Bugoy Cariño reveals crushes: "Sina Ate Angel Locsin, sina Ate Kathryn Bernardo.”

Malaking ginhawa sa pamilya ang nagawa ng pag-aartista ni Bugoy Cariño. Kuwento niya: “Nakatulong na ako sa kanila, ’tapos ngayon po, mas kumportable na kami, hindi na kami nagbibiyahe. Kasi, dati po, nagbibiyahe lang kami sa mga bus.”


May kinalaman sa mga bangkay ang bagong pelikulang pinagbibidahan ng Goin’ Bulilit kid na si Bugoy Cariño.

Sinu-shoot ngayon ni Bugoy ang pelikulang Morgue sa ilalim ng direksiyon ni Joven Tan.

Ikalawang horror movie na ito ni Bugoy. Ang una niya ay ang Shake, Rattle & Roll 13, "Tamawo" episode.

Sa Morgue naman, isang bata na madalas mapagalitan, mapalo, at mabugbog ng kanyang ama, ang papel ni Bugoy.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Bugoy sa unang araw ng shooting niya sa isang bahay sa Marikina.

“Takot po ako!” natatawang pag-amin niya agad.

Kailan lang ay nanalo siya ng Best Supporting Actor award para sa pelikula niyang Alagwa kasama si Jericho Rosales sa nakaraang 1st Asean International Film Festival Awards na ginanap sa Malaysia.

Kuwento niya, “Masaya po ako, siyempre naman po.

“Hindi ko ine-expect na ganito na ’ko kasikat ’tapos, tuluy-tuloy pa po ang work ko.

“Masaya ako. Kasi po, parang palagi kayong nakikita sa TV, palagi kang nakikita sa mga movies.

“So, parang lalo pa po kayong sumisikat, mas nakikilala pa po kayo sa ibang bansa.”

Nang tanungin siya ng PEP kung sa Morgue kaya, posible siyang manalo ng award, mabilis niyang sagot, “Opo!”

Mabibigat na ba ang mga kinuhanang eksena sa kanya?

“Opo, puro po iyak, at saka, magaling ang director namin—award-winning din po.”

POPULAR KID. Ramdam niya talaga na sikat na nga siya?

“Hindi naman po, pero, marami na rin pong nagpapa-picture sa akin at nagpapa-autograph.”

Masasabi ba niyang nakatulong ang pananalo niya ng award?

“Opo,” mabilis niyang sagot.

“Doon po ako unang nakilala at mas sumikat, siguro po, mga five na po ang napapanalunan ko. Pinaka-best po yung sa Malaysia.

“Kasi, malalaki po ang mga kalaban ko, hindi ko po naisip na mananalo ako, kasi po, si Kuya Echo ang kumuha ng trophy ko.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagsisi ba siya na hindi siya nakapunta sa awards night?

“Opo, pero, napanood ko naman po sa Internet nang live—na-search po namin,” nakangiting sabi niya.

“Pero si Kuya Echo [Jericho Rosales] po, sa sobrang tuwa niya, niregaluhan po niya ’ko.”

Sa kanila sa Goin’ Bulilit, siya ba ang pinakasikat?

“Hindi naman po, marami naman pong sikat doon, tulad ni Mutya Orquia, Clarence Delgado, marami pa pong iba.”

SHOWBIZ CRUSH. Sampung taon lang si Bugoy kaya wala raw siyang crush na kaedad niya, pero ang balita, playboy raw siya.

“Hindi po,” natatawa niyang tanggi.

“At saka, ang mga crush ko po, matatanda na rin…sina Ate Angel Locsin, sina Ate Kathryn Bernardo.”

Bakit naman sila ang crush niya?

“Ewan ko po? Kasi, sila po ang type ko.

“Kasi, si Ate Angel, mabait, maganda at saka, masarap siyang kausap, hindi ka mabo-boring.

“Si Ate Kathryn naman po, mabait din, ’tapos maganda rin siya, palaging nakikipaglaro.”

Sa mga kasamahan niya sa Goin’ Bulilit, wala ba siyang crush?

“Wala po, hindi po ako mahilig,” sabay nangiti ito.

Sa mga hindi nakakaalam, bago mag-artista si Bugoy, isa siyang dancer at marami na siyang nasalihang dance contest.

Sa mga dancers, si Vhong Navarro ang idol niya.

Aniya, “E, kasi po, magaling po siyang sumayaw, may album din po siya ’tapos, umaarte rin.

“Pero sa drama po, ang gusto ko po, si Kuya Coco [Martin].”

Gusto ba niyang mag-artista habang buhay?

“Hindi naman po. Kasi, gusto ko rin pong makatapos ng pag-aaral ko.

“Hindi naman po habang-buhay. Kasi ang pag-aaral, puwede rin kayong mag-aral kahit matanda na kayo.”

INVESTMENTS. Sa Cavite pa rin umuuwi si Bugoy at nang tanungin kung saan sa Cavite umuuwi ang Kapamilya , natawa ito sa pagsasabing, “Sa kabila—sa GMA, Cavite.”

Sa edad na sampung taon, nakapagpundar na si Bugoy ng sariling bahay at nakabili na rin siya ng sasakyan niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Plano naman daw niya na magpatayo ng mga apartment.

“Gusto ko po talaga, apartment, kasi, kapag lumaki ako, hindi na ako artista, may pera pa rin ako.”

Ano ang pakiramdam niya na sa batang edad, nakapagpundar na siya ng bahay at sasakyan?

Tugon ni Bugoy, “Siyempre po, masaya.

“Nakatulong na ako sa kanila, ’tapos ngayon po, mas kumportable na kami, hindi na kami nagbibiyahe.

“Kasi, dati po, nagbibiyahe lang kami sa mga bus. Ganoon po.”

Bakit parang matured na siyang mag-isip?

“Hindi ko nga rin po alam. Madalas din po nilang sabihin sa akin yun.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN