Full transcript of President Noynoy Aquino’s fourth State of the Nation Address: the Philippines as "the Rising Tiger" (Part 3)

“Tinagurian na po tayo ngayon bilang ’rising tiger,’ ayon sa World Bank; ’brightest spark,’ ayon sa pahayag ng Institute of Chartered Accountants in England and Wales, at iba pang mga bansag na tumutukoy sa transpormasyong nangyayari sa ating bansa," pagmamalaki ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III tungkol sa Pilipinas.


President Benigno “Noynoy” Aquino III’s fourth State of the Nation Address (SONA) continuation:

“Sa loob nga po ng tatlong taon, pinatunayan nating ang mga ahensyang dati’y pugad ng kurapsyon ay maaaring maging ehemplo ng tapat at epektibong paglilingkod. Ilan po sa mga simple ngunit epektibong pagbabagong isinagawa ni Secretary Singson sa DPWH: Wala nang letter of intent, na ginagamit ng mga bidder para magkuntsabahan; pinasimple ang proseso ng bidding, kaya mas marami nang nagkukumpitensya para sa proyekto, at mas sulit na ang presyong nakukuha ng gobyerno. Nasa oras na ring magbayad ang gobyerno, kaya mas nae-engganyo ang mahuhusay na contractor na makiambag sa pagtatayo ng pambansang imprastruktura. Dahil sa tapat na pamamahala, 18.4 billion pesos na ang natitipid ng DPWH, na inilalaan para sa iba pang makabuluhang proyekto.

“Bilang halimbawa ng resulta ng mabuting pamamahala, tingnan natin ang Tagumbao Bridge sa Gerona, Tarlac. Sa totoo lang, Congressman pa lang po ako, iminungkahi ko na ito. May mga nasasakupan kasi tayong kailangan pang umikot ng dalawang bayan para tawirin ang umaapaw na ilog tuwing tag-ulan. Sabi ko nga po sa mga dating administrasyon: Sa inyo na ang buong PDAF ko, magawa lang ito. Pero wala pong nangyari. Lumawak lang ang idurugtong ng tulay dahil sa nababakbak na pampang.

"Kasalukuyan na po nating ginagawa ang Tagumbao Bridge. At heto po ang kuwento ngayong tayo na ang nagpapatupad nito: Nasa 334 million pesos ang aprubadong pondo; pero dahil sa tamang pangangasiwa’t tapat na paggugol, naibaba ito sa 226 million pesos. Suma-tutal, nakatipid tayo ng mahigit 108 million pesos nang hindi isinasakripisyo ang kalidad ng ipinapagawang tulay. At lalong maganda pa nga po, ang natipid na pondong ito ay magagamit sa pagpapagawa ng dike at river training works para sa Phase II ng proyekto.

“Dumako naman po tayo sa turismo. Ayon sa banyagang pahayagang Oriental Morning Post, the “Best Tourist Destination of 2012” tayo. Para namang na-inlove ang Shanghai Morning Post sa ating bansa, nang binansagan nila tayong “Most Romantic Destination of 2012.” Sabi naman ng Scuba Diving Magazine, “Best Diving Destination” ang Pilipinas. "Best Island" naman daw ang Palawan, kung tatanungin ang Travel + Leisure Magazine. Kulang na nga lang po ay tawagin na tayong paraiso.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi na po nakakapagtakang sa mauugong na papuring tulad nito, naitala natin noong 2012 ang 4.3 million tourist arrivals sa ating bansa—isang panibagong record high. 21.4 percent na po ang inilalago ng numerong ito mula nang pumasok tayo noong 2010, kung kailan nasa tinatayang 3.1 million na turista pa lang ang bumibisita sa atin. Pagdating naman sa ating domestic travelers, ang target natin dati para sa taong 2016 ay 35.5 million tourists. Pero nitong 2011 pa lamang po, nalampasan na natin ito sa 37.5 million. Ngayon, sa momentum nating ito, tiwala tayong maaabot ang bagong target na 56.1 million bago matapos ang 2016.

“Ang mas malakas na sektor ng turismo, manganganak ng mas maraming trabaho. Tinataya ng DOT na nakapag-ambag ang turismo ng 3.8 million na trabaho noong 2011. Ang totoo nga po, hindi lang mga lugar na may magagandang tanawin ang nakikinabang sa pagdayo ng turista, kundi pati ang mga karatig-bayang maituturing na tourism support communities: Ang mga lugar na pinanggagalingan ng pagkaing inihahanda sa mga resort, ng mga souvenir na ibinebenta, at ng iba pang mga produkto’t serbisyong nagsisilbing bukal ng kaunlaran para sa mga lalawigan.

“Malamang, narinig na rin po ninyo ang mga good news na lumapag kamakailan sa bansa. Noong Marso, inalis po ng International Civil Aviation Organization ang significant safety concerns na ipinataw sa Pilipinas. Bunga po ito ng mga reporma sa aviation industry upang siguruhing pasok sa pandaigdigang pamantayan ang aviation safety sa Pilipinas. Dahil po dito, sa wakas, noon lamang ika-sampu ng Hulyo, muli nang pinahintulutan ng European Union ang direktang paglipad ng ating flag carrier sa Europa.

“Isipin po ninyo, paano kaya kung dati pa inayos at pinalakas ang ating aviation industry? Di po ba’t sayang ang pagbisita ng mga turistang nawalan ng ganang dumalaw sa Pilipinas dahil dito? Naglahong trabaho, pondo, at oportunidad— ito ang resulta ng lumang sistema ng pamamahala.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya naman, simula’t sapul, nilabanan na natin ang katiwalian sa lahat ng antas ng pamahalaan at isinulong ang transpormasyon sa ating mga institusyon. Ang resulta: tunay na serbisyong pampubliko.

“Tingnan na lang po natin ang lalim ng transpormasyong nangyari sa mga GOCC. Ang dating mga kumpanya ng bayang inaambagan mo pa dahil sa pagkalugi, naghahatid na ng dibidendo ngayon. Gamitin po nating halimbawa ang Philippine Reclamation Authority. Sa loob ng labintatlong taon bago tayo dumating, ang suma-total ng dibidendo ng PRA: 676.82 million pesos. Sa tuwid na daan, para sa 2012 lamang, ang dibidendo nila: isang bilyong piso. Napakalaking transpormasyon, di po ba?

"Mabuting halimbawa rin ang Local Water Utilities Administration. Noong 2011, ang recorded net loss ng naturang GOCC: 950 million pesos. Pero dahil sa maayos na pangangasiwa, di lang nila nagawang balansehin ang kanilang mga libro; ayon sa kanilang report, umabot ang kanilang kabuuang kita sa 870 million pesos noong 2012. Dahil dito, nagawa nilang makapag-remit ng 365 million pesos sa pamahalaan para sa taong iyon.

“Isa pa pong halimbawa: Sa una kong SONA, isiniwalat natin ang kuwestyunableng kalakaran sa MWSS: patung-patong na bonus at allowance ang ibinigay sa sarili, sa kabila ng kapalpakan nilang tugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan. Ang ahensya na nga po ang nag-ulat: Umabot sa 34 million pesos ang pagkalugi ng MWSS noong 2010. Hindi ito katanggap-tanggap. Kaya noong 2011, pinirmahan natin ang GOCC Governance Act, na nagsisilbing saligan ng katapatan, kredibilidad, at pananagutan sa pamamalakad ng ating mga GOCC. Ang ibinunga nito: Noong 2011, 333 million pesos ang kinita ng MWSS. Noong 2012 naman po, ang kinita nila: Halos 2 bilyong piso. Kakambal nito, lumago rin ang kanilang dibidendo: mula sa 150 million pesos noong 2011, umakyat ito sa 345 million pesos para sa 2012. Nakakalungkot nga po, na kung ano ang lalim ng pagbabagong itinanim ng mga pinuno ng MWSS, iyon din naman ang dumi ng putik na ibinabato sa kanila ng mga gusto pa ring kumapit sa lumang sistema.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaakibat ng pagtaas ng kumpiyansa sa ating mabuting pamamahala, ang patuloy na pag-angat ng ating ekonomiya. Ang resulta: Dalawang magkasunod na ten-place jump sa Global Competitiveness Index ng World Economic Forum. Sa unang pagkakataon, nakuha natin ang investment grade status mula sa dalawa sa tatlong pinakatanyag na credit ratings agencies sa mundo, at hindi malayong sumunod ang ikatlo. Napanatili ang stabilidad ng presyo ng mga bilihin, at patuloy din ang pagbaba ng bahagi sa ating budget na pambayad-utang, at ang paglaki naman ng pondong nailalaan sa mga serbisyong panlipunan. Sa panahong matamlay ang pandaigdigang ekonomiya, nagpamalas tayo ng kahanga-hangang 6.8 percent GDP growth noong 2012. Nahigitan pa natin ito noong first quarter ng 2013, kung kailan naitala ang paglagong 7.8 percent—pinakamataas na recorded GDP sa Timog-Silangan, pati na sa Silangang Asya. Special mention po dapat ang 28.5 percent na ambag ng manufacturing sa inilaki ng ating ekonomiya. Inaasahan po nating aarangkada pa ang manufacturing sa mga darating na panahon.

“Tinagurian na po tayo ngayon bilang ’rising tiger,’ ayon sa World Bank; ’brightest spark,’ ayon sa pahayag ng Institute of Chartered Accountants in England and Wales, at iba pang mga bansag na tumutukoy sa transpormasyong nangyayari sa ating bansa. Mula sa matuwid na paggugol ng pondo, hanggang sa epektibong koleksyon ng buwis; mula sa pagpapaunlad ng imprastruktura hanggang sa maaliwalas nang pagnenegosyo na lumilikha ng trabaho, talaga namang malinaw ang pahayag natin sa mundo: kaya nang makipagsabayan ng Pilipinas sa agos ng kaunlaran.

"Hindi lang po sa ekonomiya o stadistika nakikita ang transpormasyon ng ating lipunan. Ngayon, alam na ng Pilipino: Mayaman ka man o mahirap, may kakilala sa poder o wala, kapag gumawa ka ng mali, mananagot ka. Tunay nang nakapiring ang katarungan. Hindi mababali ang atas ng ating mga Boss: Panagutin ang tiwali, at itama ang mali sa sistemang kaytagal nagpahirap sa ating bayan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pinapanagot na po natin ang dating namumuno ng TESDA dahil sangkot siya sa katakut-takot na tongpats sa ahensya. Halimbawa: Ang isang incubator jar, nagkakahalaga ng 149 pesos. Pero kay Ginoong Syjuco: 15,375 pesos. Ang normal na presyo ng dough cutter, 120 pesos. Ang presyo kay Ginoong Syjuco: 48,507 pesos. Linawin po natin, dough cutter ito, at hindi Hamilton Class Cutter. Baka nga po kapag hinarap na niya ang kasong isinampa ng Ombudsman, matuto nang magbilang itong si Ginoong Syjuco.

“Nakahabla po ang dating mga opisyal ng PAGCOR na naglustay ng 26.7 million pesos para lamang gumawa ng isang pelikula; nagsunog ng 186 million pesos para sa isang partylist; at nagawa pang gamitin na pampapogi sa kampanya ang rice donations na nakalaan sana para sa mga biktima ng kalamidad.

“Hinaharap na rin po ng mga dating pinuno ng PNP ang paratang ukol sa 131.6 million pesos na nawaldas para sa pitumpu’t limang depektibong rubber boat, at 104.99 million pesos para sa maanumalyang pagbili ng mga segunda-manong helicopter mula 2009 hanggang 2010. Mas mainam nga po kung masagot nila nang tama ang mga tanong ukol dito, nang matukoy natin kung may iba pang dapat managot.

“Sa usaping Cadavero, PDAF, MRT 3, at iba pa: Dahil hindi alam ng ilang kritiko ang ginagawa namin, palagay nila wala kaming ginagawa sa mga isyung ito. Kung wala pang tangan na datos ang gobyerno at ipagsigawan naming, "Iimbestigahan namin kayo," di ba’t para na rin naming sinabi sa mga kakasuhan na, "Itago mo na ang lahat ng ebidensya?" Kaya: tutungo tayo kung saan tayo ituro ng katotohanan; ebidensya ang magdidikta sa ating mga hakbang.

“Nang inihayag nating "walang wangwang," hindi lang natin binaklas ang mga sirena ng mga naghahari-harian sa kalsada; binungkal din natin ang kultura ng katiwalian na noo’y tila nakaugat na sa mga pampublikong institusyon.

“Pero magtapatan po tayo: Hanggang ngayon, may ilan pa ring ahensya ng gobyerno na ayaw yata talagang tumino. Nakakadismaya po ang lalim at ang pagsasanga-sanga ng kanilang mga galamay sa ating burukrasya; malingat lang tayo, pihadong may aabusuhin at bibiktimahin na naman sila. Magpangalan na po tayo: sa Bureau of Immigration, paulit-ulit nating pinagsabihang ayusin ang pagbabantay sa ating mga daungan at paliparan. Pero paanong nakalabas ng bansa ang magkapatid na Joel at Mario Reyes, ang mga pangunahing suspek sa pagpaslang kay Gerry Ortega? Bakit nangyari pa rin na kitang-kita sa mismong CCTV ang pagtakas ng Koreano na si Park Sungjun? Wanted po siya sa Korea, at nanghingi ng tulong ang kanyang gobyerno upang hulihin siya. Anong mukha naman po ang ihaharap natin gayong mismong mga kawani ng ating gobyerno ang hinayaan siyang makatakas?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nakakatuyo din po ng pasensya ang kultura ng "pwede na" sa NIA. Imbes na maglatag ng plano para sa mga bagong patubig, kuntento na sila sa paulit-ulit na rehabilitasyon ng mga irigasyon. Masabi lang na may nagawa, kahit puro patsi-patsing trabaho, masaya na sila. Noon nga pong kanilang anibersaryo, itinanong ko kung bakit nasa 60 percent lang ng kanilang target ang naabot noong 2012, kung umabot na sila sa 87 percent noong 2011. Kinabukasan, nagkita kami ng kanilang pinuno sa NEDA Board meeting. Ang palusot niya, 40 percent daw po kasi ng target nila ay nasa Mindanao, at tinamaan ng bagyong Pablo. Kailan po ba tumama ang Pablo? Noong unang linggo ng Disyembre. Ibig sabihin, binalak niyang tapusin ang 40 percent ng kanyang trabaho para sa taon, sa loob lamang ng tatlong linggo. Hindi po natin kailangan ng ganitong uri ng pamamahala sa loob ng burukrasya.

“Para namang nakikipagtagisan sa kapalpakan itong Bureau of Customs. Imbes na maningil ng tamang buwis at pigilan ang kontrabando, parang walang pakundangan ang pagpapalusot nila ng kalakal, pati na ng ilegal na droga, armas, at iba pa sa ating teritoryo. Tinataya nga po ng Department of Finance na mahigit 200 billion pesos ang kita na dumudulas lang at hindi napupunta sa kaban ng bayan. Saan po kaya kumukuha ng kapal ng mukha ang mga kawani sa ahensyang ito? Kulang na lang ay sabihin nilang, "Wala akong pakialam kung mapunta sa masasamang loob ang armas; wala akong pakialam kung ilang buhay ang masira ng droga; wala akong pakialam kung habambuhay na matigang ang mga sakahan. Ang mahalaga, yumaman ako; bahala ka sa buhay mo." Hindi maaaring ganito ang kalakaran sa pamahalaan. Kung hindi mo nagagawa ang iyong trabaho, hindi ka karapat-dapat na manatili sa pwesto.

"Kung matino kang kawani ng BI, ng NIA, ng Customs, o ng kahit ano pang ahensya ng gobyerno, sana makiambag ka pa lalo. Hindi sapat na yumuko sa loob ng cubicle; bahagi ng trabaho mo ang pagpigil sa mali. Nasa tama kayo, kaya’t huwag po kayong magtago; padaliin ninyo ang pagnanais kong mahanap kayo; paaangatin ko kayo nang paaangatin upang ibandila ang inyong mabuting ehemplo, at mabago na ang maling kultura sa inyong mga ahensya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At para naman po sa mga kawaning walang balak tumalikod sa kulturang wangwang: Tapos na ang pakikiusap. Nagkaroon kayo ng tatlong taon para ipakitang handa kayong umayos; ngayon, hahanapin ko kayong lahat; ngayon, pasensyahan tayo.

"Isabay na rin po natin sa pagbabago ang mga tiwaling CESO. Panahon pa lang po ng nanay ko, narinig ko na ang hirit na, “Ano ngayon kung utos ng Malacañang? Anim na taon lang naman kayo diyan.” Kailangan pong itama ang ganitong klaseng pag-iisip. Nananawagan po ako sa Kongreso: suriin natin ang ating Civil Service Code at PD 1, upang maisaayos ito sa lalong madaling panahon. Suportado ko ang pagbuo ng mekanismong magbabalik sa dangal ng serbisyo-publiko; na tanging mga tapat, mahuhusay at may prinsipyong mga lingkod-bayan lamang ang maaaring makapasok at manatili sa gobyerno.

“Ngayon naman po, hayaan natin ang ating mga kababayang magpahayag ng transpormasyong nangyayari sa lipunan:

[Videos shown]

“Ni minsan, hindi naman nagkulang ang bansa natin ng mga taong handang manindigan at lumaban, kahit gaano pa kalaki ang mga pagsubok sa kaniyang harapan. Nariyan ang tapang na ipinamalas ni Commodore Ramon Alcaraz noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Lulan ng isang Q-Boat na yari sa kahoy, sinagupa niya ang siyam na Zero fighter ng hapon, na itinuturing noon na isa sa pinakamodernong eroplano; tatlo nito ang napabagsak niya. Ang totoo nga po, tuluy-tuloy pa rin siyang lalaban, kung hindi pa ang sarili niyang mga pinuno ang nag-atas sa kanyang sumuko. Ang kagitingang ito ang araw-araw ding ipinapamalas ng mga sundalo nating nagtatanod sa mga pinakaliblib na kabundukan, at sa pinakamalalayo nating isla; mga kawal na tinitiis ang layo sa pamilya, at taas-noong naninindigan sa sinumang sumusubok sa ating soberanya. Hindi rin po kalabisang isiping ang mga tagumpay natin sa tuwid na daan ay maaaring pangarap pa rin hanggang ngayon kung wala ang mga miyembro ng ating Gabinete. Nang inalok ko silang maging bahagi ng ating pamahalaan, alam nilang hindi magiging madali ang kanilang trabaho. Subalit maituturing na biyaya na tinanggap nila ang hamon, nanumpa silang tutulong sa transpormasyon, at simula’t sapul, araw-araw silang nagsasakripisyo upang hindi masayang ang pribilehiyong paglingkuran kayo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“May mga katulad ni Kalihim Albert del Rosario. Kung ibabase sa tradisyon, ang unang opisyal na biyahe sa labas ng Pilipinas ng isang kalihim ay sa mga bansang may matibay at mapayapa tayong ugnayan. Ngunit pagkatapos niyang manumpa bilang Foreign Affairs Secretary, kumuha lang yata ng pambihis, lumipad agad si Secretary del Rosario patungong Libya; dumaan sa mahigit dalawampung checkpoint sa gitna ng putukan, at pinamunuan ang paglikas ng mahigit dalawampung libong Pilipino na naipit sa kaguluhan sa Libya. Baka po magulat kayo pag narinig ninyo kung taga-saang bansa ang mga banyagang nakiangkas pa sa ating paglilikas. Iba na nga po ang Pilipinas ngayon: Imbes na tayo lang ang tulungan, ngayon, kaya na rin nating tumulong.

“Kung tutuusin, maaari namang tanggihan ni Secretary Albert ang pagtatrabaho sa gobyerno. Isa siyang respetado’t matagumpay na negosyante, at tiyak na mas magiging komportable siya sa pribadong buhay. Dati na rin po siyang nakiambag bilang ambassador sa Amerika. Puwede naman siyang nadismaya nang pababain siya sa puwesto, dahil tinutulan niya ang pagdeklara ng State of Emergency ng nakaraang administrasyon noong 2006. Pero tinawag po natin siya para bumalik, at tumugon siya. Ngayon po, nagbibigay siya ng mas malaki pang ambag bilang kalihim. Handa niyang ilagay ang sarili sa panganib, dahil alam niyang walang ibang sasaklolo sa Pilipino kundi ang kapwa rin Pilipino. Sa patuloy mong paninindigan para sa ating karapatan, saludo po ako sa inyo, Secretary Albert del Rosario.

“Transpormasyon din po ang dulot ng inspirasyong hatid ng matitinong lingkod-bayan. Nagluksa ang milyun-milyong Pilipino sa pagpanaw ni Jesse Robredo. Sa loob ng halos dalawang dekada, namuno siya nang may husay, malasakit, at pagpapakumbaba sa Naga. Ang mga prinsipyong ito nga mismo ang dahilan kung bakit hiniram natin siya mula kay Congresswoman Leni, sa tatlo nilang mga anak, at sa mga Nagueño, upang maging bahagi ng ating Gabinete. Kaya nga po, matapos ang trahedya, isa na siguro sa pinakamahirap na tungkuling ginampanan ko ang paghahatid ng balita kina Leni.
Bukod sa pagluluksa, hindi ko maiwasang sisihin ang sarili ko dahil sa sinapit ni Jesse. Baka kung hindi ko siya hinikayat mapabilang sa Gabinete, buhay pa siya ngayon. Baka kung nanatili na lamang siya sa Naga, kapiling pa natin siya. Baka may isa pa ring Jesse Robredo na naglilingkod ngayon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Subalit sa isang banda, alam kong hindi hahayaan ni Jesse na tumigil sa kanya ang pagbabago at pagtutuwid ng lipunan. Nabigyan lamang ako, at nabigyan din lamang si Jesse, ng pagkakataong maglingkod sa bansa dahil sa inyo. Hindi nag-iisa ang mukha ng pagbabago. Hindi na aabutin pa ng isandaang taon bago isilang ang susunod na mabuting tao, bago tumindig ang susunod na mabuting Pilipino.

“May mga nagtatanong nga po lagi sa akin: Paano na sa 2016? Paano pag bumaba ka na? Tapos na rin ba ang tapat na pamamahala? Tapos na ba ang tuwid na daan?

“Mga Boss, isipin nga po natin: Saan ba tayo nagmula? Kung may agam-agam kayo ngayon, ano ba naman ito kumpara sa agam-agam natin noong 2010? Di ba’t masaya na tayo noon na tapos na ang panahon ng kadiliman? Di ba’t noon, sapat nang mapalitan ang mga nasa kapangyarihan?

“Ngayon, tinatamasa na natin ang pagbabago. Mula ito sa mga butil ng malasakit, ng pakikipagkapwa, ng pagkakawang-gawa; nanggaling ito sa milyun-milyong Pilipinong kahit sa pinakapayak na paraan, ay nagkusang makiambag sa transpormasyon ng bansa.

“Sa pag-aambagang ito, tingnan ninyo ang ating narating: May nakaisip bang magiging abot-kamay na ang kapayapaan sa rehiyong apatnapung taon nang pinupunit ng hidwaan? Di ba’t gawa ito ng mga Morong handang magbaba ng armas at sinabing, halika, mag-usap na tayo, nagtitiwala ako? Di ba’t gawa ito ng karaniwang mamamayang nagsabing, Kapatid, pareho tayong Pilipino, tama na ang gulo?

“Nang unang iminungkahi ang Pantawid Pamilya, nariyan ang tanong: Paanong maaabot ang kailangan nitong epekto; nasaan ang pondo para masaklaw ang lahat ng maralitang Pilipino? May nag-akala bang, matapos lamang ang tatlong taon, aabot sa halos apat na milyong kabahayan ang magiging benepisyaryo nito? At di ba’t sila rin—ang bawat inang gumigising nang maaga para ipaghanda ang anak niyang papasok sa eskuwela, ang bawat batang nag-aaral nang mabuti—di ba’t sila rin ang nakiambag at patuloy na nakikiambag para magtagumpay ang programang ito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“May nag-akala bang mula sa pag-aangkat ng milyun-milyong toneladang bigas, sa pagtatapos pa lang ng 2012 ay 94 percent rice self-sufficient na tayo? May nag-akala bang ang dating “Sick Man of Asia,” sa loob lamang ng tatlong taon ng tapat na pamamahala, nasa investment grade status na? Sino nga po ba ang nag-isip na maipapatupad ang lahat ng serbisyong panlipunan natin ngayon, nang di nagtataas ng buwis maliban sa Sin Tax? Di ba’t nakiambag dito ang bawat accountant, doktor, abugado, na ngayon ay nagbabayad na ng tamang buwis? Di ba’t nakiambag tayong lahat dito?

“May puwang pa ba para sa mga agam-agam? Ngayon pa bang natutupad na ang mga dating ni hindi natin magawang pangarapin, ngayon pa bang nakausad na tayo, at abot-kamay na ang ating mga hangarin-- Boss, ngayon pa ba tayo magdududa?

“Sa bawat Pilipinong nagtitiwala sa kapangyarihan ng maliliit na anyo ng kabutihan: Kayo nga po ang gumawa ng pagbabago. SONA po ninyo ito.

“Sa bawat gurong bumabangon nang madaling-araw para magturo sa kanayunan: SONA mo ito. Sa bawat pulis na nagsilbi at hindi nanghingi ng kapalit: SONA mo ito.

“Sa mga hindi panatag sa listahan ng mga tatakbo sa halalan, at kinatok ang kapitbahay para sabihing,’Huwag tayong makuntento, magtulungan tayong humanap ng karapat-dapat na pinuno,’ SONA mo ito.

“Sa bawat estudyanteng mulat sa mga napapanahong isyu sa lipunan, at sa halip na magreklamo lang sa Facebook ay nagmumungkahi ng solusyon: SONA mo ito.

“Kay Brigadier General Ramon Mateo Dizon, paretirong pinuno ng Presidential Security Group, na kasama ko na noon pa, laban sa mga kudeta noong panahon ng nanay ko: Hanggang sa aking pagkapangulo, pinangalagaan mo ang seguridad ko, pati na ng personal at opisyal kong pamilya. Buong kumpiyansa akong pumunta, sa ibang bansa man o sa mga liblib na sulok ng Pilipinas. Chito, nakiambag ka rin sa pagbabago; tunay kang tapat sa watawat, sa Saligang Batas, at sa sambayanang Pilipino. Siyempre, kung di ka inalalayan ng iyong butihing maybahay na si Jo-ann, hindi mo naabot ang iyong mga tagumpay. SONA rin ninyo ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At sa lahat ng mga gumising sa nagtutulug-tulugan, sa mga nagmulat sa mga nagbubulag-bulagan, sa mga kumalampag sa mga nagbibingi-bingihan: SONA ninyo ito.

“Mahaba pa ang ating lalakbayin, at hindi natin kailanman sinabing madali o walang mga hadlang sa landas na ito. Subalit wala akong duda sa kakayahan nating lampasan ang anumang barikada. Hindi tsamba ang mga tagumpay na tinatamasa natin ngayon; huwag tayong papayag na maging panandalian lamang ang transpormasyon. Samantalahin natin ang pagkakataon upang gawing permanente ang pagbabago.

“Ito po ang ating ikaapat na SONA. Noong ako’y Congressman, ang mga taga-Tarlac ang aking lakas; nang ako’y maging Senador, at hanggang ngayon, sa aking pagkapangulo, nariyan ang sambayanan—Pilipinas, kayo ang aking lakas. Sa patuloy nating pag-aambagan at pananalig sa kapwa at sa Maykapal, sinasabi ko po sa inyo: Kayo pa rin ang sisigurong magpapatuloy ang ating nasimulan; kayo ang sisigurong mabubura na nang tuluyan ang mga mukha ng katiwalian; kayo ang sisigurong hinding-hindi na tayo muling lilihis sa tuwid na daan.

“Sinabi po sa akin dati: Noynoy, simulan mo lang. Sinimulan nga po natin, at ngayon, kitang-kita na ang layo ng ating narating. Ngayon, Pilipino, ituloy natin ang pagkakapit-bisig, sabay nating arugain, pabilisin, at palawakin ang transpormasyon ng lipunan. Ako po si Noynoy Aquino; ipinagmamalaki ko sa buong mundo: Pilipino ako. Napakasarap maging Pilipino sa panahong ito.

“Maraming salamat po."

(PART 1: Full transcript of President Noynoy Aquino’s fourth State of the Nation Address: the transformation continues)

(PART 2: Full transcript of President Noynoy Aquino’s fourth State of the Nation Address: the citizens’ role)


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN