Raymart Santiago and Claudine Barretto attend first hearing of habeas corpus filed by the actor

Muling nagharap ang mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto sa korte ngayong hapon, August 8, para sa pagdinig ng habeas corpus na isinampa ng aktor laban sa aktres.


Muling nagharap ang estranged couple na sina Raymart Santiago at Claudine Barretto sa isang hearing sa korte kaninang hapon, August 8.

Ito ay para sa kasong “Petition for Sole Custody of Minors/Application for the Issuance of A Writ of Habeas Corpus and Temporary Custody” na isinampa ni Raymart para makuha ang sole custody ng mga anak nila ni Claudine.

Ang pagdinig ay ginanap sa sala ni Judge Lorna Catris-Chua Cheng ng Branch 168 ng Marikina Regional Trial Court.

Halos magkasabay na dumating ang mag-asawa, pero si Raymart ang unang pumasok sa korte.

Sumunod si Claudine, kasama ang dalawang anak na sina Sabina at Santino, at ang abugado nitong si Atty. Ferdinand Topacio.

Mahigit isang oras dininig ang naturang kaso at pagkatapos nito ay naiwan sa chamber ang mag-asawa na humarap kay Judge Chua Cheng.

Nang lumabas ang abugado ni Raymart na si Atty. Peter Sanchez, tikom ang bibig nito nang tanungin ng media dahil sa gag order mula sa korte.

Nakangiti lang itong umupo sa labas ng korte, at sinabi na niya sa media na wala siyang puwedeng sabihin tungkol sa kaso.

“I’m sorry, I cannot discuss what happened inside the court,” tipid na sabi niya.

Tanong ng isang reporter: “Sir, you got what you wanted?”

Sagot ng abugado ni Raymart: “For today.”

Sinundan pa ng isang tanong: “Kanino pong pabor—kay Raymart o kay Claudine?”

Sagot ni Atty. Sanchez: “More of… we got what we wanted for today.”

Hindi na idinetalye ng abugado ni Raymart kung ano ang naging desisyon ng korte.

Simula pa lang daw ito at magkakaroon pa uli ng mga kasunod na hearing para sa kasong ito.



EXIT INTERVIEW. Unang lumabas ng korte si Raymart na nakangiti.

Sinabi nitong masaya siyang makita ang kanyang mga anak, pero ayaw niyang sagutin kung ano ang reaksiyon ng mga ito nang makita ang kanilang ama.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Masaya lang ako, nakita ko ang mga anak ko,” pahayag ni Raymart.

Matagal bago nakalabas si Claudine dahil sa media na nakaabang sa kanila. Ayaw raw nitong pakuhanan ng camera ang dalawang batang kasama niya.

Pagsakay ng kotse nina Sabina at Santino, nagsalita lang si Claudine sa reporters na ginagawa raw niya iyon para sa kanyang mga anak.

Dagdag ng aktres, sa mga anak daw siya humuhugot ng lakas.

“Magpa-file ako ng VAWC pagkatapos nito,” banggit pa ni Claudine.

Ang paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children ang tinutukoy ni Claudine na isasampa raw niya laban kay Raymart.

Wala nang ibang detalye na ibinigay ang mga abugado ng dalawang kampo—kung kailan ang kasunod na hearing o ano ang susunod na mangyayari—dahil mahigpit pa ring ipinagbabawal ang media na magku-cover ng naturang hearing.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN