Mark Herras clarifies near-breakup issues with girlfriend Ynna Asistio

Mark on being serious with relationship with Ynna: “Kasi kami ni Ynna we’ve been together for five years na, e, hindi na rin biro yung pinagsamahan namin. I mean, konting tampuhan, konting away… hindi naman puwedeng ipagwalang-bahala na lang yun. Siyempre, inaayos rin namin kung anuman yung problema.”


Kamakailan lang ay eksklusibong nakausap nang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Mark Herras habang pababa siya ng hagdan sa isa sa mga studio ng GMA-7.

Ang pagbawi upang manumbalik sa dating normal na relasyon nila ni Ynna Asisto ang unang tinanong namin sa Kapuso actor.

Matatandaang noong makapanayam si Ynna ng PEP sa nakaraang Star Awards for Movies, inamin nitong muntik na silang mag-break ni Mark.

Ayon kay Ynna, ilan raw sa mga naging problema nila ni Mark ay ang kawalan nito ng panahon sa kanilang relasyon. Kasabay nito, napagod na rin sila sa isa’t isa mula sa limang taon rin nilang pagiging magkasintahan.

Sagot ni Mark sa aming tanong, hindi naman raw siya bumawi sa naging pagkukulang niya kay Ynna.

“Wala namang dapat bawiin, nung time lang naman yun ang nawala at naiintindihan naman niya yun, busy talaga,” bungad na paliwanag ni Mark.

Dugtong pa niya, “I mean, nung nagsimula kaming mag-taping nagpu-four times a week kami… nagti-three times a week kami. Ngayon lang nagkaroon ng regular day sa taping. Every Tuesday and Thursday. So, okey na yun.”

Ibinahagi namin kay Mark ang sinabing rason ni Ynna sa isa pang factor kung bakit niya ginustong makipag-break. Napagod na rin kasi ang girlfriend niya sa limang taon na nilang magkasintahan.

Tugon agad ni Mark, “Actually, wala naman sa amin ang problema. Nagkataon lang na talagang busy at nagkaroon pa ng problema, hindi naasikaso.

“Ayun, before Holy Week pa naman okey na kami.”

KEEPING THE LOVE ALIVE. Base sa mga salita ni Mark, mukhang seryoso na ito sa pakikipag-relasyon, kumpara dati na hindi nagtagal sa kanya ang mga naging girlfriend niyang sina Jennylyn Mercado at Katrina Halili.

“Hindi naman katulad dati,” pahayag niyang paglilinaw.

“Kasi kami ni Ynna we’ve been together for five years na, e, hindi na rin biro yung pinagsamahan namin. I mean, konting tampuhan, konting away… hindi naman puwedeng ipagwalang-bahala na lang yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siyempre, inaayos rin namin kung anuman yung problema.”

Maliban sa tagal na ng kanilang relasyon ni Ynna, ano pa ba ang mga qualities na meron ang nasabing girlfriend kaya hindi niya gustong pakawalan ito sa buhay niya?

“Si Ynna kasi sobrang napakabait na tao. Napakabait na anak, napaka-very, very understanding na girlfriend, at the same time, pilit niyang iniintindi lahat.

“So, bihira ka nang makahanap ng gano’ng ka-relasyon, na pagdating sa trabaho yung iba minsan hindi ka iintindihin, hindi ka susuportahan.

“Pero si Ynna sa lahat ng mga ginagawa ko, nakasuporta si Ynna.”

Tumino ka ba kay Ynna? Tanong namin kay Mark na nagpangiti sa kanya.

“Matino naman ako, e!” natatawa niyang reaksyon.

“Nagkakataon lang na nagkakaroon ako ng issue before na babaero ako. Pero napatunayan ko naman na stick-to-one naman akong tao.”

YNNA GOING SEXY? Pagdating naman sa plano ni Ynna sa kanyang career, ipinaabot namin kay Mark ang ibinalita ng kasintahan niya sa press na magma-mature na raw siya sa mga roles na gagampanan niya sa mga susunod niyang acting projects.

Kabilang sa mga sinasabing mature roles ni Ynna ay ang pagpapa-sexy na rin niya nang konti.

Napagusapan ba nila ito ng girlfriend niya? Tanong namin kay Mark.

“Ahm, isa sa mga ginagawa niyang paghahanda kaya sobrang payat niya ngayon. At ano… okay naman, susuportahan ko si Ynna kasi pagdating naman sa trabaho namin, trabaho talaga.”

Kahit mag-pose sa FHM ang kasintahan mo?

“Kung papayagan siya ni Tita Nads [Nadia Montenegro, ina ni Ynna at dating Regal baby].”

Bilang isang boyfriend, ano lang yung limitation ng pagpapa-sexy ang kaya mong makita kay Ynna?

“Hindi ko masasabi yun, e. I mean, kung ano ang ibigay ng network kay Ynna at kung kaya naman niya or willing siyang gawin kung anong daring projects for her... siyempre, hindi mo naman puwedeng kontrahin yun, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“I mean, boyfriend naman ako, hindi naman ako yung manager niya. Hindi rin naman ako yung mga magulang ni Ynna para kumontra sa magiging takbo ng career niya.

“Pero ako naman, may tiwala ako kay Ynna na bigyan man siya ng mga daring na eksena or daring roles, ihahanda niya yun ng maayos.

“Kasi ganung klaseng tao si Ynna na hindi… actually, si Ynna kasi ang tipo ng babaeng ginagawa lang niya yun para sa trabaho lang talaga. I mean, walang ibang halo or ibang rason.”

NO TO SEXY ROLES. Mukhang mauuna pa yata si Ynna na magpa-sexy kaysa sa iyo? Tanong namin muli kay Mark.

Napangiti muli si Mark, “Ewan ko. Siguro hindi ko lang talaga trip magpaka-daring, e. Siguro magdyi-gym man ako once in a while. Pero hindi ko target talaga na balang araw magpapakita ako ng katawan.

“Parang masyado nang maraming artista na gano’n, e. Parang kumpul-kumpol na lahat yung mga naghuhubad… may katawan, yung rumarampa sa Cosmo [Bachelor show].

“E, hindi ko naman kailangang makipagtagisan or makipagsabayan sa kanila. I have my own ways to… you know, like acting, dancing… pag binibigyan naman ako ng roles nagagawa ko naman.

“Yun bang saktong seksi lang. I mean, ayoko namang makita ang sarili kong nagpapaka-daring talaga.

“Wala lang, hindi ko talaga siya trip at hindi rin naman yun ang target ko for my career, e.”

Paano kaya kung may mag-offer sa iyo ng isang magandang project, pero sexy at required na magpakita ka ng puwet?

“Depende sa project, e,” sagot niya agad.

E, kung may kissing at bed scene sa kapwa mo male actor?

Mabilis ang naging reaksyon niya, “Ay! Hindi ko pa kaya yun! I don’t know kung makakaya ko yun? Hindi, e. Hindi ko nakikita sa sarili ko na magagawa ko yun, e.

Kahit for the sake of art and role?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Iiling-iling siyang sumagot na, “Hindi… hindi, e. Kasi may path naman akong sinusundan, e… na ’eto naman yung tinatarget kong career. ’Eto yung mga roles na gusto kong mapunta sa akin.

“So, given the chance na mapunta sa akin yung mga gano’ng roles, I don’t know kung tatanggapin ko.”

Sinasabi ng ibang expert na kapag nadaanan daw ng isang aktor ang isang very challenging role na hindi niya kayang gawin, masasabing isa na nga siyang tunay na artista.

“Gano’n ba ang basehan no’n?” nasa reaksyon ni Mark na hindi siya sumasangayon sa narinig.

“Ba’t naman si John Lloyd? I mean, si John Lloyd has been acting for many years, di ba?

“Nakikita mo naman yung galing ni John Lloyd, e. Pero nagpakita ba siya ng puwet?

“Nakipaghalikan ba siya sa lalake? Hindi naman, e.

“Gusto ko ganun ang maging path ng career ko if ever— mapunta sa mga dramatic roles, or maging dramatic actor. Or minsan pag sinusuwerte, character actor or action star.

“Marami... marami namang choices dito sa showbiz, hindi naman kailangang sabayan mo lahat. Basta, kung saan ka kumportable at mahal mo yung ginagawa mo, okay na yun,” nakangiti niyang saad.

HAPPY WITH UNFORGETTABLE. Kinumusta naman namin kay Mark ang kasalukuyang umi-ere niyang serye sa Kapuso network— ang Unforgettable.

Masaya niyang ibinalita na, “Okay naman, going strong yung ratings namin sa afternoon prime.

“Nakakatuwa dahil from day one up to now, sinusuportahan pa rin kami at maraming nagtatanong kung mabubuhay daw ba ako? Dapat nilang abangan yun.

“I’m very happy kasi maganda yung story ng Unforgettable. Hindi siya boring panoorin hindi dahil kasali ako sa project kundi dahil mismo sa mga characters namin.

“Yun ang maganda dun, e. Like ako, nagagamit ko yung pagiging makulit at komedyante ko. Medyo nangungulit ako, nambabatok ako na hindi nila ako nakikita,” pagtatapos niyang kuwento.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN