Mark Herras on ex-girlfriend Ynna Asistio: “We’re still texting each other. Okay kami. Hindi kami nagkahiwalay na magkaaway.”

Mark on his five-year relationship with Ynna: “Hindi naman porke’t maghiwalay kami, e….malay mo magkabalikan pa kami baling araw, di ba? Kasi five years yun. Hindi ako nagsasara ng pinto, pero trabaho muna ako. ’Tsaka na muna ’yan. Kasi, five years is a very very long relationship. So, okay na muna yun.”


Maikli pero makahulugan ang mga binitiwang salita ni Mark Herras tungkol sa hiwalayan nila ni Ynna Asistio nang eksklusibong nakausap ito ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong hapon, July 14, sa GMA-7 ilang minuto bago matapos ang Sunday variety show na Sunday All Stars (SAS).

Mahigit limang taon tumagal ang relasyon ng dalawa na dumaan sa sari-saring intriga. May pagkatataong nadadamay ang pamilya nina Ynna. Maging ang tungkol sa perang kinikita ni Mark ay nadawit din.

Makailang beses na rin itong itananggi ng dating magkarelasyon at pinanindigan na ang naging problema nila ay umiikot lang sa kanilang dalawa.

Naging away-bati ang relasyon nila na dumating pa nga sa puntong ang aktres na mismo ang naghamon ng breakup dahil sa kakulungan nga raw ng oras ng aktor para sa kanya.

Dumating din sa puntong maging ang ama ni Ynna, ang dating mayor ng Caloocan na si Macario “Boy” Asistio Jr., ay kinausap diumano si Ynna at sinabing kung talagang mahal niya si Mark ay ipaglaban niya ito.

Muling nagkabalikan ang dalawa hanggang noong nakaraang linggo kung kailan pumutok ang balitang tuluyan na silang nagkahiwalay. Kinumpirma naman ito ng ina ni Ynna na si Nadia Montenegro sa PEP at ni Ynna mismo sa blog ni Darla Sauler.

Una ay tumanggi si Mark na pag-usapan ito pero gayunpama’y nagbigay din siya ng kaunting saloobin kahit walang direktang kuwento sa nangyari sa kanyang lovelife.

Simulang pakiusap ng actor/dancer, “Ang interview na ito, walang tungkol kay Ynna. Papayag ako kung tungkol sa Sunday All Stars lang.”

Pumayag naman ang PEP pero naisingit pa rin naming ang ilang katanungan tungkol sa totoong estado ng puso niya ngayon.

STILL TEXTING EACH OTHER. Inalam namin sa kanya kung ano ang pakiramdam niya sa sinabi ni Nadia na kahit ano’ng nangyari sa kanila ay itinuturing pa rin nila si Mark bilang kapamilya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yes,” pagsang-ayon ni Mark, “Masaya ako na ganun pa ako sa kanila.

“Actually, busy lang si Ynna sa school at ako naman ay busy sa work. Tapos ngayon, leader pa ako ng grupo naming dito sa SAS.

“Sobra talaga ang hectic ng schedule ko. Tapos may liga kami ng basketball ni Kuya Ipe [Phillip Salvador], so sobra talagang busy.

“Si Ynna, gusto ko munang makapag-focus siya sa kanyang pag-aaral.”

Kahit daw hiwalay na sila ay meron pa rin silang komunikasyon sa isa’t isa.

Hindi nila ito pinutol kaya nanatili pa rin silang magkaibigan.

Pag-amin ng Bad Boy of the Dance Floor, “We’re still texting each other. Okay kami.

“Hindi kami nagkahiwalay na magkaaway.

“Hindi naman porke’t maghiwalay kami, e….malay mo magkabalikan pa kami baling araw, di ba?

“Kasi five years yun.”

Marami ang nag-react sa mga larawan nilang dalawa sa social media na hurting pareho silang dalawa.

Ano ang masasabi niya tungkol dito?

Aniya, “Yeah. Yeah. Medyo hirap lang ako dun. Puyat,” maikli niyang sabi.

FOCUS ON WORK. Sa ngayon daw ay okay naman ang estado ng kanyang emosyon. Sa halip na isipin ang nangyari sa kanyang personal life, mas nagpu-focus daw siya ngayon sa trabaho.

Pagmamalaki ng Starstruck alumnus, “Normally ang ibang lalaki kapag nadi-depress ay pumapayat.

“Ako, hindi. Iba ako. Tingnan mo, tingnan mo,” nangingiting pagturo ng kanyang katawan.

Inalam ng PEP ang plano niya sa kanyang buhay ngayon. Wala muna sa kanyang isip ang pag-ibig?

Mabilis niyang sagot, “Sa ngayon, trabaho muna.

‘Hindi ako nagsasara ng pinto, pero trabaho muna ako.

“’Tsaka na muna ’yan. Kasi, five years is a very very long relationship. So, okay na muna yun.”

Hurting pa rin naman daw siya, pero gusto niya na munang ibaling ang panahon niya sa maraming bagay para makalimot.

Ayon kay Mark, “Oo, may sakit pa rin. Pero, focus muna ako sa ibang bagay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Actually, yun yung way para hindi gaano ma-depress… yun muna ang iisipin ko.”

Pahayag ng 1st grand winner ng Starstruck, “Ako kasi gusto ko maayos lahat.

“Ayokong magsisi sa akin ang GMA [ang kanyang home network].

“Masaya naman ako sa suportang ibinibigay sa akin nila. Maraming trabahong nakaalan kaya siguro mas madali sa akin ang makalimot.”

Dagdag pa niya, “Makakaya ko naman. Basta maniwala ka lang sa Diyos.

“Lagi naman akong madasalin—before I go to sleep, before I perform, sa mall shows, sa lahat, nagdadasal po ako.”

Kumusta naman ang suporta ng kanyang family especially ang kanyang Daddy?

Mabilis niyang tugon, “Okay naman. Okay. Tanong nila sa akin, ’Okay ka ba? Kaya mo ba? Kaya mo ’yan.’

“Yun ang gusto ko sa kanya [sa ama niya], sa kanya, okay din lang lahat. Di niya ako pini-pressure.

“Alam naman kasi siguro nila na kaya ko,” pagtatapos niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN