Full transcript of President Noynoy Aquino’s fourth State of the Nation Address: the citizens’ role (Part 2)

“Ginagampanan po ng gobyerno ang kanyang obligasyon. Tanungin din po sana natin ang ating sarili: Ano ang inambag ko sa solusyon?" tanong ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address sa Session Hall ng House of Representatives ngayong araw na ito, July 22.


President Benigno “Noynoy” Aquino III’s fourth State of the Nation Address (SONA) continuation:

“Ginagampanan po ng gobyerno ang kanyang obligasyon. Tanungin din po sana natin ang ating sarili: Ano ang inambag ko sa solusyon? Kung may magtapon sa ilog, sitahin mo; kung may magtayo ng building sa estero, isumbong mo. Lalo po tayong malulubog sa problema kung magkikibit-balikat lang po tayo.

"Lumisan man ang bagyo, hindi naman humuhupa ang pagsisikap nating maibalik sa normal ang buhay ng mga pamilyang nasalanta ng mga nagdaang kalamidad. Sa pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor, nasa 9,377 na kabahayan na po ang naipatayo para sa mga sinalanta ng bagyong Sendong. May karagdagan pang 4,374 na tahanang maipapatayo ng gobyerno bago matapos ang susunod na taon. Humihingi po tayo ng pag-unawa kung medyo nagtagal ito, dahil na rin sa masalimuot na proseso ng land acquisition; katunayan nga po, kung maaayos ang usapan sa iba pang lupain, may dagdag pang 2,719 na kabahayan ang maipapatayo natin.

“Target naman po nating maipagkaloob ang kabuuang 53,106 na kabahayan para sa mga kababayan nating sinalanta ng bagyong Pablo. Nasimulan na po natin ang pamamahagi ng mga bagong bahay nitong Mayo. Tatapusin po natin ang 17,609 na kabahayan bago matapos ang taon, at oras na makumpleto na rin ang natitira pang 35,447 sa 2014, ang mga pamilyang tinamaan ng dahas ng kalikasan ay makakasilong na muli sa ilalim ng sariling bubong.

“Tungkol din po sa pabahay, para naman sa ating unipormadong hanay: ang 21,800 na housing unit para sa pulis at kasundaluhan— natupad na po, noong isang taon pa. Sa Phase II naman ng proyekto, naitayo na rin po ang halos 26,050 sa target na 31,200, na makukumpleto na sa susunod na buwan.

“Bukod sa pabahay, may mga programang pangkabuhayan din tayong binubuo para sa ating mga kawal. Ang ilang libong ektaryang lupain sa tatlong kampo-militar, partikular na sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, sa Camp Kibaritan sa Bukidnon, at sa Camp Peralta sa Capiz ay paglulunsaran ng dagdag na pagkakakitaan ng mga sundalo, gaya ng plantasyon ng kawayan, kape, cacao, at palm oil. Kung dati, nakatutok lamang sa tanggulan ang mga kawal, ngayon maski retirado ay may pagkakataong maging bahagi ng paglago ng ating ekonomiya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Subalit hindi dito nagtatapos ang paghahanap ng solusyon sa mga minana nating problema sa pambansang tanggulan. Isipin po ninyo: noong 1986, mayroon daw tayong 250,000 na pulis at sundalo para sa mahigit 55 milyong Pilipino. Ngayon po, mayroon pa rin tayong tinatayang 250,000 na pulis at sundalo, na nagbabantay sa 95 milyong Pilipino. Halos dumoble ang populasyon natin, pero hindi nagbago ang bilang ng nagbabantay sa atin.

“Tiyak pong may mga nagsasabi na diyan: ‘Problema ba ito? E di magdagdag kayo ng pulis at sundalo. Makakalikha pa kayo ng trabaho.’ Sana nga po, ganyan lang talaga kasimple ang solusyon. Tingnan po muna natin: Sa karaniwang pension scheme, maghuhulog ng kontribusyon ang miyembro at nag-eempleyo. Ito ang puhunang papalaguin, at dito magmumula ang pensyon sa pagreretiro ng miyembro. Pero ano po ba ang situwasyon sa pensyon ng AFP at PNP? Walang naghuhulog, pero may kailangang bayaran. Dagdag pa rito, naka-index sa sahod ng mga aktibong sundalo at pulis ang pensyon ng retirado. Ibig sabihin, kapag lumaki ang sahod ng nasa serbisyo, lalaki rin ang pensyon ng mga retirado o ng mga pamilyang tumatanggap pa nito.

"Taun-taon, dumarami ang mga nagreretiro, kaya natural, pataas din nang pataas ang obligasyon. Ang masaklap, pambansang budget ang sumasalo nito: Noong 2012, 54.48 billion pesos ang inilaan para sa pensyon ng sundalo at kapulisan. Ngayong taon, 61.29 billion. Aabot po ito sa 80.64 billion sa 2016. Lolobo pa ito nang lolobo, kaya’t liliit naman nang liliit ang pondo para sa iba pang serbisyong panlipunan. Paano naman po tayo magdadagdag pa ng pulis at sundalo kung ganito ang konteksto?

“Kailangan ng sistemang tutugon sa obligasyon ng lipunan sa ating mga sundalo’t kapulisan; malamang po, GSIS ang hihilingan natin ng tulong para rito. Pinag-aaralan na rin po ang posibilidad na gamitin ang mga reclaimed area para makakalap ng pondong ipapasok sa papandaying solusyon. Hindi rin naman po natin puwedeng biglain ang pagtugon sa kabuuan ng ating mga pangangailangan, kaya’t mas masinsin pang pagsusuri ang gagawin natin upang makalikha ng isang patas, pangmatagalan, at malinaw na mekanismo para sa pensyon ng mga pulis at sundalo. Nananawagan po ako sa Kongreso: Pag-aralan po nating muli ang PD 1638 at RA 8551 upang maiangkop sa panahon at sa pambansang pangangailangan ang pensyon at benepisyo ng ating pulis at kasundaluhan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaparehong paninindigan rin po ang nakikita nating solusyon sa nakaambang problema sa pensyon sa SSS. Isipin po ninyo: mula 1980, 21 beses nang nagkaroon ng across-the-board pension increase, pero dalawang beses pa lamang pong tumaas ang contribution rate. Ang resulta: Tinatayang 1.1 trillion pesos na ang unfunded liability ng SSS base sa pag-aaral na isinagawa nitong 2011. Inaasahang tataas ito ng walong porsyento kada taon, at mauubos ang pondo 28 taon mula ngayon. Kapag nangyari ito, walang ibang malulugi kundi ang susunod na salinlahi ng Pilipino.

"Naniniwala po tayong panahon na para amyendahan ang SSS Pension Scheme. Kailangan nating tambalan ng inisyatibang mag-impok nang sapat ang pagluluwal natin ng pera. Kung magdadagdag lamang tayo ng 0.6 percent sa contribution rate, 141 billion pesos na agad ang maibabawas sa unfunded liability ng SSS. Kung ngayon na tayo magsisimulang mamuhunan sa kinabukasan, wala nang problemang ipapamana pa sa mga susunod sa atin.

“Sa kapulisan naman po, ang layunin nating magbigay ng lakas upang magampanan nila ang kanilang tungkulin: natupad rin natin. Simula ngayong 2013, 30,000 sa mga pulis ang babalik sa pagpupulis, dahil kukuha tayo ng mga civilian personnel para gawin ang mga tungkuling administratibo. Sayang naman po ang kakayahan at abilidad ng ating mga kawal at pulis kung ikukulong lamang natin sila sa apat na sulok ng opisina.

“Sa pagpasok rin po ng buwang ito, inumpisahan nang ipamahagi ang mga bagong unit ng 9mm Glock 17 pistol sa ating mga pulis. Simula pa lang po ito; kasado na rin ang pamamahagi ng kabuuang 74,879 na baril sa ating mga alagad ng batas, tungo sa katuparan ng mithiin nating one-is-to-one police-to-pistol ratio.

"Sulit na sulit naman po ang pamumuhunan nating ito sa pambansang kapulisan, lalo pa’t nagbubunsod ito sa maayos at maaasahang serbisyo. Di po ba’t tuwing eleksyon, nasanay na tayo sa kaliwa’t kanang insidente ng karahasan? Tinutugunan po ito ng Oplan Katok. Ang pakay ng programa: hanapin ang mga baril na paso na ang lisensya, at tiyakin na ang mga baril na mayroon namang lisensya ay hawak pa rin ng otorisadong mamamayan. Para gawin ito, 491,929 na pintuan po ang kinatok ng ating mga pulis para sa renewal ng mga lisensya. Nakatulong po ito upang maging mas epektibo ang kampanya natin para sa Secure and Fair Elections, kung saan ang 112 private armed groups noong eleksyon ng 2010 ay napababa na lamang sa 41. Katumbas po ito ng 63 porsyentong pagbaba. Mula rin sa 189 na insidente ng karahasan noong eleksyon ng 2010, 77 insidente lamang ang kompirmadong naganap nitong huling halalan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Gawin po nating halimbawa ang ARMM. Ang sabi nga po ni Governor Mujiv Hataman, sa tanang-buhay niya, hindi siya makaalala ng pagkakataon kung kailan walang failure of elections sa Lanao del Sur. Alalahanin po natin, ito ang unang beses kung kailan magkasabay ang pambansa at rehiyonal na halalan sa ARMM. Ang ibig pong sabihin, noon ay nakatutok ang buong pwersa ng estado sa iisang rehiyon, pero may failure of elections pa rin. Ngayong 2013, dahil buong bansa ang kinailangang tutukan, at lumawak ang kanilang responsibilidad, may nag-akalang lulubha pa ang situwasyon sa halalan ng ARMM. Pero kita naman po ang laki ng ikinaganda nito: Naging malinis at tapat ang halalan sa ARMM; natuloy ang bilangan, natuloy ang proklamasyon ng mga may bagong mandato mula sa taumbayan. Dahil sa sipag ng ating mga pulis at kawal, at gayundin sa pakikiisa ng sambayanan, talaga naman pong ang eleksyon 2013 ay naging mas payapa at tahimik.

“Gayumpaman, may mga insidenteng nagmamantsa pa rin sa dangal ng ating kapulisan. Nabalitaan na naman siguro natin ang nangyari sa mga miyembro ng Ozamiz gang na sina Ricky Cadavero at Wilfredo Panogalinga: nahuli na, pero napatay pa. Tulad ng ginawa nating imbestigasyon sa nangyari sa Atimonan, sisiguruhin nating mananagot ang sinumang pulis na sangkot dito-- gaano man kataas ang kanilang ranggo. Kung sino man ang mga pasimuno dito: maghanda lang kayo. Malapit ko na kayong makilala.

“Sa kabila ng ganitong mga kuwento, buhay na buhay po ang aking pag-asa sa hanay ng kapulisan. Hindi sila nagkukulang sa mabubuting halimbawa tulad ni PO3 Edlyn Arbo, na buong tapang na hinarap at tinugis ang isang holdaper sa nasakyan niyang jeep, off-duty man at walang dalang baril. Nariyan din po si PO3 Felipe Moncatar na umani ng samu’t saring papuri dahil sa haba ng listahan ng mga kriminal na kanyang nahuli. Ang ilan dito, kabilang pa sa most wanted persons sa Bacolod at miyembro ng malalaking sindikato. Baka narinig na rin po ninyo ang kwento ni PO2 Dondon Sultan. May nasiraan ng kotse sa kahabaan ng Quezon Boulevard; tigil naman si Ginoong Sultan para tumulong. Hindi lang po siya nagpalit ng gulong; inihatid pa niya sa kasa ang nasiraan. Bilang pasasalamat sa kanyang serbisyo, sinubok abutan ng 1,000 piso si PO2 Sultan. Tinanggihan niya ito. Ang kanyang sagot: “Trabaho naming tumulong sa mamamayan.” Saludo po kami sa mga tulad ninyong lingkod-bayan. Palakpakan po natin sina PO3 Arbo, PO3 Moncatar, at PO2 Sultan. Patunay kayong hindi pa endangered species ang tapat at mahuhusay na pulis. Inatasan ko na sina Kalihim Mar Roxas ng DILG, pati na rin si Kalihim Voltaire Gazmin ng DND, upang siguruhing ang mga katulad ninyo sa ating unipormadong hanay ay makakatanggap ng kaukulang pabuya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Idaragdag ko na rin po ang ating disaster relief workers mula sa maraming sangay ng gobyerno, pati na ang volunteers galing sa pribadong sektor. Alam ko pong hindi madaling lumusong sa baha, magbungkal ng putik, at humarap sa mukha ng pinsala. Hindi po ako magsasawang kilalanin ang inambag ninyo sa lipunan; saludo po ako sa pag-aalay ninyo ng sarili upang bawasan ang pagdurusa ng ating mga kababayan.

“Abot-kamay na rin po ang kapayapaan sa rehiyong matagal nang pinupunit ng hidwaan. Nitong Oktubre po ng nakaraang taon nilagdaan ang Framework Agreement on the Bangsamoro. Katunayan nga po, siyam na araw pa lang ang nakakalipas mula nang lagdaan ang ikalawang annex ng kasunduan. Kumpiyansa po tayong masusundan pa ito ng mas magandang balita sa lalong madaling panahon.

“Tiyak kong mulat ang lahat: Hindi biro ang proseso ng pagbubuo ng consensus; mabuti na lamang talaga at handang makinig, magbigayan, at magkita sa gitna ang magkabilang panig. Alam naman natin ang maaaring maging resulta kung magpapadaan tayo sa inip. Ang malinaw po sa akin: Ang mga salitang ating bibitawan ay dapat magbunga ng mga kilos na positibong makakaapekto sa lahat. Ang bawat linya sa binubuo nating kasunduan ay dapat maaaring itaga sa bato, at hindi ililista lamang sa tubig upang anurin na naman ng kasaysayan. Pinalaki po ako ng aking ama nang may isang salita, kaya’t sinasabi ko sa mga kapatid nating kasapi ng Bangsamoro: Anumang mapagkasunduan natin ay ipapatupad ng pambansang gobyerno.

“Kailangan ng tiwala sa usapan ng kapayapaan. Hindi automatic ang magkaroon ng tiwala, dahil na rin sa haba ng pinagdaanan. At ngayon, talagang dama natin na gustong makipagkasundo ng magkabilang panig, at tayo naman ay nagpapakita na dapat talaga tayong pagkatiwalaan. At sa mga pumipigil sa pagkakaroon ng tiwala at naghahasik ng pagdududa: masasabi mo bang Pilipino kang may malasakit sa kapwa Pilipino?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Umaasa po ako sa pakikiambag ng bawat Pilipino sa layunin natin para sa Bangsamoro; patunayan po nating ang Pilipino, may malasakit sa kapwa Pilipino. Ipakita po natin sa kanilang hindi sila nagkamali sa pagpili sa direksyon ng kapayapaan; ipamalas natin ang lakas ng buong bansa upang iangat ang mga probinsya sa Muslim Mindanao, na kabilang sa mga pinakamaralita nating mga lalawigan. Tagumpay ng lahat ang ating hangarin; hindi tayo papayag na may kababayan tayong mapapag-iwanan habang may ibang nakakalamang. Nananawagan ako sa ating Kongreso: Nabuo na po ang Transition Commission na gagawa ng panukalang Bangsamoro Basic Law. Tatapusin ito alinsunod sa mga prinsipyo ng komprehensibong kasunduan para sa kapayapaan; maipasa po sana ninyo ito bago matapos ang 2014. Sa gayong paraan, may sapat tayong panahon para makapaghanda sa paghalal ng bagong pamahalaang Bangsamoro sa 2016.

“Anuman pong pagbabagong tinatamasa natin ngayon ay naabot dahil hindi tayo nakuntentong sumunod lamang sa dinatnang status quo ng pamamahala. Matanong ko nga po: Ilan po ba sa inyo ang nakagamit ng tinatawag na Telepono sa Barangay? Hindi po ako magtataka kung wala. Isipin po ninyo, ayon sa DOTC: mahigit 5 billion pesos ang ginastos para sa isang programang magdadala ng telepono sa mga kanayunan. Di po ba’t sayang lang ito, dahil sa loob ng maikling panahon matapos ang implementasyon, dumami nang dumami ang may cellphone na Pilipino? Sino nga ba naman ang papansin sa mahigit 6,000 landline na ipinakabit nila, gayong may 100 milyon nang cellphone sa Pilipinas?

“Heto pa po ang isang halimbawa ng pag-iisip sa gobyerno na kinailangan nating baguhin: Bumili ng walong combat utility helicopter, para daw sa mabilisang pagbiyahe ng ating mga sundalo. Ang problema: Sukat ba naman pong naka-mount ang baril sa may pintuan, at kailangang tanggalin kung may dadaan. Kung lalapag ka habang nagbabakbakan, ano ang silbi ng machine gun na nakatabi at hindi mapaputok? Wala bang nakaisip nito bago magkapirmahan ng kontrata? Bakit naman po pinayagang mangyari ito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kailangan pong maging mas mahusay tayong mamimili. Hindi puwedeng palagi tayong nakasalalay sa sales talk ng mga supplier sa pagpili ng mga kagamitan natin. Inatasan natin ang DOST na bumuo ng grupo ng mga ekspertong hindi kayang bolahin ng mga supplier, lalo na po pagdating sa mga big ticket item. Ang patakaran natin: Tamang pagkilala sa ugat ng problema; tamang pag-aaral na tutukoy sa tamang solusyon, na maaabot naman sa pamamagitan ng tamang metodolohiya.

“Iyan po ang kaisipang pinagmulan ng ating tugon sa isyu ng mga informal settler sa Kamaynilaan. Kaya nga po, ang layunin nating ilayo sa panganib ang mga nagsisiksikan sa peligrosong bahagi ng lungsod: tinutupad na rin. Wala naman po sigurong kokontra kapag sinabi nating hindi tama ang kasalukuyan nilang kondisyon. Ayon po sa Article 2, Section 5, o ang general welfare clause ng ating Saligang Batas: ’Dapat sundin ng Estado ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, ang pangangalaga sa buhay, kalayaan at ari-arian, at ang pagtataguyod sa kagalingang panlahat upang matamasa ng buong sambayanan ang mga biyaya ng demokrasya.’

“Dito po natin napatunayan: Nakikinig sa katuwiran ang Pilipino; kapag ipinakita mong malasakit ang iyong batayang prinsipyo, handa tayong makiisa. Bago po magbaklas ng mga bubong at magtibag ng mga pader, ipinaliwanag natin ang katuwiran ng ating desisyon: Maayos ang lilipatan, malapit sa sakayan, at kung magsisikap kayo, hindi magkukulang ang inyong pagkakakitaan. Nilinaw din po natin: Layunin nating magbigay-lingap sa mga nasa peligro— hindi sa sindikato. Batid nating sa tuwing inaabuso ng ilan ang pagmamalasakit ng estado, ipinapain rin nila sa alanganin ang buhay at kabuhayan ng napakaraming Pilipino.

“Matapos nga pong maibiyahe ang isang pangkat sa relocation site, sila mismo ang nanghikayat sa mga dati nilang kapitbahay: Sumama na kayo. Mas ligtas dito. Ngayong taon po, prayoridad nating ilipat ang mahigit 19,400 pamilyang nagsisiksikan sa mga pangunahing daluyan ng tubig sa Metro Manila. Sa pagkakapit-bisig ng DILG, NHA, DSWD, MMDA, at DPWH, lumilinaw na po ang sagot sa suliraning ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Isa pa pong halimbawa ng transpormasyon sa pamamahala: Di ba’t matagal ding nabinbin sa Kongreso ang mahahalagang batas? Nito pong nakaraang taon, naisabatas na, sa wakas, ang Sin Tax Reform Law at ang Responsible Parenthood Law. Nagpapasalamat tayo sa mga naging kasangga natin sa pagsusulong nito sa Kamara at Senado. Hindi ninyo inalintana ang mahabang proseso ng debate at konsultasyon; hindi kayo nagpadaig sa mga naghasik ng pagdududa upang harangin ang ating mabuting agenda. Tinitimbang ninyo kung ano ang kapaki-pakinabang sa mas nakakarami, at isinusulong ang tunay na serbisyo para sa Pilipino.

“Ilalapit ko na rin po sa ating Kongreso ang ilang batas na makakatulong sa pagpapatuloy ng nasimulan nating pagbabago. Maamyendahan na po sana ang Cabotage Law, upang mas mapalakas ang kumpetisyon, at mapababa ang gastos sa transportasyon ng ating mga sakahan at industriya. Maisulong na rin po sana ang Fiscal Incentives Rationalization Bill, upang maging mas tapat, malinaw, at may pananagutan ang mga insentibong ibinibigay natin sa mga negosyo. Paglaanan din po sana ng panahon ang Land Administration Reform Bill, upang maitimon sa iisang direksyon ang mga kawanihang nakatutok sa ating mga lupain, at nang sa gayon ay masigurong masinop at epektibo nilang magagawa ang kanilang trabaho.

“Bukas na bukas din po, ihahain natin ang panukalang 2.268 trillion pesos na national budget sa Kongreso. Kumpiyansa po ako sa suporta at pakikibalikat ninyo upang mapatibay ang pondong ito na talaga naman pong masusing pinag-isipan. Makakatulong ito hindi lang para ituloy ang agenda ng positibong pagbabago, kundi upang mapaspas pa ang pag-arangkada natin tungo sa malawakang kaunlaran.

“May ilan pong nagsasabi na kailangang patibayin ang Sandatahang Lakas. Sang-ayon po ako dito. Pero tila ba ang gusto nila ay ilagak ang bawat sentimo ng kabang bayan para sa fighter jets, tangke, at iba pang gamit pandigma. Hindi yata nila alam na ang isang fighter jet na nagkakahalaga ng 1.58 bilyong piso, ay katumbas ng 6,580 na bahay para sa mga pulis at sundalo, o halos 2,000 na silid-aralan para sa mga kabataan. At ano naman ang magagawa ng isang pirasong jet? Para maging epektibo, ang kailangan, mga squadron— at ang isa nito ay binubuo ng dalawampu’t apat na fighter jets. Sa halagang 1.58 billion pesos kada piraso, 37.92 billion pesos ang huhugutin sa kabang bayan para makabuo ng isang squadron. Paano pa ang practice missiles? Hindi rin po libre ang jet fuel, radar system, ground bases, at ground intercept controls. Hindi po talaga biro ang gastos para sa isang minimum credible defense posture; gagayahin pa ba natin ang iba, na handang kalimutan ang lahat para lang makuha ang nuclear option? Wala naman sigurong sasang-ayon dito. Babalansehin po natin ang ating mga pangangailangan. Aasikasuhin natin nang husto ang mga dapat tugunan sa ating lipunan, habang patuloy tayong nagiging mabuti at mahinahong kasapi ng pandaigdigang komunidad.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Alam naman natin dati, ang batayan ng desisyon, puro pulitika. Gagawin ang lahat para kumapit sa kapangyarihan, kapalit ang pagdurusa ng kasalukuyan at susunod na henerasyon ng Pilipino. Tingnan po natin kung ano ang kinahantungan ng pag-ipit sa pagtataas ng pasahe sa LRT at MRT.

“Ang tinatayang gastos sa bawat biyahe ng pasahero ng LRT, 40 piso. Ang bayad ng pasahero, 15 piso. Ibig sabihin, sagot ng pamahalaan ang natitirang 25 piso. Sa MRT po, 60 piso ang totoong gastos: 15 piso sa pasahero, 45 piso sa gobyerno-- sa huli, bawat Pilipino, abunado. Nasa Mindanao o Visayas ka man, na ni minsan ay hindi nakatuntong sa LRT o MRT, kasama ka sa pumapasan nito.

“Ang masaklap pa nga po: Dahil ipinamigay ng nakaraang mga pinuno ang commercial development rights natin dito, bawat pisong maaaring makalap mula sa mga poster at billboard na nakapaskil sa stasyon, napupunta sa pribadong kumpanya kaysa sa gobyerno. Ang puwede sanang pagkunan ng pantustos sa maintenance at operasyon, nawala pa.

“Siguro naman po, makatuwirang ilapit man lang natin sa ibinabayad sa aircon bus ang pasahe ng LRT at MRT, upang maituon ang subsidiya sa iba pang serbisyong panlipunan.

"Nakita naman po ninyo: wala tayong balak magpamana ng problema sa susunod sa atin. Ang totoo nga po, ang mga proyektong dati’y nilulumot lang, ngayon, napapakinabangan na ng mamamayan. Tingnan na lang natin ang Ternate-Nasugbu Road. Kung tutuusin, anim na kilometro lang ang haba ng kalsadang ito na nagkokonekta sa Cavite, Batangas, at Metro Manila, pero inabot pa ng halos dalawampung taon bago ito matapos. Binuksan na natin ang isang bahagi nito, at pag nakumpleto ang natitirang slope protection, ganap na ang magiging pakinabang ng kalsada sa mga motorista.

“Nariyan din po ang Aluling Bridge sa Ilocos Sur. Taong 1978 pa po inilatag sa papel ang pagpapatayo nito. Siniguro na nating hindi lamang din papel ang mamanahin ng susunod sa atin: Nitong Marso, sa wakas, natapos na ito. Sinimulan na rin natin noong nakaraang buwan ang operasyon ng Laguindingan Airport, na isang henerasyon ang pagitan mula nang inisip at isakatuparan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ilang dekada ring naghintay ang industriya ng semiconductors na magkaroon ng laboratoryong kayang makipagsabayan sa pasilidad ng ibang bansa. Hindi na po natin pinahaba ang kanilang paghihintay. Nitong nakaraang Mayo, sa pangunguna ng DOST, pinasinayaan natin ang Advanced Device and Materials Testing Laboratory. Dati, kailangan pang ipadala ang mga produkto sa ibang bansa para suriin. Hindi natin nasasagad ang kita; hindi rin nasasagad ang potensyal ng industriya na manghikayat ng puhunan. Dahil sa ADMATEL, ngayon, dito na susuriin ang mga produkto, at masusulit ang mga bentahe ng manggagawang Pilipino sa larangan ng electronics. Inaasahan nga po nating lalo pang lalakas ang industriyang nag-ambag ng halos 44 percent ng ating exports noong 2012.

“Sa tulong naman po ng ating Big Man sa Senado na si Manong Frank Drilon, natapos na ang mahigit limampung taon na paghihintay ng mga Ilonggo; nasimulan na ang Jalaur River Multi-Purpose Project II sa Iloilo. Ano po ba ang mga pakinabang nito? Tinataya pong 24,000 magsasaka sa kalakhang Iloilo ang mahahatiran nito ng buong-taong irigasyon. Dahil dito, maaaring dumoble ang ani ng mga magsasaka ng palay. Linawin po natin: Ang sakop nitong 31,840 hectares ng lupaing mapapatubigan, may dagdag na aning bigas na 146,013 metric tons. Katumbas po ito ng halos walumpung porsyento ng aangkatin nating buffer stock ng bigas para sa 2013.

“Bukod pa po ito sa iba pang benepisyo ng proyekto tulad ng pag-iwas sa malawakang baha sa Iloilo, at ang dagdag na 6.6 megawatts ng hydropower. May ambag din ito sa supply ng tubig para sa ilang bahagi ng probinsya, at sa industriya ng ecotourism doon. Dagdag pa rito, nasa 17,000 trabaho ang malilikha ng proyekto; oras na maging fully operational naman ito, tinatayang 32,000 Pilipino ang mabibiyayaan ng sapat na pagkakakitaan.

“Mulat din po tayong marami sa ating mga kababayan ang nananabik na makita ang mga bunga ng ating Public Private Partnership projects. Alam din po nating may mga tila naiinip na sa kahihintay para rito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Isakonteksto po natin. Noong 2010, pag-upo natin sa puwesto, 6.5 percent na lang ng programmable budget ng taon, o 100 bilyong piso lamang, ang iniwan sa atin. Ang 93.5 percent po, inilaan na sa kung saan-saan ng ating sinundan. Kaya naman, lumapit tayo sa pribadong sektor. Ang sabi natin: kulang kami sa pondo, halina’t mag-ambagan tayo upang maipatayo ang mga kinakailangang imprastruktura.

“May balakid din po tayong kinaharap nang magsimula ang PPP. Luma na ang mga pag-aaral na basehan ng mga proyekto; kulang sa kaalaman ang burukrasya para ipatupad ito. Idagdag pa natin ang publikong nagsawa nang magtiwala sa mga kontratang pinapasok ng gobyerno.

“Gayumpaman, sa anuman pong situwasyon, ang ating prinsipyo: Gagawin na lang din natin, gawin na natin nang tama. Wala tayong balak na pumasok sa kuwestiyonableng kontrata ngayon, para lang ipamana ang problema sa susunod na administrasyon. Kailangang dumaan sa tamang proseso ang bawat proyekto, para masigurong ang perang inyong pinaghihirapan ay napupunta sa dapat nitong kalagyan.

“Ngayon pa lang, nakikita na natin ang epekto ng maayos, tapat, at hayag na paglalatag sa PPP projects. Dati, may isang paliparan lang na maipagawa, napakalaki nang balita. Ikumpara po natin ngayon: bukod sa pinapakinabangan na ang paliparan sa Laguindingan, sabay-sabay din ang proseso ng pagsasaayos at modernisasyon ng Tacloban Airport, Bicol International Airport, New Bohol Airport, Mactan Airport, at Puerto Princesa Airport. Ang Daang Hari-SLEX link road ang pinakamabilis na PPP project na nai-award sa alinmang administrasyon, nang walang shortcut na dinaanan ang proseso. Ang mga ito, at ang napakarami pang ibang ipinapatayo at ipapatayong imprastruktura, ay manganganak ng isang lipunang hitik sa oportunidad.

“Mahaba po ang listahan ng mga suliraning minana, at tinutugunan na natin. Halimbawa: Ang madalas na pag-brownout sa Mindanao. Mula’t sapul pa lang, naglalatag na tayo ng solusyon para dito, ngunit batid nating ang problemang isang dekadang binalewala ay hindi masosolusyonan sa isang tulog lang. Sa ngayon, patuloy ang paggawa natin ng mga hakbang upang tugunan ang mga kakulangan at agarang pangangailangan. Nariyan po ang pagtulong natin sa electric cooperatives upang makapagpasok sila ng generator sets na magpapabawas sa mga brownout. Magtutuloy-tuloy ito hanggang makumpleto na ang mga plantang magsu-supply ng kuryente sa rehiyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero hindi po talaga mauubos ang mga kontra. Kesyo tataas daw ang presyo ng kuryente kapag may gensets dahil diesel ang ginagamit. May hydropower ngayon dahil tag-ulan, kaya umuugong na naman ang reklamo laban sa mga genset. Pero pagpasok ng tag-init, tiyak, marami na naman pong magrereklamo sa walong oras na brownout.

“Sa ibang bahagi naman po ng Pilipinas, gusto nating magtayo ng mga planta. Habang umuunlad kasi ang ekonomiya, tumataas din ang konsumo natin ng kuryente, at kailangang dagdagan ang supply nito. Gusto ba nating kapag sinagad na ang mga pagkukunan, saka lang tayo gagawa ng planta? Hindi po kabuteng basta na lang susulpot ang mga ito.

“Kung maganda ang mungkahi, handa naman po tayong makinig, pero sana naman ay makuha ng mga miron ang kabuuang konteksto ng situwasyon. Halimbawa po ang planta sa Redondo, Zambales. Pina-TRO dahil mas maganda raw ang renewable. Sinabi rin po ba nilang mas mahal itong ipatayo, at mas mahal din ang magiging presyo ng enerhiya? Sinabi po kaya nilang hindi nito kayang tugunan ang baseload, o ang kapasidad na kailangang laging nariyan para hindi mag-brownout? Magtatayo ka ng wind; paano kung walang hangin? Kung solar, paano kung makulimlim?

"Lilinawin ko lang po: Naniniwala rin po ako sa renewable energy at suportado natin ito, pero dapat ding may mga baseload plant na sisigurong tuloy-tuloy ang daloy ng kuryente sa ating mga tahanan at industriya. Mag-iingay pa rin po kaya ang mga kumokontra, kung busy na sila sa kapapaypay dahil nag-brownout na? Ang sa akin lang po: makiambag sana tayo sa paghahanap ng solusyon.

“Tutal din po, nagtatapatan tayo: Pag-usapan naman natin ang pagsasaayos ng NAIA 3. Masalimuot po ang usapang ito. Dumaan na ito sa dalawang arbitration; naipanalo na sana natin pareho, pero binaliktad ang desisyon ng isa dahil sa technicality. Kaya nga po ngayon, pinaghahandaan ang muling pagdinig nito. Dagdag na komplikasyon po ang isyu ng warranty sa pagpapatapos ng NAIA 3—hindi naman puwedeng pag may umusbong na depekto, pasensyahan na lang, dagdag-gastos pa. Kaya nga po nang ipaliwanag sa atin na bibigyan tayo ng maayos na warranty ng orihinal na contractor, pumayag tayo. Pero gusto nating manigurado; gusto nating kumpletuhin nang tama at buo ang proseso. Hihingin ko po ang inyong pag-unawa ukol sa isyung ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Malinaw na po ngayon: Iisa ang tuon ng bawat metro kuwadrado ng sementong ibinubuhos natin bilang pundasyon ng mas maunlad na bansa: Pakinabang sa bawat isa— hindi politika. Kung dati, gumagawa ng kalsada kung saan lang kursunada, at nagpapatayo ng tulay kung saan kaibigan ni Madam si Mayor, ngayon, sumusunod na tayo sa isang pambansang plano. Walang paborito, walang transaksyunalismo, walang padrino; bawat piso, nakatuon sa ating pagpaspas tungo sa malawakang pag-unlad.

“Ang maaasahan po natin sa mga susunod na taon: mga paliparan at daungang lalapagan ng kalakal at turista; mga kalsadang sisigurong husto ang pakinabang ng lahat sa malalaking proyektong ito; mga power plant na pagmumulan ng sapat na kuryente at magpapatakbo sa mga industriya. Ito ang magsisilbing balangkas na magsasanga ng iba pang inisyatibang dadaluyan ng oportunidad para kay Juan at Juana dela Cruz— mula sa mga magsasakang may sapat nang patubig at mabilis nang naibebenta ang ani, hanggang sa mga construction worker na nagtitindig ng mga bagong gusali; mula sa patuloy na pag-usbong ng mga call center, hanggang sa pagdami ng mga negosyanteng handang magpasok ng kapital sa bansa. Nagsulong tayo ng mga tamang proyekto sa tamang halaga; ginawa natin ito nang may tamang kalidad; at natapos o matatapos ito sa tamang panahon, dahil tama at karapat-dapat ang mga taong nagpatupad nito.

“Pag-usapan po natin ang trapiko: di po ba’t tinatayang 2.4 billion pesos ang nawawala sa ating ekonomiya kada araw, dahil sa buhol-buhol na trapik sa Kamaynilaan? Kabilang sa mga proyekto nating pihadong magpapaluwag dito ay ang Integrated Transport System. Ang mga bus na nakikisiksik sa mga kalsadang punung-puno na nga, ginagawan natin ng terminal sa mga lugar na hindi kasing-sikip. Napapakinabangan na nga po ang terminal sa Parañaque, at nakapila na rin ang sa Quezon City at Muntinlupa.

“At nariyan din po ang dalawang connector road na magdurugtong sa North at South Luzon Expressway. Ang totoo nga po, dekada sitenta pa lang, plano nang ipatayo ang tinawag nilang Metro Manila Highway. Ito sana ang magkokonekta sa dalawang expressway, upang hindi na kailangang bunuin ang ilang oras na biyaheng babagtas pa sa kahabaan ng EDSA. Ang problema po: Nag-atas si Ginoong Marcos ng mga batas na pabor sa kanyang crony. Nakatali tayo sa pagsunod sa mga batas na ito: Sino mang magpatayo ng imprastruktura sa lugar na iyon, dapat kasosyo ang korporasyon ng kanyang kaibigan. Masaklap po: nae-extend ng tatlumpung taon ang kanilang prangkisa sa tuwing magkakabit sila ng kahit isang dipa lang ng kalsada sa orihinal. Dagdagan pa po natin: nang kumita ang kumpanya, hindi nakumpleto ang pagpapalawig o pagpapaunlad sa mga imprastraktura’t daan. Nang nalugi naman, nakuha pang ipasa sa gobyerno ang utang. Ilalapit ko na po ito sa ating Kongreso: silipin po nating muli ang Presidential Decrees 1113 at 1894.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sa kabila nito, tuloy po ang mga proyekto natin. Mayroon tayong walong kilometrong 4-lane elevated expressway na kokonekta sa C3 Road sa Caloocan patawid ng España, hanggang sa PUP sa Sta. Mesa. Mayroon ding mahigit labing-apat na kilometrong 6-lane elevated tollway na babagtas mula Balintawak, hanggang Buendia, sa Makati. Ang Common Alignment naman po ng dalawang kalsadang ito, lima’t kalahating kilometrong 6-lane elevated expressway mula PUP sa Sta. Mesa, patawid sa kalagitnaan ng Osmeña at Quirino Avenue, hanggang Buendia sa Makati. Oras na mabuksan ang kalsada, ang biyaheng SLEX hanggang NLEX na dati’y inaabot ng dalawang oras, kaya nang takbuhin ng labinlimang minuto. Ang Clark naman hanggang Calamba na pumapalo noon sa tatlong oras, halos mangangalahati at magiging isang oras at apatnapung minuto. Kada araw, tinatayang limampu’t limang libong motorista ang makikinabang sa mga ito. Tipid sa oras, tipid sa gas, menos sa polusyon, lalago pa ang komersiyo’t turismo. Win-win situation, di po ba?

(PART 1: Full transcript of President Noynoy Aquino’s fourth State of the Nation Address: the transformation continues)

(PART 3: Full transcript of President Noynoy Aquino’s fourth State of the Nation Address: the Philippines as "the Rising Tiger" )


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN