Raquel Pempengco: “Ang pakiramdam po namin ay itinakwil na kami ni Charice.”

"Napakasakit po ang mga nangyayaring ito sa aming pamilya, lalo na at higit pa sa akin. Ang pakiramdam po namin ay itinakwil na kami ni Charice. Tinalikuran, isinantanbi, at hindi basta-basta nawawala ang sugat na galing doon," says Raquel Pempengco about the misunderstanding between her and daughter Charice.


Emosyunal na humarap ang ina ni Charice na si Raquel Pempengco sa entertainment press kaninang umaga, June 7.

Pinili ng ina ng international singing sensation na gawin ang press conference sa dating bahay nila sa Rancho Estate, Marikina City, dahil aniya, “Napakaespesyal po ng bahay na ito sa amin. Dito po kami tumutuloy noong mga araw na wala kaming matirahan o makain.”

Kasama ni Raquel na humarap sa media kanina ang isa pa niyang anak na si Carl at ang dating manager ni Charice na si Grace Mendoza.

Sa unang bahagi ng press conference, binasa ni Raquel ang isang liham na aniya ay “galing sa aking puso.”

Ito ay naglalaman ng kanyang pahayag tungkol sa mga isyung lumalabas ngayon sa kanyang 21-year-old na anak na si Charice.

Isa na rito ang pag-amin ni Charice na isa siyang tomboy.

(Read: Charice: "Opo, tomboy po ako.")

Saad ni Raquel, “Dapat po matagal ko na itong inilabas sana.

“Kaya lang, ilang beses ko lang pinag-isipan din dahil iba yung hinaharap ko ngayon bilang tao at saka bilang magulang.

“Marahil marami pa sa inyo ang masama ang loob sa akin dahil nanahimik ako nang matagal na panahon.

“May ilang beses rin na nakapagdesisyon ako na magsalita, na binabawi ko rin naman. Pasensiya na po.

“Nahihirapan po ako sa aking kalagayan dahil po ngayon, hati pa rin ako sa pagiging tao at pagiging ina.

“Maraming beses na ginusto kong magsalita kasi parang sasabog na ang dibdib ko sa emosyon.

“Pero maraming beses na rin na, iyon, pinili kong maging isang ina at palipasin ang init ng aking emosyon upang protektahan ang aking mga anak.”

Pagkatapos nito ay muling sinariwa ni Raquel ang mga pinagdaanan nila ng kanyang mga anak na sina Charice at Carl, bago maabot ng kanyang panganay ang kasikatang tinatamasa niya ngayon.

Sumunod nito, hindi na naiwasan ng ina ni Charice na maglabas ng sama ng loob sa sitwasyon ng kanilang pamilya ngayon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa liham na kanyang binasa, tanong niya, “Sapat na ba ang sikat at yaman upang mapunan ang pagkawala ng isang buong pamilya?”

Sabi rin ni Raquel, "Itong pangarap nga po na ito, dumating sa amin, na sumikat at yumaman.

“Pero ngayon ko po naitatanong sa sarili ko, kung karapat-dapat na kapalit ng sikat at yaman ang samahan na itinuturing ng mga tunay na kaibigan mula sa simula.”



NO COMMUNICATION. Inamin ni Charice sa kanyang panayam sa The Buzz noong Linggo, June 2, na may hidwaan sila ng kanyang ina.

Nilinaw rin ng singer ang bali-balitang paglalayas niya sa kanilang bahay.

Ayon kay Charice, “Umalis po ako ng bahay, opo.

“Pero alam ko po na parang alam din naman ni Mommy noon, na doon din darating sa point na yun.

“Umalis po ako dahil hindi ayoko na doon, umalis ako dahil yun yung kailangan kong gawin.”

Sabi naman ni Raquel kanina, “Hindi ko po alam kung saan tumutuloy ang anak ko.

“Nalaman ko na lang noong naglabasan ang mga articles noon sa kanya.

“At siyempre po, sa pagsabi ng ibang mga malapit na kaibigan sa kanya doon.”

Sa mga sumunod na pahayag ni Racquel, lumalabas na matagal na niyang hindi nakakausap si Charice, bagay na tila ikinatatampo niya sa kanyang anak.

“Dumaan po ang birthday niya [May 10], pero hindi namin siya nakita.

“Birthday po iyon at ako ang kanyang ina, ako po ang nagluwal sa kanya sa mundong ito.

“Sa tingin ko po, natural lang naman na gusto kong makibahagi sa mga espesyal na okasyon ng buhay niya, kahit yung birthday na lang po.

“Pero hindi ako naging bahagi noon.

“Hindi po namin siya nakita ni Carl noong kaarawan niya, maging noong mga nakaraang taon.

“Ilang Pasko at Bagong Taon na rin ang nagdaan na hindi namin siya nakapiling at nakausap.

“Siguro po sa ibang tao, birthday lang ‘yon, party lang ‘yon, holiday lang ‘yon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero sa tingin ko po, maiintindihan ng lahat ng ina ang sinasabi ko—lalo na po yung nangungulila na mabuo ang pamilya.”

Pag-amin naman ni Raquel, “Hindi ako perpektong tao. Nagkakamali rin po ako.”

Ngunit sa kabila nito, aniya, “Sigurado naman po ako na walang ina na gugustuhing mapahamak o masaktan ang kanyang mga anak.

“Pagbali-baligtarin man po natin ang mundo, anak ko pa rin si Charice.

“Anak ko pa rin si Coy-Coy o si Carl.

“Kahit ano ang mangyari, kahit ano ang maging desisyon nila sa buhay, ina pa rin nila ako at anak ko pa rin sila.

“Lahat ng gusto nilang gawin ngayon, sinusubukan ko silang suportahan sa abot ng aking makakaya.”



“ITINAKWIL KAMI NI CHARICE.” Inamin ni Raquel na nasasaktan siya sa mga ginawa ni Charice, tulad ng pag-alis ng bahay at hindi pakikipag-ugnayan sa kanila, lalo na sa mga espesyal na okasyon.

“Napakasakit po ang mga nangyayaring ito sa aming pamilya, lalo na at higit pa sa akin.

"Ang pakiramdam po namin ay itinakwil na kami ni Charice. Tinalikuran, isinantanbi...

"At hindi basta-basta nawawala ang sugat na galing doon.”

Sa kabila nito, ipinagdarasal daw nila ni Carl ang sitwasyon ng kanilang pamilya ngayon.

Sabi pa ni Raquel, “Kami pong pamilya ni Charice ay ipinapaubaya na lang ang lahat sa Diyos.

“Una, ipinagdarasal po namin na ang lahat ng mga kasama at nakakasama ni Charice ngayon, silang lahat ay aalagaan siya, poprotektahan, at mamahalin siya.

“Oo, bilang isang singer, pero higit sa lahat bilang isang tao.

“Ipinagdarasal namin na ang pag-aalaga at pagpoprotekta ay totoo at walang hinihingi o hinihintay na kapalit, na anuman ang mangyari, hindi sila susuko o iiwan si Charice.

“Pangalawa, ipinagdarasal po namin na tumanda po si Charice bilang isang mabuting tao at lumaki siya nang maka-Diyos, tapat, may malasakit sa kapwa, at may takot.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Dasal po namin na lagi siyang magpasalamat sa mga biyayang dumarating sa kanyang buhay, nakakatulog po siya lagi nang mahimbing sa gabi nang walang alinlangan, at magkaroon po siya ng tunay na kaligayahan.

“Pangatlo po, dalangin po namin ni Carl na malagpasan po namin ang lahat ng ito. Dasal po namin na bigyan kami ng lakas ng loob ng Panginoon.

“Huli sa lahat, ipinagdarasal po naming lahat ang taong involved sa sitwasyong ito, na makita po namin ang lahat ng katotohanan.

“At the end of the day, pangalawa sa Diyos, pamilya pa rin ang matatakbuhan naming lahat.”

Sa huling bahagi ng kanyang liham, sinabi ni Raquel na handa siyang tanggapin ang anumang makapagpapaligaya sa kanyang anak.

“Kung kailan na yakapin namin ang pananaw na hindi sa amin, tunay na magiging maligaya si Charice, gagawin namin—napakasakit man nito sa amin.”

Ang sumunod na bahagi ng press conference ay nakalaan para sa mga tanong ng mga pumuntang entertainment media.

Kabilang dito ang pag-amin ni Raquel na matagal na niyang alam ang tunay na kasarian ni Charice.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN