Barbie Forteza gets surprise call from crush Dennis Trillo on her 16th birthday

Ngayong 16 na si Barbie Forteza, puwede na ba siyang tumanggap ng manliliagaw? Sagot ng Kapuso teen actress, “Actually, allowed na po akong magkaroon ng boyfriend. Ako lang po talaga yung medyo ayaw pa sa ganun. Hindi ko po talaga priority ang magkaroon ng boyfriend.”


Kakaibang saya raw ang naidudulot sa Anna Karenina star at GMA Artist Center (GMAAC) talent na si Barbie Forteza ng ginagawa niyang charity work bilang bahagi ng selebrasyon ng kanyang kaarawan tuwing Hulyo 31.

Kaya nga sa kanyang ika-16 kaarawan ngayong taon ay muling napili ni Barbie, sa ikalawang pagkakataon, na gawin ang kanyang charity work sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC) sa Quezon Avenue, Quezon City kahapon, Agosto 6.

Katulong ni Barbie sa pag-organisa ng event na ito ang GMAAC at ng iniendorso niyang BNY Jeans.

Gusto ni Barbie na sa kanyang simpleng paraan ay mapasaya niya ang mga batang may sakit sa naturang ospital.

Bukod sa mga palaro at handog na kasiyahan ng Kapuso young actress para sa mga bata ay siya pa mismo ang namigay ng pagkain sa mga ito pati na rin ng giveaways.

Wala ring kapagurang nakipaglaro at nakipag-picture taking si Barbie sa mga bata.

“Ang sarap po sa pakiramdam na kahit papaano ay nakakapagbigay ako ng saya at tuwa, hindi lang sa mga bata kundi pati sa mga magulang nila.

“Kung kaya ko lang tanggalin dahil sa charity work na ito yung sakit nila, gagawin ko.

“Pero dahil hanggang sa pag-entertain lang yung kaya ko, ibibigay ko yung best ko para mapasaya ko sila,” sabi ni Barbie nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Dahil nga pangalawang taon na niyang gawin ito, posible bang taun-taon na ito?

“Sana po, kung mapagbibigyan gusto ko sana na ito na yung maging regular charity work ko tuwing birthday ko.”



SURPRISE PARTY. Bukod sa charity work sa PCMC, isang surprise birthday party rin ang ibinigay kay Barbie ng GMAAC at ng kanyang sponsors.

Kuwento ni Barbie, “Noong August 1, Thursday, sa Luxent Hotel po. Ang sinabi po sa akin may party po kaming a-attend-an.

“Pero ang sosyal po nung hotel na yun kaya hindi ko po inaasahan, hindi ko po inisip na para sa akin yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Tapos punung-puno ng camera nung pagpasok ko lang. Tapos nakita ko yung mukha ko nakasalampak doon sa stage, tapos tumugtog na yung ‘Happy Birthday,’ kaya talagang nagulat ako.

“Hindi ko agad inisip.”

Memorable daw ito kay Barbie dahil ito ang first surprise party na ginawa para sa birthday niya.



DERRICK MONASTERIO. Inamin naman ni Barbie na ang ka-loveteam niya sa Anna Karenina na si Derrick Monasterio ang unang nagbigay ng regalo sa kanya mula sa mga taga-showbiz.

“Kasi po nakita ko na po yung regalo niya sa cell phone niya, so hindi na niya naisikreto sa akin!” natatawang sabi ni Barbie.

“Kaya noong July 29, naibigay na namin yung regalo namin sa isa’t isa.”

Nag-birthday naman si Derrick noong August 1 kaya parang nag-exchange gift ang magka-loveteam.

Ano ang regalo ni Derrick sa kanya?

“Ano po, charm bracelet.”

Ano naman ang iniregalo niya kay Derrick?

“Belt po na Armani.”

Last year din ay nagbigayan ng regalo sa isa’t isa ang dalawa—jacket at flowers para kay Barbie at relo naman para kay Derrick.

Pero kahit daw nagbigayan sila ng regalo, wala raw romantikong relasyon na nabubuo sa pagitan nila. "Good friends" lang daw talaga sila.

Hindi ba siya niligawan ni Derrick?

Sagot ni Barbie, “Hindi po, hindi talaga.

“At saka masaya naman kami sa company ng bawat isa. Kaya hindi naman namin kailangang i-make sure na i-level up pa yung samahan namin.”



DENNIS TRILLO. Kung meron man daw nagpakilig kay Barbie noong birthday niya, ito ay ang pagtawag at pagbati sa kanya ng crush niyang si Dennis Trillo.

Sabi ni Barbie, “Nagulat po ako kasi naalala niya yung birthday ko. Binati niya po ako nung birthday ko. Tumawag po siya sa akin.”

Paano naman nalaman ni Dennis ang number niya?

“Kasi po merong staff ng My Husband’s Lover [ang seryeng pinagbibidahan ni Dennis sa GMA-7], dati pong staff ng Luna Blanca [ang seryeng pinagbidahan noon ni Barbie]. Tapos nagbigay po kami ng yema kay Sir Dennis.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Tapos bigla na lang po akong tinext ni Sir Dennis, nag-thank you po siya.

“Tapos, yun nga po, naalala niya yung birthday ko. Tumawag po siya nung dinner time.”

Kinilig ba siya?

“Opo naman kasi ano siya, e… higit pa siya sa foreign celebrity idols ko.

“Talagang dream come true na makuha ko yung number niya. Tapos i-greet niya ako sa mismong birthday ko, maalala niya yung birthday ko.”

Ano naman ang sinabi ni Dennis sa kanya?

“Sabi niya, ‘Tumawag lang ako para batiin ka ng happy birthday. Mag-ingat ka lagi.’ Yun po.”

Kung may wish pa nga raw si Barbie, ito ay ang makatrabaho si Dennis sa isang teleserye o pelikula.

“Baka naman po sabihin ng network na masyado na akong demanding,” biro niya.

“Pero kung bibigyan po ako ng chance, yun po talaga yung isa sa mga dream ko na gusto kong matupad—yung makatrabaho ko po si Sir Dennis.”



ALLOWED TO TAKE SUITORS. Ngayong “sweet 16” na siya, pinapayagan na ba siya ng parents niya na magpaligaw?

“Actually, allowed na naman po ako [tumanggap ng ligaw],” sabi ni Barbie.

Pero personal decision daw niya na huwag munang magka-boyfriend.

“Actually, allowed na po akong magkaroon ng boyfriend. Ako lang po talaga yung medyo ayaw pa sa ganun.

“Hindi ko po talaga priority ang magkaroon ng boyfriend,” sabi niya.



ANNA KARENINA. Family at career daw kasi ang priority ni Barbie ngayon.

Natutuwa nga siya dahil patuloy na namamayagpag sa Mega Manila ratings ang pinagbibidahan niyang primetime teleserye sa GMA-7, along with Joyce Ching at Krystal Reyes, ang Anna KareNina.

Ang ginagampanan niya ngang karakter na si Karen ang madalas daw na itawag ng mga tao sa kanya ngayon. Kaya labis ang pasasalamat niya sa mga patuloy na sumusubaybay sa kanilang serye.

Marami pa raw dapat abangan sa serye lalo na’t patuloy na nadadagdagan ang mga rebelasyon sa istorya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Malalaman na kadugo ni Nina [Joyce] si Abel [Neil Ryan Sese].

“So, magkakaroon ng malaking hinala na siya talaga ang tunay na Anna Karenina.

“So, abangan n’yo na lang po kung ano ang mangyayari sa amin ni Anna [Krystal]. Kung makakaroon ulit ng conflict yung ganung revelation sa aming tatlo.”

Kumusta naman ang samahan nila sa set?

“Sobrang light, sobrang enjoy, kasi kung ano po yung ikina-intense ng istorya, yun po ang ikina-light ng bonding naming lahat, hindi lang sa aming tatlo.

“Kaya nakakatuwang mag-taping kasi walang pressure, walang stress,” sabi ni Barbie.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN