Dennis Trillo is happy My Husband’s Lover veers away from often used teleserye themes

“Natutuwa ako, kasi parang itong show namin, nagbukas ng pintuan. Na hindi lang yun at yun ang puwede mong gawin. Marami ka pang puwedeng ikuwento na hindi lang naghahanap ng mga magulang, mayaman na humirap, humirap na naging mayaman… So, siguro, kaya lang naging effective ‘to, kasi bago ang tema," ani Dennis Trillo tungkol sa kaibahan ng kanyang teleserye na My Husband’s Lover.


Sa unang airing ng SAS (Sunday All Stars) ang bagong Sunday musical variety show ng GMA-7, nung Linggo, June 16, nagkaroon ng pagkakataon na mag-duet ang tinataguriang “bagong loveteam” ngayon.

Ito ay sina Dennis Trillo at Tom Rodriguez na mga bida sa primetime series ng GMA na My Husband’s Lover kasama si Carla Abellana.

Hindi nakapag-promote si Dennis bago ang pilot week nila dahil nasa U.S. ito para sa Temptation of Wife promo ng GMA News TV.

“Masaya, masaya… hindi namin akalain na ang mga Filipino roon, yung mga nag-aabang, nakapanood din sila ng Temptation of Wife. Kaya nakakatuwa dahil excited din sila kahit malayo,” balita ni Dennis tungkol sa U.S. trip niya para sa show nila noon nina Marian Rivera, Glaiza de Castro, at Rafael Rosell.

Kaya naman naging magandang pagkakataon ang paglabas ni Dennis sa SAS para makapanayam ito tungkol sa bago niyang show.

Hiningan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng reaksiyon si Dennis sa napakainit na pagtanggap ng manonood sa kanilang teleserye sa unang linggo pa lamang nito.

“Napakasaya, at hindi namin ma-explain kung gaano kami kasaya dahil hindi namin akalain na mamahalin ng tao,” bungad ni Dennis.

“Unang linggo pa lang na ipinalabas namin, pero grabe na ang kuneksiyon nila sa amin.

“Nagulat kami na ang daming taong nakaka-relate. Hindi namin akalain.

“Kami nga rin, noong binasa namin ang kuwento, sobrang ganda ng kuwento niya. Hindi namin akalain na sobrang daming tao rin ang makaka-relate.”

SURPRISING REACTION. Ang My Husband’s Lover ang maituturing na kauna-unahang mapangahas na serye na tumatalakay talaga sa pagmamahalan o relasyon ng mga bakla o homosexual.

Pero ang nakakagulat, hindi lamang mga bading ang nag-aabang sa serye nila.

Nakangiting sabi ni Dennis, “Nakakagulat talaga. Kasi akala namin, ang makaka-appreciate lang nito, mga beki lang. Pero nakakagulat, pati mga babae at lalaki, kinikilig.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi namin maintindihan kung anong meron, bakit ganoon ang reaksiyon nila.”

Marami nga ang kinikilig sa kanilang dalawa ni Tom.

Pinag-uusapan muna ba nila kung ano ang ikikilos o iaarte nila para magkaroon talaga ng kilig?

“Meron din. Pero yung director namin [Dominic Zapata], malaking guidance siyempre ng director namin. Parang na-sustain niya kung gaano kalakas ang Temptation of Wife.

“Magaling siyang talaga, maalaga siya sa mga edit. Parang pelikula ang dating. Hindi siya nakakasawang panoorin.

“Kaya siguro maganda rin ang response ng mga tao. Kasi maganda rin ang presentation niya. Yung whole package niya, hindi malaswa. Hindi kabastus-bastos. Kaya siguro magaan panoorin kahit kakaiba ang tema niya.”

TOMDEN. Nang mag-duet sina Dennis at Tom sa SAS, nagtitilian ang mga tao sa audience. Halos lahat, kinikilig sa kanila kapag nakitang nagkakatitigan sila.

Kaya naitanong namin kay Dennis kung hindi ba siya naiilang na ginagawa na silang loveteam ni Tom.

May pangalan na nga ang loveteam nila—“TomDen.”

“Nakakapanibago talaga,” sagot ni Dennis.

“I mean, nakapag-portray na rin naman ako ng bading dati. Pero ngayon ang parang pang-matagalan ‘to.

“Kumbaga, magsasama kami ni Tom ng isang season, para sa isang show.

“So, yun, nakakatuwa…nakakatuwa talaga.”

So, okey sa kanya ang loveteam nila ni Tom?

Nangiti si Dennis saka sinabing, “Sa reaction ng mga tao, parang ganoon na nga. Nakakatuwa naman, kasi alam naman nila na hindi kami parehong bading.

“Si Tom, may girlfriend siya.

“Ako, siguro naman, walang kukuwestiyon ng pagkatao ko.

“Basta ako, natutuwa ako na itong tambalan namin, tumatak sa mga manonood ang mga characters namin.

“And this very early, week one pa lang, parang isang linggo na yata siyang nag-trending, worldwide,” pagmamalaki pa ni Dennis.

Nasabi tuloy namin kay Dennis na bukod nga sa walang intriga sa kanila ni Tom na pinagdududahan ang kanilang pagkalalaki, karamihan din sa mga nasusulat tungkol sa kanilang dalawa ay ang husay na ipinapakita nila sa pag-arte.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Na maaaring kung ibang aktor ang gumanap sa mga karakter nila ngayon, baka hindi maging kasing-epektibo at walang kilig na maramdaman ang manonood.

Sabi naman ni Dennis, “Pareho kaming seryoso sa ginagawa namin. Pinaniniwalaan namin ang mga karakter namin at importante rin na para maniwala ang mga manonood, maniwala ka rin sa ginagawa mo.

“Na, ‘Uy, parang totoo nga na meron sila…’ Kahit alam nilang umaarte lang kami. So, effective pa rin.”

Nabanggit namin na mahusay ang pagganap niya bilang bading. May pinagbasehan ba siya para sa kanyang role?

“Napansin nyo ba talaga yun?” tanong din na tugon ni Dennis sa tanong namin, sabay tingin sa manager niya na si Popoy Caritativo na nakamasid naman sa aming panayam.

Natawa tuloy si Popoy sa pagtingin sa kanya ng alaga. Kaya raw pala palagi siyang tinititigan nina Dennis at Tom.

Natatawa ring wika ni Dennis, “Isa sa mga yun… Pero, siyempre, kailangan, hindi isang tao lang.

“Ako kasi, mahilig akong mag-observe ng iba’t ibang klase ng tao. By observing, marami talaga akong nakikitang nuances sa iba’t ibang tao.”

Para kay Dennis, malaking bagay rin daw kasi na magaling din umarte si Tom.

Aniya, “Malaking bagay, kasi bago siya, e. Bago sa paningin ng mga tao. Kumbaga, hindi pa alam ng mga tao kung ano ang totoong pagkatao niya.

“Naku-curious pa sila. At nabubuo ang fantasy na talaga kaming may relasyon.”

FIFTY-FIFTY. Bilang isang aktor, kilala na si Dennis na hindi nakakahon lang pagdating sa pagganap.

Tumatanggap talaga siya ng iba’t ibang karakter, dahil sa palagay niya, makakatulong ito para mas lumawak pa ang karanasan niya sa pag-arte.

Pero aminado si Dennis na nang i-offer sa kanya ang My Husband’s Lover ay “50/50” siya sa pagdedesisyon dito.

“Natuwa ako na may bago akong show, pero, kinabahan ako na medyo maselan, delikado ang tema.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hangga’t hindi siya pinapalabas, parang kami, hindi kami makahinga nang maayos.

“Hindi namin alam kung paano tatanggapin ng tao. Kasi, ang Filipino, karamihan diyan, homophobic.

“Pero, siguro dahil sa magandang editing, presentation, ‘ayun…”

OPENED DOOR. Halos araw-araw raw, natutuwa si Dennis na may natatanggap o nababasa raw siyang magagandang comments.

“Nararamdaman namin na tumututok sila, sinusubaybayan nila ang pinaghihirapan namin,” ani Dennis.

Sa isang banda, masaya raw si Dennis na sa pamamagitan nga ng My Husband’s Lover, tila unti-unting nababago ang tema ng primetime soap.

“Natutuwa ako, kasi parang itong show namin, nagbukas ng pintuan.

“Na hindi lang yun at yun ang puwede mong gawin. Marami ka pang puwedeng ikuwento na hindi lang naghahanap ng mga magulang, mayaman na humirap, humirap na naging mayaman…

“So, siguro, kaya lang naging effective ‘to, kasi bago ang tema.”

Dahil bago nga ang tema, ibig bang sabihin nito’y marami ring aabangan pa ang mga manonood?

“Marami pa, first week pa lang,” masaya niyang sabi.

Ngunit kasabihan nga, “You cannot please everybody.”

Mayroon kasing mga hindi gusto ang tema ng My Husband’s Lover.

May mga kumukuwestiyon din kung bakit SPG o Strict Parental Guidance lang ang ibinigay na classification ng Movies and Television Review and Classifications Board (MTRCB) sa teleseryeng ito.

May sarili rin bang pagre-regulate na ginagawa ang production para masiguradong hindi lalabag ang show sa rating na ibinigay rito?

“Well, nandiyan naman ang direktor namin na nagbabantay. Kapag nakita niyang may mali kaming ginagawa, kinokorek na niya agad.

“Pero so far, nakuha na namin ang timpla ng karakter kaya minimal na lang din.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN