Yul Servo on Manila’s "star-studded" leadership under Mayor Erap Estrada: "Hindi totoong pag artista, mahihirapan sa pamumuno."

Optimistic ang actor-politician na si Yul Servo sa pag-upo ng bagong mayor ng Manila na si dating Pangulong Erap Estrada. Saad ni Yul, “Magandang-maganda ang magiging lagay ng Maynila ngayon sa mga pangako niya. Sabi ng ating [dating] Pangulo at vice mayor and council na talagang ibabalik nila sa pedestal [ang Maynila]. Di ba nga, sabi nga, susulong at babangon ang Maynila.


Punung-puno ng mga tao ang Manila City Hall compound kahapon, June 30, kahit kasagsagan ng bagyong Gorio na nagdulot ng tuluy-tuloy na pag-ulan sa buong Kamaynilaan.

Nagmukhang premiere night ang set-up ng red carpet walkway mula sa lobby patungo ng Session Hall, kung saan nakatakdang manumpa sina Mayor-elect Joseph Estrada, re-elected Vice Mayor Isko Moreno, at mga konsehal ng anim na distrito ng nasabing lungsod.

Kabilang sa mga nanumpa na mga konsehal sa harap ni Acting Senate President Jinggoy Estrada ang mga aktor na sina Robert Ortega at Yul Servo.

Nanumpa naman si Erap sa harap ni former Senate President Juan Ponce Enrile.

Matapos ang oath taking, nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Yul na nagpahayag ng kanyang kagalakan sa tinamong tagumpay ng kanilang partido sa nakaraang halalan.

Ano naman ang kanyang masasabi na "star-studded" ang Manila City Hall sa susunod na tatlong taon dahil ang mga mamumuno rito ay galing sa showbiz?

Sabi ni Yul, “Oo nga at nagkataon naman na nagtitiwala sila sa artista ngayon. Saka hindi totoong pag artista, mahihirapan sa pamumuno.”

Ano naman ang masasabi ni Yul na si Erap na ang mamumuno sa Maynila?

“Magandang-maganda ang magiging lagay ng Maynila ngayon sa mga pangako niya.

"Sabi ng ating [dating] Pangulo at vice mayor and council na talagang ibabalik nila sa pedestal [ang Maynila].

"Di ba nga, sabi nga, susulong at babangon ang Maynila.”

Nagbunga rin ang mga ipinundar na serbisyo ni Yul sa kanyang distrito dahil sa halalang ito, siya ang nag-number one sa kanilang lugar.

Sabi niya, “Ngayon ay pangatlong term ko na as councilor ng Third District. Pang-number one ako sa district and pang-number two overall.”

As early as now, may plano na ba siya kung magli-level up sa susunod na halalan?

Sagot ni Yul, “Wala pa naman, masyado pang maaga.

"Pero siyempre sa lahat ng bagay, dapat nating paghandaan and pinaghahandaan naman natin kung ano yung dapat at kung ano yung mapupuntahan natin.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano naman ang mga plano pa niya sa kanyang distrito?

Tugon ni Yul, “Siyempre mas lalo pang palawigin, pagandahin para mabigyan pa ng maraming serbisyo ang mga kababayan na nangangailangan, magpasaya at magbigay ngiti sa mga constituents.

“Simpleng pagtulong lang sa tao, yung mga proyektong ginagawa natin dito sa Third District, mas lalo ko pang idi-develop, pagandahin, dadagdagan yung mga serbisyo na ’yan.”

Sa huli, nagpaabot ng mensahe ng pasasalamat si Yul sa suporta ng kanyang mga constituents.

Sabi niya, “Nagpapasalamat kami sa suporta na ibinigay ninyo sa aming grupo dahil sa district namin, 8-0 kami, kaya nangako kami na susuklian namin ng tapat at may pusong serbisyo.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN