Comedian Sammy Lagmay dies

Nais ni Sammy Lagmay na mapangiti ang mga tao tuwing maalaala siya, o kaya naman ay tuwing mababanggit ang kanyang pangalan.


Pumanaw na ang komedyanteng si Sammy Lagmay.

Dakong alas-tres ng hapon ngayong araw, June 26, Miyerkules, nang pumanaw ang komedyante sa kanilang tirahan sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Ito ay ayon sa text message ng kanyang kapatid na si Mylene Lagmay-Mariano na ipinadala sa dzMM.

Nakilala si Sammy sa kanyang pagganap sa comedy shows na Chika Chika Chicks ng ABC-5, at Abangan ang Susunod na Kabanata at Eto na Ang Susunod na Kabanata sa ABS-CBN.

Ang mga labi ni Sammy ay ilalagak sa St. Peter Memorial Chapel sa Tandang Sora Ave., Quezon City.

Simula pa noong 2010 ay nagkaroon na ng kumplikasyon ang sakit na diabetes ni Sammy, at ang kakulangang pinansiyal umano ang isa sa mga dahilan kaya lumala ang kanyang kundisyon.

Noong nakaraang taon, iniulat ng GMA News Online na sinabihan na umano ng doktor si Sammy na nasa end stage na siya ng sakit sa kidney. Dalawang beses daw siyang magpa-dialysis sa isang linggo.

Dahil naman sa tulong ng mga kasamahan sa industriya ay naipagpatuloy ni Sammy ang pagpapagamot.

Sanhi na rin ng diabetes ay labis na lumabo ang paningin ni Sammy at madaling mapagod at hingalin, kung kaya’t hindi na nakapagtrabaho.

Sa panayam ni Sammy sa StarTalk TX noong 2012, sinabi nito na pinaghahandaan na niya ang kanyang kahahantungan.

Aniya, “Ang inaasikaso ko ngayon yung memorial plan. Bumili na ’ko para kung mamatay man may paglilibingan na."

Si Sammy ay hiwalay sa misis, na naninirahan na ngayon sa U.S. kasama ang kanilang dalawang anak na babae. Nasa Pilipinas naman ang isa pa nilang anak na lalaki.

Sa panayam na iyon kay Sammy, sinabi ng komedyante na ang kanyang hiling ay makita ang kanyang mga anak na nasa Amerika bago siya pumanaw.

Nang matanong siya kung paano niya gustong maalaala ng mga tao, ang tugon ni Sammy, “May ngiti sa labi kapag nabanggit ang pangalan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Parang si Dolphy, di ba, banggitin mo lang ’Dolphy’ mapapangiti ka na. Sana ganun din ako... Kaya salamat kung ganun nga ang mangyari."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN