Vice Ganda and Coco Martin say “sorry” to each other during “I-Vice Ganda Mo ’Ko” concert

“Maliit lang na hiling na hindi napagbibigyan, pagkatapos nagkakatampuhan. Nauunawaan ko naman. Nauunawaan ko naman, umarte lang ako talaga,” says Vice Ganda about his previous misunderstanding with close friend and actor Coco Martin.


Hindi raw talaga inaasahan ng comedian-TV host na si Vice Ganda ang pagdating ni Coco Martin sa kanyang “I-Vice Ganda Mo ’Ko” concert sa Araneta Coliseum kagabi, May 17.

Si Coco ay wala sa listahan ng mga special guests ni Vice sa concert. Ang tanging alam lang niyang darating ay sina Ai-Ai delas Alas, Dawn Zulueta, Enrique Gil, Daniel Padilla, at Regine Velasquez.

Sa bandang huli ng four-hour concert, habang nag-a-adlib si Vice para sa kanyang susunod na segment, may tumatawag sa kanya ng “baby” sa background. Natigilan ang It’s Showtime host at napaisip kung kanino ang boses na naririnig niya.

Maya-maya pa ay nagulat na siya nang lumabas ang lead actor ng Juan dela Cruz na may dalang mga bulaklak habang tinatawag siyang “baby.”

Pagkatapos iabot ang mga bulaklak kay Vice, kumanta si Coco ng hit novelty song na “Pusong Bato.”

Sa huli ay tila sinuyo ni Coco si Vice at sinabing, “Huwag ka na magtampo. Sorry.”

“Sorry” rin ang naging sagot ni Vice kay Coco.

CLOSE FRIENDS. Lingid sa kaalaman ng karamihan, malapit na magkaibigan sina Coco at Vice.

Ayon kay Vice, magkakilala na sila ni Coco bago pa man sila pumasok at naging kilalang personalidad sa showbiz.

Matapos ang concert, sinubukan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media na alamin mula kay Vice kung ano ang naging tampuhan nila ni Coco.

Tumanggi namang magbigay ng detalye ang tinaguriang “unkabogable” concert artist.

Sa halip, ikinuwento ni Vice ang isa sa madalas na nagiging sanhi ng diskusyon nila ni Coco.

“Inaasar niya lang ako kasi nga ‘yong jowa na hindi niya gusto,” paliwanag niya.

“Ayaw niya na may boyfriend ako. Feeling niya talaga lahat ng lalaki lolokohin ako.

“Sabi niya, tama na ‘yong barka-barkada. Pero kapag jowa, ayaw niya talaga.

“’Tapos ang nakakaloka diyan, alam niya lahat. ’Tapos, kapag may nalaman siya, tatawagan niya ako. Imbyerna siya, inaaway niya ako.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nang tanungin kung ito ang naging dahilan ng kanilang tampuhan, sumagot si Vice, “Hindi. Basta personal. Usaping mag-barkada.”

Paliwanag pa ni Vice, ang pagiging magkaibigan nila ni Coco ay labas sa showbiz.

Aniya, “Kasi, ’yong relasyon namin ni Coco, hindi siya puwedeng showbiz, e. Hindi siya puwedeng samahan ng showbiz.

“Kaya nga kami nagkaganun [nagkatampuhan] kasi nahaluan ng showbiz.

“Kaya nga sabi ko, kung hindi ito nahaluan ng showbiz, hindi ito [mangyayari].

Sa huli, siniguro ni Vice sa entertainment media na maliit na tampuhan lamang ang nangyari sa kanila ni Coco.

“Maliit lang na hiling na hindi napagbibigyan, pagkatapos nagkakatampuhan,” nakangiting sabi ni Vice.

“Nauunawaan ko naman. Nauunawaan ko naman, umarte lang ako talaga.

“Siyempre, ako ang girl sa aming magbabarkada kaya ako ang aarte, ’no?

“Binili naman niya ‘yong arte ko. Ngayon lang niya binuko, di ba? Nag-work ‘yong arte ko!”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN