Senator-elect Nancy Binay says statement of Vice Ganda about her "did more good than harm"

Ang dalawang "vice" daw na gustong pasalamatan ni Nancy sa kanyang buhay ay ang amang si Vice President Jejomar Binay at ang komedyanteng si Vice Ganda.


Ipinagpasalamat daw ni Senator-elect Nancy Binay sa dalawang "Vice" ang kanyang pagkapanalo at nasa ikalimang puwesto pa siya sa senatorial race.

Ang kanyang tinutukoy ay ang kanyang ama na si Vice President Jejomar Binay at ang comedian-TV host na si Vice Ganda.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Nancy kahapon, May 16, sinabi nitong ang kanyang ama pa rin ang naging malaking rason sa kanyang pagkapanalo.

Saad niya, “Yung father ko, siguro baka sa kanya yung 1 and 2 na spots [sa mga tao na talagang naka-contribute sa panalo].

"Kumbaga, yung sinimulan niyang brand of service, I guess nakita ng mga kababayan natin na puwede ko din dalhin ang ganung brand of service sa Senado.”

VICE GANDA. Samantala, wala na raw kay Nancy ang mga pasaring ni Vice na tinuligsa ang kanyang kawalan ng "track record" sa public service.

Naniniwala raw kasi siyang ang mga naging patutsada ni Vice sa kanya “did more good than harm" sa kanyang kampanya.

Sabi ni Nancy, “Yung epekto nung kay Vice Ganda, medyo pinag-usapan tayo.

"Pero yung kay Vice Ganda, I respect his opinion. Karapatan niya iyon, na magsalita ng ganun.

“Gusto ko magpasalamat kay Vice Ganda.

"Ganoon naman talaga. Tapos na ang halalan, dapat kung ano man ang hindi pagkakaintindihan, dapat tapos na iyan.”

Asam pa ni Nancy, baka puwede silang magkatrabaho ni Vice sa pagpapalaganap ng common advocacies nila kapag nagsimula na siyang manungkulan sa Senado.

Aniya, “We have to move forward. Ang daming kailangang gawin.

"Paulit-ulit na sinasabi ng UNA na ang kalaban namin ay kahirapan at kawalan ng trabaho. I guess kapag nagsimula na [ang trabaho], sana tulong-tulong tayo.

“Who knows, baka one of these days, baka kami ni Vice Ganda, hihingin ko ang tulong niya.

"Baka mayroon akong proyekto na makakatulong siya.”

Umaasa rin si Nancy na gagamitin ni Vice ang kanyang kasikatan "to advance the causes of some sectors of society."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag pa ng bagong-halal na senador, “He can always use his popularity, puwede yung mga advocacy niya. Marami ang naniniwala kay Vice Ganda.

"[He can help] promote equality and awareness para hindi ma-discriminate lalo na ang mga third sex nga na tinatawag.”

Sa huli, ipinangako ni Nancy na ang kanyang natamong boto ay hindi mapunta sa wala dahil papatunayan daw niya ang maayos na pagse-serbisyo.

Saad niya, “I think naa-appreciate talaga ng mga kababayan natin na yung pamilya ko ay talagang nagbibigay ng serbisyo sa kanila and ito yung evidence na gusto pa nila na may isa pang Binay sa ating pamahalaan.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN