Chiz Escudero on accusations: ‘Kulang na lang sabihin nila na ako ang bumaril kay Rizal sa Luneta.’

Senatorial candidate Chiz Escudero says that the world of showbiz is crazier than the world of politics.


Hindi maitago ang sobrang katuwaan ni senatorial re-electionist Chiz Escudero sa suportang ibinibigay sa kanya ni Mother Lily Monteverde.

Sinabi niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na ang tulong ni Mother ay isang plus factor in winning a senatorial slate come May 13.

Kilala ang Regal matriarch bilang tagasuporta ng maraming pulitiko for eleven years now, lalung-lalo na yung malaki ang paniniwala niyang magpapabago sa kundisyon ng ating bansa.

Sabi ni Chiz, “Lagi-lagi ko siyang pinasasalamatan. Alam ko na malaking tulong siya sa akin at sa maraming kandidatong sinusuportahan niya. Lalo na’t independent candidate kami ngayon at walang party na sumusuporta sa amin ngayon, mula nang maging malapit kami sa isa’t isa.

“Mula pa nung magkasama kami sa kampanya sa panahon ng yumaong FPJ (Fernando Poe Jr.) lagi na kaming magkasama.

“Nanay sa industriya. Nanay sa pulitika. Nanay sa lahat. Kulang na lang ay bigyan ako ng payong ng pag-ibig ni Mother.

“Karangalan namin na i-endorso ni Mother Lily sa larangan ng pagboto sa balota, sa pagtakbo muli natin bilang miyembro ng Senado.”

Dugtong pa niya, “Kung anu-ano na nga ang intrigang napagdaanan ko. Talagang mabibigat. Ito na yung parte ng eleksiyon na kung saan lahat-lahat na ng putik ay nabato na sa akin,” saad ni Chiz.

“Natawag na akong babaero, adik, lasenggo, bobo, bakla,walang modo. Kulang na lang siguro sabihin nila na ako ang bumaril kay [Jose] Rizal sa Luneta.

“Pero, lahat naman ‘yan, gaano man karumi, e, balewala lang sa akin.”

Kung pagbabasehan ang pinakabagong survey ng Pulse Asia, lumalabas na number two na siya sa Top 12 senatorial candidates.

Reaksiyon ni Chiz tungkol dito, “Ganun naman ang survey, e. Pabagu-bago. Dati sabi nila nasa dulo ako, number two. Tapos sa iba, number seven daw ako.

“Para sa akin kasi, ang pinakadulo niyan ay ang boto pa rin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ayaw ko ngang alamin kung saan nanggagaling ‘yang survey na ‘yan, baka malaman pa ng mga sumisira sa akin, e, lalo pa akong siraan.”

Bago pa man nagsimula ang kampanya ay may mga natatanggap na ang press people na mga text na kasiraan sa kanya.

Aniya, “Alam mo, ‘yang mga gumagawa niyang mga text na ‘yan, mga kolumnista, sa radyo o pahayag ng isang tao, masyado namang minamaliit tayo.

“Siguro naman yung butil na naipunla natin for many years ay sapat na rin para hindi tayo masira.”


CRAZY WORLD OF SHOWBIZ. Ano ba ang plano niya kung sakaling palarin siyang muli bilang senador?

“Iisa lang naman ang tinututukan ko, e,” pahayag niya. “Ang anti-corruption efforts natin, matuwid na daan, walang wang-wang, ma-sustain natin ang mga programa ng Pangulo (President Noynoy Aquino).

“At tiyakin na nakaukit na ‘yan sa pamahalaan at hindi na maiaalis kailanman.

“Yung corruption ay hindi totally mai-eradicate, kaya nga yung programa ng Pangulo ay maipagpatuloy natin.”

Marami na siyang pinagdaanan na controversies mula nang maging girlfriend niya ang aktres na si Heart Evangelista.

Ang kanilang relasyon ay dumaan sa matinding pagsubok, lalo na nang ma-involve ang parents ni Heart. Tahasang sinabi ng mga ito na hindi sila pabor kay Chiz para sa kanilang anak.

Saad niya, “Noon pang 2004 sa kampanya, nasabi ko nang magulo ang mundo ng showbiz.

“Ngayon ko lang napatunayan at naranasan na mas magulo ang intriga sa showbiz kaysa sa pulitika.

“Ito na siguro ang pinakaduming kampanyahan na naranasan namin. Nakakaapat na ako at panglima na itong kampanyahan mula nang tumakbo ako noong 1998, ngayon lang yata naranasan ko na ang lahat ng putik ay naibato sa akin.

“Kulang na lang siguro sabihin na ako ang pumatay kay Lapu-Lapu.

“Pero, buo ang tiwala ko at kumpiyansa sa mga botante. Lahat ng mga naninira, minamaliit ang kaisipan ng ating mga botante.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Totoo ba ang mga ginawa nila na puwede nang siraan at yapakan ang labinlimang pangalan na aming binuo para maglingkod sa bayan?”

NO STEALING. Masuwerte pa rin daw si Chiz kasi, aniya, wala sa mga naninira sa kanya ang nagsasabing siya ay nagnakaw o naging magnanakaw.

“’Yun lang ang maipagmamalaki ko, kasi walang nagsasabing nagnakaw ako sa kaban ng bayan,” buo ang loob na sabi niya.

“Kaya kong humarap sa salamin at sabihin sa kanila na, ‘Hindi ako magnanakaw at higit kailanman ay hindi ako nagnakaw.’

“Nanilbihan ako bilang isang congressman sa lone district of Sorsogon, nakatira ako sa bahay ng tatay ko sa Sorsogon.

“Mula nang mapasok sa pulitika noong 1998 ay nakatira ako sa isang townhouse at hindi nagbabago yun.

“Lahat ng bato ay puwede nilang ipukol sa akin, pero kailanman ay hindi nila ako puwedeng akusahan na hindi ako naging tapat sa paglingkod sa ating bayan.

“Kailanman ay hindi nila puwedeng sabihin na hindi kami dapat pagkatiwalaan sa pera o pondong ibinigay sa atin bilang kinatawan niyo sa Senado.”

Malaking bahagi ng kanyang buhay-pulitiko ang entertainment media, na kanyang pinasasalamatan.

Ani Chiz, “Nagpapasalamat ako sa lahat ng inyong pagtatanggol at pagliliwanag ng mga bagay-bagay na may kinalaman sa aking buhay nitong mga nagdaang linggo, nitong mga nagdaang buwan. Mahirap para sa akin ito.

“Kung pulitiko sana ang bumabato sa akin, napakadaling sagutin.”

LOVE AGAINST ALL ODDS. Tungkol sa relasyon nila ng Kapuso star na si Heart Evangelista ang napag-usapan.

Naging kontrobersiyal ito dahil sa lantarang pagkontra ng mga magulang ni Heart sa namamagitan sa kanilang dalawa.

Paliwanag ng 43-year old politician, “Para kaming dumadaan ngayon sa butas ng karayom.

“Dahil sa pinagdadaanan namin ngayon sa pagtutol ng ilan sa aming relasyon, ang tingin namin dito ay isang pagsubok na sana ay malampasan namin.

“Dahil heto, kapag nalampasan namin, wala na sigurong iba pang pagsubok o hamon na hindi na namin malalampasan ng aking kasintahan.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagbibiro ng press people sa kanya, kelan ba sila haharap sa dambana ng kanyang kasintahan?

Nangingiting pakli niya, “Puwede bang malaman muna niya bago niyo malaman?

“Siguro naman, siya ang dapat unang makaalam bago sino pa man.”

Inalam din sa kanya kung alin ang mas mahirap sa dalawa para sa kanya.

Ang kanyang political career o yung affairs with the heart?

“Walang hirap sa puso ko,” esplika niya. “Wala akong ginagalaw o binibitbit na bigat sa puso ko.

“Sa pulitika, meron. Sa puso, wala.”

Kahit daw inapi-api siya ng magulang ni Heart?

Matipid niyang sagot,” Hangga’t hindi siya (Heart) ang umaapi sa akin, okey lang.”

Nag-react si Chiz sa sinabi raw ng ama ni Heart na nagli-live in na sila.

Mabilis niyang pagtanggi, “Hindi po totoo yun. Hindi po totoo yun. Nakakahiya naman kay Heart.

“Kawawa naman si Heart. Ang dami-daming lumalabas na intriga sa kanya.

“Sa akin, okey lang kasi pulitiko ako, kampanya ngayon, eleksiyon ngayon , pero sa panig niya, ’wag naman siya.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN