Grace Poe says senate bid has nothing to do with "revenge"

Ayon sa senatorial candidate na si Grace Poe, walang kinalaman ang kanyang pagtakbo sa paghihiganti sa mga umano’y nandaya noong 2004 presidential elections, kung saan tinalo ng dating Pangulo Gloria Macapagal Arroyo ang ama ni Grace na si Fernando Poe Jr..


Sumabak sa isang Harapan ang siyam sa kumakandidato bilang senador sa darating na eleksiyon: Samson Alcantara, Sonny Angara, Greco Belgica, Baldomero Falcone, Richard Gordon, Ricardo Penson, Grace Poe-Llamanzares, Christian Señeres, at Eddie Villanueva.

Naganap ang unang round noong April 21 sa La Consolacion College, Manila.

Host ng programa sina Ted Failon at Doris Bigornia. Samantala, ilan naman sa mga naging tagapagtanong ay sina Tony Velasquez, Lynda Jumilla, at UP professor Popoy de Vera.

Narito ang ilan sa mga highlight ng program.



NO REVENGE. Isa si Poe sa mga popular na kumakandidato ngayong eleksiyon. Sa mga political ad ng independent na kandidato ay lagi nitong binabanggit na itutuloy niya ang plano ng kanyang yumaong amang si Fernando Poe Jr., na matatandaang natalo sa pagkandidato bilang Pangulo noong 2004.

Isa sa mga naging katanungan kay Poe ay kung ang pagkandidato ba niya ay para iganti ang umano’y pandaraya sa kanyang ama.

Ngunit nilinaw niyang hindi ito ang kanyang hangarin.

“Hindi ito paghihiganti o paghingi ng dapat sa amin,” pahayag niya.

Aniya, ang mga botante na lamang ang dapat humusga kung karapat-dapat ba siya na ilulok sa puwesto.



CYBERCRIME. Tinanong din si Poe tungkol sa opinyon niya sa Cybercrime Law.

Bilang dating chairwoman ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), hindi sang-ayon si Grace na i-regulate ng nasabing ahensiya ang internet. Aniya, hindi realistic ang ganitong panukala.

Saad pa niya, sang-ayon siya sa laman ng Cybercrime Law maliban sa mga probisyon nito ukol sa libel. Aniya, nararapat lamang na magkaroon ang mga gumagamit ng Internet ng self-regulation.



ON DEATH PENALTY. Sa "Paspasan" segment, binigyan ng 15 seconds ang bawat kandidato para sagutin ang isang tanong.

Isa sa mga tanong ay tungkol sa death penalty.

Sa siyam na kandidato ay dalawa lamang ang pumayag sa pagbabalik ng death penalty. Ito sina Belgica at Villanueva.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Para kay Belgica, magbibigay-hustisya ang death penalty para sa mga biktima na masasamang-loob.

Para naman kay Villanueva, ang nasabing parusa ay magbibigay ng kapayapaan sa bansa.

Katuwiran naman ng pitong hindi sumang-ayon sa death penalty, maraming nasasadlak sa death row ang inosente kaya’t hindi ito nararapat na hatol.

Ayon kay Angara, hindi naman bumaba ang crime rate noong may death penalty sa bansa.

Saad naman ni Falcone, dapat laging asahang magbabago ang sinumang gumawa ng masama, kaya’t hindi dapat kitilin ang buhay nito.


ON PORK BARREL. Tinalakay din ang pagtatanggal ng pork barrel.

Hati ang opinyon ng mga kandidato sa isyung ito.

May mga nagsasabing dapat na itong tanggalin dahil ito ang dahilan ng corruption, samantalang may nagsasabing kailangan lamang magkaroon ng mas maayos na accounting at transparency.

Ang mga kandidatong nagsabing dapat nang tanggalin ang pork barrel ay sina Angara, Señeres, Penson, Falcone, Belgica, at Alcantara.

Ayon kay Belgica, dapat nang idiretso ang pondo sa mamamayan, para makatayo sila sa kanilang sariling paa at hindi umasa sa mga pulitiko.

Sang-ayon din si Angara, kung maipapangako ng pamahalaan na hindi matatanggal ang mga tulong na ibinibigay ng mga pulitiko sa kanilang mag constituent.

Ngunit ayon kay Gordon, hindi dapat tanggalin ang pork barrel dahil ito ang ginagamit ng mga senador na pagpondo sa mga humihingi ng tulong, tulad ng pagbibigay ng scholarship o hospital funds sa mga nangangailangan.

Ayon naman kay Poe, hindi dapat tanggalin ang pork barrel, bagkus, higpitan lamang ang accounting rito.

Sabi naman ni Villanueva, dapat magkaroon ng line budgeting sa pork barrel para hindi makalusot ang corruption.



SUPERHEROES. Isa ring topic ay ang tungkol sa kung sinong superhero ang gusto ng mga kandidato.

Marami sa siyam ang pumili kay Superman, dahil marami raw itong nagagawa. Ito ay sina Alcantara, Belgica, at Señeres.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pinili naman ni Angara si Juan dela Cruz, ang superhero na ginagampanan ni Coco Martin sa isang ABS-CBN primetime soap opera. Ayon kay Angara, malalabanan niya raw ang mga aswang kung siya ang superhero na ito.

Pinili naman nina Villanueva, Gordon, at Penson ang kanilang mga magulang.

Para naman kay Poe, ang superhero na nararapat para sa kanya ay si Panday, na matatandaang ginampanan ni FPJ.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN