Full transcript of President Noynoy Aquino’s fourth State of the Nation Address: the transformation continues (Part 1)

"Kung hindi mo nagagawa ang iyong trabaho, hindi ka karapat-dapat na manatili sa pwesto," sabi ni Pangulong Noynoy Aquino para sa mga tiwaling kawani ng gobyerno.


Here is the full transcript of President Benigno "Noynoy" Aquino III’s fourth State of the Nation Address (SONA), which he delivered at the Session Hall of the House of Representatives in Batasan Pambansa Complex in Quezon City this afternoon, July 22:

“Bise Presidente Jejomar Binay; Senate President Franklin M. Drilon; Speaker Feliciano Belmonte, Jr.; Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga miyembro ng Senado at Kamara de Representante; mga opisyal ng lokal na pamahalaan; mga miyembro ng Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan; at sa aking mga Boss, ang mga minamahal kong kababayan: Magandang hapon po sa inyong lahat. Ito po ang aking ikaapat na SONA; dalawa na lamang ang natitira.

“Halos apat na taon na nga po ang lumipas nang una akong nilapitan ng ilang kampo upang hikayating tumakbo sa pagkapangulo. Ang sabi nila: Alam naming hindi masosolusyonan sa isang tulog, sa isang taon, o kahit pa ba sa anim na taong termino ng isang Presidente ang lahat ng problema ng bansa. Pero simulan mo lang, at tiyak, kasama mo kaming mag-aaruga nito.

“Noon pa man, mulat po ako sa tindi ng mga problemang aking kakaharapin. Mula sa pagiging kandidato, o Presidente na, o kahit ba matapos pang makababa sa puwesto, hindi biro ang peligrong kakambal ng trabahong ito. Malawakang transpormasyon ng lipunan ang aking hangarin, at mulat akong marami akong kailangang banggain para matupad ito. Pero hindi po ako pinalaki ng aking mga magulang para tumiklop lamang sa mga hamon. Hindi ko mahaharap ang aking sarili kung tinanggihan ko ang pagkakataong bawasan ang pagdurusang di naman dapat dinaraanan ng Pilipino.

“Tumugon nga po tayo sa panawagan, at ang mga kasama natin noong una, nadagdagan pa. Sa paniniwala ko nga po, kung tama ang aking ginagawa, lalo pang dadami ang ating magiging kasangga. Nito ngang nakaraang Mayo, tinanong ko kayo, Boss, tama ba ang direksyon natin? Ang tugon ninyo: tama, at pabilisin pa natin ang transpormasyon ng lipunan. Humiling ako ng mga kakamping makikisagwan sa iisang direksyon, at ibinigay ninyo ito. Ang totoo nga po, hindi lang mayorya, hindi lang siyam sa labindalawa, kundi siyam sa top ten na senador ay mga taong inilapit ko sa inyo. Malinaw po ang mensahe nitong huling halalan: tama, ituloy natin, damihan pa natin ang 8,581 na sitiong napailawan; dagdagan pa natin ang 28,398 na pamilyang dati’y informal settler, ngunit ngayon ay mayroon o magkakaroon na ng disenteng tirahan; palaguin pa natin ang di bababa sa 40 billion pesos kada taong dagdag ng perang napupunta sa edukasyon, kalusugan, serbisyong panlipunan, at marami pang iba, dahil sa tama at mas masugid na pagkolekta ng buwis; dama namin ang marami pang ibang patunay na talagang nagbabago ang lipunan. Lalo nga po akong nabuhayan sa ipinarating ninyong mensahe; malinaw po talagang hindi ako nag-iisa sa pagpasan ng mga responsibilidad. Paano ba naman pong hindi lalakas ang aking loob, kung pati ang mga tulad ni Ginoong Niño Aguirre ay nakikihubog sa ating kinabukasan? Isipin po ninyo, hindi na nga makalakad dahil sa kapansanan, pilit pa rin niyang inakyat ang presintong nasa ikaapat na palapag ng gusali, para lang makaboto at makiambag sa tunay na pagbabago ng lipunan. Salamat, Ginoong Aguirre.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi nga po nauubos ang mga Pilipinong handang makiambag, na siyang ugat ng pagbabagong tinatamasa natin ngayon. Ang stratehiya: Sagarin ang oportunidad para sa lahat, lalo na para sa mga mas nangangailangan. Hindi natin pakay maghintay ng trickle down; hindi puwedeng baka sakali o tsamba lang silang daratnan ng mga biyaya ng kaunlaran. Ito pong tinatawag nating inclusive growth— itong malawakang kaunlaran— ang mismong prinsipyong bukal ng bawat inisyatiba, bawat kilos, bawat desisyon ng inyong gobyerno. Ang maiiwan na lamang ay ang ayaw sumama, dahil hindi sinamantala ang pagkakataon.

“Ang atin pong batayang prinsipyo: Malawakang pagkakataon ang susi sa malawakan at pangmatagalang kaunlaran. Huwag po sana nating kalimutan na ang pagkakataon ay punla lamang. Kailangan itong diligan ng sipag, alagaan ng determinasyon, at payabungin ng dedikasyon. Tingnan nga lang po natin ang mga TESDA-DOLE Scholars. Sa 503,521 na napagtapos na natin dito, tinatayang anim sa bawat sampu ang nagkatrabaho. Noong araw po, ayon sa pag-aaral ng DBM noong 2006 hanggang 2008, ang nakahanap ng trabaho sa mga napagtapos ng TESDA: 28.5 percent lamang. Noong lumipas na taon naman po: sa IT-BPO program, 70.9 percent ang employment rate ng ating mga napatapos sa TESDA. Sa electronics and semiconductor program naman, umabot sa 85 porsyento ng mga nagtapos noong 2012 ang nagkatrabaho. Malinaw po: Kayo mismo ang huhubog, kayo mismo ang magdidikta kung hinog at matamis ang bungang kolektibo nating pipitasin, o kung magiging bulok at katiting ang kahihinatnan ng mga pagkakataong bumubukas sa kabanatang ito ng ating kasaysayan.

“Isa-isahin po natin. Ang layuning palawakin ang saklaw ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program: natupad. Ang dinatnan nating mahigit 700,000 kabahayang benepisyaryo ng programa noong 2010, umabot na sa halos 4 million na kabahayan sa ating administrasyon.

“Meron pa po: Galing sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, mas malaki ng tinatayang 40 porsyento ang sinasahod ng mga naka-graduate ng high school, kumpara sa mga elementarya lang ang tinapos. Di po ba makatuwirang sagarin na natin ang tulong na ibinibigay natin sa mga pamilya, upang makumpleto na ng mga batang benepisyaryo ang high school, at sa gayon ay maisagad na rin ang benepisyo ng programang ito? Kaya nga po, sa susunod na taon, magiging saklaw na ng programa ang mga pamilyang may kabataang abot sa 18 taong gulang, upang hanggang sa high school ay mapagtapos na sila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sa edukasyon naman po: ang layunin nating itaas ang kalidad ng kaalamang natututuhan ng kabataan, upang matapos mag-aral ay mapanghawakan nila ang mga oportunidad na bumubukas sa ating lipunan: Natupad. Nabura na po ang minana nating kakulangan sa libro at upuan, at kung magpapatuloy nga po ang pagpapakitang-gilas ni Kalihim Armin Luistro, pati ang kakulangan sa silid-aralan ay mabubura na rin. Ang magandang balita pa: may kakayahan na tayong paghandaan ang magiging pangangailangan dahil sa K to 12 program.

“Hindi po biro ang dinatnang mga problema ni Brother Armin sa DepEd. Isipin po ninyo, kada isang textbook, pinepresyuhan dati ng 58 pesos; nang siya na ang namumuno, bumaba ang presyo ng eksaktong libro sa 30 pesos. Paano po kaya kung dati pa nagbayad ng tamang halaga para sa mga aklat na ito? Kung natipid natin ang diperensyang 28 pesos, at may limang textbook ang bawat isa sa tinatayang 20.7 million na estudyante sa ating public school system, ang katumbas po nito: halos 2.9 billion pesos. Kaya po sana nitong pondohan ang plano nating pagpapaayos at rehabilitasyon ng nasa 9,502 na silid-aralan.

“Kung nagkulang sa lakas ng loob si Brother Armin, puwede namang ipamana na lang sa susunod sa kanya ang kultura ng pagwawalang-bahala sa kanyang ahensya. Puwede naman din pong ipamana na lang ang mga backlog; ipasa na lang sa susunod ang lolobong pagkukulang dahil sa dumaraming mga enrolee kada taon. Pero itong si Brother Armin, imbes na makuntento, imbes na sabihing, "Puwede na ’yan, tapos na ang trabaho ko," gagawa pa siya ng mas maraming upuan at classroom, at bibili ng mas maraming libro, upang siguruhing pati ang para sa susunod na mga taon, ay mapunuan na rin. Ang pagpapalakas naman sa sektor ng agrikultura: Natupad din. Isipin po ninyo, ayon sa NFA: Noong 2010, nag-angkat ang bansa ng mahigit 2 milyong metriko tonelada ng bigas. Noong 2011, bumaba ito sa 855,000 metric tons. Noong 2012: 500,000 metric tons na lang. At ngayong 2013: Ang pinakasagad na nating aangkatin, kasama na ang pribadong sektor, ay ang minimum access volume na 350,000 metric tons. Nakapaloob na po dito ang 187,000 metric tons sa reserbang buffer stock sakaling magsunod-sunod ang bagyo; malamang, dahil on-target pa rin tayo sa rice self-sufficiency, hindi na rin kailangan pang mag-angkat ang pribadong sektor. Dagdag pa po diyan, nagsimula na tayong mag-export ng matataas na uri ng bigas. Ang layo na po talaga natin doon sa panahong sinasabing hindi raw natin kayang pakainin ang ating sarili.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Datos na rin po ang pruweba: lumago ng 3.3 percent ang sektor na ito sa unang tatlong buwan ng 2013. Triple po ang itinaas nito mula sa 1.1 percent growth noong parehong panahon ng 2012. Kaya naman, patuloy po tayong nagpupunla ng mga inisyatibang pihadong magbubunga ng higit na kaunlaran sa ating mga magsasaka.

“Halimbawa po, sa niyog. Ayon sa pagsusuri noong 2009, isa sa mga pinakamahirap na sektor sa bansa ang coconut farmers. Ang proseso ng pagsasaka nito: Pagkatanim, pitong taong hihintaying mamunga ang niyog, pero pagkatapos, dalawang henerasyon ang wala nang ibang kailangang gawin kundi mamitas na lang nang mamitas. May potensyal po tayong palakihin ang kita ng sektor na ito, kung maglalatag tayo ng kulturang mas nang-eengganyo ng sipag at pagiging produktibo. Ang tugon: intercropping.

“Tutulong ang gobyernong magpalakas sa iyong niyogan, kapalit ng obligasyong magpunla ng iba’t ibang binhi sa pagitan ng mga hilera ng niyog. Mas dadalas ang ani ng magsasaka, at depende sa kanilang itatanim, lalaki ang kanilang kita. Kung sa niyog lang, sa bawat ektarya, nasa 20,000 piso po kada taon ang kinikita ng magsasaka. Kung dadagdagan ito ng kape, maaaring pumalo ng 172,400 pesos ang kita; kung saging, aabot sa 102,325 pesos ang maaaring kitain, samantalang 89,000 pesos naman sa cacao. Ang laking diperensya, di po ba?

“Nasimulan na po nating ilatag ang mga inisyatiba para rito: Nitong 2012, umabot na sa 5,500 hectares ng lupain ang ginagamit natin para sa intercropping sa 90 lokasyon sa bansa. Saklaw po nito ang 10,000 sa ating mga magsasaka. Ang target naman natin ngayong 2013: dagdag pang 434 sites para sa coconut intercropping.

“Itinitimon na rin po natin tungo sa mas produktibong pampang ang ating mga mangingisda. Isipin po ninyo: pumalo sa 193.65 billion pesos ang ambag ng industriya ng pangingisda sa ating ekonomiya nitong 2012, pero sa kabila nito, 41 porsyento pa rin sa ating mga mangingisda ang maralita nang huli itong sukatin noong 2009. Sila ang nanghuli ng isda, pero ang natitira para sa kanilang pamilya, tinik na lang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya nga po: nariyan ang maraming inisyatiba ng pamahalaan upang tulungang makaalpas sa lambat ng kahirapan ang ating mga mangingisda. Halimbawa nga po ang para sa Bataraza sa Palawan. Sagana ang katubigan sa paligid nito. Pero dahil hindi mapaabot sa mga merkado nang sariwa ang isda, ginagawa na lamang itong tuyo. Sayang naman po, kasi sa bawat tatlong kilo ng lapulapu, isang kilo lang ang tuyong nagagawa. Paano kung mapahaba ang pagkasariwa ng isda dahil sa cold storage facility? Pupunta ka sa merkado nang sagad pa rin ang presyo ng huli mo. Parehong sikap sa paghuli, pero ang makukuha mo, tamang halaga. Kaya nga po, kasado na ang cold storage facility para sa Bataraza. At kasabay po nito, nagtatayo na rin tayo ng mga bagong pantalan sa mga stratehikong lugar upang mapalago pa ang produksyon at kita. Ipinapaayos natin ang mga kalsada, tulay at iba pang imprastruktura, pati na ang serbisyo para sa ating mga mangingisda.

“Mahigpit din pong binabantayan ng DILG, BFAR, at Coast Guard ang pangingisda nang walang habas; ang hiling ko nga pong ambag sa ating mga mangingisda: Pagpahingahin natin ang mga dagat. Hinihikayat ko po kayong sumama sa pangangalaga ng inyong kabuhayan; nakikita naman po ninyo: Ang oportunidad, inilalapit na sa inyo ng estado, pero ang resulta, nasa kamay ninyo.

“Kung may isa man pong paksang paboritong ikabit sa pangalan ko, ito ay ang Hacienda Luisita. Nais ko lang pong iulat na noong Pebrero, alinsunod sa utos ng Korte Suprema, nakumpleto na ng Department of Agrarian Reform ang listahan ng mga kuwalipikadong benepisyaryo na mabibigyan ng lupa sa Luisita. Ayon rin po kay Kalihim Gil de los Reyes, sinimulan na noong nakalipas na linggo ang pagtutukoy ng bawat loteng makukuha ng mga benepisyaryo, at magsisimula nang ipagkaloob ang mga titulo sa Setyembre.

“At para naman po sa iba pang malalawak na lupain: Matagal na nating inatasan ang DAR, DENR, LRA, at Landbank na bumuo ng balangkas kung paanong mapapabilis ang pagproseso sa pagbabahagi ng lupain. Ipapaalala ko lang po: Tamang datos ang unang hakbang sa maayos na implementasyon ng CARPER. Pero nagmana po tayo ng isang depektibong land records system. Kaya simula pa lang po, nagtrabaho na ang DOJ, LRA, DENR, at DAR para ayusin ang sistemang ito, at nasa punto na tayo ngayon kung kailan kaya nating siguruhin: Sa susunod na taon, naihain na ang lahat ng mga notice of coverage para sa mga lupaing saklaw ng komprehensibong repormang agraryo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Malinaw po: Ang estado, itinayo para paglingkuran kayo. Kung may problema sa kalusugan, dapat kumakalinga ang gobyerno; sa panahon ng sakuna, nariyan din dapat ito para magbigay-lingap. Ano po ba ang ginagawa natin sa mga larangang ito?

“Sa kalusugan, ang layunin nating masaklaw ng PhilHealth ang mas marami pa nating kababayan: natupad na rin po. Dumating tayong 62 percent ng Pilipino ang naka-enrol sa programa; ngayon, nasa 81 percent na ito. Ang natitira nga pong wala sa talaan ay ang mga hinahanap pa, kabilang na po ang informal sector at mga katutubo. Inaasahan po natin ang pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan upang maisali na natin sa sistema ang lahat ng ating mamamayan.

“Hindi lang po mga enrolee ng PhilHealth ang lumalawak, kundi pati ang mga benepisyong maaaring makuha mula rito. Noong nakaraang taon, inilunsad natin ang Z Benefit Package. At nitong Pebrero naman po, pinalawak pa ito ng Expanded Z Benefit Package. Mas mahaba na po ang listahan ng mga karamdamang libreng maipapagamot ng mahihirap nating kababayan sa mga pampublikong ospital. Noong isang taon, nakasama na ang breast cancer, prostate cancer, at acute leukemia; ngayon, kasama na rin ang iba pang sakit tulad ng coronary bypass, at ng pagtatama ng mga butas at maling posisyon ng mga ugat sa puso.

“Masasayang lang po ang ganitong benepisyo kung naghihingalo naman ang kalagayan ng ating mga pagamutan, at kung hindi naman ito mapuntahan ng mga nasa kanayunan. Kaya nga po todo buhos tayo ng budget sa imprastrukturang pangkalusugan: Nitong nakaraang tatlong taon, umabot sa 33 bilyong pisong pondo ang nailaan natin para sa pagpapatayo, pagpapaunlad, at rehabilitasyon ng 4,518 na ospital, rural health units, at barangay health stations sa buong bansa. Halimbawa na po rito ang Region 1 Medical Center sa Dagupan, na nakapagsagawa na ng limang kidney transplant ngayong taon; ang Bicol Regional Teaching and Training Hospital sa Legaspi, Vicente Sotto Medical Center sa Cebu, at Northern Mindanao Medical Center sa Cagayan de Oro, na ayon kay Secretary Ike Ona ay may kakayahan na ngayong magsagawa ng open heart surgery dahil sa mga bagong pasilidad at kagamitan. Nariyan din po ang Davao Regional Hospital sa Tagum City—ang una nating cancer center sa labas ng Kamaynilaan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Para naman po sa paghahanda sa kalamidad: Ang layunin nating magpanday ng mga mekanismo upang mailayo sa peligro ang Pilipino: natupad na rin po. Nariyan po ang epektibong serbisyong bunsod ng pagsasanib-puwersa ng Geohazard Mapping and Assessment Program at Project NOAH ng DOST. Nitong nakaraang taon, natapos na natin ang Multi-hazard mapping ng dalawampu’t walong pinakapeligrosong lugar sa bansa. Susunod na po rito ang para sa Greater Metro Manila Area na target nating kumpletuhin pagdating ng 2014. Handa na rin po ang geohazard maps para sa 496 na lungsod at munisipyo. Ang natitira pong 1,138, na sasaklaw sa bawat sulok ng bansa, ay makukumpleto bago matapos ang 2015. Dagdag pa po, mas matalas at detalyado na ang mga mapa, kaya mas eksakto na ring natutukoy ang mga mapanganib na lugar.

“Buhat naman ng inilunsad ang Project NOAH noong nakaraang taon, nakapag-deploy na tayo ng 525 automated water level monitoring stations at automated rain gauges sa 18 major river basins sa bansa. Tuloy-tuloy din ang pamamahagi natin ng mga modernong kagamitan tulad ng Doppler radars, tsunami detectors at alerting sirens.

“Subalit hindi po sapat ang basta pagbibigay lang ng makabagong gamit at teknolohiya. Sinanay din natin ang mga makakatanggap nito kung paanong intindihin, gamitin at palaganapin ang mga impormasyon. Kapag masama ang panahon, hindi na lamang bilis ng hangin ang kanilang basehan; alam na rin nila kung gaano karaming tubig ang bubuhos, at nakakapagbigay sila ng tama at napapanahong babala sa komunidad upang makapaghanda.

“Inaayos na rin po natin ang problema sa madalas na pagbaha sa Kamaynilaan. Biruin po n’yo: Noong Ondoy, tinatayang 3,600 cubic meters per second ang tubig na dumaloy mula sa Sierra Madre. Pero ang kapasidad ng dadaanan nito, nasa tinatayang 1,000 cubic meters per second lang. Saan naman po pupunta ang diperensyang 2,600 cubic meters kada segundo? Ito po ang bugso ng tubig na nagpapaapaw sa mga mababang lugar at nagiging baha.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Di po ba’t narinig na ng marami sa atin: "Waterways are inalienable." Ibig sabihin: Ang daanan ng tubig, para sa tubig lang. Ang problema nga po, kulang na nga ang dadaanan ng tubig, may mga gusali pang naghahadlang sa mga estero, at binabarahan pa ito ng basura ng mga tumitira sa paligid. Para po solusyonan ito, nakipag-ugnayan na tayo sa mga LGU upang maayos na mailipat ang mga informal settler. Inihahanda na rin po ng legal team sa pamumuno ni Secretary Leila de Lima ang mga kaso laban sa nagtayo ng mga gusali na sumara o humaharang sa mga daanan ng tubig.

“Hindi po tayo makukuntento sa sisihan. Ang ating aksyon: 6.2 billion pesos para maiwasan ang pagbaha sa Kamaynilaan. Bahagi nito ang pagtatayo sa Blumentritt Interceptor Catchment area. 3.3 kilometers po ang haba ng buong proyekto, at oras na makumpleto, kaya nitong sumalo ng tubig na katumbas ng tinatayang labing-apat na Olympic-size swimming pool. Kaya kung may bubuhos man pong tubig, mayroon na itong pupuntahan, at hindi na kailangang nasa ibabaw ng lansangan. Nasimulan na po ang proyektong ito noong Marso; layunin nating matapos ito sa susunod na taon.

(PART 2: Full transcript of President Noynoy Aquino’s fourth State of the Nation Address: the citizens’ role)

(PART 3: Full transcript of President Noynoy Aquino’s fourth State of the Nation Address: the Philippines as "the Rising Tiger")


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN