Jessy Mendiola on being blamed for JM de Guzman’s downfall: "Nasasaktan ako."

Inamin ni Jessy Mendiola na nasasaktan siya sa akusasyon na siya ang dahilan kung bakit nasira ang career ng dating kasintahan na si JM de Guzman at kung bakit ito nalulong diumano sa masamang bisyo. Paliwanag ng young actress, “Kasi, sinubukan ko naman po talagang gawin para matulungan siya. I really tried my best. Pero, hindi niya matulungan ang sarili niya. Kailangan niyang matulungan ang sarili niya bago siya matulungan ng iba.”


Live na nagpa-interview sa The Buzz kahapon, June 30, ang Maria Mercedes star na si Jessy Mendiola.

Mula sa ilang larawan ni Jessy ibinase ng host na si Boy Abunda ang mga tanong niya sa young actress.

Ang unang larawan ay kuha noong bata pa si Jessy.

Sabi niya tungkol dito, “Fresh from Dubai po, doon ako ipinanganak.”

JESSY’S PARENTS. Ayon kay Jessy, ang kanyang ama ay Lebanese/British musician na naka-base sa Dubai, at umuwi raw sila ng Pilipinas noong tatlong taon pa lang siya.

Ang ikalawang larawan naman ay makikitang nakapangalumbaba si Jessy habang may lalaki sa tabi niya na may isinasaling inumin sa baso.

Lahad ni Jessy, “That was the first and last time my dad visited us here, in the Philippines.

“When I was around six or seven, he came here for a vacation.

“He kinda promised that he would stay for good, for us.”

Ipinakuwento naman ni Boy kay Jessy ang panahon na yun na kausap niya ang ama.

“Palagi kong hinihiling sa kanya, ‘Hey, Dad, can you stay here for good?’ Para maging kumpleto kami.

“He’d say, ‘Oh yes, Princess...’ he’ll always call me Princess. ‘I’ll stay here for you,’ ganyan.

“And then, doon nagkaroon ng bunso si Mommy, si Megan. After a few weeks, nawala siya, he couldn’t stay here.”

Walang paliwanag ang ama niya?

“Ayaw lang niya. He has to go back daw there, for his family, for his mom and dad.”

May galit ba si Jessy sa ama niya?

“May galit ako, na ang hirap... mahirap na walang tatay.

“Pero sa kanya, wala. Tatanggapin ko pa rin siya nang buong-buo kapag bumalik siya,” ang lumuluha nang sabi ni Jessy.

Ang ikatlong larawan ay ang larawan ng kanyang ina, na isa namang Filipino.

“Tinuruan niya akong maging matapang,” pahayag ni Jessy tungkol sa ina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakikita ba niya na minsan ay bumibigay, nanghihina ang mommy niya?

“Umiiyak siya, oo.

“Nakikita ko siya, nagtatago sa kuwarto niya, kunwari may financial problem.

“’Mom, good night,’ mahuhuli ko siyang sisinghot-singhot pa, namamaga ang mata, yung ganun.

“Magsasabi siya ng, ‘Ay, anak, good night.’ Halatang nasasaktan siya, pero ayaw niyang ipakita sa amin.

“Kasi, gusto niya, yung tingin namin sa kanya, strong lang.”



FIRST LOVE. Inamin din ni Jessy sa The Buzz ang una niyang naging karanasan sa pag-ibig.

Kailan ba siya unang na-in love?

“That was, I think, three years ago... two years ago?”

Kumusta yun?

“It was memorable—maraming bagay ang nangyari.

“First time kong ma-in love, first time kong masaktan, first time kong maging sobrang saya sa isang tao.

“Kaya sobrang maraming memories ang bumabalik kapag naaalala ko siya talaga.”



WITH JM DE GUZMAN. Ang sumunod na larawan na ipinakita ni Boy kay Jessy ay ang mga kuha nila ng Kapamilya actor na si JM de Guzman—ang lalaking unang minahal ng young actress.

Tatlong taon ang nakalipas, pero bakit tila wala masyadong nalalaman ang publiko sa relasyon nila?

Pag-amin ni Jessy, “Hindi rin kasi kami okay ng mom ko noon.”

Ayaw ng mommy niya kay JM?

“At first po. But, there was a time na okay na sila.

“JM is a very sweet and passionate person, wala akong masasabing masama sa kanya.”

Kung babalikan, paano sila nagkaligawan ni JM?

“Nag-start lang siya as friends, same kami ng group of friends.

“Tapos, nag-aasaran. Ganoon. Hanggang sa manligaw siya, tapos ma-in love ako.”

Inamin ni Jessy na “very intense” ang pag-iibigan nila ni JM.

Aniya, “It was very intense—very, very intense.

“At saka, noong kami, wala kaming pakialam. We just walk somewhere na holding hands, sweet.

“Because we didn’t really expect or hindi namin alam na papansinin kami.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi, di ba, kakasimula lang namin sa showbiz?

“Hindi kami magsasabi na kami kasi hindi rin naman kailangan malaman ng mga tao.”

Dugtong pa niya, “Nagkataon lang na nag-profess siya ng love niya on TV.”



ON NATIONAL TV. Nang magsalita si JM ng “I love you” sa telebisyon, ikinagulat daw talaga iyon ni Jessy.

Ayon sa Star Magic talent, “Nagulat ako.

“And as much as I want to say na wala na kami noon, I can’t.

“Siguro, nasabi yun kasi he really wants to fix things.

“Ako kasi, tinanggap ko na lang na, sabihin ng ibang tao na, ‘Ano ba ‘yan, dine-deny niya yung tao?’

“Sinasabi niya na parang, sinasabi ng ibang tao na ikinahiya ko raw siya.”

Diretso namang tinanong ni Boy si Jessy kung ikinahiya nga ba niya si JM.

Tugon ni Jessy, “No, because, why would I go out? Why would I go out to mall, hold hands with him kung ikinahihiya ko siya?”

Tinanong ba niya si JM kung bakit ito nagsalita sa publiko ng pagmamahal sa kanya, sa panahong wala na silang relasyon?

“Tinanong ko po siya. Gusto lang daw po niyang malaman ng buong mundo.

“And to tell you honestly, sobra akong natuwa na ipagsigawan ka ng lalaki sa buong mundo na mahal ka niya.

“Kahit pa mawala ang lahat sa kanya.

“And that was so very sweet thing to do.

“It’s just that, things aren’t going my way.”

Kung natuwa at naging masaya siya sa pagiging “vocal” ni JM sa nararamdaman sa kanya, bakit hindi sila nagkabalikan?

“Hindi ko na po kasi kaya,” sagot niya.

Ano ang hindi niya kaya?

“Hindi ko na po kaya na magkaroon ng relasyon na marami pong tutol, at hindi lang po ang nanay ko.

“Kasi, nakikita nila kung ano ang nangyayari sa akin noong time na yun, napapabayaan ko ang sarili ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Napapabayaan ko na rin po ang trabaho ko, yung pamilya ko.

“May mga time po na hindi ko na sila nakikita, hindi ko lang din po kayang nakikita na sila, nasasaktan din.

“So, nakikita nila ako na, minsan, wala na ako sa sarili ko.”



BLAME. Ano naman ang masasabi si Jessy sa mga akusasyon na siya ang dahilan kung bakit hindi nahawakan ni JM nang maayos ang kanyang sarili?

Sabi ni Jessy, “Hindi po ako ang dahilan, Tito Boy.”

Ano ang reaksiyon niya na siya ang sinisisi ng iba sa pagbagsak ng career ni JM at sa pagkakalulong diumano nito sa masamang bisyo?

“Masakit po. Kasi, habang kami naman po, sinubukan ko naman po talaga siyang alagaan,” lumuluhang pahayag niya.

“Kaya nga po nagagalit sa akin ang pamilya ko, e, kasi sa kanya nababaling lahat ng atensiyon.

“Minahal ko po talaga si JM. Lahat-lahat, ibinigay ko sa kanya.

“Kaya, kapag sinasabi nilang ako, ako ang may kasalanan kung bakit nasira siya, kung bakit nagpabaya siya, nasasaktan ako.

“Kasi, sinubukan ko naman po talagang gawin para matulungan siya. I really tried my best.

“Pero, hindi niya matulungan ang sarili niya.

“Kailangan niyang matulungan ang sarili niya bago siya matulungan ng iba."

Naghiwalay ba silang magkaibigan ni JM?

“Yes, we do,” sagot niya.



GOOD START. Ang sumunod naman na ipinakitang larawan ni Boy kay Jessy ay ang mga larawan nila ni Matteo Guidicelli.

Marami ang nag-akala noon na si Matteo na ang pumalit sa puso ni Jessy, lalo na noong ginagawa pa nila ang kanilang teleserye na Paraiso.

Pero, ano ang nangyari?

Sabi ni Jessy, “We’re not as close as before.

“Siguro, few weeks, hindi talaga kami nag-uusap, kasi hindi naman talaga kami close.

“Siguro po, biglang nagbago ang lahat, biglang… naalala ninyo yun, Tito Boy? Yung interview natin? Nagulat ako sa mga sagot.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang tinutukoy ni Jessy ay ang naging interview nila nang sabay ni Matteo sa The Buzz, kunsaan sinabi ni Matteo na ayaw niyang bigyan ng label kung anuman ang meron silang dalawa ni Jessy.

Ayon kay Jessy, “Merong mga paramdam, pahapyaw... nagulat ako.

“Sabi ko, baka pakilig-kilig lang ito, baka crush lang.

“Tapos, Holy Week, hindi kami nag-usap na magkikita kami sa Cebu.

“Tapos, noong nasa Cebu na ako, he introduced me to the whole family.

“Ipinakilala niya ako sa lolo niya, kay Nongnong. Sa mga pinsan niya, sa mga tito niya na Italian.

“Nosebleed nga ako doon!” natatawang kuwento pa ni Jessy.

Wala rin naman daw usapan na opisyal na sila na nga ni Matteo noong nasa Cebu sila.

Ayon kay ni Jessy, “No, wala rin naman, e.

“I mean, wala talaga, pakiramdaman lang sa isa’t isa.

“Di ba nga, palagi niyang sinasabi, ‘We’ll take it slow.’

"Sabi ko rin sa kanya, ‘Okay, we’ll take it slow.’

“Ako siguro, parang hindi lang namin ma-handle dalawa.

“To be honest, ngayon lang kami napapansin, ngayon lang siya nagkakaroon ng maraming projects also.

“And we had to talk about things na, ‘Kaya ba natin na ganito kabigat agad?’

“Sabi niya, ‘I don’t know.’

"So, we had a mutual decision na, ‘Let’s focus na lang on work.’”

Kung may sasabihin siya kay Matteo, ano yun?

“Okay lang, okay lang umibig,” nakangiti niyang sabi.



MESSAGE OF LOVE. Hiningan din ng mensahe si Jessy tungkol naman sa dating boyfriend na si JM.

Sabi ni Jessy, “Sana bumangon siya.

“Sana maibalik niya yung dating napakabait, napakagaling at napakahusay na actor.”

Sa mommy niya, ano ang nais niyang sabihin?

“Mahal na mahal ko po siya at ipinapangako na kahit anong mangyari, hinding-hindi ko siya tatalikuran at hindi ko siya kayang iwanan.”

Sa daddy niya, anong gusto niyang sabihin?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya, “I still love him.

“Kaya kahit pa bumalik siya ngayon, buong puso, tatanggapin at aalagaan ko siya.”

Sa huli, tinanong naman ni Boy kung ano ang dasal ni Jessy ngayon.

Sabi naman ng young actress, "Lord, maraming-maraming salamat, ito na po yun.

“Alam ko na minsan, nagkakasala ako, alam ko po na may mga bagay na hindi ko mako-control.

“Pero alam ko nandiyan Kayo, alam ko na aalagaan Ninyo ako.

“Kaya, tuloy ang buhay, at ito regalo Mo sa akin.’”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN