Mike Tan on competing with other Kapuso stars: “Sa kanila na yung level na yun o competition na yun.”

Wala raw balak lumipat ng network si Mike Tan kahit madalang ang kanyang acting assignments. Paliwanag niya, “Siguro takot akong umalis sa comfort zone ko. Siguro sa pag-arte, kaya kong umalis sa comfort zone ko, pero sa GMA, hindi.”


Magaganda ang feedback sa acting ni Mike Tan sa pinagbidahan niyang docu-movie para GMA News and Public Affairs, ang Landas.

May kaugnayan sa darating na election ang naturang programa na ipinalabas noong May 5.

Sabi ni Mike tungkol dito, “Masaya ako, natutuwa ako dahil sa pagkakataon na ibinigay sa akin ng GMA News TV… na magkaroon ng pagkakataon na mai-open din sa mga Filipino na dapat tama, dapat tama ang pipiliin nating kandidato para iboto.”

Sa pakikipag-usap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Mike, naikuwento niyang kahit matagal siyang nabakante sa regular soap, bugbog naman siya ng regional shows.

COMFORT ZONE. Hindi naman itinatanggi ni Mike na nami-miss niya ang pag-arte, pero hanggang February 2014 pa naman daw ang kontrata niya sa Kapuso network.

Hindi ba pumapasok sa isipan niya ang lumipat ng ibang network tulad ng ibang mga artista?

Tugon ni Mike, “Hindi e. Siguro takot akong umalis sa comfort zone ko.

“Siguro sa pag-arte, kaya kong umalis sa comfort zone ko, pero sa GMA, hindi."

Siyam na taon nang Kapuso si Mike pagkatapos niyang manalo sa reality-based artista search ng GMA-7 na StarStruck noong 2004.

Patuloy niya, “Never naman akong pinabayaan… I mean, wala man akong regular show pa ngayon, naniniwala naman ako na meron pa rin silang plano… na may darating.”

Hindi siya yung tipo ng artistang nangangalampag at nagpaparamdam?

“Siguro, mga nine months,” biro niya dahil seven months pa lang naman daw siyang walang ginagawa.

Bawi din niya, “Well, hindi ko alam, kasi, sabi naman ni Daryl Zamora [his handler in GMA Artist Center], meron naman na raw.”

Naranasan na niya dati na matagal na panahong natengga at walang ginagawa.

Ngayong matagal din bago masusundan ang huli niyang ginawa, hindi ba niya naiisip na magtanong na talaga?

“May karapatan ba akong umangal?” tanong naman niya.

“Hindi ko nakikita ang sarili ko na may karapatan ba akong umangal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Na, ‘Ano ‘yan, bakit wala pa akong trabaho?’ Hindi ko nakikita ang sarili ko na ganoon.

“Honestly, ayokong maging tulad ng iba na kapag walang trabaho, e, umaalis na lang.

“Para sa akin, pinu-prove ko pa rin ang sarili ko na, ‘Yes, karapat-dapat ako!’

“Na, ‘Kaya ko kahit anong ibigay ninyo sa akin na roles. At kaya kong gawin nang maayos ang trabaho ko.’”



DEMANDS. Kahit ilang beses na siyang naging lead o bida sa mga teleserye, sa palagay ba niya ay wala pa rin siyang karapatang magtanong o mag-demand?

“Oo,” sagot ni Mike.

“Siguro, ayaw ko lang din. Ayoko lang din na tingnan ako na, ‘Leading man na ‘yan, nagbago na ‘yan!’

“Ayokong tingnan ako na nagbago ako.

"Gusto ko, hanggang sa dulo, mabait pa rin ako… kilala pa rin nila ako.

“Ganoon pa rin ako kung paano ako nagsimula hanggang ngayon.”

Sa mga susunod niyang proyekto sa GMA-7, kailangan ba ay leading man pa rin siya?

“Sila, kung ano ang gusto nilang ibigay sa akin, okay lang.

"Pero para sa akin, yung tama naman para sa akin.

“Hindi ako humihingi ng lead roles, hindi ako humihingi ng second to the lead, hindi.

“Pero tingin ko, yung dapat naman para sa akin,” sabi ni Mike.



COMPETITORS. Bilang Ultimate Male Survivor ng StarStruck Season 2, hinahanay ba niya ang sarili na ka-level o kakumpitensiya ng ibang Kapuso actors tulad nina Rocco Nacino at Alden Richards?

Sagot ng 26-year-old actor, “Sa kanila na yun. Sa kanila na yung level na yun o competition na yun.”

Kung ganoon, saan siya nakahanay?

“Doon ako sa mga… ayoko kasing ikinukumpara sa kanila.

“Kasi, para sa akin, bawat isa sa amin, bawat artista, may kanya-kanyang characteristics…

“May kanya-kanyang ugali, may kanya-kanyang abilidad, may kanya-kanyang kakayahan sa pag-arte.

“Kung sa tingin nila, nila-lineup sila as leading man, ako, ayoko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siguro kasi, masaya ako kung ano ang trabaho ko—masaya ako kung ano ang ibinibigay ng network na trabaho ko.

“Hindi ako namimili ng trabaho. Kung gawin akong support, kung gawin akong lead, okay yun sa akin.”

Saan niya hinahanay o nile-level ang kanyang sarili?

Sagot ni Mike, “Doon ako sa empleyado na kapag binigyan ng trabaho, magtatrabaho.”

Sinasabi ba niyang ayaw niyang magpaapekto sa pagle-level o pagbibigay ng titulo?

“Oo, ayokong magpaapekto doon sa hierarchy… ayoko ng ‘sikat’ bracket.

“Basta ako, masaya ako sa trabaho ko, mahal ko ang trabaho ko, doon ako.”

Mas epektibo ba sa kanya ang ganoon?

“Hindi siya mas effective sa akin, pero yun ako, yun ang gusto ko.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN