Randy Santiago on Raymart-Claudine issue: “Kung ayaw n’yo na talaga, e, di huwag na, di ba? Pero para magsiraan kayo, huwag naman.”

“Makaka-recover siya kapag natapos na ang gulo. Ibig kong sabihin, kung settled na. Kung magkakahiwalay kayo, e, di hiwalay kayo. Para tapos na, di ba?" pahayag ni Randy Santiago tungkol sa tanong kung gaano katagal makaka-recover ang kapatid na si Raymart Santiago sa kinahaharap nitong problema ngayon sa pagsasama nila ng asawang si Claudine Barretto.


Maliban sa isang maikling statement na ipinarating niya sa publiko noong July 30, wala nang naririnig mula kay Raymart Santiago kaugnay ng mga paratang laban sa kanya ng asawang si Claudine Barretto.

Kaya naman ang panganay na kapatid ng aktor na si Randy Santiago ang natatanong kapag nakakaharap ito ng media.

Gaya nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Randy sa birthday treat ni Mayor Herbert Bautista para sa entertainment press kahapon, August 6, sa Luxent Hotel, Timog Avenue, Quezon City.

“Okey naman si Raymart!” pahayag ni Randy nang kumustahin namin sa kanya si Raymart.

Nakakatuwa naman na kahit dapat ay ang idinirehe niyang pelikulang Raketeros ang pinag-uusapan, okey lang kay Randy na ang bunsong kapatid ang mas maging sentro ng panayam sa kanya.

“Basta, palabas na bukas [August 7] ang Raketeros, ha!” pabirong paalala niya.

ON RAYMART’S SILENCE. Binibiro nga raw ni Randy si Raymart na sumama at pumunta rin sa Luxent Hotel, pero tumanggi raw ito dahil tiyak na hihiritan siya ng mga naroong taga-media para ma-interview.

Ayon sa singer-director, “Last time na nagkausap kami, mga two days ago. Nagkikita naman kami lagi.

“Hindi siya sanay sa mga isyu-isyu o controversies.

"At bilang kuya niya, binibigyan ko na lang siya ng advice. Payuhan natin kung papa’nong ano… di ba?

“Ayaw niyang sumagot kasi. Ayaw niyang sumagot dahil… alam naman natin…

"I’m very sure na hindi naman magagawa ni Raymart yung mga nagiging akusasyon sa kanya, di ba?

“So, bilang pamilya niya, iyon na lang ang pinanghahawakan namin—yung tiwala ninyo kay Raymart na hindi niya kayang gawin ‘yon.”

MARITAL PROBLEMS. Hindi ba nila alam noon na may mga problemang pinagdadaanan sina Raymart at Claudine? Na nang malantad sa publiko ay nanatiling tahimik ang kapatid niya at maging ang pamilya Santiago?

“Actually, kung ang public ang magdya-judge, siyempre babae ‘yon, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kahit papaano, di ba... kahit papaano, alam naman nating maaari siyang paniwalaan," pagtukoy ni Randy sa hipag niyang si Claudine.

Dagdag niya, “Pero ang pinanghahawakan na lang natin ay yung tiwala ng industriya, ng movie industry… kung sino ang papanigan.

“Although, as much as possible, sana ma-settle nang maayos. Hindi naman kailangang magsiraan.

“Kung ayaw n’yo na talagang magsama, e, di huwag kayong magsama.”

Pero aware ba sila na may pinagdadaanan sina Raymart at Claudine ever since?

Sagot ni Raymart, “Siyempre, hindi naman natin alam kung ano ang pinagdadaanan nila dahil, unang-una siyempre, hindi naman tayo nakikialam, e.

“So, as much as possible, kanya-kanyang buhay. At kami lang e nakaalalay lang.”

Ibig niyang sabihin, nalalaman lang nila ang problema sa pagitan nina Raymart at Claudine through media?

“Hindi naman. Alam din namin, nararamdaman namin.

“Siyempre, bago naman lumabas ito, alam namin yung mga nagiging problema—through the years, ha!

“And we’re talking about seven… eight years,” pagtukoy ni Randy sa itinagal ng pagsasama nina Raymart at Claudine.

RAYMART’S CONDITION. Sa nakikita niya, paano naaapektuhan ngayon si Raymart ng mga usapin at problema?

Sagot ni Randy, “Si Raymart, very secretive ‘yan, e.

"At alam naman natin, in as much as mga kuya kami, siyempre kung nasasaktan man siya, daramdamin niya… kaya naman niya.

“Lalaki ‘yon, e.”

Honestly, hindi ba sumasama ang loob ng pamilya Santiago o nao-offend sa mga akusasyong ibinabato ngayon ni Claudine laban kay Raymart?

“Nakaka-offend siyempre," pag-amin ni Randy.

“Lalo na ang nanay ko, di ba? Alam naman natin na masakit para sa isang nanay na marinig mo na…

"Kasi, walang makapagsalita sa amin, e.

“Ako nga, in as much as gusto kong magsalita, ayoko ring magsalita.

“Kung anuman yung gusto ko ring sabihin na paunti-unti, iyon, naibabahagi ko kahit papaano.”

CHILD CUSTODY. Isa sa mga karagdagang issue na ipinupukol ngayon kay Raymart ay hindi raw nito dinadalaw ang mga anak nila ni Claudine.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi ba, binigyan siya ng TPO [Temporary Protection Order]?” buwelta naman ni Randy.

Pero bago pa raw ang paghahain ng TPO ni Claudine ay hindi na dinadalaw diumano ni Raymart ang mga anak nila?

“Hindi totoo ‘yon," pagtanggi ni Randy.

"Alam naman natin na very responsible si Raymart, di ba? At… alam nila ‘yon.”

Noong nag-birthday daw si Sabina ay wala si Raymart?

“Hindi natin alam ‘yon. Ayokong…

"Alam naman natin, pero kasi sila [Raymart and Claudine] ang dapat nagsasalita nun, e, kung bakit hindi nakarating. O bakit hindi pinapunta.

“Hindi natin alam.

“So, ‘yon lang.”

Ayon sa pinakahuling ulat, naghain na ng habeas corpus si Raymart sa korte para makuha ang kustodiya ng mga anak nila ni Claudine.

(Read: Raymart Santiago files for habeas corpus to get custody of children with Claudine Barretto)

SUPPORT FOR RAYMART. Paano nila sinusuportahan ngayon si Raymart?

“Pinapasaya namin siya,” sagot ni Randy.

Bumalik ba ito sa poder ng kanilang mommy?

“Paano-ano lang… palipat-lipat. Minsan nasa akin, minsan na kay Mommy.

“Siyempre magulo pa yung sitwasyon, e. Ayaw naman niyang mag-isa.”

Nag-attempt ba ang Santiago family to mediate at mapag-ayos sina Raymart at Claudine?

Sabi ni Randy, “Perennial problem. In other words, parang… nangyayari at nangyayari, e.

“Through the years, alam naman natin…

"Titira sa akin [si Raymart], tapos babalik dun kapag nagkabati,” sa bahay nila ni Claudine ang ibig tukuyin ni Randy.

CLOSE TO CLAUDINE. Naging malapit ba sa Santiago family si Claudine?

“Oo, si Claudine, napakalapit sa amin," patotoo ni Randy.

“Isipin mo, ha, asawa ni Dennis [Padilla] si Marjorie [Barretto, Claudine’s sister] nung dose anyos si Claudine.

“Ibig kong sabihin, lumaki sa amin si Claudine na kasa-kasama kami. Bago pa naging sila ni Raymart.

“Nagkaroon ng boyfriend noon si Claudine na nakikita ko. Nagkaroon ng girlfriend si Raymart na nakikita ko, nakakasama ko... until naging silang dalawa, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Paano mo sasabihing hindi naging close sa amin si Claudine?”

Kaya nasasaktan sila sa nangyayari ngayon kina Raymart at Claudine?

“Nasasaktan kami. Kasi si Claudine, pamilya namin.

"Hindi naman kami arti-artista, e—pami-pamilya kami.

“So, constantly, kapag nag-uusap kami, nasa isang buong pamilya lang. For… mga Christmases and all.

“Yung mga magulang niya, yung mga kapatid niya... we’re talking about Gretchen and Marjorie and the rest of… pati mga pamangkin.”

CHANGES IN RELATIONSHIP. Totoo ba na nitong nakalipas na dalawang taon ay nag-detach na si Claudine sa pamilya Santiago? Dahil nagkakaroon na nga ng problema sa pagsasama nito at ni Raymart?

Sabi ni Randy, “E, nasasakanila ‘yon. Kung dumaan man, okey lang sa amin.

“Si Raymart, mula nung ikinasal kay Claudine, yung mga Christmas nila, nandun sa kabila,” sa side ng mga Barretto ang ibig sabihin ni Randy.

“Nag-iba-iba na yung mga Christmases namin kasi may kanya-kanya na kaming pamilya, e.

“Nagsasama-sama lang kami kapag magdi-dinner lang for a while. Tapos uwian na sa sari-sariling pamilya.”

Sa pinagdadaanan ngayon ni Raymart, ano ang naging tingin ng pamilya Santiago kay Claudine?

“Katulad ng sinasabi ko, ayaw lang namin ng nakikialam sa sitwasyon nila.

“Pero yung… kung sinasabi mo, ayaw na namin? Hindi naman gano’n.

“Dahil, in time, kailangang mag-heal din ‘yan, e. Mag-usap sila na… tama na.

“Kung ayaw n’yo na talaga, e, di huwag na, di ba?

“Pero para magsiraan kayo, huwag naman.”

Gaano na katagal mula nang nakaharap at nakausap niya si Claudine?

“Matagal na,” sagot ni Claudine.

What if magkita sila one of these days?

“Hindi natin alam kung paano ang sitwasyon.

"Kunyari, it can happen na magkita kami sa… kasi diyan sa iisang supermarket kami naggu-grocery, do’n sa may Katipunan.

"It can happen.”

Makikiramdam lang ba siya in case magkita sila? Maghihintay kung babatiin siya ni Claudine o siya ang unang babati rito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Iyon ang hindi natin alam, kung babatiin niya ako.

“Pero kung kilala mo si Claudine, baka batiin niya ako. Hindi naman siya ganun na iisnabin ako.

“I don’t think she’ll do that—sa akin, ha!”



RANDY’S MARRIAGE. Si Randy ay tahimik ang pagsasama nila ng kanyang asawa na si Marilou Coronel.

Pero noong binata pa ang sikat na singer ay sinasabing siya ang pinaka-chickboy ang image sa mga Santiago brothers. Pero ngayon ay tila siya ang pinaka-stable ang buhay.

Sabi ni Randy tungkol dito, “Iyon ang nakakatuwa na… sacrifices, di ba?

“Maraming nakikita. Katulad ng… sa araw-araw na ginagawa mo, nakikita mo, ang dami-daming babae.

“Pero ano lang… malaking bagay ang may salamin!” sabay-tawang biro pa niya na ang tinutukoy ay ang pagsusuot niya ng shades.

“Siguro sa ano… sa age na rin. Nag-mature na rin tayo.”

Fifty-two years old na ngayon si Randy.

Si Raymart, sa tingin niya, gaano pa katagal bago maka-recover sa lahat ng pinagdadaanan nito ngayon?

Saad ni Randy, “Makaka-recover siya kapag natapos na ang gulo.

“Ibig kong sabihin, kung settled na.

"Kung magkakahiwalay kayo, e, di hiwalay kayo. Para tapos na, di ba?

“E, habang nandun yung wala pang nangyayari, siyempre parehong magulo ang magkabilang kampo.”

May mga nagsasabi na sa nangyayari ngayon, mukhang lumalabo ang tsansang magkabalikan o magkaayos pa sina Raymart at Claudine.

Ano ang komento rito ni Randy?

“Hindi po natin alam ‘yan. Bale nasa desisyon ng mag-asawa ‘yan kung gusto nila talagang maghiwalay na.

“E, ayaw nating manghimasok dahil sarili nilang damdamin iyon,” sagot niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN