PEP EXCLUSIVE Martin Escudero finally speaks out about dropping Popoy Caritativo as manager; Popoy’s camp responds to Martin’s allegations

Sinagot ni Martin Escudero ang posibleng maging isyu sa pag-amin niyang tumira siya sa bahay ng kanyang dating manager na si Popoy Caritativo. Aniya, “Yung pagtira ko po sa kanya, malinaw na manager-talent. Parang guardian ko siya. Parang tumayong ama ko siya, e. Yun ang amin. At masasabi ko lang ho na inaasahan na namin na maraming paninirang mangyayari. Pero, alam naman po ng Diyos kung ano ang totoo.”


Kasunod ng pag-anunsiyo ni Marian Rivera na kumalas na siya mula sa pangangalaga ng kanyang longtime manager na si Popoy Caritativo at paglipat sa Triple A Management ni Tony Tuviera ay ang balitang umalis na rin sa poder ni Popoy ang young actor na si Martin Escudero.

Halos magkasabay na hinawakan ni Popoy sina Marian at Martin sa ilalim ng kanyang talent management company na Luminary.

Nagsimula si Martin sa showbiz bilang bahagi ng Star Magic ng ABS-CBN, kunsaan namalagi siya sa loob ng tatlong taon.

Noong 2006 ay sumali siya sa reality-based artista search ng GMA-7 na StarStruck Season 4 (2006), kung saan nanalo siya bilang Ultimate Loveteam katuwang si Kris Bernal.

Ang gamit pa niya noong screen name ay Mart Escudero, ngunit nang lumipat siya sa TV5 noong 2011 ay Martin Escudero na ang ginamit niyang pangalan.

Sa pag-alis nina Marian at Martin sa poder ni Popoy, marami ngayong haka-haka, opinyon, reaksiyon, at isyung naglalabasan.

Ngunit ang pinakamalaking katanungan ng lahat: Ano ang dahilan kung bakit tila sunud-sunod ang pagkalas ng mga alaga ni Popoy?

Bagamat nagsalita na si Marian tungkol sa paghihiwalay nila ni Popoy bilang talent at manager, hindi idinetalye ng aktres ang tunay na dahilan.

Nang mapabalita naman ang pag-alis ni Martin sa poder ni Popoy, maraming taga-media ang nagtangkang kunan siya ng pahayag—kabilang na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal)—ngunit naging mailap ang young actor.

At pagkatapos ng ilang linggong pagtatangkang makapanayam si Martin ay sumagot siya sa text message na ipinadala ng PEP.

Kaninang hapon, May 10, ay pumayag si Martin na makausap namin siya nang personal sa isang mall sa Mandaluyong City.

Kasama ng 23-year-old actor ang kanyang mga magulang na sina Jimbo at Suyen Escudero, at ang dalawang nakababata niyang kapatid.



SEVEN YEARS. Sa pagkakatanda ni Martin ay 13 years old lang siya nang mapabilang sa Star Magic, kung saan nakasabayan niya ang Roco twins na sina Dominic at Felix.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hanggang sa pinakontak siya ni Popoy Tina del Pozo, na noon ay assistant ng talent manager.

“Ang alam ko, sumunod lang ako kay Marian. Parang second show ni Marian,” pag-alala pa ni Martin.

Fifteen years old naman siya nang mapunta sa pangangalaga ni Popoy. Kaya mahigit pitong taon daw niya itong naging manager.

Kumusta naman ang pitong taong relasyon nila ni Popoy bilang talent-manager?

Saad niya, “Noong una, ayos naman.

“Kasi noon, kasama ko pa ang parents ko sa lahat ng transaction.

“Nandito pa sila sa Manila. Hindi pa ako mag-isa noon. Tapos, sama-sama kami noon.

“Nagkaroon lang ako ng isang soap sa TAPE bago ako sumali sa StarStruck. Ito yung Agawin Mo Man Ang Lahat, second soap ni Marian yun.

“Nasa fifteen or sixteen [years old] ako noong mag-StarStruck ako.

“Actually, noong kasama ko naman ang parents ko, wala namang problema. Wala namang nagiging problema sa amin ni Popoy.”



LIVING ARRANGEMENT. Hanggang 19 years old daw si Martin ay kasama niya ang kanyang mga magulang sa tinitirhan nilang bahay sa Boni, Mandaluyong.

Pero nang lumaon ay sa condo unit na ng kanyang manager sa Mandaluyong din siya tumira.

Ano ang ibinigay na dahilan sa kanya ni Popoy kung kaya’t sinabi nitong humiwalay na siya ng tirahan sa kanyang mga magulang?

Saad ni Martin, “Sabi po kasi niya, hindi raw ako nagma-mature at parang yun daw ang nakikitang dahilan kaya hindi ako nagma-mature.

“Inisip naman namin na baka totoo nga.

“Siyempre, siya yung manager, mas alam niya yun.”

Sa puntong ito, tinanong naman ng PEP ang mga magulang ni Martin kung pumayag ba sila agad na humiwalay na ng tirahan ang kanilang anak.

Sabi ng ama ni Martin, “Kung ano po ang makakabuti sa trabaho.

"At may tiwala naman kami sa kanya [Popoy]. Tiwala lang po talaga ang inano namin sa kanya.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dahil sa pagtira ni Martin sa bahay ng kanyang manager, posibleng mabigyan ito ng kulay ng ilan. Paano kung sabihin na higit pa sa talent-manager ang naging relasyon nila ni Popoy?

Nangiti si Martin at sinabing, “Yung pagtira ko po sa kanya, malinaw na manager-talent.

“Parang guardian ko siya. Parang tumayong ama ko siya, e. Yun ang amin.

“At masasabi ko lang ho na inaasahan na namin na maraming paninirang mangyayari.

“Pero, alam naman po ng Diyos kung ano ang totoo.”

Twenty-three years old na si Martin ngayon at mahigit tatlong taon daw siyang tumira sa bahay ni Popoy.



WHAT WENT WRONG. Diretsahan naming tinanong si Martin kung ano ang nangyari sa kanila ni Popoy sa mahigit tatlong taon na wala na siya sa poder ng kanyang mga magulang.

Sagot niya, “Biglang nagbago, e. Nagbago talaga, e. Pakikitungo niya, para sa akin kasi, parang hindi na tama…”

Paanong hindi na tama?

“Malalim ang dahilan,” maingat na sabi ni Martin.

“Bilang manager ko siya ng seven years, ayoko naman siyang siraan.

“Ang intensiyon ko lang talaga kaya nagpa-interview na ako ngayon, gusto ko lang din talagang linawin at itama ang ilang naglalabasan na mali o hindi totoo.

“Siguro, yun nga, hindi na kami nagkakaintindihan.

“May mga ayaw kami na hindi na tama na gusto pa rin niyang i-apply bilang manager daw.”

Tinanong namin si Martin kung maaari siyang magbigay ng halimbawa sa mga bagay na tinutukoy niya.

Aniya, “Malaking factor din kasi na siya, may problema siya sa pamilya ko.

“Una na nga doon yung tulong na ginagawa ko sa pamilya ko, kinokontra niya.”

Kinumpirma namin kay Martin kung ang tinutukoy niyang tulong sa pamilya ay may kinalaman sa pagbibigay ng pera.

“Oo,” pagsang-ayon niya.

Paanong "kinokontra"?

“Sa madaling-salita, pinakikialaman niya.

“Kasi, malalim na yung rason, ayoko na rin kasing idetalye talaga lahat ng nangyari. Siguro po, bilang respeto na rin kay Popoy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Anyway, nasa letter naman po yun na ibinigay namin sa kanya.”

Si Martin daw ang tumatayong breadwinner sa kanilang pamilya. Sa katunayan, napag-aral ni Martin ang ate niya ng kursong Nursing.

Paano napag-aral ni Martin ang kanyang ate gayong sinasabi niya na "kinokontra" ni Popoy ang pagbibigay niya ng tulong?

Tugon niya, “Bale doon po nanggagaling yun, sa pera na naiaabot ko lang sa kanila.”



MONEY MATTERS. Nabanggit ni Martin ang tungkol sa pera at sa pagtutol ni Popoy kapag tumutulong siya sa kanyang pamilya.

Ano ang set-up nila sa perang kinikita niya? Pera ba ang dahilan kung bakit siya umalis dito?

Sagot ni Martin, “Alam ninyo po, ang pera, medyo maliit na dahilan lang yun.

“Ano lang po talaga, pinipigilan niya akong tumulong.

“Nakakapagbigay pa rin naman po ako, pero talagang nag-aaway kami.”

Sino ang humahawak ng kinikita niya sa pag-aartista?

“Sa akin po nakapangalan, pero sila [Popoy] po ang may hawak ng bank book, ATM… controlled po nila.”

Pumayag naman siya sa ganoong set-up?

Tugon ni Martin, “Ang akala ko po kasi, yun ang tama talaga na dapat.

“Pero noong medyo tumatanda na rin ako, nagbabago na rin ang gusto ko.

“Doon po kami nagkaproblema.”

Bago siya magdesisyon na umalis sa poder ni Popoy, hindi ba nila napag-usapan ang bagay na ito? Tutal naman ay nasa tamang edad na siya at puwede na siyang humawak ng sarili niyang pera?

Ayon kay Martin, “Sinasabi po, maraming beses na po. Pero siyempre, ayaw niya.”

Ayon naman sa mga magulang ni Martin, ang ginagawa na lang daw nila, kapag inaabutan sila ng pera ng anak, ay nagtatabi sila at inihuhulog nila sa “separate account” nito para may siguradong ipon ang young actor.



FAMILY TIES. Dahil sa aniya’y pagtutol ng kanyang manager na tulungan ang sarili niyang pamilya, naramdaman ba ni Martin na tila napapalayo siya sa kanyang pamilya sa Cavite?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Actually po, nagkakausap naman po kami, nakakauwi naman po ako.

“Pero yun nga lang po, tuwing uuwi po ako, nagkakaroon po kami ng problema.

“Marami siyang [Popoy] sinasabi na kesyo ganoon, kesyo ganyan.

“Ang gusto niya, sila ang pupunta… hindi naman puwede.

"May mga kapatid din ako. At siyempre po, nami-miss ko rin sa amin.”

Dagdag ni Martin, “Nararamdaman ko po minsan na parang may pagkukulang ako sa kanila.”



UTANG NA LOOB. May pagsisisi ba si Martin sa pagtitiwalang ibinigay niya sa dating manager?

Sagot ni Martin, “Bata pa po kasi ako noon kaya kung ano lang ang akala kong tama.

"Inisip ko na siya yung guardian ko, siyempre magtitiwala ako sa kanya.

“Ayoko nang magsabi na may regrets o pagsisisi kasi may natutunan naman ako sa mga nangyari.”

Dahil sa pagkalas niya kay Popoy at pagsasalita ngayon, paano kung sabihan siya na walang utang na loob?

Tugon ni Martin, “Bakit, paano po nasabing wala akong utang na loob?

“Siguro po kung sakali, yun na lang din ang itatanong ko sa kanya—paano po niya nasabing wala akong utang na loob?

“Hindi naman porke’t umalis ako sa kanya, wala na akong utang na loob.

“Siyempre, hindi naman po ako basta-basta aalis kung walang dahilan, kung walang mali.”

Matagal ba niyang pinag-isipan ang kanyang naging desisyon?

Sabi ni Martin, “Matagal din po, buwan din.

"Kasi marami din kaming kinonsulta, marami rin kaming kinausap.

“At tinanong din namin ang mga taong pinagkakatiwalaan namin kung paano ang gagawin.

“Lahat naman din po sila, yun din ang sinasabi.”

May iba pa bang dahilan na nag-udyok sa kanya na umalis sa poder ng dating manager?

“Actually, marami pa pong dahilan,” sagot niya.

“Tungkol sa propesyunal, tingin ko po, hindi na tama.

“Actually, nakalagay naman po sa letter ang lahat ng dahilan.

“Noong magpunta po kami sa office, tinanong po namin kung puwedeng makausap si Popoy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero sabi po ng sekretarya, hindi puwedeng makausap kaya pina-receive na lang po namin.”

POPOY’S CAMP RESPONDS TO ALLEGATIONS. Hindi pa handa na magsalita si Popoy.

Pero isang tao mula sa kanyang kampo ang kumontak sa managing editor ng PEP na si Karen Pagsolingan para magkuwento tungkol sa isyu. Hiniling nito na huwag na lang siyang pangalanan.

"I just want you to know the background story so that when you deal with it, it will not be one-sided," aniya.

Ang source na ito ay nakakasalamuha rin ni Martin, na inilarawang "ginagawa ang lahat para sa pamilya."

Middle child ang aktor sa limang magkakapatid, at siya lang daw ang nagtatrabaho.

Kaya naman nagkaroon daw ng "mutual agreement" sina Popoy at Martin tungkol sa pag-manage ng finances ng TV5 star. Ang purpose daw nito ay para "maka-save si Martin at para makapag-invest."

Dagdag pa ng source, "Hindi siya nakakaipon dahil he’s spending too much! Tuloy, nasasabihan siya ni Popoy ng ’Hinay-hinay sa paggastos.’

"Sa tuwing umuuwi iyan, nagbibigay sa family niya..."

Ayon sa impormasyong nakalap ng PEP, "80,000 pesos" monthly ang allowance ng pamilya ni Martin simula noong nagkaroon ng string of projects ang young actor.

Hindi pa raw kasama rito ang amount na from time to time ay ginagastos ng aktor para sa "outing, party, o pambayad sa utang."

Sa pagkakaalam daw ng source, "All these years na nakatira siya kay Popoy, lahat ng mga personal expenses—mula haircut, driver, parking spaces, clothes, derma—ay si Popoy ang bahala."

At sa loob ng pitong taon, hindi rin naman daw consistent ang pasok ng trabaho kay Martin.

Paano yung alegasyon tungkol sa hindi pagpayag ni Popoy na umuwi si Martin sa kanyang pamilya?

Ito raw ay isang bagay na hindi maintindihan ng source.

"Parati iyan sa Cavite, especially since January nung natapos yung Enchanted Garden.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Every time wala siyang taping, he goes home. Every 10th and 25th, he’s there."

At base sa naririnig niya, pinagbabawalan daw talaga ni Popoy si Martin na umuwi kapag may taping.

Detalye pa ng source, "Example, noong panahong nagsapaw yung Enchanted Garden sa shoot ng ’Lost Command,’ hindi talaga siya pinayagan ni Popoy."

Ang "Lost Command" ay isang episode sa 2012 Metro Manila Film Festival entry na Shake Rattle & Roll 14.

Nang tanungin siya kung may alam ito tungkol sa mga kontrata ni Martin, pinayuhan ng source ang aktor na humingi ng kopya mula sa opisina ng kanyang talent manager.

Sa kabuuan, hindi kumbinsido ang nakausap ng PEP sa mga rasong binanggit ni Martin kung bakit niya iniwan si Popoy.

"Seven years is seven years. He even lived in Popoy’s house.

"At yung paglipat ng family sa Cavite? Yung prize niya sa StarStruck, dun napunta sa house na yun.

"Maliit yung condo unit sa Mandaluyong para sa buong pamilya, at mahal ang renta and expenses.

"Then si Mart, nakikitulog sa kung saan-saan kasi ang layo ng Cavite..."

So it was a logical and practical move for Popoy, according to the source, na i-offer kay Martin ang guest room ng kanyang condo unit.

Nagkuwento rin ang source tungkol sa alam niyang dahilan na nagbunsod sa aktor para iwanan ang kanyang talent manager, pero hiningi niyang hintayin na lang ang opisyal na pahayag ni Popoy sakaling magbibigay man daw ito.

Isang bagay na sigurado ang source: "He treated Martin like his own son, that’s why now, he’s hurting."

NEXT: Martin Escudero denies Marian Rivera’s involvement in his decision to leave Popoy.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN