The PEP List 2013. Judy Ann Santos: "Masasabi kong, opo nasa akin na ang lahat."

Si Judy Ann Santos, isa sa mga nominado sa FAB Award ng Pepsters’ Choice ng PEP List 2013 para sa 1st quarter.


Masasabi raw ni Judy Ann Santos na nasa kanya na ang lahat, pero hindi ito batay sa mga materyal na bagay, kundi sa pagkakaroon ng mga taong mapagkakatiwalaan at nagmamahal sa kanya.

“Masuwerteng-masuwerte po talaga ako na napapaligiran ako ng mga taong mapagkakatiwalaan, mga taong magpapalakas ng loob ko, at saka yung magsasabi sa akin kung saan ako tama at mali. Masasabi kong, opo nasa akin na ang lahat,” ani Juday sa panayam sa kanya ni Korina Sanchez sa Rated K na ipinalabas noong Linggo, Hunyo 9.


THE QUEEN. Sa kanyang higit na dalawang dekadang pamamayagpag sa showbiz, si Juday ang itinuturing na nag-iisang Teleserye Queen ngayon.

Aniya, sulit ang kanyang pagtatrabaho sa mahabang panahon dahil sa bansag na hindi niya hiningi at ipinagkaloob lamang sa kanya ng mga taga-industriya.

“Nakakataba ng puso na binigyan ka ng isang titulo, pinagtrabahuhan mo mula nung bata ka.

“Ang sarap lang na isipin na sa lahat ng trabahong ginawa mo may napuntahan at sana may na-inspire ka,” paliwanag ng aktres, na ikinukunsidera ring Young Superstar.

Hindi rin naman naging madali para kay Juday ang buhay niya sa industriya. Matatandaan na noong kabataan niya ay naging tampulan siya ng kritisismo dahil sa kanyang timbang.

Gayunpaman, hindi hinayaan ni Juday na maapektuhan siya ng mga pagpupula sa kanyang pangagatawan.

Kailan ba niya naisipang magpapayat?

“Nung matapos na silang magbira nang magbira sa columns kung ano ang itsura ko, do’n ako nag-decide na, ‘Okay, oras na para mag-work out.’

“Nag-concentrate po talaga ako sa boxing.”

Blessing in disguise rin ang pelikula niya noon with Piolo Pascual, ang Bakit ‘Di Totohanin (2001), kung saan gumanap siya bilang isang aspiring female boxer.

Dahil na rin sa rigid training niya ng boxing na requirement sa pelikula, pumayat nang husto ang aktres.

PEPSTERS’ CHOICE NOMINEE. Sa kasalukuyan, isa sa mga celebrities si Juday na hinahangaan dahil sa mahusay na pagdadala ng kanyang sarili, maalaga sa katawan at magandang pananamit.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa katunayan, nominado siya sa PEPsters’ Choice ng The PEP List 2013 para sa first quarter. Kalaban niya sa nasabing kategorya sina Anne Curtis, Angel Locsin Bea Alonzo at Solenn Heussaff.

Sa PEPsters’ Choice, may kapangyarihan ang mga readers ng PEP na iboto ang kani-kanilang paboritong artista ng hanggang 50 beses bawat araw.

Ang botohan ng 1st quarter ay magpapatuloy hanggang June 30.

AN ADVOCACY. Pansamantalang isinantabi ni Juday ang kanyang showbiz career matapos silang ikasal ni Ryan noong 2009 at magbuntis noong sumunod na taon.

Matapos ang tatlong taon ay muling nagbabalik-teleserye ang Teleserye Queen via Huwag Ka Lang Mawawala na magsisimula na ngayong June 17. Kabilang sa mga co-stars niya ay sina Sam Milby, KC Concepcion at John Estrada.

Ang huling teleseryeng ginawa ni Juday ay ang Habang May Buhay noong 2010 with Derek Ramsay.

Nang matanong siya ni Korina kung bakit niya tinanggap ang proyekto, mabilis na tugon ng 35-anyos na aktres, “May advocacy ka na gustong ipaalam sa kababaihan.”

Ang teleserye ay tungkol sa women empowerment, at ang istorya ay iikot sa karakter ni Juday—bilang Annisa Panaligan— na inapi at ipaglalaban ang kanyang karapatan at mga mahal sa buhay.”

Ipinaparamdam din daw ng pamunuan ng production sa kanya na importante ang kanyang input sa kanilang proyekto.

“They allowed me to be hands-on in the cast, in the story. Ang sarap sa pakiramdam na importante ang opinyon mo.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN