuo ang pangarap ni JB na mag-artista para mapanood siya, lalo na ng lola at mga kalaro niya noon sa Bukidnon.

Nagkatotoo naman ito nang mapili siya bilang Caloy sa Little Champ.

Sabi niya, “Medyo masaya po ako kasi mapapanood na ako ng mga kamag-anak ko sa Bukidnon.

“At saka, siyempre po, maging sikat po ako at maging mayaman.”

Bakit gusto niyang maging sikat?

“Para po makita ko ang ibang artista.

“At saka, baka sakaling makasama ko sa isang palabas si Zaijian, si Bugoy [Cariño] at saka si Maliksi [Morales].”

Ano ba ang ibig sabihin ng sikat sa kanya?

“Kapag sikat ka po, maraming nakakakilala sa iyo at saka mapapanood mo yung mukha mo sa TV."

Ang sagot niyang ito ang isa sa dahilan kung bakit napili si JB, dahil ang ibang batang nag-audition ay tila aral na raw ang sagot.

“At saka, marami ang magkaka-crush sa akin,” ang natatawa pero inosenteng sabi pa niya.

Chickboy yata siya?

“Hindi po!” natatawa niyang sabi.



MORE WISHES. Ngayong napapanood na niya ang sarili sa TV, mayroon pa ba siyang ibang gustong gawin?

“Maging sakristan po,” sagot niya.

Bakit naman gusto niyang maging sakristan?

“Para mabigyan pa po ako ng maraming blessing ni Papa Jesus.”

Gusto rin ba niyang maging pari?

“Ayoko,” mabilis na sagot ni JB.

Bakit naman ayaw niyang maging pari?

“E, kasi, palagi kang magsasalita.”

Hindi ba pangarap ni JB na maging isang senador, kagaya ni Senator Lito Lapida?

Natawa kami sa sagot niya: “Ayoko po. Mahirap, e. Panay ang damit niya, mainit.”

Ang ibig sabihin ni JB ay palagi raw kasing naka-long sleeve ang actor-politician.



ROLE MODELS. Sino sa mga artistang lalaki ang gusto niyang tularan?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Si Kuya Coco Martin po,” ang mabilis niyang sagot.

Bakit si Coco?

“Kasi po, dati ko na po siyang nakita, ang bait niya.

“Kasi sa Minsan Lang Kitang Iibigin, ako po ang batang Coco.”

Si John Lloyd Cruz?

“Masyado pong pogi points.”

Si, Coco, hindi masyado?

“Level lang, pantay lang po siya.”

Si Piolo Pascual?

“Parang si Coco lang din po.”

Si John Lloyd ang pinaka-pogi sa kanya sa ABS-CBN?

“Opo,” ang inosenteng sagot niya.

Sa mga babaeng artista, sino naman ang gusto niya?

“Si Ate Sarah Geronimo po.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN