Louise delos Reyes hints of reconciliation with Enzo Pineda: “Para kaming nag-i-start ulit.”

“Si Enzo naman po, he’s trying his best na intindihin at manuyo talaga sa family ko, which is a good start.”


Sa tuwing bumibisita ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press sa taping ng GMA-7 primetime series na Mundo Mo’y Akin, palaging naka-prosthetic ang young actress na si Louise delos Reyes.


Pinapangit kasi ang hitsura niya rito bilang si Marilyn.

Nang biruin siya na hindi na matandaan ng mga tao ang totoong hitsura niya, ipinakita ng young actress ang larawan niya na hindi naka-prosthetic sa kanyang cellphone.

Dahil sa pagse-"selfie" ni Louise sa kanyang Instagram account, bilang si Marilyn, ay nakakakuha raw siya ng mga “panlalait” lalo na sa mga foreigners.

Ang "selfie" ay ang pagkuha ng sariling larawan at pagpu-post nito sa Facebook, Twitter, at Instagram.

Kuwento ni Louise, “Madalas po akong nagse-selfie ngayon na Marilyn ang hitsura ko.

“Tapos, may nagko-comment na, ‘Yuck, who’s that? You monkey?’

“Pero ipinagtatanggol naman ako ng mga fans. Sinasabi nila, ’She’s an actress in the Philippines.’"

May mga nagkomento naman sa make-up o prostethics ni Louise, lalo na sa kilay niya.

“May natatanggap na rin po akong mga comments tulad ni Mother Josie [Frances Ignacio], parlorista siya.

“Bakit hindi siya mangialam ng hitsura ko? Bakit hindi niya i-pluck?

“Pero siguro ano lang, unti-unting nararating ni Marilyn na mas gaganda siya."

Gaganda na nga ba siya sa kuwento?

Sabi ni Louise, “Hindi ko pa po alam ang magiging flow ng story.

“Pero siguro, may konting lukso ng dugo si Doña Charito Carbonel [Jaclyn Jose], kasi maaawa rin naman siya sa akin.

“Kasi nga, mainit ang dugo niya sa akin. Ayaw niya talaga ng pangit.

“Ang character description niya, nangmamata talaga siya.

“Kung ako po talaga, ayokong gumanda.

"Siguro puwedeng tanggalin ang kilay, ang ngipin… pero yung ilong ko, as is.”

MOST LOVED. Tila napamahal nakay Louise ang karakter niya bilang si Marilyn sa Mundo Mo’y Akin. Masasabi ba niyang ito na ang pinakaminahal niyang karakter na kanyang ginampanan?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Saad niya, “Ang pinakamalapit po talaga sa akin, personally po talaga, halos lahat din naman po.

“Pero, mas naibuhos ko po siguro ang panahon ko sa One True Love.

“Kasi, yun po talaga ang show na hindi ko ini-expect na sobra naming minahal—kaming lahat, parang hindi kami maka-move on.

“Pati yung mga fans, hindi pa rin sila maka-move on kay Elise [Louise] at kay Tisoy [Alden Richards].

“Pero itong si Marilyn naman po kasi, yung side sa akin na bubbly, umpisa pa lang ng Mundo Mo’y Akin, yun talaga ko personally.

“Madaldal ako, maingay... nailabas ko ang jolly side ko at pagpapatawa.

"Sumeseryoso na rin ako ngayon sa karakter ko.”



FROM ENZO. Sa gitna ng usapan, may ipinarating na statement ang entertainment press kay Louise na galing sa dating boyfriend na si Enzo Pineda.

Ayon kay Enzo, kahit na dedmahin daw siya ni Louise, papansinin pa rin niya ito.

“Galing kayo ng Mother’s Day?” reaksiyon agad ni Louise, na ang tinutukoy ay ang event ng GMA Artist Center na dinaluhan ni Enzo.

Nabuko tuloy na alam niya ang schedule ni Enzo. Kaya hirit namin, mukhang nagkabalikan na silang dalawa?

“Hindi po!” natatawang tanggi ni Louise.

Kumusta na ba ang relasyon nila ni Enzo pagkatapos nilang mag-break? Dumating nga ba ang puntong dinededma niya ito?

Ayon kay Louise, “Siguro po siya, he’s being a gentleman na batiin ako.

“Pero noong time po na yun, like what I’ve said din sa mga interviews ko, mahirap tingnan ang taong mahal mo, di ba? Kung titingnan mo lang siya as somebody na katrabaho mo.

"Para sa akin kasi, mahirap yun.

“Kapag nag-break, e, di parang kaplastikan na okay kayong dalawa hanggang siyempre magiging okay kayo.”

Masasasabi niya bang mas okay na sila ngayon?

“Opo, mas okay kami ngayon,” sagot ng dalaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



TEXTMATES. Sino ang gumawa ng unang move para maging okay sila?

“Yung last po kasi, siya.

"Parang tinext niya ako bigla na hindi ko naman inaasahan… parang unexpected text.

“So, from there, once in a while, nagte-text kami. Hindi katulad dati na wala talaga."

Gusto ba ni Louise na maging okay pa rin ang lahat sa kanila ni Enzo?

“Opo,” sagot niya.

“Pero siyempre, it takes two to tango, sabi nga nila.

"Parang ako rin, kung naaalala ko siya, ite-text ko siya.”

Posible bang magkabalikan sila?

“I think so,” nakangiti niyang sagot.

“Pero matagal pa rin yung process na yun. Pareho kaming may work.

“So, mahirap pa rin mag-commit. Okay na po kami ngayon.”



MOM’S APROVAL. May balitang ang nanay raw ni Louise ang may ayaw kay Enzo, at hindi raw talaga nito matanggap ang young actor.

Itinanggi naman ito ni Louise.

Aniya, “Hindi naman po.

"Siguro po si Mama yung isa sa mga nanay na mahirap i-let go ang anak since ako ang only girl.

“Lumaki ako na ako lang talaga ang inaalagaan ng nanay ko, kasi malayo ang age gap ng mga kapatid ko.

“Siguro masakit lang sa kanya, pero tinatanggap naman niya.

“Alam ninyo po yung dahan-dahan na typical na nanay na kapag nag-boyfriend ang anak nila, akala nila, papakasal na?

“So, yun lang naman po."

Patuloy niya, “Si Enzo naman po, he’s trying his best na intindihin at manuyo talaga sa family ko, which is a good start.

“Inaamin ko naman po na baby ako sa family. Kaya mahirap i-let go."

Pulis ang dalawang miyembro ng pamilya ni Louise at siya nga lang ang nag-iisang anak na babae.

Pero ngayong dumaan na sila sa breakup, hindi kaya mas mahihirapan si Enzo na matanggap ng nanay niya kung sakaling bumabalik ito sa kanya?

Sabi ni Louise, “Nakikita naman niya na naaapektuhan ako, and at some point, nakikita naman niya na nakakatulong si Enzo for my happiness.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Na parang noong kaming dalawa ni Enzo, para kaming fuel ng isa’t isa.

“Kapag tinatamad siya, nandoon ako para i-encourage siya. Positive naman po.

“And more than the relationship, mag-best friend talaga kami."

Pero pahiwatig ni Louise, “Para kaming nag-i-start ulit.”

Nanliligaw ba ulit si Enzo sa kanya?

“Tanungin ninyo na lang siya,” nakangiting sagot ni Louise.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN