Dennis Trillo widens fan base with gay role in My Husband’s Lover

Dennis Trillo on possible kissing scene with Tom Rodriguez in My Husband’s Lover: "Kahit wala yun, sa tingin ko ano, e, magiging successful pa rin yung show dahil hindi naman din iyon ang hinahanap ng mga manonood, e."


Patuloy pa ring pinaguusapan at tumataas ang ratings ng GMA-7 primetime series My Husband’s Lover, na pinagbibidahan nina Dennis Trillo, Tom Rodriguez, at Carla Abellana.

Nang makausap nga ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dennis sa taping ng pinagbibidahang teleserye noong Miyerkules, June 3, sa Timog Avenue, Quezon City, ay hindi mapagsidlan ang kanyang kasiyahan.

Pahayag ng aktor, “Siyempre, sobrang saya!

"Hindi namin inaasahan na ganito yung pagtanggap ng mga tao, ng mga manonood.

"Hindi lang yung mga bading ang nakaka-appreciate, hindi lang sila yung nakaka-relate kundi pati mga lalaki, babae, kaya masarap ang pakiramdam.

“Para sa lahat naman itong ginagawa namin.

“Hindi lang ito para sa mga bading or tomboy kundi para sa lahat, dahil ginagawa naming disente ’tsaka maganda yung presentation, dahil kay Direk Dom [Dominic Zapata]."

Ang My Husband’s Lover ay mula sa panulat ni Suzette Doctolero.



CBCP REMINDER. Ano naman ang reaksiyon ni Dennis tungkol sa “paalala” ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) tungkol sa sensitibong tema ng My Husband’s Lover?

Sagot niya, “Palagay ko, natural lang naman yun.

“Siyempre, alam nilang maraming sumusubaybay ng show, alam nilang maraming nanonood, so kailangan yung...

"Siguro pinapaalalahanan lang kami na meron kaming malaking responsibilidad dun sa mga pinapalabas namin kaya kailangan lang ingatan namin yung mga eksenang pinapalabas namin.

“Although, talagang ginagawa naman namin siyang disente talaga, hindi malaswang panoorin, kahit na hindi ito yung ordinaryong drama, hindi ito yung ordinaryong relasyon na lagi nilang napapanood sa TV.

“Ipinapakita namin na talagang hindi naman malaswa itong ganitong klaseng relasyon.

“Ipinapakita lang naman namin yung totoong nararamdaman ng isang tao, lalaki man o babae, kapag umiibig siya... iyon lang.

“Dito sa show namin, ibang package lang—lalaki sa lalaki.

"Pero yung emotion na nararamdaman e iisa lang naman yun, katulad ng nararamdaman ng normal na lalaki, or normal na babae na may karelasyon na lalaki, di ba?”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

KISSING SCENE. Kapag nabigyan sila ng permiso ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na magkaroon sila ni Tom ng kissing scene sa show, papayag ba si Dennis?

Sabi ng award-winning Kapuso actor, “Hindi ko pa alam, pero nagawa ko na yun dati. So, hindi na magiging problema sa akin yun."

Ang tinutukoy ni Dennis ay ang role niya noon bilang transgender sa kanyang first movie, Aishite Imasu 1941: Mahal Kita (2004), kung saan nagkaroon siya ng kissing scene kay Jay Manalo.

Patuloy niya, "Pero ang kagandahan dito sa show [My Husband’s Lover], kahit na ganitong klaseng relasyon yung ini-exhibit dito, kahit na wala pa nga kaming ginagawang kissing, e, ano na, parang nadadala na sila, nakaka-relate na sila.

“Nagugustuhan na nila yung nangyayari sa relasyon kahit na walang intimate scenes, walang mga lalaki na nakahubad, walang naghahalikan na lalaki.

“Ibig sabihin, hindi na kailangan siguro na gumawa pa ng ganun dahil hindi lang naman iyon ang highlight ng ganitong klase ng relasyon, e.

“Gusto naming ipakita dito na meron ding mga kilig moments yung lalaki-sa-lalaki na relasyon, na hindi kailangang maghalikan o magpakita na ganun sila, na may intercourse na ginagawa, di ba?”

Pero magkakaroon nga ba sila ng kissing scene ni Tom?

Sabi ni Dennis, “Hindi ko alam, hindi siguro ako yung makakapagsabi nun, dahil hindi ko alam yung mga regulasyon sa TV, kung ano yung mga puwede at hindi puwedeng ipalabas.

“Pero kahit wala yun, sa tingin ko, magiging successful pa rin yung show dahil hindi naman din iyon ang hinahanap ng mga manonood, e.

“Kasi, baka pag naglagay tayo ng ganun, mahaluan ng asiwa or pagkalaswa yung show.

"Siyempre, ayaw nating mangyari iyon.”

Sa tingin ba niya ay magiging malaswa kung magkaroon ng kissing scene?

“Well, depende yun sa makakanood.

"Sa akin, okay lang yun, kasi nagawa ko na naman iyon dati.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero siyempre, iniisip natin yung kabuuan ng mga manonood, hindi lang naman puro bading yung nanonood.

“Siyempre, baka may makanood na mga bata or mga hindi dapat makanood ng ganun, ma-disorient sila or magulat sila sa ganung klase ng kulturang ipapakita natin, di ba?”

DENNIS’ SON. Ayon kay Dennis, aware daw ang anak niyang si Calix Andreas, who is now five years old, sa karakter na ginagampanan niya sa My Husband’s Lover.

Lahad niya, “Alam niya yung show.

"Isang beses na magkasama kami, ipinakita ko sa kanya, pinapanood ko sa kanya, in-explain ko sa kanya na sobrang proud ako sa show na ito.

“Ikinuwento ko sa kanya yung nangyayari, and ano naman siya, e, nag-iisip na siya, so naiintindihan niya.

"Kasi alam niya na artista ako, alam niya na yung trabaho ko ay magpanggap or mag-pretend na to be someone else, na binibigyan ng ibang klaseng sitwasyon.

“Ganun ang pag-e-explain ko sa kanya. Naiintindihan naman niya.

“Una, parang pagka-explain ko sa kanya, medyo may konting... may pause lang ng konti.

"Pero nararamdaman ko na naiintindihan niya kasi matalino siyang bata.”

MORE FANS. Paano binago ng My Husband’s Lover ang buhay ni Dennis? Mas dumami ba ang mga tagahanga niya?

“Siguro iyon, mas lumawak.

"Dati siguro may babae, tapos konting lalaki yung fans ko. Pero ngayon, nadagdagan ng maraming mga bading na tagahanga.

“Mas dumami, mas lumawak.

"May naririnig akong comments na mas humanga sila sa akin, mas nilu-look up daw nila ako dahil matapang ako na tumanggap ng ganitong role.

“Tapos yung mga comments naman ng mga bading, sabi na napakagaling daw nung pagkaganap ko.

“Nakakatuwa dahil hindi naman namin inisip ito nung umpisa, e.

"Dahil kami ni Tom, pareho kaming lalaki na umaarte na bading na magkarelasyon, tapos yung mga tao kinikilig sa ganung set-up.

“So siguro, mayroon kaming ginagawang tama.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siyempre magaling din naman si Tom, mahusay siyang artista.

"Ganito kaaga, alam mo yun, nakakagawa na siya ng mga ganitong klaseng kabibigat na roles.”

At marami ang nagsasabi na "bumongga" ang career ni Tom dahil sa My Husband’s Lover.

Pagsang-ayon ni Dennis, “Napakasuwerte niya, ang ganda ng timing niya, ng paglipat niya dito sa GMA.

"Siyempre na-handle din siya ng magaling na manager, kaya iyon, suwerte siya, napakasuwerte niya talaga.”

Iisa ang manager nina Dennis at Tom—si Popoy Caritativo.

DENNIS’ CHOICE. Si Dennis mismo ang pumili ng kanyang role na Eric.

Paliwanag ni Dennis, “Well, eto na lang, akala ko nun, tapos na ako sa pagbabading.

“After ng Aishite Imasu, sabi ko ito na yung last na bading na role na gagawin ko.

“Nung tumawag yung manager ko, sabi may ganitong role, sabi ko, ‘Naku, bading.’

“Medyo naano ako, kasi may ano na naman, may pakikiapid, parang Temptation of Wife.

"Tapos nung diniscuss nila sa akin yung plot, sabi ko, ’Parang Temptation of Wife ito, pero bading.’

“Tapos naiisip daw nila ako dun sa parehong character, so sabi nila, okay sila sa akin kung ako yung asawa or kung ako yung bading.

“Pero nasa sa akin kung ano yung gusto kong piliin.

"E, pag pinili ko yung asawa, baka magmukhang Temptation of Wife, tapos meron akong kabit na bading.

"So, pinili ko na lang yung bading para ibang-iba talaga, di ba?

“Awa ng Diyos e nagustuhan naman ng mga tao, kahit papaano bumagay naman.”

May isang lalaki nga raw na lumapit kay Dennis sa mall para mag-congratulate.

Kuwento niya, “Isang beses nagpunta ako sa mall, merong lumapit sa akin na malaking tao, tatay siya, kalbo, medyo malaki ang katawan.

"Malayo pa lang, naka-extend na yung kamay niya.

“Tapos sabi niya, ‘Saludo ako sa iyo, nanonood kami gabi-gabi ng asawa ko. Congrats.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Lalaki, firm yung handshake, talagang malaki yung braso. Lalaki talaga.

“Nakakatuwa talaga.”

Nung minsan naman daw na nasa isang comedy bar siya, nag-congratulate sa kanya ang gay performers at stand-up comedians sa mahusay na pagganap niya sa My Husband’s Lover.

“Suwerte siguro talaga ako pag nagbabading-bading,” sabi ni Dennis.

Sa Aishite Imasu kasi ay nanalo siya ng awards.

“Tapos yung sumunod kong ginawa, yung Unico Hijo, na-nominate ako sa Asian Television Awards sa Singapore.”

Biniro tuloy si Dennis na sa husay niya sa gay roles, hindi kaya siya bading sa past life niya?

“Ewan ko nga, e, napag-iisip ako!” at tumawa si Dennis.

“Hindi, siguro lahat tayo merong feminine side, pero ako siguro may talent ako na nailalabas ko iyon na parang natural lang.

“Siguro ha, iyon lang ang pagka-analyze ko.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN