Lolit Solis on Vicki-Hayden split-up: “Kung talagang hiwalay na sila, buhay nila yun. Hindi ako makikialam.”

Lolit Solis on May-December relationships: “Meron naman diyan na mga ikinakasal na mas may edad ang babae, di ba? Sa akin, wala namang problema. Nasa kanilang dalawa na yun kung ano ba talaga ang desisyon nila.”


Bilang isa sa malalapit na kaibigan nina Dra. Vicki Belo at Hayden Kho, tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Lolit Solis noong May 11 sa set ng Startalk sa GMA-7 kung ano ang masasabi niya sa tuluyang paghihiwalay ng dalawa.

Tumitiling sagot ni Nay Lolit na parang ayaw maniwala, “Bakit, nag-break na ba? Nag-break ba? Alam mo, si Vicki, love niyan si Hayden... love na love.

“Ayaw nga naming kontrahin sila kasi mahal niya si Hayden. Maibibigay ba namin yung kaligayahang naibibigay sa kanya ni Hayden?

“Siya naman ang dapat masunod dun, di ba?

“Siyempre, si Hayden, guwapo, doktor, matangkad... O, ano pa? Good in bed...

“May ganun?” natatawa pa niyang dagdag.

Kung siya daw ang masusunod, gusto niya na silang dalawa ang magkatuluyan.

Mariing saad ng pamosong manager, “Oo. Meron naman diyan na mga ikinakasal na mas may edad ang babae, di ba?

“Sa akin, wala namang problema.

“Nasa kanilang dalawa na yun kung ano ba talaga ang desisyon nila.

“Kung talagang hiwalay na sila, buhay nila yun. Hindi ako makikialam.”

ON FALLING OUT WITH OSANG. Natanong din namin siya tungkol sa pag-aaway ng mag-inang Rosanna Roces at Onyok na isinapubliko ni Osang sa Facebook noong nakaraang Semana Santa.

Matatandaaan na matagal ding hinawakan ni Nay Lolit ang career ni Osang bago sila nagkaaway at tuluyang nasira ang pagkakaibigan.

Paliwanag niya, “Makikita mo lang kung anong klase siyang nanay.

“Kasi, para gawing publiko pa ang away nilang mag-ina, nawalan na ng respeto ang anak niya sa kanya.

“Pati yung pagmamahal.

“Kasi as a mother, alam niya dapat yung ano, di ba?”

Ayaw nga raw magpa-interview ni Osang sa press dahil away pampamilya lang yun.

“Naku, siya ayaw niyang pakialaman ng press,” sabi niya, “Pero, ginawa niya yun para pakialaman siya ng press.

“O, di ba? Alam ko yun! Sigurado ako.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi na ba talaga sila puwedeng maging magkaibigan pa?

“Hindi na,” mariing sagot ni Nay Lolit. “Ako kasi mahaba ang pasensiya ko pero pag nawala na, wala na.

“Nakita mo kung anong klase siyang tao, di ba?

“Pati anak niya ay inaaway siya.”

At talagang sinabi niya ang isa sa dahilan ng sobrang galit niya sa dating co-host niya sa Startalk.

Saad niya, “Ang talagang sobrang ikinagalit ko sa kanya ay yung pinatulan niya ang isang alaga ko.

“Kasi, di ba, sa isang… halimbawa, ako manager mo, tapos heto may mga alaga ka, tapos nagtatalunan.

“Kadiri, di ba?

“Para sa akin, wala siyang kuwentang tao.”

Baka mag-react na naman si Osang sa mga sinabi niya?

“Oo nga,” natatawang sabi pa niya. “E, di magreact siya.

“Para magkaroon na naman siya ng publicity. Why not, di ba?”

BIRTHDAY WISH. Malapit na ang kanyang 66th birthday sa May 20.

Ano pa ba ang wish niya para sa sarili niya?

“Wala, good health,” mabilis niyang sagot. “Yun lang.”

Ano ba ang gusto niyang matanggap na regalo mula sa mga alaga at mga kaibigan niya?

“Wala rin except for ano... maraming pagkain,” muli siyang natatawa sabay labas ng listahang nakatoka sa mga alaga niya.

“Hayan, nakikita niyo puro pagkain ang wish ko sa kanila.

“Heto yung kay Tonton [Gutierrez] at Glydel [Mercado]... yung kay LT [Lorna Tolentino].

“Mahaba pa.

“Gusto ko lang talaga pagkain kasi ano pa ba ang gusto ko... wala.”

Wala pala siyang malaking party o celebration.

“Wala, ayoko talaga,” wika niya. “Kahit noon, hindi ako mahilig magpa-party. Pumupunta ako sa mga may party.

“Para harbatan ko sila,” bulalas niya, na agad sinundan ng kanyang trademark na malutong na halakhak.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN