Director Carlo J. Caparas and National Artist Virgilio Almario throw personal attacks at each other

If ever hounded by controversy, will Carlo Caparas and Virgilio Almario decline to accept the National Artist Award? Almario replied, “Yeah. Pero nagdaan ako sa deliberation.” Caparas, on the other hand, answered, “Hindi darating sa isang alagad ng sining na ang palakpak ng mga tao o papuri ng mga tao ay tatanggihan mo, e.”


Naging mainit at personalan ang sagutan sa pagitan ng direktor at komiks creator na si Carlo J. Caparas at National Artist na si Virgilio Almario sa morning show na Headstart ng ANC kaninang umaga, July 19.

Magkasabay na nakapanayam ng program host na si Karen Davila sina Caparas at Almario para pag-usapan ang naging desisyon ng Korte Suprema na ipawalang-bisa ang pagpaparangal kina Cecile Guidote-Alvarez, Francisco Mañosa, Pitoy Moreno, at Carlo Caparas bilang National Artist.

Sila ay iprinoklamang National Artists noong 2009 sa pamamagitan ng presidential order ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon sa desisyon ng Korte Suprema, nabalewala ang guideline ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) nang maisama ang pangalan ng apat kahit wala sila sa isinumiteng short list ng mga nominado noong 2009.

Nagkaroon din daw ng "grave abuse of discretion" si PGMA nang ideklara nitong National Artists ang apat.

(Read: Supreme Court invalidates National Artist Awards on Carlo Caparas, Cecile Guidote-Alvarez, Francisco Mañosa, and Pitoy Moreno)

Sa unang bahagi ng panayam, inihayag ni Caparas na tanggap niya ang desisyon ng Korte Suprema, pero hindi naman niya itinanggi na nasaktan siya.

Paulit-ulit na iginiit ng Pinoy komiks author na wala siyang alam sa naging proseso ng pagpili at tanging “recipient” lamang sila ng karangalan.

Saad ni Caparas, “Kasi ang prosesong sinasabi nila, hindi namin alam. Recipient lang kami.

"Kaming apat, binigyan lang kami ng karangalan at titulo na hindi namin alam.

“Basta binigyan kami ng sulat na we were proclaimed as National Artist.

“Ngayon, kung sinasabi nilang mayroong naka-commit ng grave abuse of discretion, recipient ba ang gumawa noon?

“Kung mayroong dapat panagutan, ang naka-commit ng offense—recipient ba ang dapat?”

Ayon pa kay Caparas, biktima lamang siya at ang tatlo pang natanggalan ng National Artist title ng diskriminasyon.

Aniya, “Katulad din ng mga nagprotesta na may diskriminasyong nangyari sa pagpili sa amin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kami ngayong na-strip ng titulo, may diskriminasyon din kaming nararamdaman sa ginawa sa amin.”

Bago naman kausapin ni Karen si NCCA Commissioner Almario sa telepono, muling idiniin ni Caparas na, “Wala akong alam sa prosesong iyan.

"May sulat lang na dumadating sa amin na sinasabing isa ka sa mga napili, na-proclaim.

“Ang mararamdaman lang namin doon ay kaligayahan dahil walang artist na nagsasabing pinapurihan siya, pinalakpakan siya, na ni-reject niya ‘yon.”

Hindi naman ito sinang-ayunan ni Alamario dahil, aniya, “Hindi totoo na hindi ‘yan ipinakikita sa madla.

"In fact, sa palagay ko, alam na alam na ‘yang proseso, e.”

Ayon kay Almario, sa unang hakbang pa lamang ng deliberasyon ay hindi na pumasa si Caparas.

At dahil naproklama siya at ang tatlong iba pa bilang National Artist nang hindi dumaan sa tamang proseso, sabi ni Almario, “Parang binababoy nila yung buong proseso.”



GETTING PERSONAL. Hindi naman napigilan ni Caparas na magbigay ng personal na komento tungkol kay Almario, na aniya’y naiinggit sa kanya.

“Alam mo, Almario, pambansang alagad ka ng sining, noong una kitang makita sa PUP, komo napakaraming estudyanteng nagpapapirma sa damit nila, sa notebook nila, nagpapapiktyur sa akin.

“Hindi pa ako proclaimed na National Artist noon, ikaw National Artist na, nasa isang tabi ka na walang lumalapit sa ’yo.

“Kita ko na [sa] mukha mo ang inggit mo sa akin noong panahon na ‘yon, na idinadaos mo ngayon, e.

“Biro mo, nagsasabi ka na kasinungalingan ang sinasabi ko, immoral yung kay Cecile Guidote.

“Alam mo, ‘yang ginagawa mong ‘yan… Alam mo sa tula mong wawalo lang ‘yata, walang nakakabasang Pilipino sa tulang ginagawa mo ngayong National Artist ka.

“Hindi mo ba ikinakahiya ‘yan na hindi mo naire-represent ang pangalan mo at mukha mo sa buong bansa?

“Dinadala mo ang titulong Pambansang Alagad ng Sining ka.

“Sino nakakakilala sa ’yo, Almario? Putris!”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Maikling sagot naman dito ni Almario: “Ang pagiging National Artist ay wala sa popularity. Wala sa popularity ‘yan.”

Agad namang sumabat si Caparas: “Mapapahiya ka rin sa mga ginagawa mo sa mga Pilipino, kasi hindi ka kilala sa Pilipinas.

“Pambansang alagad ng sining ka, i-represent mo ang sarili mo sa bansa.

“Maglakad tayo ngayon sa daan, sino ang kilala ng tao?”



NO DISCRIMINATION. Kung si Almario ang tatanungin, walang diskriminasyong nagaganap sa pagpili ng National Artist.

“Hindi po ‘yan totoo,” giit ni Almario.

“Ngayon po kasi, talagang pinag-aaralan ang tinatawag na popular literature at popular arts sa cultural study.

“Kung ang mga eksperto sa popular culture ang magsasalita, mas gusto nila halimbawa si Mars Ravelo o kaya si Francisco Kunsing o kaya si Tony Velasquez o kaya si Larry Alcala kaysa diyan kay Caparas.”

Naging personal muli ang naging tugon dito ni Caparas.

Aniya, “Isipin mo, itong si Almario, parang siya na ang hukom ng lahat ng alagad ng sining.

“Sa literatura ka, hindi ka ba nahihiya, ang hinuhusgahan mo ay sa visual arts?

“Maski saang husgado ka dumating, expert lang sa field na ‘yon dapat.”



“BARKADAHAN.” Isa pang punto ni Caparas tungkol sa pagbibigay ng National Artist award ay ang umano’y isyu ng “barkadahan” sa pagitan ng mga miyembro ng NCCA.

Dalawang halimbawang kanyang nabanggit ay sina Philippine Comedy King Dolphy at King of Philippine of Movies Fernando Poe Jr.

“Kung hindi siya barkada ng grupong pumipili, hindi mapipili si Dolphy hanggang mamatay siya.

“Tandaan mo na si FPJ, bago napili, kailangan patay pa!

"Ilang panahon ‘yan na nominated, pero hindi pinipili.

"Bakit? Galing si Ronnie sa hanay namin.”

Taong 2006 nang tanghalin ni dating Pangulong Arroyo bilang National Artist for Cinema si FPJ. Ngunit tinanggihan ito ng pamilya ng aktor dahil sa galit sa naging resulta ng 2004 presidential elections, kung saan naging magkatunggali sina FPJ at Arroyo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tinanggap ng pamilya ni FPJ ang posthumous National Artist award nang igawad itong muli ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III noong 2012.

Samantala, sinabi rin ni Caparas kay Almario, “Kung wala kang barkada diyan sa CCP, sigurado ako wala ka diyan sa kinatatayuan mo ngayon.

“Tingnan mo, alagad ka ng sining, naglilingkod ka sa gobyerno.

“Isipin mo, kung alagad ka ng sining, dapat may kalayaan ka, na walang sumasakop sa ’yo.”

Sagot naman ni Almario sa akusasyon ng “barkadahan”: “Mina-malign lang niya, yung lahat ng National Artist dahil lang sa kanyang sama ng loob.

“Bakit hindi niya patunayan na magkakabarkada nga lang ang nasa NCCA, kung di kinuyog siya ng mga tao diyan na lehitimong artist.”

Nilinaw rin ni Almario sa panayam na ang hindi pagsunod sa proseso para maideklara si Caparas bilang National Artist ang inirereklamo ng kanilang grupo.

Aniya, "I’m not criticizing what he’s doing. I’m criticizing what he did to be proclaimed as National Artist by President Arroyo.”

Nang tanungin ni Karen kung paano ba ang sa tingin niyang naging proseso para maiproklama si Caparas, ang maiksing sagot ni Almario, “Naglakad, ano pa?!”

Agad naman itong pinabulaanan ni Caparas.

Aniya, “Naglakad? Tingnan mo ‘tong taong ito, may protest syndrome ito, e.

“Palibhasa siguro alam niyang maliit ang kakayahan niya, ang protesta niya talagang kabi-kabila.

“Sinasabi ko nga sa kanya, komo ang kanyang kakayahan ay maliit, yung taong makikita niyang may malaking kakayahan, may nagagawa sa sambayanan, kinaiinggitan nila, e. Kabilang siya.”

Sabi pa ni Caparas, “Alam mo, ayaw kong ipasok sa isip ko nagkaroon ng pulitika dito.

“Ayaw kong ipasok sa isip ko na napasok ng pulitika ang larangan ng sining.

“Kung kami ang sakripisyo dito, kami ang naapi, di bale nang ikaw ang naapi, huwag lang ikaw yung nang-aapi.

“Hindi bale na sabihing hindi ako National Artist, pero sa buong sambayanan, kilala ako at ina-appreciate ang trabaho ko ngayon.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



TO ACCEPT OR NOT? Sina Caparas at Almario ay parehong idineklarang National Artist ni dating President Arroyo.

Si Almario ay nahirang bilang National Artist for Literature noong 2003. Si Caparas naman ay hinirang na National Artist for Visual Arts and Film.

Tinanong ni Karen kung sakali ba ay tatanggihan nila ang parangal.

Diretsang sinagot ni Almario, “Yeah. Pero nagdaan ako sa deliberation,”

Sabi naman ni Caparas, “Hindi darating sa isang alagad ng sining na ang palakpak ng mga tao o papuri ng mga tao ay tatanggihan mo, e.

“Hindi darating sa isip ng isang alagad ng sining na ang pagsubaybay sa kanya ng sambayanan ay pipigilan niya.”

Gayunman, ani Caparas, kung siya ay muling ma-nominate at kabilang si Almario sa deliberasyon, aniya, “Forget it.”

Bilang pagtatapos sa usapin tungkol sa desisyon ng Korte Suprema na bawiin ang National Artist Award kina Caparas, Guidote, Mañosa, at Moreno, sinabi ni Almario na bilang pagbabago, “Baka si President PNoy ay gumawa ng bagong policy tungkol dito.

“At the same time naman, ang National Commission for Culture and Arts ay nagsasagawa na ng bagong deliberation.

“Nabinbin ang deliberation dahil sa kasong ito.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN