Matet de Leon on mom Nora Aunor: “Siya mismo… siya mismo ang kayamanan naming magkakapatid… siya yung pinaka-importante.”

Manghang-mangha si Matet de Leon sa pagtataguyod sa kanilang magkakapatid ng inang si Nora Aunor. Pagmamalaki niya: “Siya yun! Siya yung naging sentro naming lahat. Ginawa niya kaming mabuting tao at mapagmahal sa aming magkakapatid.”


Naging emosyonal si Matet de Leon sa nakaraang 60th birthday ng adoptive mom niyang si Nora Aunor.

Sa kalagitnaan ng pagbabasa ni Matet ng prayer invocation bago simulan ang Nora at 60 birthday tribute, naiyak ito.

Ginanap ang birthday tribute para kay Nora Aunor sa Meralco Multi-Purpose Hall, Pasig City noong Martes, May 21.

Walang makapagsabi kung ano ang nasa likod ng pagluha ni Matet noong gabing iyon.

Kaya kinapanayam si Matet ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa isang tabi ng venue habang isinasagawa ang programa para sa ina.

Saad niya, “Ano kasi… nag-aalala lang ako kay Mommy pag minsan… kasi siyempre, may edad na.”

“Yung paa niya, ang tagal na namaga. So, parang doon pa lang nag-alala na ako.

“Tapos, madalas pa siyang nagkakasakit… nababalitaan ko tumataas yung high blood niya.

“So, parang nakakapag-alala lang na naiisip ko, nahihirapan yung mommy ko.

“Sana huwag siyang magkasakit, mga ganoon.”

RARE OCCASIONS. Hindi ba sila madalas magkita ng mommy niya?

“Ngayon, hindi masyado. Kasi ang dami naming ano… ako, sunud-sunod yung mga ginagawa ko, so, nahihiya ako sa kanya.

“Masyado kaming busy kaya hindi kami nakakadalaw. Ngayon nga lang kami nagkita… ilang buwan nang hindi.”

Masyado bang malihim ang mommy niya at hindi niya ipinapaalam sa kanila ang mga nararamdaman niya sa katawan?

“Hindi lang ano… private rin siyang tao, e. Alam mo naman ‘yan, Kuya Rey, di ba?

“Hangga’t kaya niyang huwag ipaalam yung nararamdaman niya, hindi niya sasabihin.

“Kasi, ayaw rin naman niya kaming mag-alala sa kanya.

“Pero, kapag kami naman yung may nararamdaman o problema, pag may chance, tatawag ’yan sa amin…

“Mangungumusta, tapos, magtatanong kung okay lang ba kami,” dagdag pa niya.

Kumusta naman ang relasyon nilang mag-ina?

“Okay naman kami, masaya naman kami kahit hindi kami nagkikita.

“’Pag nagkakasama kami, para pa rin kaming baby sa kanya,” saad niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

EARLY CHILDHOOD. Noong bata pa si Matet, nabansagan siyang maldita dahil sa pagiging matigas ang ulo, mataray at pala-away.

Pero noong magka-edad na siya, nakakitaan ng pagbabago ang aktres—bumait at naging friendly ito sa lahat.

Napangiti siya nang maalala niya ang ugali niya dati.

“Oo nga, e. Siguro noong bata ako, parang ayaw kong aapihin ako ng mga tao kaya ganoon.

“Hindi ko rin maalala kung bakit sinasabi nilang maldita ako, pero may mga moment na naging pasaway ako.

“Nakatulong rin siguro noong magkaroon ako ng sarili kong pamilya… nagka-anak ako… nag-focus ako sa paga-alaga sa pamilya ko,” pagbabalik-tanaw niya.

Ayon kay Matet, hindi naging issue sa kanila ang pagiging abala ng kanyang ina para makaramdam sila ng pagtatampo dito.

Minsan nga raw, nalulula sila kapag bumawi ang mommy nila sa kanila.

“Alam mo naman si Mommy pag naisipan, bigay-todo ’yan! Alam naman ninyo ‘yan.

“Kasi nakikita naman ninyo si Mommy, di ba?”

“At saka pag may oras naman siya, nandiyan siya sa amin.

“Hindi niya kami isinasantabi pag may oras siya—kinukulong kami sa kuwarto—kanyang-kanya kami.

“Parang walang makakaagaw ng oras na yun dahil para lang kami sa kanya.

“Kung may oras siya, hindi niya pinapayagan na magkulang siya ng panahon sa amin.

“May kakaibang paraan si Mommy para mapasaya niya lahat ng mga mahal niya sa buhay, lalo na kaming mga anak niya,” pagmamalaki niya.

Ngayon na lang ba niya na-realize kung bakit ganito ang paraan ng pagpapalaki sa kanila ni Mommy Guy?

“Oo, lalo na ngayong may mga anak ako. Naiintindihan ko kung bakit kailangan niyang magtrabaho ng ganoon.

“Para kanino ba? Hindi lang para sa kanya, kundi para tustusan yung pag-aaral namin, di ba?

“Nandyan si Kuya [Ian de Leon], pa-high school na siya noong time na yun.

“Ako rin, pa-high school. At hindi simpleng eskuwelahan ang pinapasukan namin noon,” diin niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NORA’S RESOURCES. Matagal nang sentro ng usapan ang kawalan ng mga naipon sa bangko at naipundar na mga real estate properties o negosyo ang superstar mula sa mga kinita niya noong height ng kanyang career.

Kaya tanong namin kay Matet kung hindi ba sila nanghihinayang na walang kayamanang naipamana sa kanila ang kanyang ina?

Mabilis niyang sagot, “Siya mismo… siya mismo ang kayamanan naming magkakapatid… siya yung pinaka-importante.

“Kasi, yung mga materyal na bagay, makukuha mo naman yun sa ibang paraan—mapagta-trabahuhan mo.

Paliwanag pa niya, “Pero yung magkaroon ng isang ina na kumukupkop sa iyo at inari kang tunay niyang kadugo, hindi yun mapapantayan ng kahit na anong kayamanan.”

UPBRINGING. Sa mga pinagdaanan nila at sa kung anong estado na sila ngayon, paano kaya sila hinubog ni Mommy Guy?

“Hindi ko ma-explain… Pero sa akin, mabuti kaming tao, lahat kaming magkakapatid…

“Ate ko [Lotlot de Leon], Kuya ko, yung dalawa ko pang kapatid [Kenneth at Kiko]… hindi kami mayaman, hindi kami sosyalin.

“Pero mababait kami… nasa puso namin at alam namin sa sarili na mabubuti kaming tao.

“Hindi nga kami napagsasabihan o napapagalitan araw-araw ni Mommy—kinakausap niya.

“May mga times na napapagalitan, pero hindi yung araw-araw… madalang.

“Pero alam mo? Lumaki kami nang ganito… naturingan pa kaming ampon. Alam mo yun?

“Saka yung pagmamahal namin sa isa’t isa, kakaiba. Hindi alam kung paano nangyari yun.

“Siya yun [Mommy Guy]! Siya yung naging sentro naming lahat.

“Ginawa niya kaming mabuting tao at mapagmahal sa aming magkakapatid,” patuloy niyang pagpuri sa ina.

CONCERNS FOR MOMMY GUY. Kung may takot si Matet para sa mommy niya, ano iyon?

“Yung magkasakit siya—ayaw kong magkasakit siya— ’yan ang pinaka-nakakatakot.

“Kasi, pagka ganoon… iba na yun, parang guguho kaming magkakapatid.

“Saka ayokong malungkot siya,” pag-amin ni Matet.

Hindi nakasipot ang kanyang mga kapatid sa selebrasyon ng mommy niya. Ayon kay Matet, nasa taping si Lotlot, at ang kanyang Kuya Ian.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nasa labas ng Metro Manila sina Kiko at Kenneth.

SHOWBIZ PROJECTS. Malaki naman ang pasasalamat ni Matet sa pagkakasama niya sa pelikulang team-up nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo na It Takes A Man And A Woman.

“Grabe, walang tigil sa kapapanood yung mga tao, hindi lang isang beses!

“Talagang minahal nila yung dalawa—thankful ako sa lahat ng mga sumuporta ng pelikula,” pagpapasalamat niya.

Ano pa yung susunod na maasahan sa kanya ng mga fans niya?

“Meron pa akong isang movie na ipalalabas, yung kina Richard [Gutierrez] at Marian [Rivera] na My Lady Boss.

“Tapos, yung Huwag Ka Lang Mawawala with Ate Juday [Judy Ann Santos] at Sam Milby for ABS-CBN 2.

“Tapos, nag-guest ako sa may Little Champ… pero ang pinaka-busy ko, yung Huwag Kang Mawawala.

“Thank God, hindi ako nawawalan [ng trabaho]. Nagdadasal kasi ako palagi,” sabi niya.

May interest ba yung mga anak na pasukin ang showbiz?

“Meron!” agad niyang sagot.

“Kaya lang, hindi ko sila ini-encourage na mag-artista… hindi sa pag-aano…

“Alam ko naman kung ano meron dito sa loob natin… alam ko kung ano yung nangyayari. So, huwag na lang.”

Pero hindi pa rin niya idi-descourage na pasukin nila ang showbiz.

“Oo, gusto nila, e. Parang noong isang araw lang, e, sinasabi sa akin noong mga anak ko, ‘Ma, gusto kong mag-artista.’

“So, sabi ko, ’Mag-aral na lang kayo.’ Mas sure yun, mas sigurado na magiging maligaya sila.

“Though, kung talagang gusto nila… parang si Janine [Gutierrez] na pinayagan ng Ate [Lotlot] ko.

“Pero nagtapos muna ng pag-aaral yung bata. Kaya pag hindi ka na uso, at least, meron kang ibang gagawin.

“Ayoko na ’eto lang [pag-aartista]… gaya ko na ’eto lang yung ginagawa ko, ’eto lang yung inaasahan,” pagtatapos niyang pag-amin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN