Ejay Falcon on being linked to onscreen partner Yam Concepcion: “Ayaw ko kasi yung sasagot ako sa inyo na, ‘Oo, na-attract ako sa kanya,’ tapos para lang sa loveteam namin.”

Inamin ni Ejay Falcon na “attractive” si Yam Concepcion para sa kanya. Pero giit niya, “Masyado pang maaga ‘yon kung sinasabi ninyo na liligawan na, masyado pang maaga.”


Hindi raw inasahan ni Ejay Falcon na matapos niyang manalo sa Pinoy Big Brother Teen Edition Plus (2008) ay tuluyan na siyang magiging bahagi ng showbiz.

Alam kasi niyang “napakahirap ng showbiz” at hindi niya alam kung kakayanin niya ito.

Pero ngayon, siya na ang lead star sa ABS-CBN afternoon action-drama series na Dugong Buhay.

Saad ni Ejay, “Kahit nga yung PBB, hindi ko in-expect, e, na papasok ako do’n.

“Pero ‘yon nga, after ng PBB, hindi talaga... hindi talaga.

"Minsan gusto ko na sumuko, kasi napakahirap ng showbiz din.

“Di ba nga, paglabas ko sa PBB, unang salang ko pa lang, sabi ko, ‘Hindi ko kaya ‘to, hindi ko kaya ‘tong pinasok ko.’

“Pero dahil parang may mga tao sa likod na, ‘Kaya mo ‘yan!’ lagi nilang pinapalakas ang loob ko. ’Kasi may height ka,’ may mga ganun silang sinasabi, di ba?

"Then tinray [tried] ko, hanggang sa magustuhan ko na, ‘Ay, okay pala yung pag-arte.’

“Ang sarap pala na yung mga tao na-appreciate nila yung ginagawa mo.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang entertainment press si Ejay sa presscon ng Dugong Buhay kahapon, Abril 29.

DIFFERENT EJAY. Kung babalikan daw ang mga pinagdaanan ni Ejay, masasabi niyang “ibang-iba” na siya ngayon.

Mahaba rin kasi ang ipinaghintay ng Kapamilya actor bago siya nabigyan ng maituturing niyang “big break” sa kanyang career.

Nandiyan ang ilang proyekto niya tulad ng Katorse (2009), Guns and Roses (2011), at Mundo Man Ay Magunaw (2012).

Pag-alala ni Ejay, “Kasi, di ba, paglabas ko ng PBB, unang presscon ko, dito rin ‘yon, hindi ako makapagsalita, naiiyak na ako kapag tinatanong ako ng mga tao.

"Hindi ako… hindi ko kayang makisalamuha sa mga tulad ninyo [press], parang hindi ako makasagot.

“Kasi ano, e, kakagaling ko lang sa parang… nag-umpisa ako na normal na tao tapos biglang kaharap ko na kayo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ngayon, parang mas malakas na ang loob ko, hindi na ako nahihiya at mas alam ko na sa pagiging aktor, mas malawak na po [ang kaalaman] ko ngayon.”

Aminado ang 23-year-old actor na halos sumuko na siya noon nang pasukin niya ang showbiz, lalo na at mayroong ilang diskumpiyado sa kakayahan niya sa pag-arte.

Pero dahil na rin sa mga taong patuloy na sumusuporta sa kanya ay kinaya ni Ejay na manatili sa industriya.

“Kasi unang-una, doon ko na unti-unting minamahal, e, minamahal yung pag-arte,” pagtukoy ni Ejay sa mga pambabatikos noon sa kanya.

“Hanggang nawawala na sa akin yung intriga. Kasi, yun nga, gusto ko yung next project ko mabigat, gusto ko umarte, gusto ko mas malalim... yung ganun?

“So hanggang ngayon, ganun naman ako mag-isip, so hindi ko na pinapansin yung mga kung anuman yung sinasabi nilang negative.”

YAM CONCEPCION. Samantala, dumako naman ang usapan sa kapareha ni Ejay sa Dugong Buhay na si Yam Concepcion.

Nabanggit kasi ng young actor na ang gusto niya sa isang babae ay morena, at kaagad namang napuna ng ilan na morena ang kanyang leading lady na si Yam.

Kaya naman noong one-on-one interview ay tinanong si Ejay kung tingin niya ba’y “attractive” ang dalaga.

“Oo, opo... dyusko naman, napakagandang babae!” bulalas ng binata.

Gayunman, wala naman daw siyang nararamdamang espesyal para sa kanyang kapareha. Masyado pa raw “maaga” para masabing liligawan niya ito.

Paliwanag ni Ejay, “Ngayon talaga wala pa, kasi masyado pang maaga.

“Hindi natin alam baka sa gitna ng show namin, bigla may mangyari, di ba?

“Ayaw ko kasi yung parang gagawin ko lang, sasagot ako sa inyo na, ‘Oo, na-attract ako sa kanya,’ tapos para lang sa loveteam namin.

"Parang pangit naman ‘yon, malalaman naman ng babae ‘yon, e.

“Attractive [siya] pero, ‘yon nga, masyado pang maaga ‘yon kung sinasabi ninyo na liligawan na—masyado pang maaga.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN