Angelica Panganiban on being accepted by John Lloyd Cruz’s family: “Masarap sa pakiramdam na ganoon nila ako katanggap.”

Inamin ni Angelica Panganiban na hanggang ngayon ay fan pa rin siya ng kasintahan niyang si John Lloyd Cruz. Sabi ng aktres, "Kapag nga napapanood ko siya, kahit nga commercial niya, ako yung, ‘Ay…’ Ganun… basta, palagi niya akong nasu-surprise and, I’m sure, ganoon ang nararamdaman ng mga fans niya. Hindi na siguro mawawala yun—yung paghanga ko sa kanya.”


Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Angelica Panganiban sa taping ng Banana Split sa Music Museum noong Martes ng gabi, July 23.

Halata sa aura ng Kapamilya actress na masaya siya ngayon.

Kagagaling lang niya sa bakasyon at sinorpresa siya ng boyfriend niyang si John Lloyd Cruz nang sumunod ito sa kanilang magkakaibigan.

Biro nga namin kay Angelica, mukhang hindi na sila nagpapaapekto ni John Lloyd kapag may mga naninira o nang-iintriga sa kanila.

“Napagod na rin sila,” nakangiti niyang sabi.

“At saka, in fairness naman, mukha namang mas maraming masaya sa amin.

“Hindi lang talaga siguro maalis ang mga taong mambubuwisit talaga, mang-aasar, di ba?”

CONTENTMENT. Sa hiwalay na panayam ng PEP sa co-star ni Angelica sa Banana Split na si John Prats, inilarawan nito ang kanyang buhay ngayon bilang “kuntento.”

Maia-apply rin ba ni Angelica ang salitang yun sa kanyang buhay ngayon?

Tugon ng aktres, “Sa buhay ko? Masyadong big word ang salitang kuntento, e. Parang wala ka nang mahihiling pa sa ibang aspeto ng buhay mo.

“Siguro, pagdating sa buhay pag-ibig, siyempre masaya kami kung nasaan kami ngayon.

“Pero, hindi ko naman sasabihin na kuntento ako as a person, sa pangkalahatan.

“Siyempre, meron ka pa rin konting struggles every day, meron pa rin namang mga konting pagsubok na ibinibigay sa ‘yo.

“Mahirap naman kung wala, parang wala nang excitement, di ba?

“Baka naman kunin na ako ni Lord, sabihin Niya, ‘Sobrang happy ka na, halika na!’” natatawang sabi niya.

Hindi man daw niya magamit pa ang salitang "kuntento," pero walang duda na masaya siya ngayon lalo na pagdating sa kanyang lovelife.

Sabi ni Angelica, “Oo naman, pagdating sa aspeto ng lovelife, e, talaga namang masayang-masaya ako.

“Siguro, yung happiness mo, umiikot yun sa nakikita mo sa partner mo. Na alam mong masayang-masaya siya sa ‘yo.”



JOHN LLOYD’S FAMILY. Hindi naman sa pagkukumpara sa mga nakaraang karelasyon ni John Lloyd, marami ang nagsasabing mahal siya o palagay sa kanya ang pamilya ng aktor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Masaya naman ako,” sambit ni Angelica.

“At talagang isa naman yun sa ipinagpapasalamat ko sa samahan naming dalawa dahil talagang hindi ko mawari.

“Bakit parang ang sarap-sarap sa pakiramdam na talagang tanggap ako with open arms. Na parang wala… hindi ako nahirapan na pumasok sa mundo nila.

“Parang unang araw pa lang e masaya na nila akong winelcome.

“Siguro, dahil na rin sa ugali. Hindi naman sila yung medyo pasosyal. Yung sobrang… yung lifestyle nila, hindi mo iisipin na ang tataas na nila.

“Sobrang humble nilang mga tao. Sobrang humble ng buong pamilya nila.

“At puwede mo silang dalhin kahit saan at, kumbaga, ganoon din nila akong nakita. Wala namang pretensiyon.

“Kumbaga, hindi naman ako nag-bestida noong una akong ipinakilala.

“So, kumbaga, tanggap na tanggap.

“Kapag wala nga siya [John Lloyd], nagugulat pa siya na ako ang kasama ng pamilya niya, kami ang lalabas.

“Masarap sa pakiramdam na ganoon nila ako katanggap.”



ANGELICA’S DAD. Noong 2010 ay nakilala na ni Angelica ang kanyang biological father—si Mark Charlson, isang Amerikano.

Hindi pa man daw sila mag-boyfriend ni John Lloyd ay naipakilala na ni Angelica ang aktor sa kanyang tunay na ama.

Kuwento niya, “Nakilala na niya noon, noon pang may tour kami, pero hindi bilang boyfriend ko.

“Natatandaan niya. Kapag nag-uusap kami ng daddy ko, kakamustahin niya, ganyan. Tapos, i-regards ko raw siya.”

Wala ba siyang planong dalawin muli ang ama at ipakilala si John Lloyd bilang boyfriend na niya ngayon?

Sabi ni Angelica, “Meron, kaya lang hindi kasi yun Asia.

“Ang Asia ang pinakamabilis planuhin. E, kapag Amerika, kulang ang dalawang linggo.

“Kung makakakuha kami ng bakasyon, sana November, di ba? Para birthday ko.

“Kumbaga, makapag-celebrate ako ng unang birthday ko na kasama ang daddy ko at makilala rin niya [si John Lloyd].”



NO ONSCREEN PAIRING. Pagdating naman sa pagiging onscreen partners, parang hindi pa raw nakikita ni Angelica na umaarte sila ni John Lloyd sa harapan ng kamera.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi ko pa rin mawari na kaming dalawa.

“Pagkatapos nga noong shoot namin sa Vietnam, may one day shooting pa kami, hirap na hirap kami,” pagtukoy niya sa shooting nila para sa pelikulang 24/7 In Love noong isang taon.

Dagdag ni Angelica, “Siyempre, naiilang ka, tapos masyadong… there’s too much familiarity sa isa’t isa para umarte kayo. Para magpanggap kayo na mga ibang tao.

“At saka, kahit naman dati, noong hindi pa kami, may nag-o-offer sa amin na project, ako yung parang, ‘Oh, my god, kaya ko ba siyang makasama?’ Yung ganun.

“Kasi, parang sobrang galing niyang artista. Lahat ng pelikula niya, pinanood ko.”

Sinabi namin kay Angelica na magaling din naman siyang aktres.

“E, siyempre, hindi ko naman bubuhatin ang sarili kong bangko, di ba?” natawang sabi niya.

“Lahat naman ng artista, may kanya-kanya… kumbaga, ako, alam ko, kapag nakakasalubong ko siya, nai-starstruck ako.

“Kaya nga ngayon, kapag nagkukuwentuhan kami, parang alam ko kung kailan ko siya palaging nakikita.

“Yung ganyan… kapag napag-uusapan dahil nga fan na fan niya ako.”

Hanggang ngayon, fan pa rin siya ni John Lloyd?

Sagot ni Angelica, “Oo, kapag nga napapanood ko siya, kahit nga commercial niya, ako yung, ‘Ay…’

“Ganun… basta, palagi niya akong nasu-surprise and, I’m sure, ganoon ang nararamdaman ng mga fans niya.

“Hindi na siguro mawawala yun—yung paghanga ko sa kanya.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN